May mga anghel ba na tagapagbantay? Mayroon bang nagbabantay sa akin?
Ang katagang “anghel na tagapagbantay” ay hindi ginamit sa mga banal na kasulatan, sa halip, ang mga anghel ay binabanggit na “[nag]lilingkod” (tingnan sa Omni 1:25; Moroni 7:22–29). “Ang mga anghel ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (2 Nephi 32:3) at karaniwang kabahagi sa misyon ng Espiritu Santo na aluin, gabayan, pangalagaan ang matatapat, at ihayag at pagtibayin ang katotohanan. Sa gayon, ang Espiritu Santo ay maituturing na anghel na tagapagbantay.
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Mula pa sa simula hanggang sa sumunod na mga dispensasyon, gumamit ng mga anghel ang Diyos … para iparating ang Kanyang pagmamahal at pag-aalala sa Kanyang mga anak. … Nakikita man o hindi lagi silang naririyan” (“Ang Ministeryo ng mga Anghel,” Liahona, Nob. 2008, 29).
Hindi inihayag ng Panginoon kung may anghel na nakatalagang magbantay sa isang tao, ngunit makatitiyak kayo na makadarama kayo ng pangangalaga at kaaliwan mula sa langit. Kung mananampalataya kayo, mapapasainyo ang tulong ng Diyos, kasama na riyan ang mga anghel na ipinadadala upang palakasin at panatagin kayo at bigyan kayo ng tapang na gawin ang tama.