2012
Pagkilala sa Tulong ng Diyos sa Ating mga Pagpapala sa Araw-Araw
Enero 2012


Pagkilala sa Tulong ng Diyos sa Ating mga Pagpapala sa Araw-araw

Mula sa mensahe sa Church Educational System fireside na ibinigay noong Enero 9, 2011. Para sa buong teksto sa Ingles, bumisita sa speeches.byu.edu.

Elder D. Todd Christofferson

Ang paghingi at pagtanggap ng “kakanin sa araw-araw” sa tulong ng Diyos ay mahalagang bahagi ng pagkatutong magtiwala sa Kanya at pagtitiis sa mga hamon ng buhay.

Itinala ni Lucas na isa sa mga disipulo ng Panginoon ang humiling sa Kanya, “Panginoon, turuan mo kaming manalangin, na gaya naman ni Juan na nagturo sa kaniyang mga alagad” (Lucas 11:1). Si Jesus nga ay nagbigay ng huwaran para sa panalangin na nakilala bilang Panalangin ng Panginoon (tingnan sa Lucas 11:2–4; tingnan din sa Mateo 6:9–13).

Kasama sa Panalangin ng Panginoon ang pagsamong “Ibigay mo sa amin ngayon ang aming kakanin sa araw-araw” (Mateo 6:11; tingnan din sa Lucas 11:3). Lahat tayo ay may mga pangangailangan sa bawat araw na hinihiling natin sa ating Ama sa Langit. Para sa ilan, ito ay literal na pagkain—ang pagkaing kailangan para mabuhay sa araw na iyon. Maaari din itong maging espirituwal at pisikal na lakas para makayanan ang isa pang araw ng malubhang karamdaman o masakit at mabagal na pagpapagaling. Sa ibang mga sitwasyon maaaring ito ay hindi pisikal na pangangailangan, tulad ng isang bagay na nauugnay sa mga obligasyon o aktibidad ng isang tao sa araw na iyon—pagtuturo ng isang aralin o isang pagsusulit, halimbawa.

Itinuro ni Jesus sa atin, na Kanyang mga disipulo, na dapat tayong umasa sa Diyos bawat araw para sa ating kakainin—sa tulong at ikabubuhay—na kailangan natin sa araw na iyon. Ang paanyaya ng Panginoon na humingi sa ating Ama sa Langit ng ating kakainin sa araw-araw ay nagpapakita ng isang mapagmahal na Diyos, na nakakaalam maging sa kaliit-liitang pangangailangan ng Kanyang mga anak sa araw-araw at nasasabik na isa-isa silang tulungan. Sinabi Niya na makahihingi tayo nang may pananampalataya sa Katauhang iyon “na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya” (Santiago 1:5). Iyan, mangyari pa, ay nagbibigay ng malaking kapanatagan, ngunit may isang bagay na mas mahalaga kaysa pagtulong na makaraos sa araw-araw. Sa paghahangad at pagtanggap natin ng espirituwal na pagkain sa araw-araw, nag-iibayo ang ating pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos at sa Kanyang Anak.

Pag-asa sa Diyos sa Araw-Araw

Matapos ang mahirap na paglalakbay mula sa Egipto, 40 taong namalagi sa ilang ang mga lipi ni Israel bago sila nakapasok sa lupang pangako. Kinailangang pakainin ang mahigit isang milyong kataong ito. Tiyak na ang bilang ng mga taong iyan sa isang lugar ay hindi mabubuhay nang matagal sa pangangaso, at ang paglipat-lipat nila ng tirahan ay hindi akma sa pagtatanim o pag-aalaga ng sapat na dami ng mga hayop. Nilutas ni Jehova ang problema sa pamamagitan ng mahimalang paglalaan ng kanilang kakainin sa araw-araw mula sa langit—ang manna. Sa pamamagitan ni Moises, inutusan ng Panginoon ang mga tao na mamulot ng sapat na manna sa bawat araw, maliban sa araw bago mag-Sabbath, kung kailan pupulot sila ng sasapat sa loob ng dalawang araw.

Sa kabila ng malinaw na tagubilin ni Moises, namulot ang ilan ng sobra sa kailangan para sa isang araw at itinago ang iba:

“At sinabi ni Moises sa kanila, Huwag magtira niyaon ang sinoman ng hanggang sa umaga.

“Gayon ma’y hindi sila nakinig kay Moises; kungdi ang iba sa kanila ay nagtira niyaon hanggang sa umaga, at inuod at bumaho” (Exodo 16:19–20).

Gayunman, tulad ng ipinangako, nang doble ang dami ng pinulot nilang manna sa ikaanim na araw, hindi ito nabulok (tingnan sa Exodo 16:24–26). Gayunman, may ilan pa ring hindi naniwala hangga’t hindi nila nakikita, at naghanap sila ng mapupulot na manna sa araw ng Sabbath, ngunit “wala [silang] nasumpungan” (tingnan sa Exodo 16:27–29).

Sa paglalaan ng kakainin sa bawat araw, sinikap ni Jehova na turuan ng pananampalataya ang isang bansa na sa nagdaang 400 taon ay nakalimot sa pananampalataya ng kanilang mga ninuno. Itinuro Niya sa kanila na magtiwala sa Kanya. Ibig sabihin, ang mga anak ni Israel ay kinailangang umasa sa Kanya bawat araw at magtiwala na magkakaloob Siya ng sapat na pagkain para bukas at sa susunod pang mga araw. Sa gayong paraan hindi Siya malalayo nang husto sa kanilang puso’t isipan kailanman.

Nang makaya nang tustusan ng mga lipi ni Israel ang kanilang sarili, inutusan silang gawin ito. Gayundin, kapag humingi tayo sa Diyos ng ating kakainin sa araw-araw—na tulungan tayo sa sandaling hindi natin kayang tustusan ang ating sarili—kailangan pa rin tayong masigasig na kumilos at tustusan ang ating pangangailangan sa abot ng ating makakaya.

Pagtitiwala sa Panginoon

Bago ako tinawag bilang General Authority, naharap ako sa problema sa kabuhayan na tumagal nang ilang taon. Gumaan at bumigat ang kalubhaan at kahalagahan nito, ngunit hindi ito naglaho. May mga pagkakataong naging banta ang problemang ito sa kapakanan ng aking pamilya, at akala ko noon ay mauubos ang aming kabuhayan. Ipinagdasal kong magkaroon ng himala para makaraos kami. Bagaman maraming beses kong ipinagdasal iyon nang taos-puso at buong katapatan, ang sagot sa huli ay hindi. Sa huli, natuto akong manalanging tulad ng Tagapagligtas: “Gayon ma’y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo” (Lucas 22:42). Humingi ako ng tulong sa Panginoon sa bawat munting hakbang hanggang sa huling desisyon.

May mga pagkakataon na wala na akong mapagkunan, na wala na akong malapitan at mahingan ng tulong para matugunan ang aming mga pangangailangan. Dahil wala nang ibang paraan, ilang beses akong lumuhod sa aking Ama sa Langit, at lumuluhang humingi sa Kanya ng tulong. At tinulungan nga Niya ako. Kung minsan ito ay panatag na pakiramdam lang, isang katiyakan na maaayos ang lahat. Maaaring hindi ko makita kung paano o ano ang landas na tatahakin, ngunit ipinaalam Niya sa akin, nang tuwiran o di-tuwiran, na gagawa Siya ng paraan. Maaaring magbago ang mga sitwasyon, makaisip ng bagong ideya na makatutulong, biglaang magkaroon ng dagdag na kita o iba pang mapagkukunan sa tamang panahon. Kahit paano ay nagkaroon ng resolusyon.

Bagaman nahirapan ako noon, nagpapasalamat ako ngayon na walang agarang solusyon sa aking problema noon. Ang katotohanan na halos araw-araw akong napilitang humingi ng tulong sa Diyos sa maraming taon ay nagturo sa akin kung paano tunay na manalangin at masagot at nagturo sa akin sa praktikal na paraan na sumampalataya sa Diyos. Nakilala ko ang aking Tagapagligtas at ang aking Ama sa Langit sa paraan at antas na hindi sana nangyari o matatagalang mangyari. Nalaman ko na ang kakainin sa araw-araw ay napakahalaga. Natutuhan ko na ang manna ngayon ay maaaring magkatotoo na katulad ng manna sa kasaysayan ng Biblia. Natuto akong magtiwala sa Panginoon nang buong-puso. Natuto akong sumunod sa Kanya sa araw-araw.

Paglutas sa mga Problema

Ang paghingi ng ating kakainin sa araw-araw sa halip na lingguhan, buwanan, o taunan ay isang paraan din para magtuon tayo sa mas maliliit at mas madaling lutasing problema. Upang malutas ang isang malaking problema, kailangan natin itong lutasin nang paunti-unti sa araw-araw. Kung minsan isang araw lang ang kaya natin—o bahagi lamang ng isang araw—sa isang pagkakataon.

Noong 1950s nakaraos ang aking ina sa operasyon sa kanser, na sinundan ng napakaraming masasakit na radiation treatment. Naalala niya na tinuruan siya ng kanyang ina ng isang bagay noong panahong iyon na nakatulong sa kanya simula noon:

“Ang sama talaga ng pakiramdam ko at hinang-hina ako, at sinabi ko sa kanya isang araw, ‘Hay, Inay, hindi ko na po kaya ang 16 pang radiation treatment.’

“Sabi niya, ‘Kaya mo bang magpunta ngayon?’

“‘Opo.’

“‘Anak, iyan lang ang kailangan mong gawin ngayon.’

“Maraming beses itong nakatulong sa akin kapag naaalala kong isa-isang harapin ang bawat araw o bagay.”

Magagabayan tayo ng Espiritu kung kailan tayo susulong at paano haharapin ang isang araw, ang sandaling ito.

Pag-abot sa Ating Potensyal

Ang paghingi at pagtanggap ng “kakanin sa araw-araw” sa tulong ng Diyos ay mahalagang bahagi ng pagkatutong magtiwala sa Kanya at tiisin ang mga hamon sa buhay. Kailangan din natin ng espirituwal na pagkain sa araw-araw upang maabot ang dapat nating kahinatnan. Ang magsisi, magbago, at kalaunan ay maabot “[ang] sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo” (Mga Taga Efeso 4:13) ay dahan-dahang proseso. Ang pagdagdag ng bago at mabuting pag-uugali sa ating pagkatao o pagwawaksi sa masasamang pag-uugali o adiksyon ay kadalasang nangangahulugan ng pagsisikap ngayon na susundan ng bukas at ng isa pang bukas, marahil ng maraming araw, maging ng mga buwan at taon, hanggang sa magtagumpay tayo. Ngunit magagawa natin ito dahil makahihingi tayo sa Diyos ng ating kakainin sa araw-araw, ng tulong na kailangan natin sa bawat araw.

Si Pangulong N. Eldon Tanner (1898–1982), Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ay nagsabi: “[Kapag] pinag-iisipan natin ang kahalagahan ng desisyon na magpakabuti pa, magpasiya [tayong] disiplinahin ang ating sarili upang maingat na piliin ang mga bagay na ating gagawin, timbangin ang layunin sa paggawa nito, at mangako na tuparin ang mga ito at huwag hayaan ang anumang balakid na pumigil sa atin. Paalalahanan ang ating sarili sa pag-uumpisa ng bawat araw na gagawin natin ang isang bagay na ipinangako para lamang sa araw na iyon.”1

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol kamakailan na ang palagian at araw-araw na mga simpleng gawain tulad ng pagdarasal ng pamilya, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at home evening ay mahalaga sa tagumpay ng mga pamilya. “Hahantong sa makabuluhang espirituwal na mga bunga ang palagian nating paggawa ng tila maliliit na bagay,” wika niya.2

Ganito ang payo ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), nang magsalita siya tungkol sa pagsisisi: “Dapat tayong mag-ingat, sa paghahangad nating higit na maging [katulad ni Cristo], upang hindi tayo manghina at mawalan ng pag-asa. Ang pagiging katulad ni Cristo ay panghabambuhay na pagsisikap at kadalasan ay kinapapalooban ng mabagal at halos hindi napapansing pag-unlad at pagbabago.”3

Paghingi ng Tulong sa Panginoon sa Paglilingkod

Alalahanin na hindi lamang sarili natin ang dapat nating isipin kapag humingi tayo ng espirituwal na pagkain sa araw-araw. Kung gusto nating maging higit na katulad ng Guro, Siya na naparito “hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod” (Marcos 10:45), hihingin natin ang Kanyang tulong sa paglilingkod sa ating kapwa sa araw-araw.

Ipinamumuhay ni Pangulong Thomas S. Monson ang alituntuning ito nang higit kaysa sinumang kilala ko. Laging nasa puso niya ang panalangin na ihayag ng Diyos ang mga kailangan at paraan para matulungan niya ang mga nasa paligid niya anumang araw o oras. Isang halimbawa noong bishop pa siya ang nagpapakita ng katotohanan na kung minsan kahit ang munting pagsisikap, sa patnubay ng Espiritu, ay malaki ang ibinubunga.

“Ang isang taong natulungan ni [Pangulong Monson] ay si Harold Gallacher. Ang kanyang asawa at mga anak ay aktibo sa Simbahan, ngunit hindi si Harold. Tinanong ng kanyang anak na si Sharon si Bishop Monson kung puwedeng ‘may gawin’ siya para maibalik sa pagiging aktibo ang kanyang ama. Bilang bishop, isang araw ay nakadama siya ng inspirasyon na bisitahin si Harold. Matindi ang sikat ng araw nang kumatok siya sa screen door ni Harold. Nakikita ng bishop si Harold na nakaupo, naninigarilyo at nagbabasa ng diyaryo. ‘Sino iyan?’ tanong ni Harold, na hindi man lang tumingin.

“‘Ang bishop mo,’ sagot ni Tom. ‘Narito ako para makausap ka at hikayatin kang magpunta kasama ng iyong pamilya sa ating mga miting.’

“‘Hindi pwede, marami akong ginagawa,’ ang walang pakialam na sagot nito. Hindi man lang siya tumingin. Pinasalamatan siya ni Tom sa pakikinig sa kanya at umalis na sa pintuan. Lumipat ang pamilya na hindi kailanman nakapagsimba si Harold.

“Pagkaraan ng ilang taon … tinawagan ni Brother Gallacher ang tanggapan ni Elder Thomas S. Monson at hiniling na magkita sila.

“… Nang magkita ang dalawa kalaunan, nagyakap sila. Sabi ni Harold, ‘Naparito ako para humingi ng paumanhin nang hindi ako tumayo at hindi kita papasukin noong tag-init na iyon maraming taon na ang nakararaan.’ Itinanong sa kanya ni Elder Monson kung aktibo na siya sa Simbahan. Matipid ang ngiting sumagot si Harold: ‘Ako ngayon ang pangalawang tagapayo sa aming ward bishopric. Ang paanyaya mong magsimba, at ang pag-ayaw ko, ay lagi kong naaalala kaya nagpasiya akong kumilos na.’”4

Pagpapasiya sa Araw-Araw

Ang pag-iisip tungkol sa kakainin natin sa araw-araw ay nagbibigay-kaalaman sa atin ng bawat detalye ng ating buhay, ng kahalagahan ng maliliit na bagay na ginagawa natin sa maghapon. Itinuturo ng karanasan na sa buhay may-asawa, halimbawa, mas malaki ang nagagawa ng patuloy na daloy ng simpleng kabaitan, pagtulong, at pagpansin para manatiling mainit ang pagmamahalan at mapangalagaan ang relasyon kaysa paminsan-minsang kabaitan o pagbibigay ng mamahaling regalo.

Gayundin, sa araw-araw na pagpapasiya ay mahahadlangan natin ang pagpasok ng ilang mapanlinlang na impluwensya sa ating buhay at pagiging bahagi nito ng ating pagkatao. Sa isang di-pormal na pag-uusap namin ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ilang taon na ang nakararaan, napansin namin na makakaiwas ang isang tao sa halos lahat ng pornograpiya sa pamamagitan lamang ng mabubuting desisyon o pasiya. Karaniwan ito ay disiplina lamang sa sarili na huwag puntahan ang malamang na kinaroroonan ng pornograpiya—pisikal man o sa Internet. Gayunpaman, alam namin na dahil lubhang laganap na ang pornograpiya, maaaring bigla na lamang malantad sa pornograpiya ang isang taong abala sa kanyang gawain. “Tama,” pagpuna ni Elder Maxwell, “pero maaari niya itong talikuran kaagad. Hindi niya ito kailangang anyayahang pumasok at manatili.”

Gayon din sa iba pang nakapipinsalang impluwensya at pag-uugali. Ang pasiya natin sa bawat araw na iwasan sa simula pa lamang ang ganitong mga bagay ay maaaring maging proteksiyon upang hindi tayo magising na lamang balang-araw sa katotohanan na dahil sa pagpapabaya, nag-ugat na ang ilang kasamaan o kahinaan sa ating kaluluwa.

Ang totoo, maraming mahahalagang bagay sa isang araw. Maging ang temporal at paulit-ulit na gawain ay maaaring maging maliliit ngunit mahahalagang hakbang na sa paglipas ng panahon ay magdudulot ng disiplina at pag-uugali at kaayusang kailangan para magkatotoo ang ating mga plano at pangarap. Samakatwid, sa paghiling ninyo sa panalangin ng kakainin sa araw-araw, pag-isipang mabuti ang inyong mga pangangailangan—kapwa ang wala sa inyo at ang dapat ninyong protektahan. Sa paghiga ninyo, isipin ang mga tagumpay at kabiguan sa araw na iyon at kung ano ang gagawin para maging mas maganda ang bukas. At pasalamatan ang inyong Ama sa Langit para sa manna na inilagay Niya sa inyong daraanan na nagpalakas sa inyo sa maghapong iyon. Ang mga pagninilay ay magpapaibayo ng inyong pananampalataya sa Kanya habang nakikita ninyo na tinulungan Niya kayong tiisin ang ilang bagay at mapagbago ang iba. Magagalak kayo sa isa pang araw, sa isa pang hakbang tungo sa buhay na walang-hanggan.

Pag-alaala sa Tinapay ng Kabuhayan

Higit sa lahat, alalahanin na kasama natin Siya na sagisag at simbolo ng manna, ang Manunubos.

“Ako ang tinapay ng kabuhayan.

“Nagsikain ang inyong mga magulang ng mana sa ilang, at sila’y nangamatay.

“Ito ang tinapay na bumababang galing sa langit, upang ang taong makakain, ay huwag mamatay.

“Ako ang tinapay na buhay na bumabang galing sa langit: kung ang sinoman ay kumain ng tinapay na ito, siya’y mabubuhay magpakailan man: oo at ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman, sa ikabubuhay ng sanglibutan” (Juan 6:48–51).

Pinatototohanan ko na tunay na buhay ang Tinapay ng Kabuhayan na si Jesucristo, at ang walang hanggang kapangyarihan at saklaw ng Kanyang Pagbabayad-sala. Sa huli, ang Kanyang Pagbabayad-sala at Kanyang biyaya ang ating pagkain sa araw-araw. Dapat natin Siyang hanapin araw-araw, gawin ang Kanyang kalooban bawat araw, upang tayo ay maging kaisa sa Kanya na tulad Niya sa Ama (tingnan sa Juan 17:20–23). Sa paggawa nito, nawa’y ipagkaloob ng ating Ama sa Langit ng ating kakainin sa araw-araw.

Mga Tala

  1. N. Eldon Tanner, “Sa Araw na Ito Gagawin Ko … ,” Liahona, Mar. 2003, 27–28.

  2. David A. Bednar, “Mas Masigasig at Mapagmalasakit sa Tahanan,” Liahona, Nob. 2009, 20.

  3. Ezra Taft Benson, “A Mighty Change of Heart,” Tambuli, Mar. 1990, 7.

  4. Heidi S. Swinton, To the Rescue: The Biography of Thomas S. Monson (2010), 160–61.

Mga paglalarawan ni Diane Hayden