Basahin ang Iyong Aklat ni Mormon
Jewelene Carter, Virginia, USA
Dapat sana’y puspos kami ng kagalakan, ngunit mabigat ang aming mga puso at wala kaming nakamtan. Si Debra Caelia Carter ay isinilang sa takdang araw, Abril 26, 2010, ngunit wala siyang buhay.
Habang naglalakad kami papasok sa aming tahanan, dala-dala ko ang munting kulay-rosas na kumot na ginamit namin sa pagkarga at pagyakap kay Debra sa ospital. Nang maupo ako sa sopa, na lungkot na lungkot, ang aming dalawang taong gulang na anak na lalaki ay lumapit sa kumot na walang laman at bumulong, “Hello, bunso. Mahal kita.”
Dumaloy ang mga luha sa aking pisngi, at lumingon ako palayo. Paglingon ko, nakita ko ang mga salita ng isang poster mula sa magasin na Friend na nakasabit sa dingding: “Isang dasal lamang ang layo ng ating Ama sa Langit, at ang Espiritu Santo ay isang bulong lamang ang layo.”1
Sinimulan kong ibuhos ang nilalaman ng aking puso sa Diyos sa pamamagitan ng tahimik at taimtim na panalangin. Nang gawin ko ito, nadama kong bumulong ang Espiritu Santo, “Basahin mo ulit ang iyong Aklat ni Mormon.” Katatapos ko lamang basahin ito, ngunit malinaw ang aking nadama at nahiwatigan.
Paggising ko nang maaga kinabukasan, sinimulan kong basahin ang Aklat ni Mormon. Gumamit ako ng mga lapis at marker para i-highlight ang bawat talatang tungkol sa pananampalataya, panalangin, pag-asa, mga katangian ni Jesucristo, pangangaral ng ebanghelyo, at pakikinig sa tinig ng Panginoon. Alam ko na kailangan kong gawin ang ginawa nina Nephi, Enos, Moroni, at iba pang mga propeta sa Aklat ni Mormon nang dumanas sila ng mga pagsubok. At kailangan ko itong gawin nang may gayon ding pagmamahal sa Tagapagligtas na pumuspos sa kanilang buhay sa panahon ng paghihirap.
Sa araw-araw na personal na pag-aaral na ito ng banal na kasulatan, nadama ko ang mapagmahal na yakap ng Panginoon, at nadama ko ang kapangyarihan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo para sa lahat. Nangusap sa akin ang Espiritu, nabalot ako ng kapayapaan, at sinagot ang aking taimtim na mga panalangin. Ang pagninilay sa mga salitang nabasa ko ay nagbigay sa akin ng lakas sa aking pagdadalamhati.
Isang araw pinuspos ako ng kaligayahan ng Espiritu habang binabasa ko ang mga salitang ito:
“Mahal ko ang maliliit na bata nang ganap na pag-ibig; at silang lahat ay magkakatulad at mga kabahagi sa kaligtasan. …
“Ang maliliit na bata … ay buhay na lahat sa [Diyos] dahil sa kanyang awa. …
“Sapagkat masdan, ang lahat ng maliit na bata ay buhay kay Cristo” (Moroni 8:17, 19, 22; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Nadama ko na para bang nakikita ko ang aking anak na buhay kay Cristo—nakangiti at masaya at yakap Niya. Mula nang sandaling iyon nadama ko ang lakas na magtiis, at nakadama ako ng bagong pag-asa sa aking kaluluwa para sa aking pamilya. Alam ko na kung hahawak kami nang mahigpit sa Pagbabayad-sala, sa mga banal na kasulatan, sa mga salita ng mga buhay na propeta, at sa isa’t isa sa pamamagitan ng aming mga tipan sa templo, kami ay muling magkakasama bilang isang pamilya magpakailanman.
Mahal ko ang Aklat ni Mormon, na malinaw na nagpapatotoo kay Jesucristo, sa ginawa at ginagawa Niya para sa atin, at kung ano ang kailangan nating gawin upang maging katulad Niya. Ang Aklat ni Mormon ay naghahatid ng liwanag sa aking buhay at pinupuspos nito ang aking puso ng pag-asa kay Cristo.