2012
Pagkakaroon ng Masaganang Buhay
Enero 2012


Mensahe ng Unang Panguluhan

Pagkakaroon ng Masaganang Buhay

Pangulong Thomas S. Monson

Sa pagsisimula ng bagong taon, hinahamon ko ang mga Banal sa mga Huling Araw sa lahat ng dako na magsagawa ng personal, masigasig, at makabuluhang paghahangad sa tinatawag kong masaganang buhay—isang buhay na sagana sa tagumpay, kabutihan, at mga biyaya. Tulad ng pagkatuto natin ng mga pangunahing kaalaman sa eskuwela, nais kong ibahagi sa inyo ang sarili kong mga pangunahing tuntunin na makatutulong sa ating lahat na magkaroon ng masaganang buhay.

Magkaroon ng Positibong Saloobin

Ang unang alituntunin ay ang saloobin. Isinulat ni William James, isang tagapangunang Amerikanong psychologist at philosopher, “Ang pinakamagandang pagbabagong nangyari sa ating henerasyon ay ang pagkatuklas na ang mga tao, kapag binago ang pag-iisip, ay mababago ang panlabas na mga aspeto ng kanilang buhay.”1

Napakaraming bagay sa buhay ang nakadepende sa ating saloobin. Kung paano natin tingnan ang mga bagay-bagay at tugunin ang iba ang gumagawa ng malaking kaibhan. Ang gawin ang pinakamainam sa abot ng ating makakaya at piliing maging masaya sa ating sitwasyon, anuman ito, ay makapagdudulot ng kapayapaan at kapanatagan.

Si Charles Swindoll—na isang awtor, guro, at Kristiyanong pastor—ay nagsabi: “Para sa akin, ang saloobin ay mas mahalaga kaysa … sa nakaraan, … sa pera, sa kalagayan, sa mga kabiguan, sa mga tagumpay, at kung ano man ang iniisip o sinasabi o ginagawa ng ibang tao. Mas mahalaga ito kaysa sa kaanyuan, sa angking talino, o sa kasanayan. Bubuuin o wawasakin nito ang isang kompanya, simbahan, o tahanan. Ang nakatutuwa ay mapipili natin araw-araw kung anong saloobin ang paiiralin natin sa araw na iyon.”2

Hindi natin mababago ang direksyon ng hangin, ngunit kaya nating baguhin ang mga layag. Para sa sukdulang kaligayahan, kapayapaan, at kasiyahan, nawa’y piliin natin ang positibong saloobin.

Maniwala sa Iyong Sarili

Ang pangalawa ay ang maniwala—sa inyong sarili, sa mga nakapaligid sa inyo, at sa mga walang hanggang alituntunin.

Maging tapat sa inyong sarili, sa iba, at sa inyong Ama sa Langit. Ang isang taong hindi naging tapat sa Diyos hanggang sa maging huli na ang lahat ay si Cardinal Wolsey, na ayon kay Shakespeare ay matagal na naglingkod sa tatlong matataas na pinuno at nagtamasa ng kayamanan at kapangyarihan. Sa huli, inalisan siya ng kapangyarihan at mga ari-arian ng isang haring walang pasensya. Paghihinagpis ni Cardinal Wolsey:

Kung sa Diyos naglingkod nang may kasigasigan

Tulad noong ang hari’y aking paglingkuran

Sa ‘king kaaway di N’ya ‘ko pababayaan.3

Isinulat ni Thomas Fuller na isang pari at mananalaysay na taga-England na lider ng simbahan na nabuhay noong ika-17 siglo, na ang katotohanang ito: “Siya na hindi ipinamumuhay ang kanyang pinaniniwalaan ay hindi tunay na naniniwala.”4

Huwag limitahan ang inyong sarili at huwag pakumbinsi sa ibang tao na limitado ang magagawa ninyo. Maniwala sa inyong sarili at pagkatapos ay mamuhay sa paraang maaabot ninyo ang inyong mga potensyal.

Makakamtan ninyo ang mga bagay na pinaniniwalaan ninyong kaya ninyong abutin. Magtiwala at maniwala at manampalataya.

Harapin ang mga Hamon nang may Tapang

Ang katapangan ay nagiging makabuluhan at mahalagang katangian kapag hindi ito gaanong itinuring na kahandaang mamatay kundi isang determinasyon na mabuhay nang disente.

Sinabi ng Amerikanong manunulat ng sanaysay at tula na si Ralph Waldo Emerson: “Kailangan mo ng tapang sa anumang bagay na iyong gagawin.” Anumang landas ang tahakin mo, laging may magsasabi sa iyo na mali ka. Laging may mga pagsubok na tutuksuhin kang maniwala na tama ang mga bumabatikos sa iyo. Upang maiplano ang gagawin at masunod ito hanggang sa huli, kailangan mo ng tapang na katulad ng sa isang sundalo. Mananaig din ang kapayapaan, ngunit kailangan ang matatapang na lalaki’t babae para makamtan ito.”5

May mga pagkakataon na kayo ay matatakot at panghihinaan ng loob. Maaari ninyong madama na talo na kayo. Ang pagkakataong magwagi ay tila napakahirap lagpasan. Kung minsan madarama ninyo na para kayong si David na nagsisikap labanan si Goliath. Ngunit alalahanin na si—David ang nanalo!

Kailangan ang tapang upang masimulang kamtin ang mithiin, ngunit higit na tapang pa ang kailangan kapag nabigo ang isang tao at kailangang bumangon muli upang magtagumpay.

Magkaroon ng determinasyong magsikap, taos-pusong gumawa upang makamtan ang isang makabuluhang mithiin, at ng tapang hindi lamang para harapin ang mga hamong tiyak na darating kundi upang muling bumangon, kung kailangan. “Kung minsan ang katapangan ay ang mahinang tinig makalipas ang maghapon na nagsasabing, ‘Susubukan ko ulit bukas.’”6

Nawa’y maalala natin ang mga pangunahing tuntuning ito sa simula ng paglalakbay natin sa bagong taong ito, na magkaroon tayo ng positibong saloobin, ng paniniwalang makakamit natin ang ating mga mithiin at resolusyon, at ng tapang na harapin ang anumang hamon na darating sa ating buhay. Sa gayon, ang masaganang buhay ay mapapasaatin.

Mga Tala

  1. William James, sa Lloyd Albert Johnson, tinipon, A Toolbox for Humanity: More Than 9000 Years of Thought (2003), 127.

  2. Charles Swindoll, sa Daniel H. Johnston, Lessons for Living (2001), 29.

  3. William Shakespeare, King Henry the Eighth, act 3, scene 2, lines 456–58.

  4. Thomas Fuller, sa H. L. Mencken, ed., A New Dictionary of Quotations (1942), 96.

  5. Ralph Waldo Emerson, sa Roy B. Zuck, The Speaker’s Quote Book (2009), 113.

  6. Mary Anne Radmacher, Courage Doesn’t Always Roar (2009).

Pagtuturo mula sa Mensaheng Ito

Isiping imbitahan ang mga kapamilya na magbahagi ng mga personal na karanasan kung saan nakatulong sa kanila ang positibong saloobin, paniniwala sa kanilang sarili, o katapangan. O kaya naman ay pahanapin sila ng mga halimbawa ng tatlong tuntuning ito sa mga banal na kasulatan. Maaari kayong maghandang magturo sa pamamagitan ng mapanalanging pag-iisip ng mga banal na kasulatan o ng sarili ninyong mga karanasan.

Mga paglalarawan ni Steve Kropp