Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya
Pagtulong sa mga Anak na Mahalin ang Aklat ni Mormon
Nakatulong sa amin ang mga pamamaraang ito sa pagtuturo sa aming mga anak mula sa Aklat ni Mormon.
Sa pag-aaruga naming mag-asawa sa aming pamilya, matindi ang hangarin namin na iturong mabuti sa aming limang anak na mahalin ang Aklat ni Mormon. Tulad ng mga karpintero, natutuhan namin na ang iba’t ibang pamamaraan ay hindi lang nakakatulong kundi mahalaga rin sa pagtuturo sa aming mga anak na mahalin ang mga banal na kasulatan. Natutuhan din namin na iba ang pagkakaroon ng mga kagamitan o pamamaraan sa pagtuturo sa aming mga anak at iba rin ang malaman kung paano gamitin ang mga ito.
Dagdag pa riyan, alam naming kailangan naming matutuhan kung paano ituro sa aming mga anak na ipamuhay ang mga turo ng Aklat ni Mormon at makita ang kahalagahan nito sa mundong kanilang ginagalawan. Ang kakayahan nating gumamit ng iba’t ibang pamamaraan para matulungan ang ating mga anak ay nakasalalay unang-una sa ating personal na pag-unawa sa mga banal na kasulatan, sa ating patotoo sa katunayan nito, at sa ating interes sa mga ito.
Pagtuturo sa Mas Maliliit na Bata
Dahil ang mga salita sa mga banal na kasulatan ay masasabing hindi karaniwang sinasalita ng isang bata, ang pagtuturo sa mga bata na mahalin ang Aklat ni Mormon ay malaking hamon. Noong maliliit pa ang aming mga anak, madali silang mainip kaya’t saglit lang din ang pag-aaral namin ng banal na kasulatan. Madalas naming gamitin ang mga nakalarawang babasahin ng banal na kasulatan sa pag-aaral ng pamilya.
Para mapagtibay ang mga alituntuning binabasa at pinag-aaralan ng aming mga anak sa mga banal na kasulatan, madalas ko silang kuwentuhan nito bago sila matulog. Kalaunan ibinahagi ng aking anak kung gaano ang naging epekto nito sa kanya. Sabi niya, “Palagay ko ang paulit-ulit na mga kuwento ay naging paborito na namin. Umuupo kayo sa tabi ng aming kama at nagkukuwento mula sa mga banal na kasulatan. Gustung-gusto namin ito at hiniling na marinig ito nang paulit-ulit dahil kahit sa murang edad nadama namin ang diwa ng mensaheng dala ng mga ito at alam namin na ang mga taong ikinukuwento ninyo sa amin ay magigiting at tapat. Gusto namin silang tularan.”
Pag-aakma ng mga Aralin sa mga Pangangailangan ng Ating Pamilya
Siyempre pa, habang lumalaki ang aming mga anak, binabasa na namin mismo ang Aklat ni Mormon at ang iba pang mga banal na kasulatan. Sinisikap naming basahin ang mga banal na kasulatan nang buong katapatan tuwing umaga, kahit ang ilan sa aming mga anak ay nakakumot pa at hindi halos makadilat. Gayunpaman, sinasabi nila ngayon na nakikinig sila noon, tinatandaan ang mga binabasa sa kanila, at itinatanim ang binhi [ng kaalaman] para sa hinaharap.
Binigyang-diin rin namin ang mga banal na kasulatan sa family home evening. Halimbawa, madalas kaming nagsasama ng mga aktibidad tulad ng scripture charades: iaarte ng mga miyembro ng pamilya ang isang kuwento mula sa mga banal na kasulatan, at susubukang hulaan ng ibang miyembro ang kuwento. Gusto ring laruin ng aming mga anak ang “Sino Ako?”—may mga clue kaming ibibigay hanggang sa mahulaan nila ang tauhan mula sa Aklat ni Mormon na tinutukoy namin. Sa paglaki pa ng aming mga anak, kasama na sila sa paghahanda at pagbibigay ng mga aralin.
Sa pag-aakma namin ng aming home evening sa mga kasalukuyang kailangan ng aming pamilya, gumamit kami ng mga kuwento at ideya mula sa Aklat ni Mormon bilang tulong sa pagtuturo ng mga alituntunin. Halimbawa, kumukuha kami ng aralin tungkol sa moralidad at pag-iwas sa pornograpiya mula sa payo ni Alma sa kanyang anak na si Corianton sa Alma 39. Ang magandang aralin na nagsasabing iwasan ang paglalagay ng tattoo sa ating mga katawan ang kinuha mula sa kuwento ng mga Amlicita sa Alma 3.
Naghahanda ako ng mga aralin sa tamang paglutas ng di-pagkakasundo ng magkakapatid mula sa buhay ni Nephi (tingnan sa 1 Nephi 7:20–21; 16:4–5), Jacob (tingnan sa 2 Nephi 2:1–3), at Corianton (tingnan sa Alma 39:1, 10). Ang malungkot na salaysay tungkol kina Alma at Amulek sa Alma 14:12–28 ay nagtuturo ng pagtitiis sa gitna ng pagdurusa. Ang isang mahalagang alituntuning natutuhan namin sa mga ito at sa iba pang mga bagay ay ang siguruhing natatalakay namin ito sa aming mga anak bago ito talagang makaapekto o maging problema sa kanilang buhay.
Pagtatanong
Bukod sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan kasama ang aming mga anak, nalaman naming mahalagang magbigay ng mga tanong na makatutulong sa aming mga anak na makita ang kahalagahan ng kanilang binabasa. Ang kadalian o kahirapan ng mga tanong na ito ay depende sa kanilang edad, pero ang layunin nito ay turuan silang hanapin ang mga turo at ipamuhay ito at tulungan silang maunawaan kung gaano karami ang matutuklasan sa Aklat ni Mormon.
Halimbawa, itinanong ko kung ano ang palagay nila sa sinabi ni Nephi na kanyang “nakita … ang maraming paghihirap sa paglipas ng [kanyang] mga araw” at sa kasunod na linya ay nagsabi ng parang taliwas dito: na siya ay “labis na [pinagpala] ng Panginoon” (1 Nephi 1:1). Sa pamamagitan ng aming talakayan, natuklasan din ng aming mga anak na sa pagligtas ng Panginoon kay Nephi mula sa kanyang mga paghihirap, binigyan din Niya si Nephi ng mas malalim na pang-unawa sa Kanyang mga hiwaga (tingnan sa 1 Nephi 1:1, 20).
Ang mga bata at kabataan ay natututo nang lubos kapag tinutulungan natin silang tuklasin mismo sa kanilang sarili ang katotohanan. Sa paggawa nila nito, mahihikayat silang mahalin at gamitin ang Aklat ni Mormon sa kanilang buong buhay at madaramang kaya nilang tulungan ang iba na gawin din ang gayon.
Nalaman ng aming mga anak na alam namin na ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng mga totoong kuwento sa tunay na buhay. Nakita nila ang nakita namin, nalaman nila ang nalaman namin, at nadarama ang nadama namin sa Aklat ni Mormon. Napalakas nito ang kanilang patotoo, natulungan silang mahalin ang Aklat ni Mormon, at hinikayat silang sikaping gawin din iyon sa kanilang mga anak.