Isang Mahalagang Pag-aari
Rafael Barrios, Santa Fe, Argentina
Dati akong nagtatrabaho sa isang customer service call center kung saan imposibleng palaging magsama-sama ang mga empleyado. Nagpasiya ang aming supervisor na magkaroon ang buong grupo ng salu-salo sa pananghalian isang araw ng Sabado upang mabigyan kami ng pagkakataong magkakila-kilala. Sinabihan niya kaming magdala ng ilang bagay na mahalaga sa amin at ipaliwanag kung bakit iyon mahalaga.
Habang pinag-iisipan ko ang kanyang kahilingan, natanto kong pagkakataon na ito upang ituro sa mga kasama ko sa trabaho ang tungkol sa ebanghelyo. Dahil maselang paksa ang relihiyon, alam kong kailangan kong maging maingat hinggil sa bagay na aking dadalhin at kung paano ko ipaliliwanag ang kahalagahan nito sa akin.
Nang sumapit na ang araw ng pananghalian, nasiyahan kaming lahat na makilala ang isa’t isa. Pagkatapos ng tanghalian sinimulan na ng aming supervisor ang aming aktibiti sa pamamagitan ng pagpapakita ng bagay na mahalaga sa kanya—isang photo album ng pamilya. Sinabi niya sa amin ang hirap na dinanas niya nang makipaghiwalay siya sa kanyang asawa, ang pagiging single mother, at pagsisimulang muli.
Pagkatapos ng iba, ako naman ang nagbahagi. Sinabi ko sa mga ka-trabaho ko na ang sa akin naman ay isang bagay na dala-dala ko araw-araw: ang aking singsing na PAT. Sinabi ko sa kanila na ang ibig sabihin ng mga letra ay “Piliin ang Tama” at ang singsing ay nagpapaalala sa akin na palaging sundin ang mga utos ng Diyos. Nagtanong ang ilang tao tungkol sa Simbahan at sa mga pinaniniwalaan ng mga Banal sa mga Huling Araw, na nagbigay sa akin ng pagkakataon na sabihin sa kanila ang kahalagahan ng mga pamilya sa plano ng ating Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak, na ang mga pamilya ay maaaring maging walang-hanggan, at mayroon tayong Tagapagligtas na nag-alay ng Kanyang buhay para sa atin. Nagbahagi rin ako ng ilang karanasan mula sa aking misyon. Habang nagsasalita ako, nadama ko, at gayon din ng aking mga ka-trabaho, ang Espiritu.
Pagkatapos ng araw na iyon, may ilan pang nagtanong tungkol sa ebanghelyo, at inanyayahan ko ang ilan sa kanila na sumama sa Simbahan. Kalaunan ay lumipat na ako ng trabaho at hindi ko na nalaman kung mayroon sa kanila na naging interesado na matuto pa, ngunit maganda ang aking naging pakiramdam dahil alam kong nasabi ko sa kanila na ang totoong Simbahan ni Jesucristo ay nasa lupa at ang Ama sa Langit ay mayroong plano ng kaligayahan para sa Kanyang mga anak.
Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, tayo ay may responsibilidad na ibahagi ang ebanghelyo. Sa pamamagitan ng maliliit at simpleng bagay tulad ng singsing na PAT, maaari tayong makapagturo ng mga dakilang aral na makatutulong sa kaligtasan ng ating mga kapatid.