Mga Ideya para sa Family Home Evening
Ang isyung ito ay naglalaman ng mga artikulo at aktibidad na maaaring gamitin para sa family home evening. Narito ang ilang halimbawa.
“Pagkilala sa Tulong ng Diyos sa Ating mga Pagpapala sa Araw-araw,” pahina 24: Isiping basahin ang Panalangin ng Panginoon (tingnan sa Mateo 6:9–13) at itanong sa inyong pamilya kung ano sa palagay nila ang ibig sabihin ng “ibigay mo sa amin ngayon ang aming kakanin sa araw-araw.” Pagkatapos ay ibuod ang unang bahagi ng artikulo, kung saan tinalakay ni Elder Christofferson ang tungkol sa “kakanin sa araw-araw.” Pag-isipang idagdag ang inyong patotoo na si Jesucristo ang Tinapay ng Kabuhayan.
“George Albert Smith: Ipinamuhay ang Kanyang Itinuro,” pahina 32: Si Pangulong George Albert Smith ay “naniniwala na kung tayo ay tunay na may patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo, mababanaag ito sa ating buhay.” Pag-aralan ang artikulo kasama ang inyong pamilya. Maaari na ninyo ngayong itanong sa inyong pamilya ang natutuhan nila mula sa halimbawa ni Pangulong Smith sa pagiging mabait sa kapwa. Itanong kung paano sila magpapakita ng higit na kabaitan.
“Tumingala sa Langit,” pahina 42: Isiping ibahagi ang karanasan ni Elder Cook noong siya ay bata pang misyonero at ibuod ang natirang bahagi ng artikulo. Tanungin ang mga kapamilya kung paano sila makatutuon sa palagay ng Ama sa Langit sa kanila sa halip na kung ano ang iniisip ng ibang tao sa kanila. Maaari ninyong tapusin ito sa pagbasa ng I Samuel 16:7.
“Pagtupad sa mga Tipan,” pahina 48: Kung may isa sa inyong pamilya na naghahandang magmisyon, maaari ninyong basahin ang buong artikulo at maghanda ng listahan ng mahahalagang ideya na ginawa ni Elder Holland. Bigyang-diin ang pahayag na “Ang susi sa gawaing ito ay pagtupad sa ating mga tipan.” Repasuhin kung ano ang kahulugan ng tipan at tanungin ang mga bata kung paano sila maghahanda ngayon na gumawa ng mga tipan.
“Nariyan Siya,” pahina 69: Isiping ipakanta ang “Panalangin ng Isang Bata” (Aklat ng mga Awit Pambata, 12). Basahin ang karanasan ni Sister Wixom sa pagdarasal, at hikayatin ang pamilya na ibahagi ang karanasan nila noong nanalangin sila nang personal. Maitatanong ninyo, “May naiisip ba kayong pagkakataon na napanatag kayo dahil nagdasal kayo?” Magtapos sa pagpapatotoo tungkol sa panalangin.
Isang Masayang Aktibidad, Isang Mensaheng Pang-Walang-Hanggan
Nooong tinedyer ako hindi ko gaanong gusto na makibahagi sa family home evening. Inisip ko na may mas mahalaga pa akong gagawin.
Isang gabi ng Lunes, matapos ang ilang nakakainip na FHE, pinunasan ni Inay ang mesa sa kusina at naglagay ng maliit na cherry pie sa harapan ng bawat isa sa amin. Naghagilap ako ng tinidor—pero wala ni isa! Ipinaliwanag ni Inay na magpapaligsahan kami sa pagkain ng pie, pero hindi kami gagamit ng tinidor o ng aming kamay. Ang mananalo ay magkakaroon ng karapatang magyabang.
Kinain namin ito nang mabilis sa abot ng aming makakaya. Di-nagtagal napuno ng cherry pie ang mesa, ang aming mukha, at pati ang aming buhok. Hindi ko maalala kung sino ang nanalo, ngunit naaalala kong tawa ako nang tawa at masayang-masaya sa aking pamilya. Hindi ko iyon kaagad natatanto ng gabing iyon, ngunit ngayon ay pinasasalamatan ko ang pagkakaroon ng ligtas at mapagmahal na tahanan at mga taong nangangalaga sa akin.
Sigurado ako na kumanta kami at nagkaroon ng aralin ng gabing iyon, at na maraming oras ang ginugol ni Inay sa paghahanda at paglilinis. Ngunit nagpapasalamat ako sa isang aktibidad na nagturo ng isang mensahe tungkol sa kahalagahan ng mga pamilya na kinakailangan ko—noon at hanggang ngayon.
Heather Mockler Teuscher, California, USA