Lumahok ang mga Miyembro sa United Kingdom, Brazil sa mga Araw ng Paglilingkod
Mula nang anyayahan ng Unang Panguluhan ang lahat ng miyembro ng Simbahan noong Abril na lumahok sa isang araw ng paglilingkod sa darating na taon, marami nang miyembro sa iba’t ibang panig ng mundo ang tumutugon. Sa dalawang bansa—ang United Kingdom at Brazil—lumahok ang mga yunit sa pakikiisa sa iba pang mga miyembro sa kani-kanilang bansa.
United Kingdom
Noong Lunes, Setyembre 5, 2011, nagpulong ang mga miyembro mula sa 11 stake sa buong Inglatera, kasama si Area President Erich W. Kopischke ng Pitumpu, para sa isang proyekto ng Helping Hands sa Tottenham Marshes.
Ginunita sa kaganapang ito hindi lamang ang ika-75 anibersaryo ng programang pangkapakanan ng Simbahan kundi maging ang opisyal na muling paglulunsad ng 2011 Capital Clean-Up Campaign sa London. Sa loob ng limang oras, ang mga miyembro—sa pakikipag-ugnayan sa tanggapan ng mayor—ay nagbunot ng damo, nag-ayos ng halamanan, nagsibak ng kahoy, nagputol ng madawag na halaman, at nagpulot ng mga basura sa Lee Valley Park.
Sa araw ding iyon sumali ang mga miyembro sa iba pang mga lugar sa London sa mga proyekto ng Helping Hands sa Haven House Children’s Hospice at Richard House Children’s Hospice.
Sa Richard House, ang 18 miyembro ng Stratford Ward ay nagpintura ng isang opisina, nagbunot ng mga damo, nagputol ng mga halaman, nagwalis sa bakuran, at nagkumpuni ng mga kasangkapan. Ito ang unang pakikipag-ugnayan ng hospicio sa Simbahan, sabi ni Charlotte Illera, project manager para sa proyektong paglilingkod sa Richard House.
“Naantig ako sa ipinakitang paggawa ng mga boluntaryo nang may sigla at saya,” wika niya. “Maging ang simpleng pagwawalis ay napakahusay na nagawa.”
Nitong nakaraang ilang buwan, ang mga miyembro ng Simbahan sa Great Britain at Northern Ireland ay nag-oorganisa at lumalahok sa maraming proyektong paglilingkod sa buong bansa.
Brazil
Noong Hulyo 30, 2011, natampok ang dilaw na vest sa daan-daang proyektong paglilingkod sa buong Brazil sa pagdiriwang ng ika-12 anibersaryo ng Mormon Helping Hands, isang programa ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na layong maglingkod sa komunidad at tumulong sa mga biktima ng kalamidad.
Ang Mormon Helping Hands (Mãos que Ajudam) ay nagmula talaga sa Brazil para maging pamilyar ang mga kaibigan at kapitbahay sa pagkakawanggawa ng Simbahan. Ito ngayon ay naging mahalagang taunang kaganapan.
Ang araw ng paglilingkod sa taong ito ay napuno ng kantahan, tawanan, at palakpakan habang ang 120,000 kalalakihan, kababaihan, at mga bata ay nagwalis sa kalsada, naglinis ng mga paaralan, nagkumpuni ng mga gusali, nagpaganda ng mga parke, at nakilahok sa iba pang mga proyektong paglilingkod sa pinakamalaki at mataong bansa sa Latin America. Nakipagtulungan ang mga miyembro ng Simbahan sa mga mamamayan ng komunidad sa paglilingkod na pakikinabangan ng lahat.
Sa Belo Horizonte, Recife, at Bahia, mahigit 6,000 boluntaryo ang tumulong sa paglaban sa dengue fever. Sa Rio de Janeiro, nilinis ng mga boluntaryo ang mga pampublikong paaralan at day care center. Sa Porto Alegre, 1,500 boluntaryo ang naglinis ng mga paaralan, at nakibahagi ang ilan sa mga lektyur sa pag-iwas sa droga.
Sa loob ng dalawang buwan bago sumapit ang araw ng paglilingkod, mahigit 500 boluntaryo ang nangalap ng pagkain, na ibinigay sa 175 pamilyang nangangailangan sa São Jose noong Hulyo 30.
Ang mga miyembro ng Simbahan sa Blumenau ay nagbigay ng humigit-kumulang sa 300 libra (136 kg) ng pagkain sa Casa de Apoio às Crianças Portadoras de Mielomeningocele e Neoplasia (House in Support of Children with Spina Bifida and Neoplasia). Nagturo din ang mga boluntaryo ng mga pangunahing alituntunin sa pag-iimbak ng pagkain sa institusyon.
“Ang mga paraang natutuhan namin ay makakatulong sa aming pag-iimbak ng pagkain, yamang maraming nabubulok na pagkain sa mahalumigmig na kapaligiran,” sabi ng social worker na si Adriane J. Backes Ruoff.