2010–2019
Ang Kasiya-siyang Salita ng Diyos
Oktubre 2015


11:18

Ang Kasiya-siyang Salita ng Diyos

Ang kasiya-siyang salita ng Diyos na ibinahagi namin ngayon ay nagpapakita sa atin na kailangan ang patuloy na pagsisisi sa ating buhay upang mapanatili natin ang impluwensya ng Espiritu Santo hangga’t maaari.

Marami sa atin ang nakibahagi sa kumperensyang ito “upang makinig sa kasiya-siyang salita ng Diyos, oo, ang salitang humihilom sa sugatang kaluluwa” (Jacob 2:8). Ang salitang iyan ay matatagpuan sa mga banal na kasulatan at sa mga mensahe mula sa ating mga lider, na naghahatid sa atin ng pag-asa at kapanatagan sa matinding paghihirap.

Sa mga naranasan natin sa buhay, nalaman natin na ang kagalakan sa mundong ito ay hindi lubos, ngunit kay Jesucristo ang ating kagalakan ay lubos (tingnan sa D at T 101:36). Bibigyan Niya tayo ng lakas upang hindi natin danasin ang anumang paghihirap maliban kung mapuno sila sa kagalakan dahil sa Kanya (tingnan sa Alma 31:38).

Ang ating puso ay maaaring mapuno ng dalamhati kapag nakita natin na nahihirapan ang taong mahal natin dahil sa malubhang sakit.

Ang pagkamatay ng isang taong mahal natin ay maaaring mag-iwan sa ating kaluluwa ng matinding kalungkutan.

Kapag lumihis ang ilan sa ating mga anak mula sa landas ng ebanghelyo, maaaring sisihin natin ang ating sarili at makadama ng kawalang-katiyakan tungkol sa kanilang walang hanggang tadhana.

Ang pag-asam na makasal sa templo at magkaroon ng pamilya sa buhay na ito ay maaaring unti-unting maglaho sa paglipas ng panahon.

Ang pang-aabuso ng mga taong inakala nating nagmamahal sa atin ay maaaring mag-iwan ng malalim at masakit na sugat sa ating kaluluwa.

Ang pagtataksil ng asawa ay maaaring sumira sa ugnayang inasam natin na magiging walang hanggan.

Ang mga ito at marami pang ibang paghihirap na likas sa buhay na ito ay nagiging dahilan kaya naitatanong din natin kung minsan ang itinanong ni Propetang Joseph Smith: “O Diyos, nasaan kayo?” (D at T 121:1).

Sa mahihirap na sandaling iyon sa ating buhay, ang kasiya-siyang salita ng Diyos na humihilom sa sugatang kaluluwa ay naghahatid ng sumusunod na mensahe ng kapanatagan sa ating puso at isipan:

“Kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa; ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang;

“At muli, kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas” (D at T 121:7–8).

Pinupuspos tayo ng pag-asa ng kasiya-siyang salita ng Diyos, batid na ang matatapat sa oras ng paghihirap ay magkakaroon ng malaking gantimpala sa kaharian ng langit at na “pagkatapos ng maraming kapighatian darating ang mga pagpapala” (tingnan sa D at T 58:3–4).

Ang kasiya-siyang salita ng Diyos, na ipinahayag sa pamamagitan ng mga propeta, ay nagbibigay sa atin ng katiyakan na ang ating walang-hanggang pagbubuklod, na nilakipan ng katapatan sa mga banal na pangako na ibinigay sa atin para sa ating masigasig na paglilingkod dahil sa katotohanan, ay magpapala sa atin at sa ating mga inapo (tingnan sa Orson F. Whitney, sa Conference Report, Abr. 1929, 110).

Binibigyan din tayo nito ng katiyakan na, pagkatapos nating mamuhay nang tapat, hindi mawawala sa atin ang anumang mga pagpapala dahil hindi natin nagawa ang mga bagay na hindi naman tayo nabigyan ng pagkakataong magawa. Kung namuhay tayo nang tapat hanggang sa pumanaw tayo, matatamo natin ang “lahat ng pagpapala, kadakilaan at kaluwalhatian na makakamtan ng sinumang lalaki o babae [na nagkaroon ng ganyang pagkakataon].” (Tingnan sa The Teachings of Lorenzo Snow, ed. Clyde J. Williams [1984], 138.)

Ngayon, mahalagang maunawaan na ang mga pagdurusa at paghihirap ay maaari ding dumating sa ating buhay kung hindi tayo tunay na nagsisisi sa ating mga kasalanan. Itinuro ni Pangulong Marion G. Romney: “Karamihan sa mga pagdurusa at paghihirap na tiniis ng mga tao sa mundong ito ay bunga ng hindi pagsisisi at patuloy na pagkakasala. … Tulad ng pagdurusa at kalungkutan na bunga ng mga kasalanan, ang kaligayahan at kagalakan ay bunga ng kapatawaran ng kasalanan“ (sa Conference Report, Abr. 1959, 11).

Bakit ang kawalan ng pagsisisi ay nagdudulot ng pagdurusa at pighati?

Ang isa sa mga posibleng sagot ay na “may kaparusahang kaakibat, at isang makatarungang batas na ibinigay, na nagdadala ng taos na paggigiyagis ng budhi ng tao” (Alma 42:18; tingnan din sa talata 16). Itinuro ni Propetang Joseph Smith na tayo ang nagpapahirap at sumusumpa sa ating sarili at iyan ang pighati ng pagkabigo sa isipan ng tao na kasing-tindi ng isang lawang nagniningas sa apoy at asupre (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 261).

Kung tatangkain nating panatagin ang ating konsiyensya sa pagsisikap na “bigyang-katwiran ang [ating] sarili sa pinakamaliit na punto nang dahil sa [ating] mga kasalanan” (Alma 42:30) o itago ang mga ito, ang tanging bagay na nagawa natin ay pagdalamhatiin ang Espiritu (tingnan sa D at T 121:37) at ipagpaliban ang ating pagsisisi. Ang ganitong uri ng kapanatagan, maliban sa pansamantala lamang, ay magdadala sa huli ng mas matinding pighati at lungkot sa ating buhay at mawawala ang posibilidad na mapatawad tayo sa ating mga kasalanan.

Para sa ganitong uri ng paghihirap, ang kasiya-siyang salita ng Diyos ay nagdudulot din ng kapanatagan at pag-asa; sinasabi nito sa atin na may kapanatagan mula sa pighati na dulot ng mga epekto ng kasalanan. Ang kapanatagang ito ay nagmumula sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo at magkakaroon ito ng epekto kung mananampalataya tayo sa Kanya, magsisisi, at susunod sa Kanyang mga kautusan.

Mahalagang maunawaan natin na tulad ng pagpapatawad sa mga kasalanan, ang pagsisisi ay isang proseso at hindi isang bagay na nangyayari sa isang partikular na sandali. Kailangan dito ang palagiang pagsunod sa bawat hakbang nito.

Halimbawa, kapag nakikibahagi tayo ng sakramento, ipinakikita natin sa Panginoon na aalalahanin natin Siya at susundin ang Kanyang mga kautusan. Iyan ay nagpapakita ng ating tapat na layunin.

Sa sandaling simulan natin Siyang alalahanin at sundin ang Kanyang mga kautusan araw-araw—at hindi lamang sa araw ng Sabbath—diyan nagsisimula na unti-unting magkaroon ng epekto ang kapatawaran sa ating mga kasalanan at magsisimulang matupad ang pangako Niya na mapapasaatin ang Kanyang Espiritu.

Kung walang wastong pagsunod na dapat kalakip ng ating hangarin, ang epekto ng kapatawaran ay maaaring maglaho kaagad at unti-unting lalayo ang Espiritu. Maaaring magawa natin na papurihan Siya ng ating mga labi, samantalang inilalayo ang ating mga puso sa Kanya (tingnan sa 2 Nephi 27:25).

Bukod pa sa kapanatagan, ang kasiya-siyang salita ng Diyos ay nagbabala sa atin na ang prosesong ito tungkol sa pagtanggap ng kapatawaran sa ating mga kasalanan ay maaaring matigil kapag nasangkot tayo “sa mga walang kabuluhang bagay ng daigdig,” at ito ay maibabalik lamang sa pamamagitan ng pananampalataya kung taos-puso tayong magsisisi at magpapakumbaba (tingnan sa D at T 20:5–6).

Ano ang ilan sa mga walang kabuluhang bagay na iyon na maaaring humadlang sa pagtanggap ng kapatawaran sa ating mga kasalanan at nauugnay sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath?

Kabilang sa ilang halimbawa ang pagdating nang huli sa sacrament meeting nang walang makatwirang dahilan, nang hindi sinusuri ang sarili, upang kumain ng tinapay at uminom sa saro nang hindi karapat-dapat (tingnan sa I Mga Taga Corinto 11:28); at dumating nang hindi muna ipinagtatapat ang ating mga kasalanan at humihingi sa Diyos ng kapatawaran para sa mga ito.

Ang iba pang mga halimbawa ay: hindi pagpipitagan dahil sa pagpapalitan ng mga mensahe sa mga electronic device, pag-alis sa miting matapos makibahagi sa sakramento, at paggawa ng mga bagay sa ating mga tahanan na hindi angkop sa sagradong araw na iyon.

Ano kaya ang isa sa mga dahilan kung bakit, sa kabila ng alam natin ang lahat ng bagay na ito, ay madalas nating hindi mapanatiling banal ang araw ng Sabbath?

Sa aklat ni Isaias, makikita natin ang sagot, bagama’t may kinalaman ito sa araw ng Sabbath, ay angkop din sa iba pang mga kautusan na dapat nating sundin: “Iyong iurong ang iyong paa sa sabbath, sa paggawa ng iyong kalayawan sa aking banal na kaarawan” (Isaias 58:13).

Ang mahalagang salita ay “iurong … sa paggawa ng iyong kalayawan”, o sa madaling salita, ginagawa ang kalooban ng Diyos. Kadalasan, ang ating kalooban—na naiimpluwensyahan ng mga pagnanasa, hilig, at silakbo ng damdamin ng likas na tao—ay salungat sa kalooban ng Diyos. Itinuro ni Propetang Brigham Young na “kapag ang kalooban, gawi, at damdamin ng isang tao ay lubos na nagpasakop sa Diyos at sa Kanyang mga hinihingi, ang taong iyon ay napapabanal.—Gayon nga, upang ang aking kalooban ay mapasakop sa kalooban ng Diyos, na sakay sa akin sa lahat ng mabuti, at sa huli ay magpuputong sa akin ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan” (Deseret News, Set. 7, 1854, 1).

Ang kasiya-siyang salita ng Diyos ay nag-aanyaya sa atin na gamitin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala sa ating sarili at mapasakop sa Kanyang kalooban—at hindi sa kagustuhan ng diyablo at ng laman—upang tayo, sa pamamagitan ng Kanyang biyaya, ay maaaring maligtas (tingnan sa 2 Nephi 10:24–25).

Ang kasiya-siyang salita ng Diyos na ibinahagi namin ngayon ay nagpapakita sa atin ng pangangailangang patuloy na magsisi sa ating buhay upang mapanatili natin ang impluwensya ng Espiritu Santo hangga’t maaari.

Kapag nasa atin ang Espiritu nagiging mas mabubuting tao tayo. Ito ay “[bubulong] ng kapayapaan at galak sa [ating] kaluluwa, at papalisin nito ang masamang hangarin, pagkamuhi, inggit, alitan, at lahat ng kasamaan sa [ating] mga puso; at ang hahangarin lamang [natin] ay gumawa ng kabutihan, maging makatwiran, at itatag ang kaharian ng Diyos” (tingnan sa Mga Turo: Joseph Smith, 114–15).

Sa impluwensya ng Espiritu Santo, hindi tayo magdaramdam, ni sasaktan ang damdamin ng iba; tayo ay magiging mas masaya, at ang ating isipan ay magiging mas malinis. Ang pagmamahal natin sa iba ay mag-iibayo. Magiging mas handa tayong magpatawad at magpalaganap ng kaligayahan sa mga nakapaligid sa atin.

Tayo ay magpapasalamat para sa pag-unlad ng iba, at hahanapin natin ang mabuti sa iba.

Dalangin ko na maranasan natin ang galak na nagmumula sa pagsisikap na mamuhay sa kabutihan at na mapanatiling kasama natin ang Espiritu Santo sa ating buhay sa pamamagitan ng tapat at patuloy na pagsisisi. Tayo ay magiging mas mabubuting tao, at pagpapalain ang ating mga pamilya. Pinatototohanan ko ang mga alituntuning ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.