Pagtuklas na Muli sa Kamangha-manghang Bagay ng Daigdig … at Pag-iwas sa mga Panganib ng Kawalan ng Interes sa Bagay na Espirituwal
Sa tantiya ni Ciro Villavicencio sa unang tatlong taon niya bilang tour guide sa rehiyon ng Cusco sa Peru, halos 400 beses na siyang nakapaglibot ng mga turista sa Machu Picchu, ang bantog na “nawawalang lunsod” ng mga Inca. Ngunit, kahit maraming beses na niyang nabisita ang lugar—na kabilang sa iba’t ibang listahan ng mga kamangha-manghang lugar sa daigdig—nananatili itong kamangha-mangha sa kanya.
“Laging may bago kang matututuhan,” sabi niya. Ang maraming oras na pagsama sa grupo ng mga bisita sa buong Machu Picchu ay pangkaraniwan lang kay Ciro. Gayunman, nakita niya kung gaano kadaling mawala ang pagkamanghang iyon. Ang ilan sa kanyang mga kasamahan ay nakagagawa ng buong tour sa loob ng 45 minuto. “Nawalan na sila ng interes,” sabi niya.
Si Ciro, na miyembro ng Chasqui Ward at high councilor sa Cusco Peru Inti Raymi Stake, ay naniniwala na ang pag-unawa sa kawalan ng interes ng kanyang mga kasamahan ay makatutulong sa mga miyembro na dagdagan ang interes sa isa pang kamanghang-manghang bagay ng daigdig—na napakahalaga—ang “kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain” ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo (2 Nephi 25:17).
Ang mga Panganib na Mawala ang Pagkamangha
Nang tuluyan nang iniwan ng mga Inca noong mga huling taon ng 1500s at nanatiling lingid sa kaalaman ng mga mananakop, ang liblib na lungsod na ito sa Peruvian Andes ay halos mawala na sa alaala ng lahat, maliban na lamang sa iilang tao. Sa pagsapit ng ika-20 siglo, ang pagkatuklas dito ng mga dayuhan ang dahilan para dagsain ito ng mga mananaliksik at turista.
Matapos ang ilang dekadang pag-aaral, “ipinalagay ng ilang tao na nakita na nila ang lahat ng maaaring makita sa Machu Picchu,” sabi ni Ciro. “Kapag iniisip ng mga tao na natagpuan na ang lahat o kaya’y nagawa na ang lahat, nawawalan na sila ng interes o nawawalan na ng halaga ang ginawang pagsisikap dito.”
Nag-aalala si Ciro na baka mangyari din ang ganoong sitwasyon sa Simbahan. Nasaksihan niya kung paanong dahil sa panahon at pagiging maalam ay maaaring madama ng ilang miyembro na “unti-unting hindi na [manggilalas] sa isang palatandaan o isang kababalaghan mula sa langit, hanggang sa sila ay magsimulang maging matitigas sa kanilang mga puso, at bulag sa kanilang mga pag-iisip, at [magsimulang] hindi paniwalaan ang lahat ng narinig nila at nakita” (3 Nephi 2:1).
Sa pagkawalang ito ng pagkamangha, maaaring matukso ang mga miyembro na paniwalaan ang mga kasinungalingan ni Satanas, tulad ng: Hindi mo kailangang makinig sa tagapagsalita; alam mo nang lahat iyan. Hindi mo kailangang pumunta sa Sunday School; narinig mo na ang lesson na iyan. Hindi mo kailangang mag-aral ng mga banal na kasulatan ngayon; wala namang bago doon.
“At sa gayon [naaangkin] ni Satanas ang mga puso ng mga tao” (3 Nephi 2:2).
Ang pagkadama ng matinding interes at pagkawala ng interes na matutuhan ang ebanghelyo ay pangkaraniwan na. Ngunit ang mga taong hinahayaang mawala ang interes sa espirituwal na pagkatuto at sa huli ay makasanayan na ito ay nanganganib na mawalan “maging [ng] mga yaong mayroon sila” sa espirituwal na kaalaman (2 Nephi 28:30; tingnan din sa Mateo 25:14–30).
Muling Mamangha
Ang pag-unawa sa tatlong katotohanan ay nakatulong kay Ciro na mapanatili ang kagustuhang matuto sa kabila ng kawalang-interes ng marami
1. Marami pa akong dapat malaman.
Sa masigasig na pag-aaral niya ng ebanghelyo sa kanyang misyon at bilang institute teacher, natuklasan ni Ciro na laging mayroong matututuhan, ito man ay bagong alituntunin o bagong pagsasagawa ng isang alituntuning dati na niyang alam. Higit sa lahat, ang bagong espirituwal na kaalamang iyan ang madalas na kailangan niyang malaman para malampasan ang anumang hamon na kanyang kinakaharap—o haharapin.
“Bahagi ng hangaring matuto,” sabi niya, “ay ang alalahaning laging may isang bagay na hindi ko alam na marahil ay kailangan kong malaman.”
2. Kailangan ko ang tulong ng Espiritu Santo para matutuhan ko ang kailangan kong matutuhan.
Kapag hindi mo alam ang kailangan mong malaman, kailangan mo ng maalam na guro (tingnan sa Juan 14:26). Sa mag-isang pag-aaral ni Ciro ng mga banal na kasulatan o kaya’y kasama ang kanyang asawa o sa pagdalo niya sa mga klase at miting, palagi siyang napapaalalahanan na hindi mahalaga kung gaano na niya kadalas nabasa ang isang partikular na talata o narinig ang isang partikular na konsepto.
“Ang Espiritu ay makapagtuturo sa akin ng mga bagay na hindi ko kailanman naisip,” sabi niya. “Ang Espiritu Santo ang guro.”
3. Dapat kong sikaping matuto.
Upang matuto kailangang kumilos at hindi lamang makinig.1 Kailangan nito ng hangarin, pagtutuon ng pansin, pakikibahagi, at pamumuhay ng mga alituntuning natutuhan (tingnan sa Alma 32:27).
“Responsibilidad kong matuto,” sabi ni Ciro. “Hindi ako pipilitin ng Ama sa Langit na matutuhan ang anumang bagay.”
Biniyayaan ng Kamangha-manghang Bagay
Para kay Ciro, nananatiling kamangha-manghang lugar ang Machu Picchu sa daigdig dahil sa patuloy na pag-aaral dito ng mga mananaliksik, nabibiyayaan sila ng mga bagong natutuklasan at dagdag na kaalaman.
Kahit nakalipas na ang isang siglong pag-aaral tungkol dito, nakatuklas pa rin ang mga arkeologo nito lamang nakalipas na ilang taon ng mga libingan, seramiks, at mga itinayong hagdan-hagdang bato, na nakaragdag sa nalalaman tungkol sa Machu Picchu at mga Inca.
Ganyan din sa pag-aaral ng ebanghelyo ni Jesucristo. “Laging may bagong natutuklasan sa ebanghelyo para sa mga nagsisikap matuto,” sabi ni Ciro.”
Tulad ng mga bagong tuklas sa Machu Picchu na nakabatay sa dati nang natuklasan, na lalong nagbibigay ng kaalaman sa mga mananaliksik, “siya na hindi magpapatigas ng kanyang puso, sa kanya ay ibibigay ang higit na malaking bahagi ng salita, hanggang sa ibigay sa kanya na malaman ang hiwaga ng Diyos, hanggang sa kanyang malamang ganap ang mga ito” (Alma 12:10; tingnan din sa D at T 50:24).
“Ang ebanghelyo ay tubig na buhay na patuloy sa pagdaloy na kailangan nating balik-balikan,” sabi ni Ciro.
Ang Kagila-gilalas na Kamangha-manghang Gawain
Habang nakatanaw si Ciro mula sa itaas na bahagi ng Machu Picchu, iba’t ibang grupo ng mga turista ang lumilibot sa mga sinaunang gusali. Para kay Ciro ang nakalulungkot na pagkawala ng interes ng ilan sa kanyang mga kasama ay may epekto hindi lamang sa kanila kundi maging sa mga taong makararanas pa sana ng kamangha-manghang bagay sa pamamagitan nila.
Ang palaging pananabik sa ebanghelyo ay hindi lamang magpapala sa indibiduwal kundi maging sa mga taong nakakasalamuha niya. “Ang pagbabagong ginagawa ng ebanghelyo sa buhay ng tao ay kamangha-mangha,” sabi ni Ciro. “At ang mga nakararanas ng pagbabagong iyon ay maaaring makatulong din mismo sa buhay ng iba.”