2012
Parehong Sinagot ng Diyos ang mga Dalangin
Enero 2012


Mula sa Misyon

Parehong Sinagot ng Diyos ang mga Dalangin

Noong naglilingkod ako bilang misyonero sa Durango, Mexico, hinamon ng aming mission president ang aming mission na subukan ang isang “linggo ng sakripisyo.” Inatasan niya kami na dagdagan ang pagsisikap kaysa rati sa pamamagitan ng mas masigasig na pagtatrabaho at pagtatakda ng mga partikular na mithiin sa buong linggo. Nanalig kami ng kompanyon ko na kung magsasakripisyo kami sa ganitong paraan, pagpapalain kami ng Panginoon at makakahanap kami ng maraming matuturuan.

Gayunman, sa buong linggo ng sakripisyo, hindi kami gaanong nagtagumpay. Wala kaming nakitang pamilyang tuturuan, at nabigo kami.

Isang umaga nang sumunod na linggo, tiningnan namin ng kompanyon ko ang isang mapa ng aming area. Napakalaki ng area namin, pero nadama namin na kailangan naming pumunta sa pinakadulo nito.

Pagdating namin doon, nagdasal kami at nagtanong sa Ama sa Langit kung aling kalye at bahay ang pupuntahan namin. Nang matapos kami, lumingon kami para tingnan ang lahat ng kalye. Nakita namin ang isang bakod sa malapit at sumilip sa ibabaw nito. Nakita namin ang isang babaeng nakaupo at nakapikit, at may hawak na walis.

Sabi ng kompanyon ko, “Hello!” at nang marinig kami ng babae, tumayo siya at nagpatuloy sa pagwawalis na parang walang nangyari. Pagkatapos ay sinabi namin sa kanya na mga misyonero kami mula sa Simbahan ni Jesucristo at may mensahe kami para sa kanya. Pinatuloy niya kami, at nagkaroon kami ng napakaespirituwal na talakayan. Ikinuwento namin sa kanya ang tungkol kay Joseph Smith at kung paano siya nagpunta sa kakayuhan para manalangin upang malaman ang katotohanan, at bilang sagot sa kanyang panalangin, nagpakita sa kanya ang Diyos Ama at si Jesucristo.

Sumabad siya at sinabing, “Totoo iyan. Alam ko na sinasagot ng Diyos ang ating mga dalangin. Nang kausapin ninyo ako, nagdarasal ako at humihiling sa Panginoon na magsugo ng isang taong makaaakay sa akin patungo sa Kanyang landas, at agad kayong dumating.”

Nadama namin ang Espiritu, at nagpatotoo kami na isinugo kami ng Diyos sa kanya at na ipinagdasal din naming malaman noon kung sino sa Kanyang mga anak ang nangangailangan ng aming tulong. Hindi naglaon at nabinyagan si Sister Rufina. Nang sumunod na mga linggo, nabinyagan ang kanyang mga anak, apo, at maging ang ilan sa kanyang mga kapitbahay—20 silang lahat na nabinyagan sa bahaging iyon ng aming area. Inakay kami ng Panginoon kay Sister Rufina, at siya ang naging daan upang maibahagi ang ebanghelyo sa kanyang pamilya at mga kapitbahay.

Alam ko na pagpapalain tayo ng Ama sa Langit kung hihilingin natin sa Kanya, ngunit iyon ay matapos Niyang subukan ang ating pananampalataya. Nagpapasalamat ako na naging kasangkapan kaming magkompanyon sa mga kamay ng Panginoon at nakakita kami ng mga taong handang makinig sa mensahe ng ebanghelyo. Alam ko na mahal tayo ng Diyos at gagabayan tayo kung hihilingin natin.

paglalarawan ni Dilleen Marsh