2012
Pagkatuto mula sa Dalubhasa
Enero 2012


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Pagkatuto mula sa Dalubhasa

Bilang estudyanteng surgeon, lagi akong may katabing mas magaling sa akin. Bilang anak ng Diyos, may gayon din akong oportunidad.

Dahil ako ay isang surgeon, madalas akong tanungin kung paano ako nagkaroon ng gayong skills o kasanayan. Akala ng ilan dadalo lang sa klase ang isang tao, manonood ng operasyon, at pababayaan nang mag-opera pagkatapos. May nakakatawa pa ngang kasabihan sa training: tingnan ang isa [ang operasyon], gawin ang isa, turuan ang isa. Gayunman, napakalayo nito sa katotohanan.

Natamo ko ang aking skill o kasanayan at kaalaman sa propesyon sa patnubay ng maraming magagaling at matitiyagang doktor. Nagsimula muna ako sa panonood sa malayo at nang malapitan pagkatapos. Pagkaraan ng isang taon ng pagmamasid, binigyan ako ng maliliit na gawain, sa pagtulong sa surgeon at sa kanyang “first assistant”—ang assistant surgeon.

Pagkaraan ng isa pang taon pinayagan na akong humarap sa surgeon sa operating table at tumayong first assistant sa mga simpleng operasyon. Pagkaraan pa ng isa o dalawang taon, pinayagan na akong maging first assistant sa mga mas kumplikadong operasyon. Pagkatapos ay nagsimula na akong gumawa ng mga pinakasimpleng operasyon, tulad ng pag-opera sa luslos, habang ang dalubhasang surgeon naman ang tumatayong first assistant ko.

Sa huling taon ng aking training o pagsasanay—pitong taon matapos kong kumpletuhin ang medisina—pinayagan akong gumawa ng mga kumplikadong operasyon habang ang surgeon ang tumayong first assistant ko. Natuklasan ko na magagawa ng pinakamagagaling na guro ang operasyon nang mas maayos sa pamamagitan ng tulong nila dahil maipapakita nila sa akin ang kailangang gawin sa malilinaw at mga simpleng paraan—mga paraang natutuhan nila sa pamamagitan ng ganito ring pagtuturo.

Lubos ko lamang napasalamatan ang patnubay ng kamangha-mangha at magagaling na dalubhasang surgeon na ito na mga first assistant ko nang matapos ko ang training at magsarili na ako. Gayunman, kahit 30 taon na ang nakalipas, naiisip ko ang aking mga guro sa araw-araw kong paggamit ng mga kasanayang buong hirap nilang itinuro, ipinamalas, at itinama.

Ang pagkatuto ng mga alituntunin ng ebanghelyo ay hindi naiiba. Tinuturuan tayo nang taludtod sa taludtod sa pamamagitan ng karanasan—ng isang napakatiyagang Guro. Umaasa tayo sa Kanya, sumusunod sa Kanyang halimbawa, humihingi ng inspirasyon, at pinagpapala tayo ng patnubay ng ating Ama sa Langit—na madalas matanggap sa pamamagitan ng Espiritu Santo, mga salita ng mga buhay na propeta, mga banal na kasulatan, at iba pang nagmamahal at naglilingkod. Ang ating Gabay ay nakatayo sa ating tabi habang binibigyan tayo ng kumpiyansa, itinutuwid ang ating landas, nagbibigay ng kailangang pagwawasto, sumasagot sa mga tanong, at lalo tayong hinihikayat na magkaroon pa ng tiwala kapag pinatunayan natin na karapat-dapat tayo rito.

Sabik ang ilang estudyanteng surgeon na kumilos nang malaya, na gawin ang mga bagay sa sarili nilang paraan. Gayon din, sinusubukan nating kumilos kung minsan nang walang tulong ng ating dalubhasang Gabay. Gayunman, nalaman ko sa maraming taon ng aking pagiging surgeon na kahit ngayon ay lagi kong inaasam at itinatangi ang isang first assistant na mas maraming alam kaysa sa akin—lalo na kapag nasa bingit ng kamatayan ang buhay at kaluluwa ng mga tao!

Ang ating paglago sa ebanghelyo ay nagsimula sa buhay bago tayo isinilang, nagpapatuloy rito, at walang dudang magpapatuloy kahit patay na tayo. Ngunit lahat ng aspeto ng ating buhay ay napagdaanan na ng ating Tagapagligtas, at naipamalas Niya ang mga kagalingang kailangan upang magtagumpay. At inaanyayahan Niya ang lahat na umasa sa Kanya at sa Kanyang karunungan.

Larawan © iStockphoto