2010–2019
Mga Matang Nakakakita at mga Taingang Nakaririnig
Oktubre 2015


10:10

Mga Matang Nakakakita at mga Taingang Nakaririnig

Kung tayo ay aasa kay Cristo at bubuksan ang ating mga mata at ating mga tainga, tutulungan tayo ng Espiritu Santo na makita na gumagawa ang Panginoong Jesucristo sa ating buhay.

Sa Kanyang mortal na ministeryo, mahimalang pinagaling ni Jesus ang maraming tao at nagturo nang may awtoridad at kapangyarihan kung kaya’t sinabi sa mga banal na kasulatan na, “Lumaganap ang pagkabantog niya sa buong Siria … at sinundan siya ng lubhang karamihang tao.”1

Hindi Siya tinanggap ng ilang nakakita ng Kanyang pagpapagaling at nakarinig ng Kanyang pagtuturo. Ang iba’y nagsisama sa Kanya noong una, ngunit iniwan din Siya kalaunan.2 Ang Panginoong Jesucristo ay nasa harapan nila, ngunit hindi nila nakita kung sino Siya talaga. Sila ay mga bulag, at pinili nilang lumayo. Patungkol sa kanila, sinabi ni Jesus:

“Pumaroon ako sa sariling akin at hindi ako tinanggap ng sariling akin.”3

“Mahirap na makarinig ang kanilang mga tainga, at kanilang ipinikit ang kanilang mga mata.”4

Gayunpaman, maraming kalalakihan at kababaihan, pati na ang Kanyang matatapat na Apostol, ang isinentro ang kanilang buhay sa Kanya. Kahit nahihirapan silang iwasan ang panunukso ng mundo, kahit hindi nila ganap na maunawaan ang Kanyang itinuro, at kahit natatakot pa, naniwala sila sa Kanya, minahal nila Siya, at sinunod.

Hinggil sa kanila, sinabi ni Jesus, “Mapapalad ang inyong mga mata, sapagka’t nangakakakita; at ang inyong mga tainga, sapagka’t nangakakarinig.”5

Bago naganap ang Kanyang pagdurusa sa Getsemani at sa Kalbaryo, ito ang napakagandang ipinangako ni Jesus sa Kanyang mga disipulo: “Ang sa akin ay sumasampalataya, ay gagawin din naman niya ang mga gawang aking ginagawa; at lalong dakilang mga gawa kay sa rito ang gagawin niya; sapagka’t ako’y paroroon sa Ama.”6

Tinupad ni Jesus ang pangakong iyan: simula sa araw ng Pentecostes, ang mga disipulo ay bininyagan sa apoy at sa Espiritu Santo.7 Sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, at pagsunod, ang Espiritu Santo ang kanilang naging kasama, bumago ng kanilang mga puso, at nagbigay sa kanila ng matibay na patotoo tungkol sa katotohanan.

Ang mga kaloob at pagpapalang ito ay nagpatatag sa mga disipulo ng Panginoon. Bagama’t sila ay nabuhay sa mapanganib at magulong panahon, tumanggap sila ng espirituwal na kaloob na mga matang nakakakita at mga taingang nakaririnig. Sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, nagsimula nilang makita ang katotohanan ng mga bagay kung ano talaga ang mga ito, lalo na ang tungkol sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang gawain sa kanila.8 Pinalawak ng Espiritu Santo ang kanilang pang-unawa, at kanilang narinig ang tinig ng Panginoon nang mas malinaw. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay tumimo nang malalim sa kanilang mga puso.9 Sila ay matapat at masunurin.10 Ipinangaral nila ang ebanghelyo nang may tapang at kapangyarihan at pinatatag ang kaharian ng Diyos.11 Nagkaroon sila ng galak sa Panginoong Jesucristo.

Marami tayong pagkakatulad sa matatapat na kalalakihan at kababaihang iyon sa kalagitnaan ng panahon. Tayo rin ay nabubuhay sa panahon na gumagawa ng himala ang Panginoong Jesucristo sa atin—kabilang na ang pagpapagaling ng maysakit, paglilinis sa atin mula sa kasalanan, pagbabago sa ating mga puso, at pagbibigay ng pagkakataong maligtas ang mga anak ng Diyos buhay man o patay. Sa ating panahon tayo rin ay may mga buhay na propeta at apostol, kapangyarihan ng priesthood, espirituwal na kaloob, at mga sagradong pagpapala ng mga ordenansa ng kaligtasan.

Ang ating panahon ay mapanganib na panahon—panahon ng matinding kasamaan at tukso, panahon ng kalituhan at kaguluhan. Sa mapanganib na panahong ito, ang propeta ng Panginoon sa lupa, si Pangulong Thomas S. Monson, ay inatasan tayong sagipin ang sugatang mga kaluluwa,12 manindigan sa katotohanan nang may tapang,13 at itayo ang kaharian ng Diyos.14 Anumang antas ng espirituwalidad o pananampalataya o pagsunod ang taglay natin ngayon, hindi nito sapat na matutugunan ang mga naghihintay na gawain. Kailangan natin ng mas malakas na espirituwal na liwanag at kapangyarihan. Kailangan natin ng mga mata na mas malinaw na nakakakita ng mga ginagawa ng Tagapagligtas sa ating buhay at ng mga tainga na nakaririnig sa Kanyang tinig nang mas malalim sa ating puso.

Ang kagila-gilalas na pagpapalang ito ay dumarating kapag binuksan natin ang ating puso at tatanggapin,15 tunay na tatanggapin, ang Panginoong Jesucristo, ang Kanyang doktrina, at Kanyang Simbahan sa ating buhay. Hindi tayo kailangang maging perpekto, ngunit kailangan nating maging mabuti at mas magpakabuti pa. Kailangan nating sikaping ipamuhay ang malinaw at simpleng mga katotohanan ng ebanghelyo. Kung ating tataglayin ang pangalan ni Cristo, kikilos nang may pananampalataya sa Kanya upang magsisi sa ating mga kasalanan, sumunod sa Kanyang mga kautusan, at lagi Siyang aalalahanin, mapapasaatin ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng awa at biyaya ni Jesucristo.

Sa simpleng pagsunod, madarama natin sa ating puso ang Espiritu. Sa ating tahanan nananalangin tayo nang may pananampalataya, sinasaliksik ang mga banal na kasulatan, at pinapanatiling banal ang araw ng Sabbath. Sa ating mga chapel, tumatanggap tayo ng sakramento at gumagawa ng mga banal na pangako sa ating Ama sa Langit sa pangalan ni Cristo. Sa banal na templo ginagawan natin ng mga sagradong ordenansa ang ating mga kapatid na lalaki at babae na sumakabilang-buhay na. Sa ating pamilya at sa mga gawaing ibinigay sa atin ng Panginoon, tinutulungan natin ang iba, pinagagaan ang kanilang mga pasanin at inaanyayahan silang lumapit kay Cristo.

Mga kapatid, alam ko na kung gagawin natin ang mga bagay na ito, darating ang Espiritu Santo! Tayo ay uunlad sa espirituwal at matututo sa Espiritu Santo, at Siya ay ating makakasama. Kung tayo ay aasa kay Cristo at bubuksan ang ating mga mata at ating mga tainga, tutulungan tayo ng Espiritu Santo na makita natin ang ginagawa ng Panginoong Jesucristo sa ating buhay, pinalalakas ang ating pananampalataya sa Kanya nang may katiyakan at katibayan. Mas makikita natin ang lahat ng ating mga kapatid kung paano sila nakikita ng Diyos, nang may pagmamahal at habag. Maririnig natin ang tinig ng Tagapagligtas sa mga banal na kasulatan, sa mga bulong ng Espiritu, at sa mga salita ng mga buhay na propeta.16 Makikita natin ang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta at sa lahat ng lider ng Kanyang tunay at buhay na Simbahan, at malalaman natin nang may katiyakan na ito ay banal na gawain ng Diyos.17 Makikita at maunawaan natin ang ating sarili at ang mundong ating ginagalawan kung paano ito nakikita ng Tagapagligtas. Magkakaroon tayo ng tinatawag ni Apostol Pablo na “pagiisip ni Cristo.”18 Magkakaroon tayo ng mga matang nakakakita at mga taingang nakaririnig, at itatayo natin ang kaharian ng Diyos.

Ang buhay ay maaaring mahirap, nakalilito, puno ng pasakit, at nakapanghihina ng loob. Pinatototohanan ko na sa pamamagitan ng patnubay ng Espiritu Santo, ang liwanag ng ebanghelyo ni Jesucristo ay mararamdaman ninyo sa kabila ng kaguluhan, pasakit, at kadiliman. Ito man ay dumating nang biglaan o unti-unti, ang maluluwalhati at espirituwal na lakas na iyon ay magpapadama ng nakagagaling na pagmamahal, at papayapa sa nagsisisi at sugatang kaluluwa; papawiin nito ang kadiliman sa liwanag ng katotohanan; at papalitan ang kawalang-pag-asa ng pag-asa kay Cristo. Makikita natin na darating ang mga pagpapalang ito, at malalaman natin sa pagpapatotoo ng Espiritu na ang Panginoong Jesucristo ang gumagawa sa ating buhay. Ang ating mga pasanin ay tunay na “[madaraig] sa kagalakan ng [ating Manunubos].”19

Ang karanasan ng aking nanay at tatay maraming taon na ang nakararaan ay naglalarawan ng kahalagahan at kapangyarihan ng mga matang nakakakita at mga taingang nakaririnig. Noong 1982 tinawag na maglingkod sa Philippines Davao Mission ang mga magulang ko. Nang buksan ni Inay ang liham at makita kung saan sila maglilingkod, ibinulalas niya sa aking Itay, “Naku po! Kailangan mo silang tawagan at sabihin sa kanila na hindi tayo puwedeng pumunta sa Pilipinas. Alam nilang may hika ka.” Nagkasakit ng hika si Itay nang maraming taon, at talagang alalang-alala sa kanya si Inay.

Makalipas ang ilang gabi ginising ni Inay si Itay nang mga alas-2:30 n.u. Sabi niya, “Merlin, narinig mo ba iyong tinig na iyon?”

“Hindi, wala akong narinig.”

“Pero, tatlong beses kong narinig ang tinig na iyon ngayong gabi, na ang sinasabi, ‘Bakit ka nag-aalala? Hindi mo ba alam na alam kong may hika siya? Aalagaan ko siya, at aalagaan kita. Paghandaan na ninyo ang paglilingkod sa Pilipinas.’”

Merlin and Helen Clark

Naglingkod sina Inay at Itay sa Pilipinas at nagkaroon ng napakagandang karanasan. Ang Espiritu Santo ang kanilang kompanyon, at sila ay pinagpala at pinrotektahan. Hindi na inatake ng hika si Itay kahit kailan. Naglingkod siya bilang unang tagapayo sa mission presidency, at sinanay nila ni Inay ang daan-daang missionary at libu-libong matatapat na Banal sa mga Huling Araw bilang paghahanda sa pagkakaroon ng mga ward at stake sa isla ng Mindanao. Biniyayaan sila ng mga matang nakakakita at mga taingang nakaririnig.

Mga kapatid, pinatototohanan ko si Jesucristo. Alam kong Siya ay buhay. Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Alam ko na kung tatanggapin natin Siya sa ating buhay at ipamumuhay ang malinaw at mga simpleng katotohanan ng Kanyang ebanghelyo, magagabayan tayo ng Espiritu Santo. Magkakaroon tayo ng mahalagang kaloob na mga matang nakakakita at mga taingang nakaririnig. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.