Mensahe sa Visiting Teaching
Pangangalaga at Paglilingkod sa Pamamagitan ng Visiting Teaching
Pag-aralan ang materyal na ito at, kung angkop, talakayin ito sa kababaihang dinadalaw ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang kababaihan sa inyong lugar at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society.
“Ang pag-ibig sa kapwa ay [nangangahulugan ng] higit pa sa kabaitan,” pagtuturo ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan. “Ang pag-ibig sa kapwa ay nagmumula sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at epekto ng Kanyang Pagbabayad-sala.”1 Para sa kababaihan ng Relief Society, ang visiting teaching ay maaaring pagkakawanggawa, isang mahalagang paraan ng pagsampalataya sa Tagapagligtas.
Sa pamamagitan ng visiting teaching, nangangalaga tayo sa pamamagitan ng pagbisita at pakikipag-usap sa bawat miyembrong babae, pagbabahagi ng mensahe ng ebanghelyo, at paghahangad na alamin ang mga pangangailangan niya at ng kanyang pamilya. “Ang visiting teaching ay nagiging gawain ng Panginoon kapag nagtuon tayo sa mga tao sa halip na sa dami ng ating binibisita,” paliwanag ni Julie B. Beck, Relief Society general president. “Ang totoo, hindi natatapos kailanman ang visiting teaching. Higit itong isang paraan ng pamumuhay kaysa isang gawain. Ang tapat na paglilingkod bilang visiting teacher ay katibayan ng ating pagiging disipulo.”2
Kapag palagi tayong nangangalaga nang may panalangin, nalalaman natin kung paano higit na mapaglilingkuran at matutugunan ang mga pangangailangan ng bawat miyembrong babae at ng kanyang pamilya. Maraming uri ng paglilingkod—may malaki at may di-gaanong malaki. “Kadalasan ang mumunting gawa ng paglilingkod ang tanging kailangan upang mapasigla at mapagpala ang iba: pagtatanong tungkol sa pamilya ng isang tao, mga salita ng panghihikayat, tapat na papuri, munting liham ng pasasalamat, maikling tawag sa telepono,” pagtuturo ni Pangulong Thomas S. Monson. “Kung mapagmasid tayo, at kung kumikilos tayo ayon sa mga paramdam na dumarating sa atin, marami tayong magagawang kabutihan. … Di mabilang ang mga ginawang paglilingkod ng napakaraming visiting teacher sa Relief Society.”3
Mula sa mga Banal na Kasulatan
Juan 13:15, 34–35; 21:15; Mosias 2:17; Doktrina at mga Tipan 81:5; Moises 1:39
Mula sa Ating Kasaysayan
Noong 1843, ang mga miyembro ng Simbahan sa Nauvoo, Illinois, ay hinati sa apat na ward. Noong Hulyo ng taong iyon, ang mga lider ng Relief Society ay humirang ng visiting committee na binubuo ng apat na babae para sa bawat ward. Kasama sa mga responsibilidad ng mga visiting committee ang pag-alam sa mga pangangailangan at pagkolekta ng mga donasyon. Ginamit ng Relief Society ang mga donasyong ito para maglaan sa mga nangangailangan.4
Bagaman hindi na nangongolekta ng mga donasyon ang mga visiting teacher, kanila pa rin ang responsibilidad na alamin ang mga pangangailangan—espirituwal at temporal—at tugunan ang mga pangangailangang iyon. Ipinaliwanag ni Eliza R. Snow (1804–87), pangalawang Relief Society general president: “Ang isang guro … ay dapat nagtataglay ng Espiritu ng Panginoon, upang sa pagpasok niya sa isang tahanan ay mahiwatigan niya ang diwang naroon. … Magsumamo sa Diyos at sa Espiritu Santo upang mapasainyo [ang Espiritu] nang sa gayon ay maharap ninyo ang diwang nananaig sa bahay na iyon … at makapangusap kayo ng mga salita ng kapayapaan at kapanatagan, at kung makikita ninyong nanghihina sa pananampalataya ang isang babae, yakapin ninyo siya tulad ng pagyakap ninyo sa isang bata at pasiglahin [siya].”5