2012
Tumingala sa Langit
Enero 2012


Tumingala sa Langit

Elder Carl B. Cook

Ang hamon sa ating lahat ngayon ay huwag tumingin sa paligid para makita kung ano ang palagay ng iba sa pamumuhay natin kundi tumingala sa langit para malaman kung ano ang nakikita sa atin ng Ama sa Langit.

Noong binata pa ako tinawag ako na magmisyon sa Hamburg, Germany. Sa Language Training Mission—ang sinundan ng ngayo’y missionary training center—nahirapan akong pag-aralan ang wika. Paglipas ng dalawang linggo, napansin ko na mas mabilis matuto ang ibang kasama ko sa district. Samantalang nakaabot na sila sa mas mahihirap na salita, ang aking dies, ders, at das es ay parang walang mararating.

Nag-alala na ako—at pinanghinaan ng loob. Paano ako makapagmimisyon nang maayos kung hindi ko kayang makipag-usap sa mga taong tuturuan ko?

Nagdasal ako para humingi ng tulong at humingi ng priesthood blessing, na nakapagpanatag sa akin. Pero patuloy pa rin akong nahirapan, at isang araw lalong nadagdagan ang pag-aalala ko. Habang naglalakad kami ng kompanyon ko sa pasilyo, huminto ako sa tapat ng lagayan ng mga panlinis. Nagpahintay ako sandali sa kompanyon ko. Sumiksik ako sa munting silid na iyon at lumuhod sa panlampaso. Nagsumamo ako sa Ama sa Langit na tulungan ako.

Sinagot ng Panginoon ang panalanging iyon. Pumasok sa isipan ko ang mga salitang ito: “Hindi kita tinawag para magpakadalubhasa sa wikang Aleman. Tinawag kita para maglingkod ka nang iyong buong puso, isipan, at lakas.”

Kaagad kong naisip, “kaya kong gawin iyan. Kaya kong maglingkod nang buong puso, isipan, at lakas. Kung iyan ang dahilan ng pagtawag sa akin ng Panginoon, kaya kong gawin iyan.” Tumayo ako na magaan na ang pakiramdam.

Magmula nang sandaling iyon, nabago na ang pamantayan ko sa aking progreso. Hindi ko na sinusukat ang aking progreso at tagumpay batay sa progreso ng kompanyon ko o ng ibang miyembro sa district. Sa halip, nagtuon ako sa sasabihin ng Panginoon sa ginagawa ko. Sa halip na tumingin sa tagiliran ko para ikumpara ang aking sarili sa iba, tumingala ako, sabi nga, para malaman kung ano ang iniisip Niya sa aking mga ginagawa.

Hindi ko alam kung natutuhan ko nang mas mabilis ang wika simula noon, pero hindi ko na naramdaman ang mga dati kong inaaalala. Alam ko kung ano ang gustong ipagawa sa akin ng Panginoon, at nasasaakin na kung gagawin ko iyon.

Sinimulan kong humingi ng payo sa aking Ama sa Langit sa umaga, na sinasabi sa Kanya na hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin sa maghapon pero gagawin ko ang lahat ng aking makakaya. “Anuman po ang matututuhan ko, itulot po Ninyong matutuhan ko iyon,” ang panalangin ko, “pero kahit anuman ang mangyari, ibibigay ko po sa Inyo ang buong kakayahan ko ngayon.”

Sa gabi, nagdarasal akong muli para ireport ang lahat ng pinag-aralan ko at ginawa. Sinasabi ko sa aking Ama sa Langit ang mga pagsisikap ko at ang mga tagumpay ko. Nagsimula akong bumaling sa Kanya—hindi sa iba o ni sa sarili ko—para alamin ang aking progreso.

Ang aral na iyan na natutuhan ko sa munting silid na iyon na lagayan ng panlinis mahigit 35 taon na ang nakararaan ay nanatili sa buong buhay ko, sa mga tungkulin at gawaing iniatas sa akin. Sa tuwing may ipinagagawa sa akin na parang hindi sapat ang kakayahan ko upang magawa ito, inaalala ko ang karanasang iyon at sinasabi sa sarili ko, “Sandali. Sino ang tumawag sa iyo? Sino ang pinaglilingkuran mo? Sino ang gusto mong pasayahin?”

Ang mundong ginagalawan natin ngayon ay may iba’t ibang uri ng pamantayan—karamihan sa mga ito ay hindi angkop sa atin. Palagay ko ang gayong mga pamantayan ay lalong nakapipinsala sa mga dalaga’t binata. Pumapasok ka sa paaralan at nakakakuha ng grado, ngunit hindi nakikita riyan ang iba pang nararanasan mo sa iba mo pang klase o ang nangyayari sa pamilya mo o sa buhay mo. Kung minsan hinuhusgahan tayo batay sa hitsura natin o kaya’y sa klase ng sasakyang minamaneho natin. Maaaring sinusukat natin ang halaga ng ating sarili batay sa dami ng mga kaibigang naglalagay ng mensahe sa ating webpage. Nag-aalala tayo sa sasabihin ng iba tungkol sa kadeyt natin o sa iisipin ng tao kapag nag-asawa tayo nang hindi pa tayo tapos sa pag-aaral. Madaling matukso na piliting kamtin ang papuri ng iba, ngunit hindi natin mapagkakatiwalaan ang pamantayan ng mundo; ang mundo ay mabilis pumuri at mabilis ding humusga.

Palagay ko ang hamon sa ating lahat ngayon—marahil lalo na sa mga kabataan—ay ang sikaping huwag tumingin sa paligid para makita kung ano ang palagay ng iba sa pamumuhay natin kundi tumingala sa langit para malaman kung ano ang nakikita sa atin ng Ama sa Langit. Siya ay hindi tumitingin sa panlabas na anyo kundi sa puso (tingnan sa 1 Samuel 16:7). At alam Niya, nang higit kaninuman, ang kailangan ng bawat isa sa atin.

Kung gayon, paano tayo “titingala sa langit”? Narito ang ilang alituntuning makatutulong.

Kumuha ng Espirituwal na Lakas

Makakakuha tayo ng espirituwal na lakas na kailangan natin sa paggawa ng desisyon kapag sinisimulan natin ang bawat araw sa personal na panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Kasama sa panalanging iyan ang hiling na masunod natin ang plano ng Diyos para sa atin. Bagaman hindi natin nakikita ang buong plano, maaari nating hilinging masunod natin ang bahagi ng plano na darating sa araw na iyon. Kung masunurin tayo, makikita natin ang mga ibubunga ng pagpili nating sundin Siya. Makakakilos tayo ayon sa ipinadama sa atin. At magagawa natin ang mahihirap na bagay at magawa ito, sa tamang dahilan, anuman ang kinakailangan.

Manatiling Masunurin sa Tagubiling Natatanggap Ninyo

Maaari tayong “tumingala sa langit” sa pamamagitan ng palaging pagsunod sa mga tagubiling natatanggap natin mula sa mapagmahal na Ama sa Langit sa personal na paghahayag. Kung minsan hihimukin tayo ng iba na huwag sundin ang natatanggap natin, at kahit maganda ang kanilang mga intensyon, dapat nating sundin ang nadarama natin.

Kaming mag-asawa ay may anak na full time missionary sa Spain. Nagtapos ng high school ang anak naming iyon sa New Zealand, habang naglilingkod ako bilang mission president. Noong siya ay 21 anyos na, sabi niya, “Itay, Inay, palagay ko dapat po akong magmisyon.” Natuwa naman kami sa matwid na desisyong ito, ngunit dahil isang sakripisyo na ang malayo siya sa mga kaibigan at pamilya noong tinedyer pa siya, sinabi ko sa kanya, “Nakapagmisyon ka na.”

Ngumiti siya at sinabi, “Hindi po, Itay, kayo ang nakapagmisyon. Ngayon ako naman po ang aalis para maglingkod sa Panginoon.”

“OK,” at ngumiti ako. “Magmisyon ka. Sundin mo ang nadarama mo.”

Ngayon ay napakasaya ko na hindi lamang niya pinaglilingkuran ang kanyang Ama sa Langit at Kanyang mga anak sa Spain kundi sinususunod din niya ang ipinadama sa kanya. Ni hindi niya ako hinayaan—bilang kanyang nagmamalasakit na magulang—na kumbinsihin siyang gawin ang anuman maliban sa bagay na alam niyang akma sa kanya at sa plano ng Ama sa Langit para sa kanya.

Huwag Matakot Kumilos

Dahil mahalagang malaman ang plano ng Ama sa Langit para sa ating buhay, kung minsan ay masyado nating inaalam ang bawat detalye, mula simula hanggang katapusan, at dahil doon ay natatakot tayong kumilos. Huwag mahulog sa patibong na ito. Pumili nang tama gamit ang pinakamahusay ninyong pagpapasiya at magpatuloy sa buhay. Nabibiyayaan tayo habang nagpapasiya tayo. Huwag matakot magpasiya dahil sa takot ninyong magkamali. Huwag matakot na sumubok ng mga bagong bagay. Sa paggawa nito, magagalak kayo sa paglalakbay sa buhay.

Manatili sa Iyong Tungkulin

Noong nakatira pa ang pamilya namin sa New Zealand, kung minsan ay nahihirapan kami sa dami ng mga pagsubok na nararanasan ng mga investigator, bagong miyembro, misyonero, at iba pa. Madalas nagdarasal kami para makatanggap ng sagot—at umaasang matatanggap namin iyon kaagad!

Kailangan nating lahat ng tulong. At kung minsan ang solusyong hinahanap natin ay talagang mabilis na dumarating. Ngunit kung minsan dumarating ito sa mga paraang hindi natin inaasahan. O kaya’y dumarating ito nang mas matagal kaysa inaasahan natin. At paminsan-minsan, para bang, hindi na ito dumarating.

Sa gayong mga pagkakataon, “manatili sa iyong tungkulin” hanggang sa magpadala ng tulong ang Panginoon gaano man iyon katagal. Ngunit ang pananatili sa iyong tungkulin ay hindi nangangahulugan na hindi ka na kikilos. Tulad nang binanggit ko, huwag matakot kumilos. Ipagpatuloy ang paggawa ng mabuti. Patuloy na sundin ang mga kautusan. Ipagpatuloy ang pagdarasal at pag-aaral at paggawa nang buong husay hanggang sa makatanggap kayo ng karagdagang tagubilin. Huwag iwan ang inyong tungkulin. Sa Kanyang panahon itutulot ng Panginoon na magkatugma-tugma ang lahat ng bagay para sa inyong ikabubuti.

Ang “pagtingala sa langit” ay nagpala sa aking buhay nang maraming beses matapos ang karanasan kong iyon sa Language Training Mission. Tulad nang paliwanag ni Mormon sa Helaman 3:27, “Ang Panginoon ay maawain sa lahat ng yaon na, sa katapatan ng kanilang mga puso, ay nananawagan sa kanyang banal na pangalan.” Nadama at naranasan ko ang Kanyang awa at pagmamahal. Alam kong ang Kanyang awa ay darating sa ating lahat kapag tayo ay naniniwala at nananawagan sa Kanyang pangalan.

Mga paglalarawan ni Matthew Reier