2012
Nariyan Siya
Enero 2012


Nariyan Siya

Rosemary M. Wixom

“Ibinuhos namin ang aming mga kaluluwa sa panalangin sa Diyos, upang palakasin niya kami” (Alma 58:10).

Noong 11 taong gulang ang isa sa mga anak naming lalaki, nagising siya na napakasakit ng kanyang ulo. Noong una akala ko ayaw lang niyang pumasok sa eskuwela, pero agad kong nalaman na mataas ang lagnat niya. Dinala ko siya sa doktor, at hindi nagtagal ay sumugod na kami sa ospital. Doon ay natuklasan na may spinal meningitis siya, isang malubhang karamdaman.

Nang lumala ang kanyang kalagayan, nagsimula na siyang magkombulsyon. Pinalabas ako ng doktor sa silid. Habang lumalakad ako sa pasilyo, natakot ako at nagsimula akong umiyak. Isang babaeng hindi ko kilala ang umakbay sa akin. Nanalangin ako nang malakas na tulungan ng Ama sa Langit ang aking anak at sana maging maayos ang lahat. Naaalala ko na nakadama ako ng malaking kapayapaan.

Inoperahan ang anak ko at nagpagaling sa loob ng maraming linggo. Siya ngayon ay malusog na, may-asawa, at ama ng dalawang magagandang batang babae. Ang karanasang ito ay napakagandang halimbawa sa akin ng kapangyarihan ng panalangin.

May isang awitin sa Primary na pinamagatang “Panalangin ng Isang Bata.” May tanong doon na, “Ama sa Langit, kayo ba’y nar’yan? Dalangin ba ng musmos, pinakikinggan?” (Aklat ng mga Awit Pambata, 6).

At tiyak ang sagot: oo, dinirinig Niya.

Kung iniisip ninyo kung buhay nga ba ang Ama sa Langit, panahon na para lumuhod at magtanong, “Ama sa Langit, kayo ba’y nar’yan? Talaga bang nakapiling ko Kayo bago ako bumaba sa lupa? Makakabalik ba akong muli sa piling Ninyo?”

Sasagutin Niya ang inyong dalangin. Ipapaalam Niya sa inyo na nariyan Siya. Hindi kayo nag-iisa kailanman. Kailangan natin Siya oras-oras, at nariyan Siya para sa atin.

Paglalarawan ni Keith Larson