2012
Mga Bato, Palaso, at Snowball
Enero 2012


Mga Bato, Palaso, at Snowball

“Ang Espiritu ng Panginoon ay nasa kanya, kung kaya hindi [nila] siya matamaan” (Helaman 16:2).

Ang paglalakad pauwi galing sa paaralan ay kadalasang pangkaraniwan lamang. Kung minsan iniisip ko ang homework sa math, minsan ay iniisip ko ang ginawa namin sa gym class, at kung minsan naman ay naglalakad ako nang walang gaanong iniisip.

Ngunit kaiba ang araw na ito. Hindi ako mapakali. Tanaw ko sa unahan ang dalawa sa mga batang kalaro ko kung minsan—sina Josh at Marcus—sa paggawa ng mga snowball at nakaturo sila sa akin.

“Hoy, David, halika!” hiyaw ni Josh, na tumatawa. “May ipapakita kami sa iyo.”

Tumawa rin si Marcus.

Parehong mas matanda nang isang taon sina Josh at Marcus sa akin, at malakas silang bumato. Alam ko na sandali na lang at magsisimula na silang magbato ng mga snowball sa daanan ko. Kahit kadalasan ay mabait sila sa akin, naisip ko na baka siniksikan pa nila ng yelo ang mga snowball.

Nag-isip ako kung paano mapipigil ang paglusob nila.

Tumakbo patawid ng kalsada para maiwasan sila? Hindi, pagtatawanan nila ako at babansagan ng kung anu-ano.

Tumakbo nang matulin hanggang sa malagpasan ko sila? Hindi, mas mabilis silang tumakbo kaysa sa akin at aabutan nila ako kaagad.

Batuhin din sila ng snowball? Hindi magandang ideya, kung iisipin na dalawa sila at nag-iisa lang ako. Lamang din sila sa akin dahil nasa itaas sila ng burol, at wala akong mapagtataguan sa ibaba.

Nagpasiya akong gawin ang tanging bagay na makabuluhan—mahinahon silang lagpasan at hayaang magliparan ang mga snowball.

Habang palapit ako sa burol, may naisip ako. Naalala ko si Samuel, ang Lamanita, na nangaral ng ebanghelyo habang nakatayo sa ibabaw ng isang pader. Nang hindi magustuhan ng mga tao ang kanyang sinabi, siya ay kanilang pinagbabato at pinana.

Alam ko na pinrotektahan ng Panginoon si Samuel para hindi tamaan ng mga bato at palaso. Marahil ay hindi Niya patatamain sa akin ang mga snowball.

Nagdasal ako sa aking isipan, at hiniling sa Ama sa Langit na huwag akong tamaan ng mga snowball. Alam ko na kailangan kong maging matapang at hindi mag-alinlangan—gaya ni Samuel. Nang marating ko ang burol, tiwala ako na hindi ako masasaktan.

Tulad ng inaasahan ko, nagliparan ang mga snowball. Dalawang snowball ang humaging sa ulunan ko nang napakalapit kaya naramdaman ko ang lamig nito. Ang ilan sa mga snowball ay humaging sa mga braso ko, at ang ilan ay bumagsak sa paanan ko, pero wala ni isang tumama sa akin. Wala ni isa!

Patuloy sa pagbato ang mga bata hanggang sa hindi na nila ako maabot, pero alam kong ligtas ako. Hindi na gaanong nakakakaba ang nalabi kong paglakad pauwi—at talagang napakasaya ko. Pinrotektahan akong kagaya ni Samuel, ang Lamanita. Alam ko na nabiyayaan ako ng pagdarasal at pagsampalataya sa Panginoon.

Paglalarawan ni Kevin Keele