2012
Paghahanap ng mga Sagot sa Aklat ni Mormon
Enero 2012


Paghahanap ng mga Sagot sa Aklat ni Mormon

Ang ating buhay sa lupa ay maaaring puno ng hamon, ngunit hindi tayo ipinadala ng ating mapagmahal na Ama sa Langit dito upang mag-isang harapin ang mga unos ng buhay. Isa sa mga pinakamalaking tulong na ibinigay Niya sa atin ay ang Aklat ni Mormon. Hindi lamang nito itinuturo ang kabuuan ng ebanghelyo kundi ginagabayan din tayo sa mga problemang ating nakakaharap. Habang sinasaliksik natin ang Aklat ni Mormon, tutulungan tayo ng Espiritu na mahanap ang mga sagot sa ating mga problema at katanungan.

Si Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagpatotoo na:

“Sa lahat ng alam kong mga aklat, ang Aklat ni Mormon ang pinakamainam na mapagkukunan natin ng mga kasagutan sa mga problema sa buhay. …

“Ilang beses nang dumating ang kapayapaan sa buhay ng mga nakikibaka sa mga problema nang basahin nila ang Aklat ni Mormon! Ang mga halimbawa ng espirituwal na patnubay na nagmula sa aklat ay hindi mabibilang.”1

Sa sumusunod na mga salaysay, ibinabahagi ng mga miyembro kung paano nila natagpuan sa Aklat ni Mormon ang hinahanap nilang mga sagot.

Pagkakaroon ng Pagbabago ng Puso

Bagama’t bata pa nang malaman niya ang tungkol sa ebanghelyo, si Greg Larsen (binago ang pangalan) ng California, USA, ay lumayo sa Simbahan kalaunan. Nasangkot siya sa droga at krimen at hindi nagtagal ay natagpuan niya ang kanyang sarili sa bilangguan. Gusto niyang baguhin ang kanyang buhay ngunit hindi niya tiyak kung paano.

“Ang kalalakihan ng ward sa aming lugar ay nagtuturo ng Sunday School sa bilangguan,” pagsulat ni Greg. “Sinabi ng isa sa kanila na mas magiging maayos ang buhay ko kung babasahin ko ang Aklat ni Mormon. At ginawa ko iyon.

“Nang makalabas ako ng bilangguan, nagbalik ako sa simbahan, ngunit naroon pa rin ang pagnanasang bumalik sa dating gawi. Habang patuloy kong binabasa ang Aklat ni Mormon, nalaman ko ang tungkol sa mga tao ni Haring Lamoni sa Alma 19:33, na ang ‘mga puso ay nagbago; na wala na silang pagnanais pang gumawa ng masama.’ Nagsimula akong magdasal para sa pagbabagong ito ng puso.”

Natagpuan ni Greg ang sagot sa kanyang dasal sa Helaman 15:7, na nagtuturo na ang “pananampalataya at pagsisisi ay nagdudulot ng isang pagbabago ng puso.”

“Habang binabasa ko ang mga salitang iyon, dumaloy ang mga luha sa aking pisngi. Pinatotohanan ng Espiritu na mahal ako ng aking Ama sa Langit at tutulungan Niya ako. Nadama ko na malulutas ito kung may sapat akong pananampalataya na kausapin ang aking bishop. Nang idulog ko ang aking mga kasalanan sa paanan ng Tagapagligtas, nakatanggap ako ng tunay na pagbabago ng puso.”

Paghahanap ng Kanyang Landas

Si Laura Swenson na taga Idaho, USA, ay umuwi isang araw na malungkot at luhaan. Wala pa siyang asawa, at ang mga plano niya para sa kolehiyo at ang pangarap niyang trabaho ay unti-unting gumuguho. “Naisip ko kung may pinatutunguhan nga ba ako,” pagsulat niya.

“Nadama kong dapat kong basahin ang Aklat ni Mormon. Sa unang apat na talata ng 1 Nephi 18, natagpuan ko ang mga sagot sa aking mga alalahanin. Inilalarawan ng mga talatang ito ang sasakyang-dagat na binuo ni Nephi para madala ang kanyang pamilya sa lupang pangako. ‘Kakaiba ang kayarian’ nito at hindi binuo ‘alinsunod sa pamamaraan ng tao’; kundi binuo ito alinsunod sa pamamaraang ipinakita ng Panginoon’ (mga talata 1–2). Madalas sumangguni si Nephi sa Panginoon habang binubuo ang sasakyang-dagat. Nang matapos ang sasakyang-dagat, ‘ito ay kasiya-siya, at ang pagkakagawa niyon ay lubhang mahusay’ (talata 4).

“Napagtanto ko na ang sarili kong paglalakbay ay ‘kakaiba ang kayarian.’ Hindi ito ayon sa pamamaraan ng tao ngunit maihahatid ako nito sa kailangan kong puntahan kung hihingin ko ang patnubay ng Panginoon. Ang mga talatang ito ay isang tanglaw sa oras ng kadiliman. Ang problema ko ay hindi nalutas sa magdamag, ngunit napasaakin ang pananaw na kailangan ko. Napakaganda ngayon ng trabaho ko at hindi ko ito kailanman pinlano.”

Pagtuklas sa Isa Pang Tipan

Noong bata pa si Adrián Paz Zambrano ng Honduras nagtaka siya kung bakit ang lugar lamang sa paligid ng Jerusalem ang binabanggit ng Biblia at inisip niya kung dinalaw nga ni Jesucristo ang iba pang mga bansa.

“Pagkalipas ng ilang taon dalawang misyonero ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang dumating sa bahay ko,” pagsulat ni Adrián. “Ipinakita nila sa akin ang Aklat ni Mormon at inanyayahan akong basahin ang 3 Nephi, na nagsasabi tungkol sa pagbisita ni Cristo sa mga lupain ng Amerika.

“Habang nagbabasa ako, naalala ko ang mga katanungan ko noong bata pa ako. Nahanap ko ang mga sagot. Dahil sa Aklat ni Mormon, nalaman ko na dinalaw ni Jesucristo ang mga lupain ng Amerika pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Napuspos ako ng kagalakan dahil nalaman ko na mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak saan man sila naroon o anuman ang kanilang kalagayan.”

Magkasamang nagdasal si Adrián at ang kanyang asawa para malaman kung totoo ang Simbahan, at kapwa sila nakatanggap ng patotoo. Sila ay nabinyagan at nakumpirma, at pagkaraan ng isang taon ang kanilang pamilya ay ibinuklod sa templo.

Pagsustento sa Kanyang Pamilya

Sa edad na 30, si Eric James ng New Mexico, USA, ay nasuring may sakit sa bato. Bilang bata pang ama, siya ay nanlumo at inisip kung matutustusan ba niya ang pangangailangan ng kanyang pamilya.

Nabasa niya sa Aklat ni Mormon na ganoon din ang naisip ni Nephi nang mabali ang kanyang busog na yari sa purong asero. Ngunit matapos gumawa ng busog na yari sa kahoy, muling natustusan ni Nephi ang pangangailangan ng kanyang pamilya. (Tingnan sa 1 Nephi 16:18–23, 30–32.)

“Ang salaysay tungkol kay Nephi ay pumuspos sa aking kaluluwa tulad ng matinding liwanag,” sabi ni Eric. “Ang kalusugang natamasa ko noong wala pa akong sakit ay tulad ng busog ni Nephi na yari sa purong asero. Nang magkasakit ako, parang nabali ang aking busog. Ngunit natanto ko na biniyayaan ako ng Panginoon ng busog na yari sa kahoy sa anyo ng isang kidney transplant. Ang transplant ay magbibigay sa akin ng lakas upang mapangalagaan ang aking pamilya. Nagbigay ito sa akin ng pag-asa. Makalipas ang halos 10 taon, patuloy kong tinutustusan ang pangangailangan ng aking pamilya at ginawa ko ang lahat para mapaglingkuran ang Panginoon.”

Pagtuturo sa mga Bata na Sumunod

Noong maliliit pa ang kanyang mga anak, si Juan Jose Resanovich ng Argentina ay bumabaling sa Aklat ni Mormon kapag mayroon siyang mga katanungan kung paano turuan at palakihin ang kanyang mga anak. “Sinasaliksik naming mag-asawa ang mga pahina nito upang makatanggap ng inspirasyon para sa aming mga anak, at palagi kaming nakahahanap ng mga sagot,” pagsulat niya.

Tinuruan ng mga Resanoviches ang kanilang mga anak ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng halimbawa ni Nephi sa 1 Nephi 3:5–6:

“Ang iyong mga kapatid ay bumubulung-bulong, sinasabing isang mahirap na bagay ang aking hinihingi sa kanila; subalit masdan, hindi ako ang humihingi sa kanila, kundi ito ay isang kautusan ng Panginoon.

“Kung gayon humayo, anak ko, at ikaw ay kakasihan ng Panginoon, sapagkat ikaw ay hindi bumubulung-bulong.”

“Itinuro namin sa aming mga anak na iginalang ni Nephi ang kanyang mga magulang at ang mga bagay ng Diyos,” pagsulat ni Juan. “Minithi namin bilang pamilya na aming tataglayin ang pagiging magalang at masunurin ni Nephi.

“Bawat isa sa aming mga anak ay nagmisyon. Hindi na namin kinailangang kumbinsihin pa sila na maglingkod. Sila’y naging mabubuting estudyante, mabubuting kaibigan, at mabubuting anak. Marami pang dapat pagbutihin ang aming pamilya, at ang Aklat ni Mormon ay napakalaking tulong sa pagkakamit ng aming mga mithiin.”

Pagtakas sa mga Gapos ng Adiksyon

Habang nakikibaka sa adiksyon sa pagkain, si Susan Lunt ng Utah, USA, ay nagdasal na tulungan siya. Bumaling siya sa Aklat ni Mormon at nabasa niya na nakalag ni Nephi ang mga lubid na itinali ng kanyang mga kapatid sa kanyang mga kamay at paa:

“O Panginoon, alinsunod sa pananampalataya ko na nasa sa inyo, loobin ninyong maligtas ako … ; oo, maging bigyan ninyo ako ng lakas upang malagot ko ang mga lubid na ito na gumagapos sa akin.

“At ito ay nangyari na … ang mga lubid ay nakalag” (1 Nephi 7:17–18).

“Inilarawan ng talatang ito ang aking tunay na nadarama—habang nakatali sa mga lubid ng adiksyon,” pagsulat ni Susan. “Ang nahahawakan o nakikitang mga lubid na nakagapos kay Nephi ay kaagad na nakalag nang hilingin niyang maligtas siya. Ang mga lubid na nakagapos sa akin ay hindi nahahawakan o nakikita at hindi sa isang iglap ko lamang nadaig ang aking adiksyon, kundi habang binabasa ko ang mga salitang iyon, nadama kong may nagbago sa aking kalooban. Nadama ko na para bang ang mga gapos sa palibot ng aking puso, isipan, at katawan ay nangakalag, at nalaman kong mapaglalabanan ko ang aking adiksyon.”

Malaki ang naging pagbabago ni Susan at, dahil sa inspirasyong natagpuan niya sa Aklat ni Mormon, naalis niya ang iba pang mga pag-uugali na gumagapos sa kanya, kabilang na dito ang galit, pagkamakasarili, at kapalaluan. “Alam kong ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos,” pagpapaliwanag niya, “at na ang mga sagot sa anumang katanungan sa buhay ay matatagpuan sa mga pahina ng aklat na ito.”

Tala

  1. M. Russell Ballard, sa “We Add Our Witness,” Tambuli, Dis. 1989, 13.

Mga paglalarawan ni Welden C. Andersen

Kanan: larawang kuha ni Christina Smith