Mga Baterya at Hagupit ng Hangin
C. Lee Bendixsen, Idaho, USA
Isang araw pagkatapos ng iskedyul ko sa Idaho Falls Idaho Temple, nagboluntaryo akong ihatid ang dalawang miyembro sa kanilang sasakyan, na nakaparada sa highway malapit sa timog na bahagi ng Idaho Falls, Idaho, USA. Isang matulunging mag-asawa ang huminto sa napakalamig na araw na iyon ng Disyembre kaya tuluyang nakarating sina Brother Thompson at Brother Clark sa templo.
Alam ni Brother Thompson na kailangan na ng kotse niya ng bagong baterya. Sinamahan ko siyang bumili ng baterya sa kalapit na automotive shop, at dahil may mga kagamitan ako sa sasakyan, sinabi kong ako na ang magpapalit niyon.
Mabuti na lang at nakapagdala ako ng bagong guwantes at pangginaw. Itinaas ko ang hood ng sasakyan, at naghanda nang alisin ang lumang baterya at palitan ng bago.
Para mapalitan ang baterya, kailangang alisin ko at ilipat ang ilang piyesa ng sasakyan, kasama na ang windshield at imbakan ng tubig. Nalaman ko na hindi sukat ang mga kagamitan ko sa lahat ng mga roskas at halos hindi na maipihit ang maraming turnilyo. Gumamit ako ng iba’t ibang kagamitan at sinubukan ang iba’t ibang puwesto, pero hindi pa rin natanggal ang mga turnilyo. Nasa 5 degrees Fahrenheit (-15°C) na ang temperatura sa labas, at dahil sa paghaging ng maliliit na trak ay lalong naging napakalamig ng hangin. Pinanghinaan na ako ng loob.
Bumaling ako sa tanging mahihingan ko ng tulong. Nagdasal ako nang taimtim, ipinaliwanag sa Ama sa Langit ang kailangan ko at hiniling na paluwagin niya ang mga roskas at turnilyo at tulungan ako kung paano iyon gawin. Matapos akong manalangin, dinampot kong muli ang plays [pliers] at hinawakan ang matigas na turnilyo. Maluwag na ito! Tahimik at taimtim na nagpapasalamat, tinanggal ko ang turnilyo at nagpatuloy.
Maya-maya nakita ko ang isa pang roskas na matigas na nakakabit sa mas malalim na bahagi ng sasakyan. Natigilan akong muli, kaya nagdasal pa ako nang mas taimtim nang may mas malaking tiwala. Sa pagkakataong ito ipinaisip sa akin na alisin ang mga turnilyo sa ilalim at pagkatapos ay pihitin ang kinakapitan ng baterya, na ginawa ko naman. Madaling natanggal ang matigas na turnilyo. Ilang sandali pa, natanggal ko na ang lumang baterya.
Inilagay ko ang bagong baterya at gamit ang namamanhid na mga daliri ay maingat kong ibinalik ang lahat ng piyesa. Pagkatapos ay ikinabit kong muli ang mga kable. Ipinihit ni Brother Thompson ang susi at napangiti nang husto nang umandar ang makina. Buong pasasalamat kong isinara ang hood. Halos isang oras akong nasa labas, at manhid na ang mga binti ko at paa habang pahapay akong pumasok sa aking sasakyan.
Sinundan ko sina Brother Thompson at Brother Clark hanggang pag-uwi para masigurong maayos silang nakarating. Habang nagmamaneho, napakaginhawa ng init mula sa heater ng aking sasakyan habang unti-unti nang nainitan ang mga paa’t binti ko. Pinasalamatan ko nang lubos ang Ama sa Langit sa Kanyang pagtulong sa akin. Ipinaalam din sa akin na sinagot Niya ang panalangin ng mga kapatid na ito sa pamamagitan ng pagpapadala sa akin bilang Kanyang tagapaglingkod. Sa Kanyang napakagandang paraan tinugon Niya ang kanilang pangangailangan at muling pinagtibay ang aking pananampalataya.