Maging Mabuting Halimbawa
Mga kabataang lalaki ng Simbahan—mga deacon, teacher, at priest ng maringal na Aaronic Priesthood—tinaglay ninyo ang pangalan ng Tagapagligtas; hawak ninyo ang Kanyang banal na priesthood; tinawag kayong gawin ang Kanyang gawain at tulungan ang lahat ng nakakakilala sa inyo. Panahon na para gampanan ang mga tungkulin ninyo sa priesthood at “magliwanag” bilang “sagisag sa mga bansa” (D at T 115:5).
Panahon na para “lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit” (Mateo 5:16). Si Jesucristo ang perpektong halimbawa. Sikaping kilalanin Siya, sundin Siya, at maging higit na katulad Niya sa pamamagitan ng pagsunod Kanyang mga utos at sa mga pamantayan ng Simbahan na inilalarawan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Sa paggawa ninyo nito, kayo ay magiging nagliliwanag na espirituwal na lakas sa mga nakapaligid sa inyo.
Sinabi ng Panginoon, “Maging malinis kayo na nagdadala ng mga sisidlan ng Panginoon” (D at T 133:5). Ang kalinisan ng inyong pagkatao ang magtutulot sa inyo na magbigay ng natatanging liwanag sa mga miyembro ng inyong ward o branch habang karapat-dapat ninyong kinakatawan ang Tagapagligtas sa pangangasiwa sa sagradong sakrament bawat Linggo.
Asamin at samantalahin araw-araw ang mga pagkakataong mapaglingkuran ang inyong mga pamilya, kaibigan, miyembro ng korum, at iba pa. Kayo ay magiging masayang tagapagdala ng liwanag sa kanila at sa mga taong tahimik na nakamasid sa inyo.
Magliwanag na taglay ang tapat na pakikipagkaibigan at kabaitan sa lahat. Ibahagi ang magagandang pagpapalang dulot ng mga aktibidad sa Simbahan at mga turo ng ebanghelyo sa inyong mga kaibigan. Maging matapang at anyayahan silang lumapit sa Liwanag at Buhay ng Daigdig—maging si Jesucristo.
Mahal namin kayo. Ipinagdarasal namin kayo. Pinatototohanan namin na mahal kayo ng Panginoon at kailangan Niya kayo para tumulong sa pagtatayo ng Kanyang kaharian. Panahon na para kayo ay “bumangon at magliwanag” bilang mga mayhawak ng Kanyang banal na priesthood. Sa pagganap ninyo sa priesthood na ito at sa pagtupad ng inyong tungkulin sa Diyos, ang inyong liwanag ay magiging “sagisag sa mga bansa.”