Taludtod sa Taludtod
Doktrina at mga Tipan 115:5
Inutusan tayo ng Panginoon na bumangon at magliwanag.
Sinasabi Ko sa Inyong Lahat
Sa paghahayag na ito noong 1838, nagbilin ang Panginoon hinggil sa pagtatayo ng isang templo sa Far West, Missouri, gayundin sa iba pang mga aspeto ng pagtatatag ng Sion. Pinangalanan Niya rin ang Kanyang Simbahan sa mga huling araw: Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Bagaman ang paghahayag na ito ay ibinigay sa mga pinuno ng Simbahan noong panahong iyon, ang utos na “bumangon at magliwanag” ay para sa ating lahat ngayon.
Bumangon at Magliwanag
“May dakilang gawain ang Panginoon para sa bawat isa sa inyo. ‘Bumangon at magliwanag, nang ang inyong liwanag ay maging isang sagisag sa mga bansa’ (D at T 115:5). Kayo ay Kanyang pinagkakatiwalaan, at tinatawag at inaasahang higit na manindigan at magliwanag sa mahirap ngunit kamangha-manghang panahong ito.”
Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Your Right to Choose the Right,” New Era, Ago. 2005, 8.
Inyong Liwanag
Paano kayo magliliwanag? Isipin ang mga ideyang ito at isulat ang ilang sarili ninyong ideya sa inyong journal.
-
Maging mabait, bukas-palad, at mapagpakumbaba.
-
Manindigan para sa at ipamuhay ang mga pamantayan ng Simbahan.
-
Ngumiti at ipakita ang galak sa pamumuhay sa ebanghelyo.
-
Ibahagi ang ebanghelyo sa inyong mga kaibigan.
-
Magpatotoo tungkol sa katotohanan.
Watawat
Watawat—isang bagay, karaniwan ay isang bandila, na nakasabit sa dulo ng isang poste at ginagamit na simbolo o sagisag. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 45:9.
“Ang mga tagapagdala ng mga watawat ay nagmamartsa sa unahan ng isang mabuting layon. Sila ay sagisag ng bagay na mabuti at marangal. Madalas ay may hawak silang mga bandila o iba pang mga simbolong nagpapahayag ng pagkakakilanlan, layunin, at pagkakaisa. …
“Dahil tayo ang Kanyang mga tagapagdala ng watawat, tutulungan natin ang matatapat ang puso na matagpuan si Jesus. Hindi tayo nagwawagayway ng mga watawat. … Sa halip, bilang mga tagapagdala ng watawat para kay Cristo Jesus, handa at mapagpasalamat nating tinataglay ang Kanyang sagradong pangalan sa ating sarili. Nakikiisa tayo sa Kanyang layunin sa pamamagitan ng tipan.”
Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Standards of the Lord’s Standard Bearers,” Ensign, Ago. 1991, 7.
Mga Bansa
“Ngayon ay nagtitipon ang mga tao ng Panginoon ‘mula sa mga bansa’ sa mga kongregasyon at stake ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na nakakalat sa lahat ng bansa. … Nananawagan ang Panginoon na maging mga ilaw tayo ng kabutihan na gagabay sa mga naghahangad ng kaligtasan at mga pagpapala ng Sion.”
Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Sa Sion ay Magsitungo,” Liahona, Nob. 2008, 37.