Inihahanda ng mga Young Adult Center ang Bagong Henerasyon
Ang mga center ng Simbahan para sa mga young adult ay hindi lamang nagpoprotekta sa bagong henerasyon mula sa mga tukso ng mundo—inihahanda rin nito ang kasalukuyan at magiging mga pinuno ng Simbahan na magpapabago sa mundo.
Bilang mga ekstensyon ng institute program, ang mga center para sa mga young adult—na nagsimula sa Europa—ay nagbukas ng mga klase sa relihiyon at ng lugar na mapagtitipunan ng mga young adult para sa mga aktibidad mula sa pagluluto ng pagkain hanggang sa paggawa ng homework, paglalaro ng Ping-Pong, at pagbabahagi ng ebanghelyo.
Pagpapaunlad ng Simbahan sa pamamagitan ng mga Young Adult
Sa pagtatapos ng taong 2003, ang inisyatibo sa mga center para sa mga young adult ay sinimulan sa pagbubukas ng apat na center sa Copenhagen, Denmark; at Berlin, Hamburg, at Leipzig, Germany. Hinikayat pa ni Elder L. Tom Perry ng Korum ng Labindalawang Apostol na palawakin ang inisyatibo nang tawagin siya ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) na mangulo sa Europe Central Area noong 2004.
Ayon kay Erik Psota, ang kasalukuyang associate area director ng mga seminary at institute sa Europa, marami sa mga lider ng priesthood ngayon sa Europa ang wala pang 30 anyos noong panahong iyon.
“Ang espirituwal na impresyong natanggap ni Elder Perry na mangyayari ang pag-unlad ng Simbahan sa Europa sa pamamagitan ng mga taong edad 18 hanggang 30 ay tumimo sa mga young adult at lider ng priesthood sa lahat ng antas sa Europa,” sabi ni Brother Psota. Ang impresyong iyon ni Elder Perry ay mahalaga pa rin sa mga young adult ngayon, sabi pa niya, “dahil naipapaunawa nito sa kanila ang responsibilidad nilang paunlarin ang Simbahan.”
Ngayon, mahigit 140 na ang mga center sa Europa, at may itinatayo pang 30. Lahat ng ito ay inihahanda ang bagong henerasyon na ipalaganap ang ebanghelyo sa mundo.
Pagtatatag ng Kaharian at mga Pagkakaibigan sa Norway
Ang young adult center sa Oslo, Norway, ay isa lamang sa maraming center kung saan natututuhan ng mga young adult kung paano itatatag ang kaharian. Halimbawa ay si Mathilde Guillaumet ng France. Sinimulang turuan ng mga misyonero si Sister Guillaumet sa isang center sa Paris noong 2009 matapos siyang anyayahan ng kanyang kaibigan na mag-aral pa tungkol sa ebanghelyo.
Bininyagan si Sister Guillaumet noong 2010 at pagkatapos ay nanirahan siya sa Norway nang isang taon, kung saan patuloy na nakatulong ang center doon para sa mga young adult sa paglakas ng kanyang patotoo.
“Parang pangalawang tahanan ko na ang center. Talagang mas masaya rito kaysa sa dormitoryo ko,” sabi ni Sister Guillaumet. “Ang missionary couple ng center ay parang mga magulang ko na—mabubuting tao sila na malalapitan at mahihingan ng payo. Sa Paris at sa Oslo, napuntahan at nakausap ko na ang missionary couple tungkol sa ebanghelyo, na hindi ko magagawa sa bahay, dahil ako lang ang miyembro sa aking pamilya.”
Si Sam Basnet, na nabinyagan noong 2009, ay nag-iisa ring miyembro sa kanyang pamilya. Ang paggawa ng gawaing misyonero sa Oslo center ay nakatulong sa kanya na maibahagi ang ebanghelyo sa kanyang mga kamag-anak nang umuwi siya at bisitahin niya sila sa Nepal. Ikinuwento niya sa kanila ang tungkol sa priesthood at Aklat ni Mormon, dahil nakatulong na siya sa mga misyonero sa pagtuturo sa ibang tao ng gayon ding mga alituntunin sa Oslo.
“Gusto ng pamilya ko na madama nila ang nadama ko,” sabi ni Brother Basnet. “Nakita nila ang kaibhan ng ‘Sam-noon’ sa ‘Sam-ngayon.’ Noon, wala na akong pag-asa. Hindi positibo ang isipan ko. Matapos akong binyagan, madalas akong pumunta sa center at lahat ay gumanda sa pananaw ko.”
Hindi lamang si Brother Basnet ang napasigla at nahikayat ng Espiritu na nasa center. Ginugol ni Benjamin Kerr ng Scotland ang nakaraang dalawang tag-init sa pagtatrabaho sa Oslo at itinuturing ang center na isang lugar na nagpapaalala sa kanya kung ano ang talagang mahalaga.
“Ang center ang kanlungan ko mula sa mundo,” sabi ni Brother Kerr. “Talagang nakadarama ako ng kapayapaan, ng kaligtasan, kapag naroon ako. Palagay ko ilan sa mga karanasang lubos na nakahikayat sa akin ay ang makaupo sa center, lalo na sa family home evening, at matalakay ang mga bagay na talagang pinoproblema namin, na para sa amin ay mahirap. Ipinaalala sa akin ng mga karanasang ito ang kahalagahan ng mga simpleng alituntunin ng ebanghelyo.”
Pagpapalakas sa mga Young Adult at Pinuno sa Hinaharap
Ang mga center para sa mga young adult ay hindi lamang tumutulong sa mga kabataan na mapalakas ang kanilang mga kaibigan at pamilya sa ebanghelyo. Naghahanda sila ng mga pinuno. Ang mga young single adult ay naghahalinhinan sa paglilingkod sa mga leadership council sa mga center at nagpaplano ng iba’t ibang aktibidad at klase.
Ang gayong karanasan ay nagbigay kay Barbara Matovu, na nagmula sa Uganda ngunit ngayon ay mamamayan na ng Norway, “ng oportunidad na madama ang pagmamahal ng Diyos para sa lahat ng Kanyang anak,” sabi niya. “Pinalakas nito ang aking patotoo tungkol sa organisasyon ng Simbahan. Itinuro din nito sa akin na ang kaharian ng Diyos ay hindi kayang itatag ng isang tao lamang, kundi ng maraming taong nagkakaisa.”
Habang tumatanggap ng training ang mga young adult upang makapaglingkod sa mga katungkulan sa Simbahan sa hinaharap, nagtatamo rin sila ng karanasan na tutulong sa kanila na maging mabubuting asawa at magulang. Sila ay magiging handang baguhin ang mundo hindi lamang sa lipunang ginagalawan nila kundi maging sa tahanan.
“Ang mga alituntunin sa pamumuno na natutuhan sa isang young single adult council ay iyon ding mga alituntuning mapapakinabangan nang husto ng mga young single adult bilang mga magulang—pagtitiyaga, pakikipag-ugnayan, pagbibigay ng patnubay at pagtutulot sa mga tao na gamitin ang kanilang kalayaang isagawa ang isang atas, at pagsunod sa mga panghihikayat ng Espiritu,” sabi ni Gerald Sorensen, na naglilingkod, kasama ang kanyang asawang si Nancy, sa center sa Trondheim, Norway.
Patuloy na lalabanan ng mga center para sa mga young adult ang tumitinding kasalanan sa mundo sa pamamagitan ng pagsisikap na tiyaking mas mabilis na maihanda ang mga magiging pinuno ng Simbahan.
“Pumupunta ang mga young adult sa mga center hindi lamang para magtamo ng kaalaman kundi maipamuhay din ang mga alituntunin ng pagbabahagi ng ebanghelyo at paglilingkod sa kanilang mga kaibigang hindi miyembro,” sabi ni Brother Psota. “Tinutulungan ng mga center ang bago at handang-handang henerasyon upang mapaglingkuran ang Panginoon nang may sigla at pananaw na pang-walang-hanggan.”