2012
Mga Kabataang Babae, Bumangon at Magliwanag!
Enero 2012


Mga Kabataang Babae, Bumangon at Magliwanag!

Ang tema ng Mutual sa taong ito ay ang panawagan sa inyo na maging pinuno. Ito ay panawagan sa inyo na mamuno sa kadalisayan, kahinhinan, at kabanalan. Ito ay panawagang baguhin ang daigdig!

Noong kayo ay naging bahagi ng organisasyon ng Young Women, binigyan kayo ng ginto-at-puting kuwintas na sulo na isusuot ninyo bilang paalala na bilang kabataang babae sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, kayo ay maninindigan sa katotohanan at kabutihan at babangon at magliliwanag sa sanlibutan. Ibig sabihin magiging tapat kayo sa inyong banal na pagkatao bilang minamahal na anak ng Diyos. Ibig sabihin sisikapin ninyong tumayo bilang saksi Niya at ng Tagapagligtas “sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar” (Mosias 18:9).

Umaasa kami na isusuot ninyo sa taong ito ang inyong kuwintas na sulo nang buong pagmamalaki para ipaalala sa inyong sarili na kayo ay halimbawa sa mga tao sa paligid ninyo. Kayo ay “magliliwanag” kapag kayo ay nanalangin araw-araw, nagbasa ng Aklat ni Mormon, sumunod sa mga pamantayan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, at ngumiti. Alam namin na kapag sinunod ninyo ang mga utos at ipinamuhay ang mga pamantayang matatagpuan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, kayo ay magagalak at magiging karapat-dapat sa patnubay ng Espiritu Santo. Ang patnubay na ito ay magbibigay sa inyo ng kakayahang magpasiya na tutulong sa inyo na maging marapat na tumanggap ng temple recommend.

Bilang Young Women general presidency, pinatototohanan namin na kapag ginawa ninyo ang mga bagay na ito, ang Tagapagligtas ang tatanglaw sa inyong landas. Ipinangako Niya sa inyo, “Ako rin ang magiging tanglaw ninyo … ; at ihahanda ko ang landas na inyong tatahakin, kung mangyayaring inyong susundin ang mga kautusan ko; … at malalaman ninyo na sa pamamagitan ko kayo ay naakay” (1 Nephi 17:13).