Ang Sapatos ni Itay
Priscilla Costa Xavier, São Paulo, Brazil
Ilang taon na ang nakalilipas habang tinutulungan ng aking mga magulang ang Relief Society na ayusin ang ilang damit, sapatos, at iba pang mga kagamitan upang ibigay sa mga nangangailangan, napansin ng tatay ko ang isang pares ng maayos na sapatos sa gitna ng mga nakatambak na kagamitan. Nang sandaling iyon ay nakadama siya ng malakas na impresyon na itabi ang sapatos.
Tumawa si Inay at sinabing, “Tatlong size ang liit sa iyo ng sapatos na ito. Ni hindi nga ito magkakasya sa iyo!”
Gayunman nagpumilit pa rin si Itay. Matapos ang ilang pagbibiro ng kababaihan, sa wakas ay pinayagan na rin nilang kunin niya ang sapatos.
Pagkadating niya sa bahay, nilinis niya ito, pinasakan ng diyaryo, at inilagay sa isang kahon sa ibabaw ng kanyang kabinet. Sinabihan kaming huwag gagalawin ang kahon. Sa loob ng limang taon ay nanatili ito sa lugar ding iyon.
Isang araw may bagong lipat na pamilya sa katabing bahay namin. May dalawa silang anak at isang anim na buwang gulang na sanggol. Kaagad na naging mga kaibigan namin ng kapatid kong babae ang dalawa nilang anak na babae, na mga kaedad din namin. Ibinahagi namin sa mga bago naming kaibigan ang natututuhan namin sa simbahan, at niyaya namin silang sumama sa Primary. Tuwang-tuwa sila at sabik na malaman pa ang tungkol sa mga ibinahagi namin sa kanila.
Nang makauwi na mula sa Primary, hindi sila tumigil sa pagkukuwento sa kanilang mga magulang tungkol sa Simbahan. Pagkatapos ay inanyayahan ng aming mga magulang ang buong pamilya na pakinggan ang itinuturo ng mga misyonero at magsimba. Malugod nila itong tinanggap. Gustung-gusto nila ang mga lesson, at sabik kaming makasama sila sa pagsisimba.
Ngunit nang sumapit ang Sabado, parang malungkot ang kanilang mga anak na babae. Nang tanungin namin kung ano ang problema, sinabi nila na ayaw na ng mga magulang nila na magpunta sa simbahan.
Nalungkot kami at hiniling namin kay Itay na kausapin ang kanilang mga magulang. Nang sabihin niya sa kanila ang tungkol sa mga pagpapalang dulot ng pagsisimba, sumagot ang ama, “Oo, alam ko ang lahat ng ito. Ang problema ay matagal na akong hindi nagsusuot ng ibang sapatos maliban sa sneakers ko, at alam kong dapat nakabihis kami nang maayos sa pagpunta sa mga miting ng Simbahan.”
Nang sandaling iyon ay tumingin si Itay kay Inay. Alam na ni Inay ang gagawin. Ang sapatos na nasa kahon sa ibabaw ng kabinet ni Itay ay kasyang-kasya sa tatay ng aming mga kaibigan, at nakapagsimba ang buong pamilya. Napakagandang Linggo niyon para sa kanila at sa amin. Hindi nagtagal sila ay naging mga miyembro ng Simbahan, at ngayon sila ay isang magandang pamilyang walang-hanggan.
Alam kong nakatanggap si Itay ng patnubay mula sa Espiritu Santo na itabi ang sapatos na iyon. Bunga niyon, palagi kong hinahangad ang Kanyang patnubay sa paghahanap ng mga pamilyang handang makinig sa ebanghelyo. Alam kong may inihahanda Siyang mga pamilya, at alam kong kailangan natin silang hanapin at dalhin kay Cristo.