2010–2019
Maging Matatag sa Iyong Landas
Oktubre 2015


10:43

Maging Matatag sa Iyong Landas

Unahin ang Diyos, anumang pagsubok ang dinaranas ninyo. Mahalin ang Diyos. Manampalataya kay Cristo, at ipagkatiwala ang inyong sarili sa Kanya sa lahat ng bagay.

Noong Marso 11, 2011, nakatayo ako sa istasyon ng tren sa Tokyo Shinagawa para bisitahin ang Japan Kobe Mission. Noong mga bandang alas-2:46 n.h., niyanig ng 9.0-magnitude na lindol ang lugar. Hindi ko magawang tumayo dahil sa lakas ng pagyanig, kaya mahigpit akong kumapit sa rehas ng hagdan. Nagsimulang magbagsakan ang mga ilaw mula sa kisame. Nagkagulo ang mga tao sa Tokyo.

Mabuti na lang at hindi ako nasaktan, at pagkalipas ng apat na oras, napanatag ako nang malamang ligtas ang aking buong pamilya.

Sa telebisyon, sunud-sunod na ipinalabas ang mga kagimbal-gimbal na pangyayari tungkol dito. Isang napakalaking tsunami ang tumama sa Sendai mission area—at tinangay ang lahat ng madaanan nito: mga sasakyan, bahay, pabrika, at bukirin. Nangilabot ako sa kalunus-lunos na mga larawan at tagpo, at napaiyak ako. Taimtim kong ipinagdasal na pangalagaan at tulungan ng ating Ama sa Langit ang mga taong nakatira sa rehiyong ito na pinakamamahal ko.

Kalaunan, nakumpirmang ligtas lahat ang mga missionary at mga miyembro ng Simbahan. Gayunman, maraming miyembro ang naapektuhan, nawalan sila ng mga kaanak, tahanan, at mga kasangkapan sa bahay. Mahigit 20,000 katao ang nasawi, nawasak ang mga komunidad, at maraming tao ang sapilitang pinaalis sa kanilang tahanan dahil sa aksidenteng naganap sa isang nuclear power plant.

Ang mga kalamidad na tulad nito ay pumipinsala ngayon sa maraming bahagi ng mundo, na ikinasasawi ng maraming tao. Binalaan tayo na may magaganap na mga kalamidad, digmaan, at maraming suliranin sa mundo.

Kapag biglang dumating sa atin ang ganitong mga pagsubok, maaaring itanong natin, “Bakit nangyayari sa akin ang mga bagay na ito?” o “Bakit kailangan kong magdusa?”

Sa mahabang panahon mula nang magbalik-loob ako sa ebanghelyo, hindi maliwanag sa akin ang sagot sa tanong na “Bakit ako binibigyan ng mga pagsubok?” Nauunawaan ko na bahagi ng plano ng kaligtasan ang subukan tayo. Ngunit, ang totoo, pagdating sa tanong na ito, hindi ganoon kalakas ang pananalig ko noon para lubos na masagot ito. Minsan din akong nakaranas ng mabigat na pagsubok.

Noong 30 taong gulang ako, binisita ko ang Nagoya mission bilang bahagi ng aking trabaho. Pagkatapos ng pulong, kinausap ng mission president ang dalawang missionary na ihatid ako sa airport. Gayunman, nang nakarating na kami sa intersection pababa sa mahabang burol, isang malaking trak ang rumagasa patumbok sa amin. Bumangga ito sa likuran ng aming sasakyan at patulak na kinaladkad ito nang mahigit 70 talampakan (20 m). Ang nakakasindak pa ay walang tsuper na nagmamaneho sa trak. Nayupi nang halos kalahati sa dating laki nito ang likuran ng sasakyan namin. Mabuti na lang at wala ni isang nasaktan sa amin ng mga elder.

Gayunman, kinabukasan, nakaramdam ako ng sakit sa leeg at mga balikat at matinding pananakit ng ulo. Mula nang araw na iyon hindi na ako makatulog, at wala akong magawa kundi tiisin ang bawat araw nang may dinaramdam. Idinalangin ko sa Diyos na pagalingin ako, ngunit hindi nawala ang mga sintomas na ito sa loob ng 10 taon.

Sa panahong ito, unti-unti akong nakaramdam ng pag-aalinlangan, at inisip ko, “Bakit kailangan kong magkasakit nang ganito katindi?” Gayunman, kahit hindi sinagot ang panalangin ko na pagalingin ako, nagsikap pa rin akong maging tapat sa pagsunod sa mga utos ng Diyos. Patuloy kong ipinagdasal na mahanapan ko ng sagot ang mga tanong ko tungkol sa mga pagsubok na dinaranas ko.

Dumating ang isa pang problema sa buhay ko, at nabalisa ako dahil hindi ko alam kung paano haharapin ang panibagong pagsubok na ito. Ipinagdasal kong makatanggap ng sagot. Ngunit hindi ito kaagad dumating. Kaya kinausap ko ang isang lider ng Simbahan na pinagkakatiwalaan ko.

Habang nag-uusap kami, sinabi niya sa akin nang may pagmamalasakit, “Brother Aoyagi, hindi ba’t ang dahilan kaya narito ka sa mundo ay para danasin ang pagsubok na ito? Hindi ba dapat lang na tanggapin ang lahat ng pagsubok sa buhay na ito at hayaang tulungan ka ng Panginoon? Sa palagay mo ba hindi malulutas ang problemang ito kapag nabuhay na tayong muli?”

Nang marinig ko ang mga salitang ito, naramdaman ko nang lubos ang Espiritu ng Panginoon. Narinig ko na ang doktrinang ito nang maraming beses, ngunit ngayon ko lang ito lubos na naunawaan. Natanto ko na ito ang sagot na matagal ko nang hinihiling sa Panginoon sa aking mga panalangin. Malinaw kong naunawaan ang plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit at nagkaroon ng panibagong pananaw sa mahalagang alituntuning ito.

Sa aklat ni Abraham, ipinahayag ng Panginoong Diyos, “At susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos.”1

Ang alituntuning naunawaan ko ay alam ng Diyos na lumikha ng langit at lupa ang dakilang layunin ng mundong ito, na Siya ay may kapangyarihan sa lahat ng bagay sa langit at lupa, at upang maisakatuparan ang plano ng kaligtasan, binibigyan Niya tayo ng maraming karanasan—kabilang ang ilang mga pagsubok—habang narito tayo sa mundong ito.

At sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith ang sumusunod:

“Alamin mo, aking anak, na ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti. …

“Samakatwid, maging matatag sa iyong landas …, sapagkat ang Diyos ay kasama mo magpakailanman at walang katapusan.”2

Ang mga pagsubok ng mundong ito—kabilang na ang karamdaman at kamatayan—ay bahagi ng plano ng kaligtasan at tiyak na mararanasan. Mahalaga na “maging matatag sa [ating] landas” at tanggapin ang mga pagsubok nang may pananampalataya.

Gayunman, ang layunin ng ating buhay ay hindi lamang dumanas ng mga pagsubok. Isinugo ng Ama sa Langit ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo, bilang ating Tagapagligtas at Manunubos, upang ating makayanan ang mga pagsubok na daranasin natin sa mundong ito; sa madaling salita, ginagawa Niya ang mahihinang bagay na maging malalakas sa atin,3 Siya ang nagbayad sa ating mga kasalanan at mga kahinaan, at ginawa Niyang posible para sa atin na magkaroon ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan.

Ipinahayag ni Pangulong Henry B. Eyring: “Ngunit ang pagsubok sa atin ng mapagmahal na Diyos ay hindi upang malaman kung matitiis natin ang hirap. [Ito ay] ang makita kung matitiis natin ito nang husto. Nalalampasan natin ang pagsubok sa pagpapakita na naaalala natin Siya at ang mga utos Niya sa atin.”4

Ang “maging matatag sa iyong landas” ay mahalagang ipasiyang gawin sa panahon ng pagsubok. Ibaling ang puso sa Diyos, lalo na sa panahong nakararanas tayo ng mga pagsubok. Mapagkumbabang sundin ang mga kautusan ng Diyos. Magpakita tayo ng panampalataya na handa tayong iayon ang mga ninanais natin sa gusto ng Diyos.

Ngayon balikan natin ang banggaan sa Nagoya. Kung tutuusin maaari kong ikamatay ang aksidenteng iyon. Gayunman, dahil sa biyaya ng Panginoon, himala akong nakaligtas. At alam ko na ang aking mga paghihirap ay para sa ikatututo at ikauunlad ko.5 Tinuruan ako ng Ama sa Langit na maging matiisin, makiramay sa paghihirap ng iba, at panatagin ang mga nagdurusa. Nang matanto ko ito, napuno ang puso ko ng pasasalamat sa aking Ama sa Langit para sa pagsubok na ito.

Unahin ang Diyos, anumang pagsubok ang dinaranas ninyo. Mahalin ang Diyos. Manampalataya kay Cristo, at ipagkatiwala ang inyong sarili sa Kanya sa lahat ng bagay. Narito ang pangako ni Moroni sa mga taong gagawa nito: “At kung inyong pagkakaitan ang sarili ng lahat ng kasamaan, at iibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon ang kanyang biyaya ay sapat sa inyo, upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay maging ganap kay Cristo.”6

Taos-puso kong pinatototohanan na ang Diyos Ama at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo, ay buhay at ang mga pangako ng Diyos sa mga “naging matatag sa [kanilang] landas” at nagmahal sa Kanya ay matutupad kahit sa gitna ng mga pagsubok, sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.