2012
George Albert Smith: Namuhay Ayon sa Kanyang Itinuro
Enero 2012


George Albert Smith

Namuhay Siya Ayon sa Kanyang Itinuro

Ang mga karanasan sa buhay ni Pangulong George Albert Smith ay nagpapakita na hindi lamang niya pinaniwalaan ang ebanghelyo … ipinamumuhay pa niya ito.

Bago natapos ang isang napakaabalang araw, naupo si John A. Widtsoe sa kanyang tanggapan, “na pagod na pagod matapos magtrabaho sa maghapon.” Naharap siya sa isang matinding problema, at nadama niya ang bigat ng kanyang mga responsibilidad. “Pagod ako noon,” sabi niya.

“Noon din ay may kumatok sa pintuan, at pumasok si George Albert Smith. Sabi niya, ‘Papauwi na ako mula sa maghapong pagtatrabaho. Naisip kita at ang mga problemang kailangan mong lutasin. Pumasok ako para panatagin ka at basbasan.’

“… Hinding-hindi ko iyon malilimutan. Nag-usap kami sandali; naghiwalay kami, at umuwi na siya. Sumigla ang puso ko. Nawala ang pagod ko.”

Sa paggunita sa karanasang ito pagkaraan ng maraming taon bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, sinabi ni Elder Widtsoe (1872–1952): “Ganyan si George Albert Smith. … Ibinigay niya ang sarili niyang oras, ang sarili niyang lakas.”1

Naniwala si George Albert Smith (1870–1951), na naglingkod bilang ikawalong Pangulo ng Simbahan, mula 1945 hanggang 1951, na kung talagang may patotoo tayo sa ebanghelyo ni Jesucristo, makikita ito sa ating buhay—lalo na sa pakikitungo natin sa isa’t isa. “Pamumuhay nang matwid sa tuwina,” pagtuturo niya, “ang pinakamatibay na patotoong maipapakita natin na totoo ang gawaing ito.”2

Sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: George Albert Smith, ang kurikulum ng Melchizedek Priesthood at Relief Society para sa 2012, napakabisang inilalahad ang patotoo ni Pangulong Smith—kapwa sa pamamagitan ng kanyang mga turo at sa pamamagitan ng mga kuwento mula sa kanyang buhay. Ang sumusunod ay ilang halimbawa ng mga kuwento at turong ito.

Ang Bisa ng Kabaitan

Isang araw ng tag-init, ilang trabahador ang nagkukumpuni sa kalye sa labas ng tahanan ni Pangulong Smith. Nang tumindi ang trabaho at uminit ang araw, nagsimulang magmura at magsalita ng masasama ang mga trabahador. Hindi nagtagal ay lumapit ang isa sa mga kapitbahay at pinagalitan ang mga trabahador sa kanilang masamang pananalita, at sinabing nakatira sa malapit si George Albert Smith. Hindi ito pinansin ng mga trabahador at lalo pang nagmura.

Samantala, naghanda ng isang pitsel ng lemonada si Pangulong Smith sa kanyang kusina. Inilabas niya ito sa isang tray na may ilang baso at sinabi sa mga trabahador, “Mga kaibigan, mukhang naiinitan at pagod na kayo. Bakit hindi muna kayo maupo sa ilalim ng mga puno ko at uminom ng malamig na inumin?”

Mapagpakumbaba at mapagpasalamat na tinanggap ng mga trabahador ang kanyang alok, at pagkatapos nilang magpahinga ay tinapos nila ang kanilang trabaho nang tahimik at may paggalang.3

Ang mga karanasang katulad nito ay nagpapakita ng paniniwala ni George Albert Smith na kaya nating “harapin ang ating mga problema nang may pagmamahal at kabaitan sa lahat.”4 “May mga taong magkakamali,” sabi niya. “Mayroon sa atin na naliligaw ng landas, ngunit sila ay mga anak ng ating Panginoon at mahal niya sila. Binigyan niya tayo ng karapatang pakitunguhan sila nang may kabaitan at pagmamahal at tiyaga at hangaring pagpalain sila, ilayo sila sa mga kamaliang ginagawa nila. Wala akong pribilehiyong [humusga]. … Ngunit pribilehiyo ko, kung makita ko silang gumagawa ng mali, na ibalik sila sa anumang paraan, kung maaari, sa landas tungo sa buhay na walang-hanggan sa kahariang Selestiyal.”5

“Napakalaking kagalakan, kapanatagan, at kasiyahan ang madaragdag sa buhay ng ating mga kapitbahay at kaibigan sa pamamagitan ng kabaitan. Gustung-gusto kong isulat ang salitang iyan sa malalaking titik at ipaglantaran. Kabaitan ang kapangyarihang bigay sa atin ng Diyos upang palambutin ang mga puso at pasunurin ang matitigas ang ulo.”6

Pagbabahagi ng Ebanghelyo

Para kay Pangulong Smith ang pagbabahagi ng ebanghelyo ang “pinakamagandang gawin.”7 Kinilala at ikinagalak niya ang kabutihang nakita niya sa ibang mga simbahan, ngunit alam niya na kakaiba at mahalaga ang iniaalok ng ipinanumbalik na ebanghelyo sa sangkatauhan.

Minsan noong naglilingkod pa siya bilang mission president, may isang lalaking nagsabi sa kanya, “Batay sa nalalaman ko, ang simbahan ninyo ay kasimbuti lang ng ibang simbahan.”

“Palagay ko inakala niya na malaking papuri iyon sa atin,” sabi ni Pangulong Smith. “Pero sabi ko sa kanya: ‘Kung hindi mas mahalaga sa mga anak ng tao ang Simbahang ito na kinakatawan ko kaysa iba pang simbahan, nagkamali ako sa tungkulin ko rito.’”8

Ang isang dahilan kaya napakahalaga ng ating mensahe, pagtuturo ni Pangulong Smith, ay ang katotohanan na “ang mga Banal sa mga Huling Araw lamang ang tanging maytaglay ng awtoridad ng ating Ama sa Langit na mangasiwa sa mga ordenansa ng Ebanghelyo. Kailangan tayo ng mundo.”9

Dahil dito, gusto ni Pangulong Smith na madama ng mga Banal sa mga Huling Araw ang “marubdob at masigasig na hangaring ibahagi sa lahat ng anak ng ating Ama ang mabubuting bagay na bukas-palad niyang ipinagkaloob sa atin.”10

“Kung minsan,” sabi niya, “pakiramdam ko ay hindi sapat ang pag-unawa natin sa kahalagahan [ng ebanghelyo], kaya hindi natin ito itinuturo nang may karampatang kasigasigan.”11

Namasdan ng isang malapit na kaibigan kung paano nagpakita si Pangulong Smith ng “kasigasigan” sa pagbabahagi ng ebanghelyo: “Sa ilang pagkakataon nagkaroon ako ng pribilehiyong makasama sa paglalakbay sakay ng tren si Pangulong Smith. Sa bawat pagkakataon naobserbahan ko na kapag umandar na ang tren, kumukuha siya ng ilang gospel tract mula sa kanyang bag, inilalagay ito sa kanyang bulsa, at lumilibot siya sa mga pasahero. Sa kanyang magiliw at nakalulugod na paraan maya-maya ay makikipagkilala na siya sa kapwa pasahero, at hindi magtatagal ay maririnig ko na siyang nagkukuwento tungkol sa pagtatatag ni Propetang Joseph Smith sa Simbahan o paglalakbay ng mga Banal mula sa Nauvoo at ang mga pagsubok at hirap na dinanas nila sa pagtawid sa kapatagan papuntang Utah o kaya’y nagpapaliwanag tungkol sa ilang mga alituntunin ng ebanghelyo sa kanyang bagong kaibigan. Isa-isa niyang kinakausap ang bawat pasahero hanggang sa matapos ang biyahe. Sa buong panahon na magkasama kami ni Pangulong Smith, na umabot nang mahigit apatnapung taon, nalaman ko na saanman siya naroon, siya, una sa lahat ay isang misyonero para sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”12

Pagtuturo sa Ating mga Anak

Taimtim na sinunod ng mag-asawang George Albert Smith at Lucy ang banal na utos na “palakihin ang [kanilang] mga anak sa liwanag at katotohanan” (D at T 93:40). Ikinuwento ng kanilang anak na si Edith ang isang pagkakataon na sinamantala ng kanyang ama ang isang pagkakataong makapagturo. Sumakay siya ng tren pauwi mula sa pag-aaral ng piyano, at nalimutan ng konduktor na kunin ang kanyang pamasahe. “Nilampasan niya ako,” pagkukuwento niya, “at nakarating ako sa pupuntahan ko na hawak pa rin ang pamasahe ko, at aaminin ko na ikinatuwa ko na nalibre ako sa pamasahe.

“… Masaya akong tumakbo kay Itay para sabihin ang maganda kong kapalaran. Nakinig siya sa kuwento ko nang buong tiyaga. Nagsisimula na akong mag-isip na napakaganda ng nangyari sa akin. …

“Nang matapos ang kuwento ko, sabi ni Itay, ‘Pero, anak, kahit hindi ito alam ng konduktor, alam mo at alam ko at alam din ng Ama sa Langit. Kaya, tatlo pa rin tayong dapat masiyahan na makitang nagbabayad ka nang buo sa serbisyong tinanggap mo.’”

Bumalik si Edith sa kanto at binayaran ang kanyang pamasahe. Sabi niya kalaunan, “Talagang nagpapasalamat ako sa isang Ama na sapat ang karunungan para ituro sa akin ang pagkakamali ko, dahil kung nakaligtaan [o pinalampas] niya ito, iisipin ko na sang-ayon siya rito.”13

Itinuro ni Pangulong Smith sa mga miyembro ng Simbahan na ang pagmamahal ay may kapangyarihang bigyang-inspirasyon ang ating mga anak na mamuhay nang matwid: “Turuan ang inyong mga anak na sundin ang batas ng kalinisan ng puri. Punuin sila ng pagmamahal, upang hindi sila magkaroon ng anumang hangarin na matukso sa kasamaang nakapalibot sa kanila.”14

“Tungkulin natin—pribilehiyo pala natin at tungkulin na maglaan ng sapat na oras para pangalagaan ang ating mga anak at mahalin sila at kamtin ang kanilang pagmamahal para magalak silang makinig sa ating payo at pangaral.”15

Mga Walang-Hanggang Mag-anak

Mga 40 taon nang kasal sina George Albert at Lucy Smith nang magsimulang humina ang kalusugan ni Lucy. Bagaman nag-alala siya tungkol dito at sinikap na panatagin si Lucy hangga’t kaya niya, madalas ay malayo sa tahanan si Pangulong Smith dahil sa kanyang mga tungkulin bilang General Authority. Isang araw matapos magsalita si Pangulong Smith sa isang burol, may nag-abot sa kanya ng isang maikling sulat na nagsasabing umuwi na siya kaagad. Kalaunan ay isinulat niya sa kanyang journal:

“Agad kong nilisan ang kapilya ngunit nalagutan na ng hininga ang Pinakamamahal kong asawa bago ako dumating sa aming tahanan. Pumanaw siya habang nagsasalita ako sa burol. Nawalan ako ng tapat na asawa at alam kong malulungkot ako dahil wala siya.”

“Kahit lubhang namighati ang aking pamilya,” pagsulat niya, “napanatag kami sa katiyakan na muli namin siyang makakapiling kung mananatili kaming tapat. … Napakabait ng Panginoon at inalis niya ang bawat sakit na dulot ng kamatayan, na labis kong pinasasalamatan.”16

Humugot ng lakas at kapanatagan si Pangulong Smith sa kanyang patotoo sa plano ng kaligtasan at sa mga ordenansa sa templo na nagbubuklod sa mga pamilya sa kawalang-hanggan. Itinuro niya:

“Ang katiyakan na ang ating kaugnayan dito bilang mga magulang at mga anak, bilang mga mag-asawa ay magpapatuloy hanggang sa langit, at na ito ay simula lamang ng isang dakila at maluwalhating kaharian na itinakda ng ating Ama na manahin natin sa kabilang-buhay, ay pinupuspos tayo ng pag-asa at galak.

“Kung iisipin ko, gaya ng iniisip ng marami, na ngayong wala na ang pinakamamahal kong asawa at mga magulang, nawala na sila sa akin at hindi ko na sila makikita kailanman, pagkakaitan ako nito ng isa sa mga pinakamalaking kagalakan ko sa buhay: ang isipin ko na muli ko silang makikita, at sasalubungin nila ako at mamahalin, at pasasalamatan ko sila sa kaibuturan ng aking puso para sa lahat ng bagay na nagawa nila para sa akin.”17

“Kapag natanto natin na ang kamatayan ay isa lamang sa mga hakbang na gagawin ng mga anak ng Diyos sa buong kawalang-hanggan, at iyon ay ayon sa kanyang plano, inaalis nito ang tibo ng kamatayan at inihaharap tayo sa katotohanan ng buhay na walang-hanggan. Maraming pamilya ang pansamantala nang nagpaalam sa kanilang mga minamahal. Kapag may namamatay, nababagabag tayo, kung tutulutan natin, at sa gayon ay naghahatid ito ng kapighatian sa ating buhay. Ngunit kung mabubuksan ang ating espirituwal na mga mata at makikita natin, mapapanatag tayo, natitiyak ko, sa ating makikita. Hindi hinahayaan ng Panginoon na mawalan tayo ng pag-asa. Sa kabilang banda binigyan niya tayo ng buong katiyakan ng walang-hanggang kaligayahan, kung tatanggapin natin ang kanyang payo at gabay habang narito tayo sa mundo.

“Hindi ito isang pangarap na walang-kabuluhan. Totoo ang mga ito.”18

Pagmamahal at Paglilingkod

Marahil ay kilalang-kilala si Pangulong Smith sa pagmamahal na ipinakita niya sa iba. Naniwala siya na pag-ibig ang tunay na diwa ng ebanghelyo. Sinabi niya sa mga Banal, “Kung ang ebanghelyo ni Jesucristo, na ibinigay sa inyo, ay hindi nagtanim ng ganyang pagmamahal sa inyong puso para sa inyong kapwa, sinasabi ko sa inyo na hindi pa ninyo natatamasa ang kabuuan ng napakagandang kaloob na iyan na sumapit sa mundo nang itatag ang Simbahang ito.”19

Bilang Pangulo ng Simbahan, pinagpala ni Pangulong Smith ang buhay ng libu-libo sa pamamagitan ng mga gawain at proyektong ginawa niya sa iba’t ibang panig ng daigdig. Magkagayunman, may panahon pa rin siya para sa mas maliliit at personal na paglilingkod. Isinulat ng isa sa kanyang mga kasamahan, si Elder Richard L. Evans (1906–71) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Karaniwan siyang nakikita, bago at matapos ang oras ng trabaho, na naglalakad sa mga pasilyo ng ospital, dumadalaw sa bawat silid, nagbabasbas, nagpapalakas ng loob, at nagpapasaya dahil sa di-inaasahang pagdalaw niya sa mga lugar na iyon kung saan lubos at mapagpasalamat na tinatanggap ang kanyang nakaaaliw at nakapapanatag na presensya. … Ugali na niyang magpunta saanman niya madama na makakatulong siya at makapagpapalakas ng loob.”20

Ibinahagi ni Pangulong Thomas S. Monson ang halimbawang ito ng pagmamahal ni Pangulong Smith: “Isang umaga ng taglamig, inalis ng mga tagalinis ng kalsada [sa Salt Lake City] ang malalaking tipak ng yelo sa mga kanal. Ang mga regular na tauhan ay tinulungan ng mga temporaryong manggagawa na lubhang nangangailangan ng trabaho. Ang isa sa kanila ay manipis na sweater lamang ang suot at ginaw na ginaw. Isang [balingkinitang] lalaking ayos na ayos ang balbas ang naparaan sa kanila at tinanong ang manggagawa, ‘Kailangan mo ng mas makapal na sweater sa ganito [kalamig] na umaga. Nasaan ang pangginaw mo?’ Sumagot ang lalaki na wala siyang maisuot na pangginaw. Hinubad ng bisita ang sarili nitong pangginaw, iniabot ito sa lalaki at sinabing, ‘Sa iyo na ang pangginaw na ito. Makapal na lana ito at hindi ka giginawin. Diyan lang ako nagtatrabaho sa tapat.’ Ang kalsada ay South Temple. Ang mabuting Samaritanong naglakad nang walang pangginaw papasok sa Church Administration Building sa kanyang pang-araw-araw na trabaho ay si Pangulong George Albert Smith ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ipinakita ng kanyang pagiging bukas-palad ang kanyang maawaing puso. Tunay ngang siya ay tagapagbantay sa kanyang kapatid.”21

Ang mga Detalye ng Buhay sa Araw-araw

Nagbabahagi man ng kanyang pananampalataya sa kapwa pasahero sa tren o nagbibigay ng kanyang pangginaw sa isang trabahador sa malamig na kalye, palaging nagpapatotoo si Pangulong George Albert Smith sa pamamagitan ng kanyang mga gawa at maging sa kanyang mga turo. Ang mahalagang tema sa buong Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: George Albert Smith ay na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay dapat magkaroon ng malaking epekto sa ating buhay.

Tulad ng sabi ng isang nagmamasid kay Pangulong Smith: “Ang kanyang relihiyon ay hindi doktrinang puro salita lamang. Hindi ito teoriya. Para sa kanya higit pa ito sa isang magandang plano lamang na dapat hangaan. Ito ay higit pa sa isang pilosopiya ng buhay. Sa isang praktikal na taong katulad niya, relihiyon ang diwang namamayani sa buhay ng isang tao, sa paggawa niya ng mga bagay-bagay, kahit sa pagbigkas lang ng isang mabuting salita o pagbibigay ng isang baso ng malamig na tubig. Dapat niyang ipamuhay ang kanyang relihiyon. Dapat itong makita sa lahat ng aspeto ng buhay sa araw-araw.”22

Ibinuod ni Pangulong J. Reuben Clark Jr. (1871–1961), isa sa kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan, ang buhay ni Pangulong Smith sa mga salitang ito: “Isa siya sa iilang taong masasabi ninyo na ipinamumuhay niya ang kanyang itinuturo.”23

Mga Tala

  1. John A. Widtsoe, sa Conference Report, Abr. 1951, 99; tingnan din sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: George Albert Smith (2011), xlii.

  2. Mga Turo: George Albert Smith, 10.

  3. Tingnan sa Mga Turo: George Albert Smith, 247–248.

  4. Mga Turo: George Albert Smith, 247.

  5. Mga Turo: George Albert Smith, 252.

  6. Mga Turo: George Albert Smith, 252.

  7. Mga Turo: George Albert Smith, 137.

  8. Mga Turo: George Albert Smith, 168.

  9. Mga Turo: George Albert Smith, 138.

  10. Mga Turo: George Albert Smith, 142.

  11. Mga Turo: George Albert Smith, 166.

  12. Preston Nibley, sa Mga Turo: George Albert Smith, 135.

  13. Tingnan sa Mga Turo: George Albert Smith, 260.

  14. Mga Turo: George Albert Smith, 266.

  15. Mga Turo: George Albert Smith, 253.

  16. Tingnan sa Mga Turo: George Albert Smith, xxx.

  17. Mga Turo: George Albert Smith, 92.

  18. Mga Turo: George Albert Smith, 84–85.

  19. Mga Turo: George Albert Smith, 15.

  20. Richard L. Evans, sa Mga Turo: George Albert Smith, 13–14.

  21. Thomas S. Monson, sa Mga Turo: George Albert Smith, 14.

  22. Bryant S. Hinckley, sa Mga Turo: George Albert Smith, 3.

  23. J. Reuben Clark Jr., sa Mga Turo: George Albert Smith, 3.

Larawang ipininta ni John Hafen, sa kagandahang-loob ng Church History Museum

Ipinapakita ni Pangulong Smith ang Aklat ni Mormon kina Many Turquoise (kaliwa) at Manuelito Begay.

Kaliwa: larawan sa kagandahang-loob ng Church History Museum

Itaas: Si Pangulong Smith kasama ang kanyang anak na si George Albert Smith Jr. Itaas: Itinampok sa isang isyu ng magasin na Time noong 1947 ang isang artikulo tungkol kay Pangulong Smith at sa Simbahan.

Kaliwa: larawan ni Pangulong Smith at ng kanyang anak sa kagandahang-loob ng Church History Museum