Mga Kabataan
Tapang na Harapin ang Unos
Sa ikalawang gabi ng Young Women camp ng aking stake, nagkaroon ng malakas na ulan at buhawi. Ang ward ko ay may 24 na young women na kasali sa camp kasama ang dalawang lider, at kinailangan naming magkasya sa isang maliit na kubo para maproteksyunan. Matindi ang buhos ng ulan, at lumalakas pa ang hangin. Patuloy kong ipinaalala sa aking sarili ang panalanging inialay kanina ng aming stake president para sa aming kaligtasan. Nagdasal din ang aming ward sa kubo namin, at personal din akong nanalangin.
Maraming dalagita ang natakot, at kitang-kita naman kung bakit. Ang kubo namin ay hindi gaanong matibay, at nasa tabing ilog kami. Sa loob ng 20 minuto lumakas pa ang bagyo kaya’t kinailangan ng buong stake na mabilisang lisanin ang kanilang mga kubo papunta sa mga kubo ng mga counselor, na nasa mas mataas na lugar. Sa pagsisikap na panatagin ang aming sarili, muling nanalangin ang aking stake president, at kumanta kami ng mga himno, mga awitin sa Primary, at mga camp song. Oo, natakot kami, pero nadama namin na magiging maayos ang lahat. Makalipas ang kalahating oras ligtas nang bumalik sa aming mga kubo.
Kalaunan ay nalaman namin ang nangyari sa buhawi nang gabing iyon. Nahati ito sa dalawang unos. Ang isa ay umikot sa amin pakanan at ang isa naman ay pakaliwa. Ang naranasan namin ay hindi pa ang pinakamalakas nito!
Alam ko na dininig ng Diyos ang aming mga dalangin nang gabing iyon at pinrotektahan Niya kami mula sa pinakamatinding unos. Bakit mahahati ang isang buhawi kung hindi ito kinailangang gawin ng Diyos? Alam ko na sa mga unos ng buhay, makapagdarasal tayo palagi sa Ama sa Langit at diringgin at sasagutin Niya tayo, bibigyan tayo ng tapang at proteksyong kailangan natin para makaligtas.