2010–2019
Susubukin Tayo at Tutuksuhin—ngunit May Tulong na Darating
Oktubre 2015


9:25

Susubukin Tayo at Tutuksuhin—ngunit May Tulong na Darating

Maaari tayong magtulungan bilang mga anak ng ating Ama sa Langit sa ating mga pagsubok at tukso.

Sa ating buhay, sinusubukan tayo at tinutukso. May pagkakataon din tayong gumamit ng kalayaan at magtulungan. Ang mga katotohanang ito ay bahagi ng kahanga-hanga at perpektong plano ng ating Ama sa Langit.

Itinuro ni pangulong John Taylor: “Narinig kong sinabi ng Propetang si Joseph, sa pakikipag-usap sa Labindalawa sa isang pagkakataon: ‘Daraan tayo sa lahat ng uri ng pagsubok. At totoong kailangan kayong subukin katulad ni Abraham at ng ibang tao ng Diyos, at (sinabi niya) [susubukin] kayo ng Diyos, at hahawakan Niya kayo at [susubukin Niya ang kaibuturan] ng inyong puso.’”1

Pagsapit natin sa edad ng pananagutan, ang mga pagsubok at tukso ay mararanasan na. Kung minsan ay nagiging pabigat ang mga ito, ngunit binibigyan din tayo nito ng lakas at pinauunlad tayo kapag nagtagumpay tayong daigin ito.

Mabuti na lang, hindi natin kailangang dalhin ang mga pasaning ito nang mag-isa. Itinuro ni Alma, “Kayo ay nagnanais na lumapit sa kawan ng Diyos, at matawag na kanyang mga tao, at nahahandang magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan.”2 Ang mga salitang ito ay nagpapahiwatig na responsibilidad nating tulungan ang isa’t isa. Ang responsibilidad na iyon ay maaaring magmula sa isang calling sa Simbahan, assignment, kaibigan, o bilang bahagi ng ating banal na tungkulin bilang mga magulang, asawa, o miyembro ng pamilya—o sa pagiging bahagi lang ng pamilya ng Diyos.

Ilalarawan ko ang apat na paraan na napagagaan ang ating mga pasanin ng pagtutulungan natin sa bawat isa.

1. Sabi ng Tagapagligtas, “Sinomang pipilit sa iyo na ikaw ay lumakad ng isang milya, ay lumakad ka ng dalawang milya na kasama niya.”3 Bilang halimbawa, hinihilingan tayong dumalo sa templo nang regular, hangga’t kaya ng ating kani-kanyang sitwasyon. Ang pagdalo sa templo ay nangangailangan ng sakripisyo ng panahon at kabuhayan, lalo na ng mga taong kailangang magbiyahe nang malayo. Gayon pa man, ang sakripisyong ito ay maituturing na bahagi ng unang milya.

Sinisimulan nating lakarin ang ikalawang milya kapag naunawaan natin ang mga salitang “hanapin, dalhin, at turuan,”4 kapag naghanap tayo at naghanda ng mga pangalan ng ating mga ninuno para sa mga ordenansa sa templo, kapag tumutulong tayo sa indexing, kapag naglilingkod tayo bilang mga temple worker, at kapag naghahanap tayo ng mga paraan para matulungan ang iba na magkaroon ng mga makabuluhang karanasan sa templo.

Noong naglilingkod ako bilang Area Seventy, isa sa mga stake sa aming coordinating council ang sumama sa isang malaking temple excursion. Maliit ang templong dinaluhan ng mga miyembro, at sa kasamaang-palad ay may ilang miyembrong hindi nakapasok sa templo, sa kabila ng 12-oras na mahabang paglalakbay, dahil sumobra sila sa kayang pagsilbihan ng templo sa araw-araw.

Ilang araw matapos ang biyaheng ito, binisita ko ang stake at tinanong ko ang pangulo kung puwede kong makausap ang ilan sa mga miyembrong hindi nakapasok sa templo sa araw na iyon. Sinabi sa akin ng isa sa mga lalaking nakausap ko: “Elder, huwag kayong mag-alala. Nasa bahay ako ng Panginoon. Naupo ako sa isang bangko sa hardin at pinagnilayan ko ang mga ordenansa. Pagkatapos ay pinapasok na ako, pero sa halip na pumasok ay hinayaan kong pumasok ang isa pang lalaki, na nagtungo sa templo sa unang pagkakataon para mabuklod sa kanyang asawa. Sa gayon ay nagkaroon sila ng pagkakataong magdalawang sesyon sa araw na iyon. Kilala ako ng Panginoon, at biniyayaan Niya ako, at maayos ang aming kalagayan.”

2. Ngumiti. Ang simpleng aktong ito ay makakatulong sa mga taong nahihirapan o may pasanin. Sa sesyon ng priesthood nitong nakaraang pangkalahatang kumperensya ng Abril, nakaupo ako sa pulpito kasama ang limang bagong tawag na General authority. Nakaupo kami sa kinauupuan ngayon ng kababaihan ng mga auxiliary presidency. Kabadung-kabado ako at nalulula sa bago kong tungkulin.

Habang kinakanta namin ang intermediate hymn, nagkaroon ako ng malakas na impresyon na may nakatingin sa akin. Naisip ko: “Mahigit 20,000 katao ang nasa gusaling ito, at karamihan sa kanila ay dito nakaharap. Siyempre, may nakatingin sa iyo.”

Habang patuloy ako sa pagkanta, muli kong nadama ang malakas na pahiwatig na may nakatingin sa akin. Tumingin ako sa kinauupuan ng Labindalawang Apostol at nakita kong nakapihit nang husto sa pagkakaupo si Pangulong Russell M. Nelson, at nakatingin sa kinauupuan namin. Nahuli kong nakatingin siya, at nginitian niya ako nang todo. Ang ngiting iyon ay naghatid ng kapayapaan sa nagsisikip kong dibdib.

Matapos Siyang Mabuhay na Mag-uli, binisita ni Jesucristo ang iba Niyang mga tupa. Tumawag Siya at nag-orden ng labindalawang disipulo, at taglay ang awtoridad na iyon, naglingkod sila sa mga tao. Sumama ang Panginoong Jesucristo Mismo sa kanila. Inutusan sila ng Panginoon na lumuhod at manalangin. Hindi ko tiyak kung nalula ang katatawag at kaoorden na labindalawang disipulo sa kanilang calling, pero sabi sa banal na kasulatan, “Ito ay nangyari na, na sila ay pinagpala ni Jesus habang sila ay nananalangin sa kanya; at ang kanyang mukha ay ngumiti at ang liwanag sa kanyang mukha ay suminag sa kanila.”5 Nitong huling pangkalahatang kumperensya, pinagaan ng isang ngiti ang mga pasanin ko sa madali at pambihirang paraan.

3. Magpakita ng habag sa iba. Kung kayo ay isang priesthood holder, mangyaring gamitin ang inyong kapangyarihan alang-alang sa mga anak ng Diyos, sa pagbibigay ng mga basbas sa kanila. Magpahayag ng mga salitang aaliw at papanatag sa mga taong nagdurusa o nagdadalamhati.

4. Ang batong panulok ng plano ng Diyos ay ang Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo. Kahit minsan sa isang linggo, dapat tayong magmuni-muni na tulad ni Pangulong Joseph F. Smith tungkol sa “dakila at kahanga-hangang pag-ibig na ipinakita ng Ama at ng Anak sa pagparito ng Manunubos sa daigdig.”6 Ang pag-anyaya sa iba na sumamang magsimba at marapat na makibahagi ng sakramento ay magtutulot sa mas marami pang anak ng Ama sa Langit na pagnilayan ang Pagbabayad-sala. At, kung hindi tayo karapat-dapat, maaari tayong magsisi. Alalahanin na nagpakababa-baba sa lahat ang Anak ng Kataas-taasan at inako ang ating mga pagkakamali, kasalanan, paglabag, sakit, pasakit, dalamhati, at kalungkutan. Itinuro sa banal na kasulatan, “Siya na umakyat sa itaas, na siya ring nagpakababa-baba sa lahat ng bagay, sa gayon kanyang nauunawaan ang lahat ng bagay.”7

Hindi mahalaga kung ano ang ating mga personal na paghihirap—karamdaman man o mahabang kapanglawan o pagdurusa sa mga tukso at pagsubok ng kaaway—nariyan ang Mabuting Pastol. Tinatawag Niya tayo sa pangalan at sinasabing, “Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.”8

Nais kong ibuod ang apat na ideya:

Una—lumakad nang dalawang milya.

Pangalawa—Ngumiti. Ang inyong ngiti ay makakatulong sa iba.

Pangatlo—magpakita ng habag

Pang-apat—anyayahan ang iba na magsimba.

Pinatototohanan ko ang Tagapagligtas. Si Jesus ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos, at Siya ay buhay. Alam ko na sinusuportahan Niya, taglay ang lahat ng Kanyang lakas at kapangyarihan, ang plano ng Ama. Alam ko na si Pangulong Thomas S. Monson ay isang buhay na propeta. Hawak niya ang lahat ng susi sa matagumpay na pagsasakatuparan ng gawain ng Diyos sa lupa. Alam ko na maaari tayong magtulungan bilang mga anak ng ating Ama sa Langit sa ating mga pagsubok at tukso. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.