2012
Pagtupad ng mga Tipan: Isang Mensahe para sa mga Magmimisyon
Enero 2012


Pagtupad ng mga Tipan

Isang Mensahe para sa mga Magmimisyon

Mula sa isang mensahe sa missionary satellite broadcast na ibinigay noong Abril 25, 1997.

Elder Jeffrey R. Holland

Ang susi sa gawaing ito ay nasa pagtupad ng ating mga tipan. Wala nang iba pang paraan upang makamtan at maipakita ang mga kapangyarihan ng kabanalan.

Magsasalita ako sa inyo tungkol sa malaking kahalagahan ng pagtupad ng mga tipan—ang pagtupad ko sa aking mga tipan at ang pagtupad ninyo sa inyong mga tipan. Bagama’t talagang bahagi nito ang pagsunod, ang paksang ito ay mas malawak kaysa pagtalakay tungkol sa pagsunod. At ito ay napakapersonal na paksa.

Sa isang banda ito ang pinakamahalagang bagay na mapag-uusapan natin sa plano ng ebanghelyo, dahil tanging ang mga gumagawa ng mga tipan at tumutupad ng mga tipan ang maaaring makatanggap ng pinakamataas na mga pagpapala ng kahariang selestiyal. Oo, kapag pinag-uusapan natin ang tungkol sa pagtupad ng tipan, pinag-uusapan natin ang puso at pinakadiwa ng ating layunin sa mortalidad.

Pagtatatag ng Kaharian sa Pamamagitan ng Bawat Tipan

Ang tipan ay isang may bisang espirituwal na kasunduan, isang taimtim na pangako sa Diyos na ating Ama na mamumuhay at mag-iisip at kikilos tayo sa isang partikular na paraan—ang pamamaraan ng Kanyang Anak, ang Panginoong Jesucristo. Bilang kapalit, ipinapangako sa atin ng Ama, Anak, at Espiritu Santo ang ganap na kaluwalhatian ng buhay na walang-hanggan.

Para sa akin, nakakatuwa na ang mga tipan ay personal na ginagawa ng bawat isa sa atin. Mayroong tipan sa binyag at kumpirmasyon, na siyang nagpasimula sa pagtahak natin sa landas tungo sa buhay na walang-hanggan. Ang mga ordenansang iyon ay isinasagawa sa bawat tao, sa bawat isa, kahit gaano pa karami ang tatanggap sa mga ito.

Mayroong tipan sa pagtanggap ng mga kalalakihan sa priesthood. Ang paggawad ng priesthood ay palaging paisa-isang ibinibigay.

Ang pinakamataas na mga tipan na magagawa natin ay nasa loob ng templo. Doon natin ginagawa ang ating pinakataimtim na mga pangako sa ating Ama sa Langit at doon Niya lubos na ipinaaalam sa atin ang tunay na kahulugan ng Kanyang mga pangako sa atin. Minsan pa, ito ay mga karanasan ng bawat isa, kahit na nagpupunta tayo sa templo upang mabuklod sa iba pang mga indibiduwal.

Sa ganyang paraan itinatayo ang kaharian ng Diyos—isa-isang ibinibigay ang tipan sa bawat tao, lahat ng ating paglalakbay sa buhay na ito ay humahantong sa mga tipan ng banal na templo.

Ang Ginagampanan ng mga Tipan sa Templo

Napakahalagang maunawaan ninyo na ang pagpunta sa templo para sa sarili ninyong endowment, kabilang na ang banal na mga ordenansa na maghahanda sa inyo para sa endowment na iyon ay mahalagang bahagi ng inyong paghahanda sa misyon at pangakong magmisyon.

Sa pagpunta ninyo sa templo, mauunawaan ninyo ang kahalagahan ng mga tipan sa templo, ang hindi mapaghihiwalay na pagkakaugnay ng inyong endowment doon at ng inyong tagumpay bilang misyonero.

Sa katunayan, ang salitang endowment ay nagpapahiwatig ng diwa ng mahalagang pagkakaugnay na iyon. Ang endowment ay isang kaloob. Ang salitang-ugat nito ay gaya ng dowry, na isang espesyal na regalo para makapagsimula ang bagong kasal sa kanilang buhay mag-asawa. Noong ako pa ang pangulo ng Brigham Young University, nag-ukol ako ng panahon sa pagsisikap na dagdagan ang pondo ng unibersidad, ang kabang-yaman ng mga donasyong bigay ng mabubuting tao.

Ganyan ang ginagawa ng Diyos sa atin sa tuwing nakikipagtipan tayo sa Kanya. Siya ay nagkakaloob sa atin. Nangangako tayong gagawin ang ilang bagay, batay sa ordenansa, at nangangako Siya ng mga espesyal na kaloob bilang kapalit—napakagagandang kaloob, hindi mabigkas na mga kaloob, halos hindi maunawaang mga kaloob. Kaya’t sinasabi ko sa inyo gaya ng pagsasabi ko sa sarili ko—kung talagang gusto nating magtagumpay sa ating mga tungkulin, kung gusto nating makamtan ang bawat tulong at bawat benepisyo at bawat pagpapala mula sa Ama, kung gusto nating mabuksan ang pintuan ng langit sa atin upang matanggap ang mga kapangyarihan ng kabanalan, kailangan nating tupdin ang ating mga tipan!

Alam ninyong hindi ninyo magagawa ang gawaing ito nang mag-isa. Kailangan natin ang tulong ng langit; kailangang mapasaatin ang mga kaloob ng Diyos. Itinuro Niya ito sa simula pa lamang ng gawain sa dispensasyong ito. Sa pagtuturo tungkol sa “pagkatubos ng Sion,” sinabi ng Panginoon:

“Nang sila sa kanilang sarili ay maging handa, at ang aking mga tao ay maturuan nang mas ganap, at magkaroon ng karanasan, at makaalam nang mas ganap hinggil sa kanilang tungkulin, at ang mga bagay na aking hinihingi sa kanilang mga kamay.

“At ito ay hindi maaaring maisakatuparan hanggang sa ang aking mga elder ay mapagkalooban ng kapangyarihan mula sa itaas.

“Dahil masdan, ako ay naghanda ng dakilang kaloob at pagpapala na ibubuhos sa kanila, yayamang sila ay matapat at magpapatuloy sa pagpapakumbaba sa aking harapan” (D at T 105:10–12).

Napakabigat ng gawaing ito at napakatindi ng pagsalungat dito ng kalaban kung kaya’t kailangan natin ang bawat banal na kapangyarihan upang mapaigi ang ating pagsisikap at patuloy na maisulong ang Simbahan. Ang susi diyan para sa bawat isa sa atin ay ang tipan na ginagawa natin sa loob ng templo—ang pangako nating sumunod at magsakripisyo, na ibigay ang lahat sa Ama, at ang Kanyang pangako na bibigyan tayo ng “dakilang kaloob.”

Mga Tipan at ang Gawain ng Panginoon

Tinutulungan ba kayo nito na makita kung gaano kahalaga ang ating personal, at indibiduwal na mga pangako sa kabuuan at kadakilaan ng gawain? Tulad ng lahat ng iba pang bagay sa plano ng kaligtasan, ang tagumpay ng lahat ng mga elder at sister sa buong mundo ay nakikita sa bawat misyonaryo.

Hindi tayo gumagawa ng mga tipan bilang isang buong ward o stake. Sa halip, gumagawa tayo ng mga tipan bilang si Brother Brown o si Brother Burns, si Sister Jones o si Sister Jensen. Ang susi sa gawaing ito ay ang pagtupad ng mga tipan ng bawat isa.

Hindi ko alam kung saang misyon kayo maglilingkod, pero hindi ako naniniwala na gumawa ang ating Ama sa Langit ng anumang partikular na mga pangako sa kabuuan ng misyon kung saan kayo maglilingkod. Ang nalalaman ko ay gumawa Siya ng mga dakilang pangako sa bawat isa sa inyo.

Kapag ang buong misyon ay nagkaisa sa pamamagitan ng matibay na integridad ng bawat misyonero, ng pagtupad ng tipan ng bawat misyonero, doon tayo nakapagpapalipat ng mga bundok. Kapag may gayong pagkakaisa at kapangyarihan, na kaloob mula sa langit, sa bawat indibiduwal na nasa misyon, walang anumang maaaring “pumigil sa pagsulong ng gawain.” Sa ganitong paraan ang “katotohanan ng Diyos ay magpapatuloy nang may kagitingan, pagkamaharlika, at may kalayaan.”1

Taglay natin ang kumpiyansang iyon kapag walang mahinang kawing sa tanikala, kapag walang bitak ang baluti. Ang pakikipaglaban sa kasamaan at kamalian ang paraan para makamtan ang bawat tagumpay ng ebanghelyo—sa pamamagitan ng pagtupad sa bawat tipan ng bawat tao, at ng bawat misyonero.

Kaya nga sinabi ng Panginoon sa mga lider ng Simbahan noong una, “Inyong ipangangako ang inyong sarili na kumilos nang buong kabanalan sa harapan ko—na yayamang ginagawa ninyo ito, ang kaluwalhatian ay idaragdag sa kahariang inyong natanggap” (D at T 43:9–10).

Ang salitang iyan ay tumutukoy sa tipan. Iyan mismo ang ginagawa natin sa ating pagpunta sa templo—ipinapangako ang ating sarili sa Panginoon at sa isa’t isa at sa gayong kalakasan ay “kumilos nang buong kabanalan.” Bunga nito, napapasaatin at sa ating gawain ang kapangyarihan at kaluwalhatian. Sa gayon mismong konteksto ng pagtupad ng tipan ay sinabi ng Panginoon, “Ako, ang Panginoon, ay nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi; subalit kapag hindi ninyo ginawa ang aking sinabi, kayo ay walang pangako” (D at T 82:10).

Magtiwala kayo sa akin. Ang susi sa gawaing ito ay nasa pagtupad ng ating mga tipan. Walang ibang paraan upang makamtan at maipakita natin ang mga kapangyarihan ng kabanalan. Nasa inyo ang salita ng Panginoon tungkol sa paksang iyan.

Pupunta kayo sa templo para maihanda kayo para sa inyong misyon. Tuparin ninyo ang bawat isa sa mga tipang ginawa ninyo roon. Ang mga iyon ay napakapersonal, napakasagradong mga pangako na ginagawa ng bawat isa sa atin sa ating Ama sa Langit.

Isang Tipan na Magpatotoo

Habang itinatanong ko ito sa inyo, gusto kong malaman ninyo na gagawin ko rin ito. Tutuparin ko rin ang aking mga tipan. Isa sa mga tipang iyon ay maging, bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, isang natatanging saksi “ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig” (D at T 107:23). Sa pagtupad ng aking mga tipan, hindi ko lamang pinatototohanan sa inyo ngayon ang tungkol sa Panginoong Jesucristo at Siya na ipinako sa krus, kundi ako ay isang saksi na—tinawag, inorden, inatasang ihatid ang patotoong iyan sa daigdig. Mga minamahal kong batang kaibigan, masaya ako na makasama kayo sa paglilingkod na ito.

Alam kong ang Diyos ay buhay, na Siya ang literal nating Ama sa Langit, at na tutuparin Niya ang Kanyang mga pangako sa atin magpakailanman. Alam kong si Jesus ang Cristo, ang Bugtong na Anak ng Ama sa laman, at ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Alam kong Siya ay nagdusa, nagtigis ng dugo, at namatay upang magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan.

Alam kong nagpakita ang Ama at ang Anak sa batang propetang si Joseph Smith, ang dakilang propetang nagpasimula sa dispensasyong ito, na nagtigis din ng kanyang dugo bilang patotoo sa kanyang tungkulin, ang pinakadakilang simbolo ng katapatan ng isang tao sa kanyang mga tipan. Alam kong ang mga susing taglay ng propeta ay patuloy na naipasa sa 15 pang kalalakihan hanggang sa panahong ito na nasa kamay at taglay na ang mga ito ng propetang si Pangulong Thomas S. Monson, ang namumunong mataas na saserdote ng Diyos ngayon sa lupa.

Ang gawaing ito ay totoo. Ang mga pahayag na ito ay totoo. Alam ko ang mga ito hindi dahil sa sinabi ito sa akin ng iba pang taong nabuhay sa mundong ito. Nalaman ko ang mga ito sa pamamagitan ng mga pagpapahiwatig ng Banal na Espiritu, na gumagabay sa aking buhay at nagbibigay-kahulugan sa aking patotoo at nagsugo sa akin—sa inyo—na maging isang natatanging saksi ng Manunubos ng daigdig.

Tala

  1. Joseph Smith, sa History of the Church, 4:540.

MGA PAGLALARAWAN NINA Matthew Reier AT Christina Smith