2010–2019
“Kung Ako’y Inyong Iniibig, ay Tutuparin Ninyo ang Aking mga Utos”
Oktubre 2015


11:9

“Kung Ako’y Inyong Iniibig, ay Tutuparin Ninyo ang Aking mga Utos”

Ang mga kautusan ng Diyos ay pagpapakita ng pagmamahal Niya sa atin, at ang pagsunod sa Kanyang mga kautusan ay pagpapakita ng pagmamahal natin sa Kanya.

Nang iuwi ng panganay naming babae, si Jen, ang kanyang pangatlong anak na babae mula sa ospital, nagpunta ako sa bahay nila para tumulong. Nang pumasok na sa eskuwela ang kanyang panganay, naisip namin na kailangang makapagpahinga si Jen. Kaya ang pinakamagandang maitutulong ko ay iuuwi sa amin ang anak niyang si Chloe para makatulog nang maayos ang kanyang ina at ang bagong silang na kapatid.

Iniupo ko si Chloe at kinabitan ng seatbelt, pagkatapos ay nag-seatbelt din ako, at lumabas na kami ng garahe. Pero, bago kami makarating sa dulo ng kalsada, tinanggal ni Chloe ang kanyang seatbelt, tumayo, at kinausap ako! Ipinarada ko ang kotse sa gilid ng kalsada, bumaba, at kinabitan siyang muli ng seatbelt.

Umandar kaming muli pero hindi pa kami nakakalayo nang umalis na naman siya sa upuan. Inulit ko na naman ang ginawa ko, pero ngayon hindi pa man ako nakakapasok sa kotse para mag-seatbelt, nakatayo na agad ulit si Chloe!

Naupo na lang ako sa loob ng kotse, nakaparada sa gilid ng daan ang sasakyan, at pinakiramdaman kung sino sa amin ng tatlong-taong-gulang na batang ito ang masusunod. At siya ang nananalo!

Ginawa ko na ang lahat ng paraan para makumbinsi siya na mas maganda kung naka-seatbelt siya. Hindi siya kumbinsido! Sa huli sinubukan ko na ang estratehiya na kung susunod ka, heto ang kapalit.

Sabi ko, “Chloe, kung hindi ka magtatanggal ng seatbelt, pagdating natin sa bahay ng Lola, maglalaro tayo ng playdough.”

Walang sagot.

“Chloe, kung hindi ka magtatanggal ng seatbelt, gagawa tayo ng tinapay pagdating sa bahay ko.”

Walang sagot.

Sinubukan ko ulit. “Chloe, kung hindi ka magtatanggal ng seatbelt, dadaan tayo sa tindahan para bumili ng miryenda!”

Matapos ang tatlong pagtatangka, natanto ko na walang-saysay ito. Determinado siya, at kahit ano pang kapalit ay hindi siya makukumbinsi na manatiling naka-seatbelt.

Hindi kami puwedeng maupo maghapon sa loob ng kotse sa gilid ng kalsada, pero gusto kong sumunod sa batas at hindi ligtas na magmaneho nang nakatayo si Chloe. Tahimik akong nagdasal at narinig ang pagbulong ng Espiritu ng, “Turuan mo siya.”

Nilingon ko siya at tinanggal ang seatbelt ko para makita niya. Sabi ko, “Chloe, suot ko ang seatbelt na ito kasi proteksyon ito sa akin. Pero hindi ka naka-seatbelt, kaya wala kang proteksyon. Malulungkot ako kapag nasaktan ka.”

Tiningnan niya ako; nakita ko na unti-unti na niyang nauunawaan ang sinasabi ko habang sabik kong hinintay ang sagot niya. Sa wakas ay namilog ang kanyang asul na mga mata, at sabi niya, “Lola, gusto mo po akong mag-seatbelt kasi mahal mo po ako!”

Naramdaman ang Espiritu sa loob ng sasakyan nang sabihin ko sa kanya na mahal ko siya. Ayokong mawala ang pakiramdam na iyon, pero kailangan kong samantalahin ang pagkakataon kaya lumabas ako at kinabitan siya ng seat belt. At sinabi ko, “Chloe, diyan ka lang sa upuan mo, ha?” Nanatili nga siyang nakaupo—hanggang sa makarating kami sa tindahan para bumili ng miryenda! At hindi pa rin siya nag-alis ng seatbelt mula sa tindahan hanggang sa makauwi kami. Gumawa kami ng tinapay at naglaro ng play dough dahil hindi nakalimutan ni Chloe ang sinabi ko!

Habang nagmamaneho ako nang araw na iyon, isang talata ang naisip ko: “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.”1 Mayroon tayong mga tuntunin na nagtuturo, gumagabay, at nagpoprotekta sa mga bata. Bakit? Dahil sa malaking pagmamahal natin sa kanila. Ngunit hangga’t hindi nauunawaan ni Chloe na kaya gusto kong nakaupo siya sa sasakyan nang naka-seat belt ay dahil mahal ko siya, ayaw niyang sumunod dahil iniisip niya na hinihigpitan siya. Nadama niya na sa kanyang seat belt ay limitado ang kanyang kalayaan.

Tulad ni Chloe, maaaring isipin natin na nalilimitahan tayo ng mga kautusan. Maaaring isipin natin kung minsan na ang mga batas ng Diyos ay pagbabawal sa gusto nating gawin, inaalisan tayo ng kalayaan, at nililimitahan ang ating pag-unlad. Ngunit kapag hinangad nating mas makaunawa, kapag tinulutan natin na turuan tayo ng ating Ama, mauunawaan natin na ang Kanyang batas ay pagpapakita ng pagmamahal Niya sa atin at ang pagsunod sa Kanyang mga batas ay pagpapakita ng pagmamahal natin sa Kanya.

Kung kayo rin ay tila nakaparada sa gilid ng kalsada, maaari ko bang imungkahi ang ilang alituntunin na, kung susundin, ay tutulong sa inyo na makabalik nang ligtas sa “landas ng pananampalataya [at pagsunod]”?2

Una, magtiwala sa Diyos. Magtiwala sa walang hanggang plano ng Diyos para sa inyo. Bawat isa sa atin ay “minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit.” Ang kanilang pagmamahal ay malinaw na makikita sa mga kautusan. Ang mga kautusan ay mahahalagang tagubilin na nagtuturo, gumagabay, at nagpoprotekta sa atin habang tayo ay “[nagtatamo] ng karanasan sa mundo.”3

Sa “buhay bago pa ang buhay sa mundo” ginamit natin ang kalayaan nating pumili sa pagtanggap sa plano ng Diyos,4 at natutuhan natin na ang pagsunod sa walang hanggang batas ng Diyos ay mahalaga para magtagumpay tayo sa Kanyang plano. Itinuturo ng mga banal na kasulatan na, “May isang batas, hindi mababagong utos sa langit bago pa ang pagkakatatag ng daigdig na ito, kung saan ang lahat ng pagpapala ay nakasalalay.”5 Kung susundin natin ang batas, tatanggapin natin ang mga pagpapala.

Sa kabila ng lahat ng pagkakamali, oposisyon, at pag-aaral na kaakibat ng ating mortal na karanasan, hindi kailanman nalilimutan ng Diyos ang ating walang-hanggang potensyal, kahit nalilimutan natin ito. Mapagkakatiwalaan natin Siya “dahil nais ng Diyos na makabalik ang Kanyang mga anak.”6 At Siya ay naglaan ng paraan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Ang Pagbabayad-sala “ang sentro ng plano ng kaligtasan.”7

Pangalawa, magtiwala kay Jesus. Ang pinakamatinding pagpapahayag ng pagsunod at pagmamahal ay ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sa pagsunod Niya sa kalooban ng Ama, ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa atin. Sabi niya, “Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay magsisipanahan kayo sa aking pagibig; gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng aking Ama, at ako’y nananatili sa kaniyang pagibig.”8

Itinuro din ni Jesus:

“Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo.

“Ito ang dakila at pangunang utos.

“At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.”9

Tuwing Linggo may pagkakataon tayong isipin at alalahanin ang dalisay na pagmamahal ng ating Tagapagligtas kapag tumatanggap tayo ng mga simbolo ng Kanyang walang hanggang Pagbabayad-sala. Sa oras ng sakramento, pinagmamasdan ko ang pag-unat ng mga kamay at bisig para ipasa ang tubig at tinapay. At sa pag-unat ng aking bisig at pakikibahagi, ako ay nakikipagtipan na handa akong taglayin ang Kanyang pangalan upang lagi Siyang alalahanin, at susundin ang Kanyang mga kautusan. At nangako Siya “[na] sa tuwina ay [mapapasaatin] ang Kanyang Espiritu upang makasama [natin].”10

Pangatlo, magtiwala sa mga bulong ng Espiritu. Naaalala ba ninyo na noong kasama ko si Chloe ay may ibinulong na isang banal na kasulatan sa akin ang Espiritu? Ito ay ang Juan 14:15: “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.” At kasunod ang mahahalagang talatang ito:

“Ako’y dadalangin sa Ama, at kayo’y bibigyan niya ng ibang Mangaaliw, upang siyang suma inyo magpakailan man,

“Sa makatuwid baga’y ang Espiritu ng katotohanan; na hindi matatanggap ng sanglibutan; sapagka’t hindi nito siya nakikita, ni nakikilala man siya: siya’y nakikilala ninyo; sapagka’t siya’y tumatahan sa inyo, at sasa inyo.”11

Bawat karapat-dapat, nakumpirmang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay may karapatan sa patnubay ng Espiritu Santo. Malaki ang maidaragdag ng pag-aayuno, panalangin, pag-aaral ng banal na kasulatan, at pagsunod sa kakayahan nating marinig at madama ang mga paramdam ng Espiritu.

Kapag ang inyong isipan ay puno ng pagdududa at kaguluhan, isusugo ng Ama at ng Anak ang Espiritu Santo para balaan at gabayan kayo upang ligtas na makapaglakbay sa kabila ng mga panganib sa buhay na ito. Tutulungan Niya kayong makaalala, papanatagin kayo, at pupunuin kayo ng “pag-asa at ganap na pag-ibig.”12

Pang-apat, magtiwala sa payo ng mga buhay na propeta. Ang ating Ama ay naglaan ng paraan upang marinig natin ang Kanyang salita at malaman ang Kanyang batas sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Sinabi ng Panginoon, “Ang aking salita ay … matutupad na lahat, maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa.”13

Kamakailan, pinayuhan tayo ng mga buhay na propeta na “alalahanin ang araw ng sabbath upang ipangilin,”14 at ipamuhay ang batas ng ayuno. Ang pagsunod sa payong ito ng propeta ay nagbigay-daan para maging masunurin tayo sa utos ng Diyos na mahalin Siya at ang ating kapwa habang pinalalago natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo at iniaabot ang ating mga kamay upang magmahal at magmalasakit sa iba.15

May kaligtasan sa pagsunod sa mga salita ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Tinawag ng Diyos si Pangulong Thomas S. Monson, ang mga tagapayo sa Unang Panguluhan, at ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Sa mundong ito na lalo pang napupuno ng takot, panggagambala, paghihirap, at galit, maaari natin silang pagmasdan kung paano sila tumutugon, nagsasalita, at kumikilos bilang mga disipulo ni Jesucristo—na puspos ng pag-ibig—sa mga problema na maaaring magdulot ng kaguluhan. Sila ay nagpapatotoo kay Jesucristo at tumutugon nang may pag-ibig sa kapwa-tao, ang dalisay na pag-ibig ni Jesucristo, na kanilang binibigyang-saksi.

Matapos ang karanasan ko kay Chloe, sinaliksik ko ang mga talata sa banal na kasulatan na nagsasaad ng mga kautusan at pagmamahal. Marami akong nakita. Bawat isa sa mga talatang ito ay nagpapaalala sa atin na ang Kanyang mga kautusan ay pagpapakita ng pagmamahal Niya sa atin, at ang pagsunod sa Kanyang mga kautusan ay pagpapakita ng ating pagmamahal sa Kanya.

Pinatototohanan ko na kapag nagtiwala tayo sa Diyos, na ating Amang Walang Hanggan; nagtiwala sa Kanyang Anak, na si Jesucristo, at nanalig sa Kanyang Pagbabayad-sala; nagtiwala sa mga pagbulong ng Espiritu; at nagtiwala sa payo ng mga buhay na propeta, makakaalis tayo sa gilid ng daan at matiwasay na magpapatuloy—hindi lamang magtitiis kundi magagalak sa ating paglalakbay pauwi. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.