Bakit napakatindi ng panghihikayat sa mga binata na magmisyon?Hindi ba sariling desisyon nila iyon?
Ang sariling desisyon na dapat gawin ng bawat binata ay kung gagampanan niya o hindi ang kanyang tungkulin sa priesthood na magmisyon. Tulad ng sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Lahat ng karapat-dapat, may-kakayahang maglingkod na kabataang lalaki ay maghanda na magmisyon. Ang gawaing misyonero ay isang tungkulin sa priesthood—isang obligasyon na inaasahan ng Panginoon sa atin na nabiyayaan nang lubos. Mga kabataan, hinihikayat ko kayong maghandang maglingkod bilang misyonero” (“Sa Pagkikita Nating Muli,” Liahona, Nob. 2010, 5–6).
Ang paghahanda para sa misyon ay bahagi ng karanasan ng isang binata sa Aaronic Priesthood. Tungkulin niya ito, at dapat niyang madama ang lubos na kahalagahan ng tungkuling iyan. Mangyari pa, hindi siya dapat magmisyon dahil lamang sa ito ay inaasahan o dahil napipilitan siya; dapat siyang maglingkod dahil nais niyang ibahagi sa iba ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.
Ngunit kapag nanalangin siya tungkol sa pagmimisyon, dapat niyang alalahanin na nang tanggapin niya ang priesthood, tinanggap na niya ang sagradong responsibilidad na siya ay “magbababala, magpapaliwanag, manghihikayat, at magtuturo, at mag-aanyaya sa lahat na lumapit kay Cristo” (D at T 20:59), kabilang na ang paglilingkod bilang full-time missionary. Kung hindi makapaglingkod ang mga binata dahil sa mahinang kalusugan o kapansanan, makatwiran na hindi sila magmisyon.