Ako ay Namangha
Ang aking patotoo tungkol kay Jesucristo ay nabuo dahil sa maraming espesyal na karanasan kung saan nalaman ko ang Kanyang malaking pagmamahal para sa bawat isa sa atin.
Mahal kong mga kapatid sa buong mundo, labis akong nagpapasalamat sa Unang Panguluhan sa pag-anyaya sa akin na ibahagi ang aking hamak na patotoo ngayong araw ng Sabbath. Nakalarawan sa mga titik ng isang paboritong himnong LDS ang nadarama ko ngayon:
Ako ay namangha sa pag-ibig ni Jesus,
Humanga sa pagpapalang alay N’yang lubos. …
Mula sa banal na luklukan S’ya’y bumaba
Upang iligtas ang ’sang tulad kong may sala,
Na dahil sa ’kin S’ya’y ’pinako at namatay,
Sa akin S’ya’y nagdusa’t nag-alay ng buhay. …
O kahanga-hanga para sa akin!1
Ilang araw lang ang nakararaan nagkaroon ako ng malaking pribilehiyong makausap ang Unang Panguluhan at tanggapin ang tawag na ito mula sa ating mahal na propetang si Pangulong Thomas S. Monson. Nais kong patotohanan sa inyong lahat ang lakas at pagmamahal ni Pangulong Monson nang sabihin niya sa akin, “Ang tawag na ito ay nagmumula sa Panginoong Jesucristo.”
Lubha akong nanghina at nanginig para isipin pa ang kahalagahan at kabuluhan ng mga salitang iyon na magiliw na binigkas ng ating mapagmahal na propeta. Pangulong Monson, Pangulong Eyring, Pangulong Uchtdorf, mahal ko kayo at paglilingkuran ko ang Panginoon at kayo nang buong puso, kakayahan, isipan, at lakas.
Minahal ko nang husto si Pangulong Boyd K. Packer at sina Elder L. Tom Perry at Elder Richard G. Scott. Nangungulila ako sa kanila. Pinagpala akong masanay at maturuan ng mahal na mga Kapatid na ito. Hindi ako karapat-dapat pumalit sa kanilang lugar, subalit karangalan kong makasama sila sa korum at magpatuloy sa ministeryo ng Panginoon.
Kapag iniisip ko ang mga taong nakatulong para marating ko ang kinalalagyan ko ngayon, una kong naiisip ang aking magiliw at di-makasariling kabiyak hanggang kawalang-hanggan na si Melanie. Sa paglipas ng mga taon, natulungan niya akong mahubog na parang luad ng magpapalayok para maging mas mahusay na disipulo ni Jesucristo. Ang pagmamahal at suporta niya, at ng aming 5 anak, ng mga asawa nila, at ng aming 24 na apo, ay nagpapalakas sa akin. Sa aking mahal na pamilya, mahal ko kayo.
Gaya ni Nephi noong araw, isinilang ako sa butihing mga magulang at pinalaki sa ebanghelyo at sila rin anim na henerasyon na ang nakararaan. Ang pinakauna kong mga ninuno na sumapi sa Simbahan ay nagmula sa England at Denmark. Ibinigay ng naunang mga pioneer na ito ang lahat-lahat para sa ebanghelyo ni Jesucristo at para mag-iwan ng pamana sa susunod nilang mga inapo. Lubos akong nagpapasalamat sa maraming henerasyon ng pamilyang LDS, at alam ko na ito ay isang marapat na mithiin na dapat pagsumikapan ng lahat.
Marami pang ibang nakatulong sa paghahanda sa buhay ko para sa bagong tungkuling ito. Kasama rito ang mga kaibigan ko noong bata pa ako at mga kapamilya, lider, guro, at habambuhay na mga tagapayo. Kailangan kong isama ang mga kasamahan ko sa misyon sa estado sa silangan at ang pinakamamahal naming mga missionary mula sa New York New York North Mission. Para sa marami na nakaimpluwensya at humubog sa buhay ko, labis akong nagpapasalamat.
Itinatangi ko ang paglilingkod na kasama ang aking mga Kapatid sa Pitumpu. Sa loob ng 15 taon nakapunta na ako sa isa sa pinakamagagaling na korum at mapagmahal na kapatiran sa Simbahan. Salamat, mahal kong mga kapwa-tagapaglingkod. Ngayo’y inaasam kong makabilang sa isang bagong korum. Pangulong Russell M. Nelson, mahal na mahal ko kayo at ang bawat miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol.
Kami ni Sister Rasband ay napagpalang mabisita ang mga miyembro sa maraming tungkulin sa kongregasyon at misyon sa buong mundo. Mahal namin ang mga Banal sa mga Huling Araw sa lahat ng dako! Napag-ibayo ng inyong pananampalataya ang aming pananampalataya; naragdagan ng inyong patotoo ang aming patotoo.
Kung makakapag-iwan ako ng maikling mensahe sa inyo ngayon, ito iyon: sinabi na ng Panginoon, “Kayo’y mangag-ibigan sa isa’t isa; na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangag-ibigan naman kayo sa isa’t isa.”2 Tiwala ako na walang pasiya, kasalanan, o pagkakamali kayong magagawa o ang sinuman na hindi babaguhin ang Kanyang pagmamahal sa inyo o sa kanila. Hindi ibig sabihin ay pinatatawad o pinalalagpas Niya ang makasalanang gawi—sigurado akong hindi—kundi ibig sabihin ay mapagmahal nating tulungan ang ating kapwa na mag-anyaya, maghikayat, maglingkod, at sumagip. Hindi alintana ni Jesucristo ang lahi, ranggo, at sitwasyon ng mga tao para ituro sa kanila ang malalim na katotohanang ito.
Ilang beses na ako natanong kung kailan ako nagkaroon ng patotoo.
Hindi ko maalala na hindi ako naniwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Minahal ko na Sila simula nang malaman ko ang tungkol sa Kanila sa kandungan ng aking ina na itinuturing kong anghel, sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan at sa mga kuwento ng ebanghelyo. Ang paniniwala kong iyon noon ay naging kaalaman at patotoo na ngayon tungkol sa mapagmahal na Ama sa Langit, na nakikinig at sumasagot sa ating mga dalangin. Ang aking patotoo tungkol kay Jesucristo ay nabuo dahil sa maraming espesyal na karanasan kung saan nalaman ko ang Kanyang malaking pagmamahal para sa bawat isa sa atin.
Nagpapasalamat ako sa Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas at nais kong isigaw iyan na gaya ni Alma na kasabay ng trumpeta ng Diyos.3 Alam ko na si Joseph Smith ay propeta ng Panunumbalik ng Diyos at na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos. Alam ko na si Pangulong Thomas S. Monson ang tunay na lingkod at propeta ng Diyos sa lupa ngayon.
Sa pagsunod natin sa ating propeta, dalangin ko na nawa’y magkaroon tayo ng pag-ibig sa ating puso para sa iba at na maging buhay na saksi tayo at tunay na “mamangha sa pag-ibig ni Jesus [sa atin].” Ah, ito nawa’y maging “kahanga-hanga para sa [inyo at sa] akin.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.