Nangungusap Tayo Tungkol kay Cristo
Inilapit Ako ng mga Visiting Teacher Kay Jesucristo
“ [Ang Panginoon ay] sinabing makaitlo [kay Pedro], Iniibig mo baga ako? At sinabi [ni Pedro] sa kaniya, Panginoon, nalalaman mo ang lahat ng mga bagay; nalalaman mo na kita’y iniibig. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Pakanin mo ang aking mga tupa” (Juan 21:17).
Noong mga huling taon ng 1970s, niyaya ako ng kaibigan ko na sumama sa kanya sa Relief Society. “Ano ba iyon?” tanong ko. Simple lang ang isinagot ng kaibigan ko, ‘Sumama ka para malaman mo.” Wow! Naging interesado ako kaagad.
Kalaunan sa tag-init na iyon pumunta si Leann sa bahay ko at sinabing siya ang aking visiting teacher. Kapwa nakakapagtaka at nakakatuwa iyon, lalo na’t hindi pa ako miyembro ng Simbahan. Heto siya na nag-uukol ng panahon kahit marami siyang ginagawa para mabahagian ako ng espirituwal na bagay at tingnan kung mayroon siyang maitutulong sa akin. Naramdaman kong taos ang kanyang puso. Hindi ko nakalimutan kahit kailan si Leann at ang mga mensaheng ibinahagi niya sa akin.
Lumipas ang dalawang taon, at lumipat si Frances sa ward namin. Ang totoo, hindi ko naman talaga masasabing ward “namin” iyon dahil hindi pa ako miyembro noon, pero ipinalagay ko nang ganoon. Nang panahong iyon may dalawa na akong maliliit na anak na babae at nakita ko kung paano sila natulungan ng mga auxiliary ng Simbahan. Umulan man o umaraw, binisita, tinuruan, pinatawa, kinuwentuhan, at tinulungan ako ni Frances, ang aking bagong visiting teacher. Natatandaan ko nang bisitahin ako ni Frances isang hapon habang marami akong ginagawa. Nang makita niya na hindi na ako makaupo para makipag-usap, hinalu-halo ni Frances ang niluluto ko habang inaasikaso ko ang aking mga anak.
Lumipas ang mga taon at lumipat ako. Ayaw ko sanang iwanan ang mga kaibigan ko sa Simbahan, pero di nagtagal ay nakilala ko ang isa pang grupo ng kababaihan na may malalakas na patotoo at mapagkalingang mga puso sa Relief Society sa “aking” bagong ward. Binigyan kami ng guro sa Relief Society ng listahan ng mga gagawin na may dekorasyon at hinikayat kaming isulat ang katagang “Maging mabait” na pinakauna sa aming listahan bawat araw. Inisip namin ng sister na katabi ko na magandang ideya iyon, lalo pa nga’t sinusuportahan nito ang motto ng Relief Society na “Ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang” (Moroni 7:46).
Pagkatapos ay binasa ko ang kuwento tungkol sa isang babaeng pioneer. Noong musmos pa ang babaeng iyon, inatasan ng propeta ang kanilang pamilya na tumulong sa pagtatatag ng komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw sa isang liblib na pook. Naganap ang isang trahedya nang namatay ang isa sa kanyang mga kapatid. Nagdalamhati ang kanyang ina, at matinding kalungkutan ang nadama ng pamilya.
Isang araw nakatanaw sa bintana ang batang ito. Abot-tanaw niya ang nakapalibot na niyebe sa kanilang munting tahanan. Habang nakatingin sa malayo, nakita niya ang dalawang taong papunta sa kanila. Nang malapit na silang makarating, nakilala ng bata kung sino sila—ang mga visiting teacher ng kanyang ina.
Naantig ako ng kuwentong iyon. Nabinyagan ako noong Mayo 1983. Isang karangalan ang maging isa ring visiting teacher. Gustung-gusto kong makasama ang maraming kababaihang halimbawa ng “mabait na babae” na ang “halaga ay higit na makapupo kay sa mga rubi” (Mga Kawikaan 31:10). Napakagandang makasama ang mga babaeng nagsisikap din na maging mabait, mahalin ang isa’t isa, at ilapit ang iba pa kay Cristo.