2010–2019
Narito, ang Iyong Ina
Oktubre 2015


16:43

Narito, ang Iyong Ina

Walang pag-ibig sa mortalidad na halos katulad ng dalisay na pag-ibig ni Jesucristo maliban sa di-sakim na pag-ibig ng isang tapat na ina sa kanyang anak.

Maaari ko ba kayong samahan sa pagbati kina Elder Ronald A. Rasband, Elder Gary E. Stevenson, at Elder Dale G. Renlund at kanilang mga maybahay sa napakatamis na samahang ito na halos di mailarawan.

Sa kanyang propesiya tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, isinulat ni Isaias, “Kaniyang dinala ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kapanglawan.”1 Binigyang-diin sa isang dakilang pangitain sa mga huling araw na “[si Jesus] ay pumarito sa daigdig … upang dalhin ang mga kasalanan ng sanlibutan.”2 Pinatototohanan kapwa ng sinauna at makabagong banal na kasulatan na “kanyang tinubos sila, at kanyang kinilik sila, at kinalong silang lahat noong araw.”3 Sumasamo sa atin ang isang paboritong himno na “pakinggan at sundin Siya!”4

Dalhin, tiisin, pasanin, iligtas. Ang mga ito ay makapangyarihan at nakasisiglang paglalarawan sa Mesiyas. Naghahatid ito ng tulong at pag-asa sa ligtas na paglipat mula sa ating kinaroroonan patungo sa kailangan nating puntahan—ngunit hindi natin mararating nang walang tulong. Ang mga salitang ito ay nangangahulugan din ng pasanin, paghihirap, at kapaguran—mga salitang pinakaangkop sa pagpapaliwanag sa misyon Niya na ibinabangon tayo, sa di-maipaliwanag na kapalit, kapag tayo ay nadapa, isinusulong tayo kapag ubos na ang ating lakas, ligtas tayong iniuuwi kapag tila di maabot ang kaligtasan. “Isinugo ako ng aking ama,” wika Niya, “upang ako ay ipako sa krus; … at katulad ng pagtataas sa akin … gayundin ang mga tao ay ibabangon … sa … [akin].”5

Ngunit naririnig ba ninyo sa pananalitang ito ang isa pang aspeto ng pagsisikap ng tao kung saan tayo gumagamit ng mga salitang gaya ng dalhin at tiisinpasanin at itaas,gumawa at iligtas? Tulad ng sabi ni Jesus kay Juan sa mismong sandali ng Pagbabayad-sala, gayon din sinasabi Niya sa ating lahat, “Narito, ang iyong ina!6

Sa araw na ito ipinapahayag ko mula sa pulpitong ito ang sinabi na rito noon: na walang pag-ibig sa mortalidad na halos makakatulad sa dalisay na pag-ibig ni Jesucristo maliban sa di-sakim na pag-ibig ng isang tapat na ina sa kanyang anak. Nang gustuhin ni Isaias na iparating ang pag-ibig ni Jehova, nang ilarawan niya ang Tagapagligtas, ginamit niya ang imahe ng katapatan ng isang ina. “Malilimutan ba ng isang babae ang kanyang anak na pasusuhin?” tanong niya. Kakatwa naman, pahiwatig niya, bagama’t hindi katulad ng pag-aakala na kalilimutan tayo ni Cristo.7

Ang ganito katibay na pag-ibig ay “nagtitiis nang matagal, at mabait, … hindi naghahangad para sa kanyang sarili, … kundi … binabata ang lahat ng bagay, naniniwala sa lahat ng bagay, umaasa sa lahat ng bagay, nagtitiis sa lahat ng bagay.”8 Pinaka-nakahihikayat sa lahat, ang gayong katapatan “kailanman ay hindi nagkukulang.”9 “Sapagkat ang mga bundok ay maglalaho at ang mga burol ay maaalis,” sabi ni Jehova, “ngunit ang aking kabaitan kailanman ay hindi maglalaho sa iyo.”10 Gayon din ang sabi ng ating mga ina.

Alam ninyo, hindi lang nila tayo dinadala sa kanilang sinapupunan, kundi patuloy silang nagtitiis sa atin. Hindi lamang pagdadalangtao kundi habambuhay na pagdadala ang nagpapahirap sa gawain ng isang ina. Siyempre, may mga eksepsyong masakit sa damdamin, pero likas na alam ng karamihan sa mga ina, na ito ay isang pinakamataas na uri ng sagradong pagtitiwala. Ang bigat ng pagkatantong iyan, lalo na sa bata pang ina, ay maaaring nakakatakot.

Isinulat sa akin kamakailan ng isang mabait na ina: “Bakit maaaring mahalin nang husto ng isang tao ang isang anak para kusa mong isakripisyo ang malaking bahagi ng iyong kalayaan para doon? Paano naging napakatindi ng pagmamahal ng tao para tanggapin mo ang responsibilidad, kahinaan, pag-aalala, at sama-ng-loob at patuloy na magmahal sa kabila ng masasamang karanasan? Anong klase ng pagmamahal sa mundo ang magpapadama sa iyo, kapag nagkaanak ka na, na hinding-hindi mo na masasarili ang buhay mo? Ang pagmamahal ng isang ina ay kailangang maging banal. Wala nang ibang paliwanag para doon. Ang ginagawa ng mga ina ay mahalagang bahagi ng gawain ni Cristo. Iyan lamang ay dapat nang maging sapat para sabihin sa atin nang paulit-ulit na ang epekto ng pagmamahal na iyon ay sa pagitan ng hindi kayang tiisin at pambihira, hanggang sa masabi rin natin na kasama ni Jesus, matapos maligtas at matubos ang lahat ng anak sa lupa, na, ‘[Ama!] nagawa ko na ang ipinagawa mo sa akin.’11

Sa paggunita sa karingalan ng liham na iyon, ibabahagi ko sa inyo ang tatlong karanasang nagpapakita ng dakilang impluwensya ng mga ina, na nasaksihan sa aking ministeryo nito lang nakaraang ilang linggo:

Ang una kong kuwento ay isang babala, na nagpapaalala sa atin na hindi lahat ng pagsisikap ng ina ay nagtatapos na masaya, o maaaring hindi agad-agad. Ang paalalang iyan ay nagmula sa pakikipag-usap ko sa 50 taon ko nang mahal na kaibigan na unti-unting lumalayo sa Simbahang ito na alam niyang totoo. Gaano ko man pinilit na panatagin siya, parang hindi ko siya mapayapa. Sa huli ay nagtapat siya sa akin. “Jeff,” sabi niya, “gaano man kasakit ang humarap sa Diyos, hindi ko kakayaning humarap sa aking ina. Ang ebanghelyo at ang kanyang mga anak ang lahat-lahat sa kanya. Alam ko na nasaktan ko ang kanyang damdamin, at nasasaktan ako roon.”

Natitiyak ko na nang pumanaw ang kaibigan ko, tinanggap siya ng kanyang ina nang buong pagmamahal; ganyan ang mga magulang. Pero ang babala sa kuwentong ito ay na ang mga anak ay kayang saktan ang damdamin ng kanilang ina. Nakikita rin natin dito ang isa pang paghahambing sa yaong banal. Hindi ko na kailangang paalalahanan pa tayo na namatay si Jesus na may pusong sawi, pusong pagal at pagod sa pagpasan sa mga kasalanan ng mundo. Kaya sa sandali ng tukso, nawa’y ating “[masdan ang ating] ina” gayundin ang ating Tagapagligtas at huwag natin silang palungkutin sa paggawa natin ng kasalanan.

Pangalawa, tinutukoy ko ang isang binatang nagmisyon nang marapat ngunit piniling umuwi nang maaga dahil sa atraksiyon sa kapwa lalaki at dumanas ng trauma na may kinalaman dito. Karapat-dapat pa rin siya, ngunit nawalan siya ng pananampalataya, lalong bumigat ang kanyang pakiramdam, at lalong tumindi ang kanyang espirituwal na pagdurusa. Nariyang masaktan siya, malito, magalit, at mamanglaw.

Maraming oras na nagsaliksik at umiyak ang kanyang mission president, stake president, at bishop at binasbasan nila siya habang tinutulungan siya, ngunit halos lahat ng pagdurusa niya ay napakapersonal kaya itinago niya ang ilan sa kanila. Ibinuhos ng ama sa kuwentong ito ang kanyang buong kaluluwa sa pagtulong sa anak na ito, ngunit napakahirap ng sitwasyon niya sa trabaho kaya ang anak na ito lang at ang kanyang ina ang madalas magtiis ng mahahabang gabi ng paghihirap. Araw-gabi, noong una’y ilang linggo, pagkatapos ay ilang buwan hanggang sa umabot nang ilang taon, sabay silang nagpagaling. Sa mga panahon ng kapaitan (ng anak ngunit kung minsan ay ng ina) at walang-katapusang pangamba (ng ina ngunit kung minsan ay ng anak), ipinarating niya sa kanyang anak—naroon na naman ang maganda at mabigat na salitang iyan—ang kanyang patotoo sa kapangyarihan ng Diyos, sa Kanyang ebanghelyo, sa Kanyang Simbahan, at lalo na sa Kanyang pagmamahal sa anak na ito. Kasabay nito pinatotohanan din niya ang kanyang matibay at walang-kupas na pagmamahal sa kanya. Para mapagsama ang dalawang mahahalagang bahagi ng kanyang buhay—ang ebanghelyo ni Jesucristo at ang kanyang pamilya—walang tigil niyang ibinuhos ang kanyang kaluluwa sa panalangin. Nag-ayuno siya at nanangis, nanangis at nag-ayuno, pagkatapos ay nakinig nang paulit-ulit habang ikinukuwento sa kanya ng anak kung gaano kasakit ang kanyang damdamin. Sa gayon dinala niya ito—muli—ngunit sa pagkakataong ito ay hindi lamang sa loob ng siyam na buwan. Sa pagkakataong ito akala niya ay hindi na matatapos ang pagtulong sa anak na malagpasan ang mga pagdurusa nito.

Ngunit sa awa ng Diyos, sa determinasyon niyang magtagumpay, at sa tulong ng maraming lider ng Simbahan, kaibigan, kapamilya, at propesyonal, nasaksihan ng nagsusumamong inang ito na nakaraos ang kanyang anak. Malungkot naming kinikilala na ang gayong pagpapala ay hindi, o hindi pa, dumarating sa lahat ng magulang na nagdadalamhati sa iba’t ibang sitwasyon ng kanilang mga anak, ngunit may pag-asa. At, alam ko, na ang seksuwal na oryentasyon ng anak na ito ay hindi mahimalang nagbago—walang nag-isip nang gayon. Ngunit unti-unti, nagbago ang kanyang damdamin.

Nagsimula siyang bumalik sa simbahan. Pinili niyang tumanggap ng sakramento nang handa at karapat-dapat. Muli siyang kumuha ng temple recommend at tumanggap ng tawag na maglingkod bilang early-morning seminary teacher, kung saan siya naging matagumpay. At ngayon, pagkaraan ng limang taon, sa kahilingan na rin niya at sa malaking tulong ng Simbahan bumalik siya sa misyon, upang kumpletuhin ang paglilingkod niya sa Panginoon. Tinangisan ko ang tapang, integridad, at determinasyon ng binatang ito na lutasin ang kanyang problema at patuloy na manampalataya. Alam niyang malaki ang utang-na-loob niya sa napakarami, ngunit alam niya na pinakamalaki ang utang-na-loob niya sa dalawang taong nagsilbing Mesiyas sa kanyang buhay, na dinala siya at pinasan, tinulungan siya at iniligtas—ang kanyang Tagapagligtas, ang Panginoong Jesucristo, at ang kanyang inang determinado, sumasagip, at tunay na banal.

Sa huli, mula ito sa muling paglalaan ng Mexico City Temple tatlong linggo pa lang ang nakararaan. Doon namin nakita ni Pangulong Henry B. Eyring na tumayo ang aming mahal na kaibigang si Lisa Tuttle Pieper sa nakaaantig na serbisyo sa paglalaan. Ngunit medyo hirap siyang tumayo dahil hawak ng isang kamay niya ang may kapansanan niyang mahal na anak na si Dora habang hawak ng kabilang kamay niya ang may kapansanang kanang kamay ni Dora para maikaway ng magandang anak ng Diyos na ito ang puting panyo at maisigaw nito, sa mga ungol na tanging siya ang nakauunawa, ang “Hosana, hosana, hosana sa Diyos at sa Kordero.”12

Sa lahat ng ating mga ina saan man, sa nakaraan, sa kasalukuyan, at sa hinaharap, sinasabi ko, “Salamat. Salamat sa pagsisilang, paghuhubog ng kaluluwa, pagbubuo ng pagkatao, at pagpapamalas ng dalisay na pag-ibig ni Cristo.” Kina Inang Eva, Sara, Rebecca, at Raquel, kay Maria ng Nazaret, at sa isang Ina sa Langit, sinasabi ko, “Salamat sa inyong mahalagang papel sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng kawalang-hanggan.” Sa lahat ng ina sa lahat ng sitwasyon, pati na yaong mga nahihirapan—na mangyayari sa lahat—sinasabi ko, “Pumayapa kayo. Maniwala sa Diyos at sa inyong sarili. Mas maganda ang ginagawa ninyo kaysa inaakala ninyo. Sa katunayan, kayo ang tagapagligtas sa Bundok ng Sion,13 at tulad ng Panginoon na inyong sinusunod, ang inyong pagmamahal ay ‘hindi kailanman nagkukulang.’14” Pinupuri ko kayo nang higit kaninuman. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.