Ang Pag-ibig sa Kapwa-Tao Kailanman ay Hindi Nagkukulang
Sa halip na maging mapanghusga at batikusin ang isa’t isa, nawa’y mapasaatin ang dalisay na pag-ibig ni Cristo sa ating kapwa mga manlalakbay sa buhay na ito.
Nagalak ang ating kaluluwa ngayong gabi at umabot ito sa langit. Nabiyayaan tayo ng magandang musika at inspiradong mga mensahe. Ang Espiritu ng Panginoon ay narito. Dalangin kong mapasaakin ang Kanyang inspirasyon ngayon habang ibinabahagi ko sa inyo ang aking mga naiisip at nadarama.
Magsisimula ako sa maikling kuwentong naglalarawan ng puntong gusto kong iparating.
May isang bata pang mag-asawa, sina Lisa at John, na lumipat sa isang bagong lugar. Isang umaga habang nag-aalmusal, tumanaw sa labas ng bintana si Lisa at minasdan ang kanyang kapitbahay na nagsasampay ng mga nilabhan nito.
“Hindi malinis ang labada!” bunghalit ni Lisa. “Hindi marunong maglaba ang kapitbahay natin!”
Tumingin si John pero hindi kumibo.
Tuwing magsasampay ng labada ang kapitbahay niya, ganoon palagi ang puna ni Lisa.
Makalipas ang ilang linggo nagulat si Lisa pagtanaw niya sa bintana nang makitang maayos at malinis ang labadang nakasampay sa bakuran ng kapitbahay niya. Sabi niya sa kanyang asawa, “Tingnan mo, John—sa wakas ay natuto rin siyang maglaba nang tama! Paano kaya niya ginawa iyon?”
Sumagot si John, “May sagot ako diyan, mahal ko. Matutuwa kang malaman na maaga akong gumising kaninang umaga at hinugasan ko ang mga bintana natin!”
Ngayong gabi gusto kong ibahagi sa inyo ang ilang ideya tungkol sa paraan ng pagtingin natin sa bawat isa. Nakatanaw ba tayo sa isang bintanang kailangang linisin? Nanghuhusga ba tayo nang wala tayong mga katibayan? Ano ang nakikita natin kapag tinitingnan natin ang iba? Ano ang mga paghuhusgang ginagawa natin sa kanila?
Sabi ng Tagapagligtas: “Huwag kayong magsihatol.”1 Nagpatuloy Siya, “Bakit mo tinitingnan ang puwing na nasa mata ng inyong kapatid, nguni’t hindi mo pinapansin ang tahilan na nasa iyong sariling mata?”2 O, sa ibang salita, bakit mo tinitingnan ang iniisip mong maruming labada ng kapitbahay mo ngunit hindi mo pinapansin ang maruming bintana sa sariling bahay mo?
Walang perpekto sa atin. Wala akong kilalang sinuman na magsasabing perpekto siya. Subalit sa kung anong dahilan, sa kabila ng ating mga kakulangan, mahilig tayong mamuna ng kakulangan ng iba. Hinahatulan natin ang kanilang mga ginagawa o hindi ginagawa.
Wala talagang paraan para malaman natin ang puso, mga layon, o sitwasyon ng isang taong maaaring magsalita o gumawa ng isang bagay na ikinakatwiran nating dapat pintasan. Kaya nga may kautusan: “Huwag kayong magsihatol.”
Apatnapu’t pitong taon na ang nakalilipas sa pangkalahatang kumperensyang ito, tinawag akong maglingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol. Noon ay naglilingkod ako sa isa sa mga general priesthood committee ng Simbahan, kaya bago pa nabanggit ang pangalan ko, nakaupo akong kasama ng kapwa ko mga miyembro sa priesthood committee na iyon, tulad ng inaasahan sa akin. Gayunman, hindi alam ng asawa ko kung saan siya uupo at wala siyang makatabi sa upuan at, katunayan, wala siyang makitang bakanteng upuan saanman sa Tabernacle. Isang malapit naming kaibigan, na miyembro noon ng isa sa mga general auxiliary board at nakaupo sa lugar na inilaan para sa mga board member, ang nagpaupo kay Sister Monson sa kanyang tabi. Walang alam ang babaing ito tungkol sa pagtawag sa akin—na hindi magtatagal ay ibabalita—ngunit nasulyapan niya si Sister Monson, nakita ang pag-aalala nito, at magiliw itong inalok ng mauupuan. Napanatag at nagpasalamat ang mahal kong asawa sa kabaitang ito. Gayunman, habang nakaupo, may narinig siyang malakas na bulong sa kanyang likuran nang ipahayag ng isa sa mga board member sa mga nakapaligid ang pagkainis nito dahil nangahas ang isang kasamahan nila na anyayahan ang isang “tagalabas” na maupo sa lugar na nakareserba lamang sa kanila. Walang dahilan ang pangit niyang asal, kahit sino pa ang inanyayahang maupo doon. Gayunman, parang nakikinita ko ang pakiramdam ng babaing iyon nang malaman niya na ang “tagalabas” ay asawa pala ng pinakabagong Apostol.
Hindi lamang tayo mahilig humatol sa mga kilos at salita ng iba, kundi marami sa atin ang humahatol sa panlabas na anyo: pananamit, estilo ng buhok, laki. Marami pang iba.
Isang napakainam na halimbawa ng paghatol sa panlabas na anyo ang inilimbag sa isang pambansang magasin maraming taon na ang nakalilipas. Totoong nangyari ito—na maaaring narinig na ninyo ngunit marapat na ulitin.
May isang bahay ang babaeng nagngangalang Mary Bartels na katapat mismo ng pasukan ng isang klinika. Ang kanyang pamilya ay nakatira sa unang palapag at pinaupahan ang mga silid sa itaas sa mga pasyenteng dumadalaw sa klinika.
Isang gabi isang matandang lalaki na talagang nakakatakot ang bumungad sa pinto na nagtatanong kung may matutuluyan siya. Hukot na siya at kulubot ang balat, at ngiwi ang mukha dahil namamaga—namumula at nagtutuklap. Naghahanap daw siya ng silid mula tanghali ngunit wala siyang makita. “Siguro dahil sa mukha ko,” wika niya. “Alam kong nakakatakot ang mukha ko, ngunit sabi ng doktor ko iigi ito pagkatapos ng marami pang gamutan.” Ipinahiwatig niya na masisiyahan siyang matulog sa tumba-tumba sa balkon. Habang kausap siya, natanto ni Mary na napakalaki ng puso ng maliit na matandang lalaking ito. Kahit puno na ang mga silid, pinaghintay niya ang matanda sa upuan at inihanap ito ng matutulugan.
Bago natulog, inayos ng asawa ni Mary ang isang teheras para sa matanda. Nang tingnan niya kinaumagahan, maayos nang nakatupi ang mga sapin ng higaan at nasa balkon na ang lalaki. Tumanggi itong kumain ng almusal, ngunit bago umalis para sumakay ng bus, itinanong nito kung maaari siyang bumalik sa susunod na magpagamot siya. “Hindi ko kayo masyadong aabalahin,” pangako niya. “Maaari akong matulog sa upuan.” Tiniyak sa kanya ni Mary na malugod nila siyang tatanggapin pagbalik niya.
Sa loob ng ilang taong pagpapagamot at pagtuloy sa bahay ni Mary, ang matandang lalaki, na isang mangingisda, ay palaging may dalang mga regalong pagkaing-dagat o mga gulay mula sa kanyang halamanan. Sa ibang mga pagkakataon ay nagpadala siya ng mga package sa koreo.
Nang matanggap ni Mary ang mga regalong iyon, madalas niyang maisip ang sinabi ng kanyang kapitbahay nang lisanin ng hukot na matandang lalaki ang bahay ni Mary noong unang umagang iyon. “Pinatuloy mo ba kagabi ang nakakatakot na matandang iyon? Itinaboy ko siya. Mawawalan ka ng mga kostumer sa pagtanggap sa ganyang mga tao.”
Alam ni Mary na minsan o makalawa na siguro silang nawalan ng kostumer, ngunit naisip niya, “Ah, kung nakilala lang nila ang matanda, siguro mas gagaan ang kanilang mga pakiramdam.”
Nang mamatay ang matanda, kausap ni Mary ang isang kaibigan na may greenhouse. Habang nakatingin sa mga bulaklak ng kanyang kaibigan, napansin niya ang isang magandang ginintuang chrysanthemum ngunit nagtaka siya nang makitang tumutubo ito sa isang yupi, luma, at makalawang na timba. Ipinaliwanag ng kanyang kaibigan na, “Naubusan ako ng paso, at dahil alam ko kung gaano kaganda ang kalalabasan ng isang ito, naisip ko na hindi nito mamasamaing maitanim sa lumang timbang ito. Sandaling panahon lang naman, hanggang sa mailipat ko na siya sa hardin.”
Napangiti si Mary habang nakikinita ang gayong tagpo sa langit. “Heto, napakaganda ng isang ito,” maaaring sabihin ng Diyos kapag nakita niya ang kaluluwa ng maliit na matandang lalaki. “Hindi niya mamasamaing magsimula sa maliit at pilipit na katawang ito.” Ngunit matagal na iyon, at sa halamanan ng Diyos napakaganda siguro ng kinalalagyan ng magandang kaluluwang ito!3
Ang mga anyo ay mapanlinlang, at hindi magandang sukatan ng isang tao. Ipinayo ng Tagapagligtas, “Huwag kayong magsihatol ayon sa anyo.”4
Isang miyembro ng samahan ng kababaihan ang nagreklamong minsan nang mapili ang isang babae na maging kinatawan ng samahan. Hindi pa niya nakikilala ang babae, ngunit nakita niya ang retrato nito at hindi niya nagustuhan ang nakita niya, lalo pa nga’t napakabigat ng timbang nito. Sabi niya, “Sa libu-libong kababaihan sa samahang ito, tiyak namang may mapipiling mas mainam na kinatawan nito.”
Totoo, ang babaing napili ay hindi “kasingpayat ng isang modelo.” Ngunit yaong mga nakakakilala sa kanya at nakakaalam ng mga katangian niya ay higit pa ang nakita sa kanya kaysa nasa retrato. Kita talaga sa retrato ang kanyang makaibigang ngiti at tiwala sa sarili. Ang hindi kita sa retrato ay ang kanyang pagiging isang tapat at mahabaging kaibigan, isang babaeng matalino na nagmahal sa Panginoon at nagmahal at naglingkod sa Kanyang mga anak. Hindi kita rito na siya ay nagboluntaryo sa komunidad at isang mabait at mapagmalasakit na kapitbahay. Sa madaling salita, hindi kita sa retrato kung sino siya talaga.
Ang tanong ko: kung ang mga pag-uugali, ginawa, at espirituwal na hilig ay makikita sa mga pisikal na katangian, ang mukha ba ng babaeng nagreklamo ay magiging kasingganda ng babaeng pinintasan niya?
Mahal kong mga kapatid, bawat isa sa inyo ay kakaiba. Magkakaiba kayo sa maraming paraan. Mayroon sa inyo na may-asawa na. Ang ilan sa inyo ay namamalagi sa tahanan kasama ng inyong mga anak, samantalang ang iba ay nagtatrabaho sa labas ng inyong mga tahanan. Ang ilan sa inyo ay wala nang kasamang mga anak sa bahay. Mayroon sa inyo na may-asawa ngunit walang anak. Mayroong mga nakipagdiborsyo, may mga balo. Marami sa inyo ang wala pang asawa. Ang ilan sa inyo ay tapos ng kolehiyo; ang ilan ay hindi. May mga kayang sumunod sa pinakahuling uso at may mapapalad na magkaroon ng isang angkop na damit na isusuot sa araw ng Linggo. Halos walang katapusan ang gayong mga pagkakaiba. Tinutukso ba tayo ng mga pagkakaibang ito na hatulan ang isa’t isa?
Sinabi ni Mother Teresa, isang madreng Katoliko na tumulong sa mga maralita sa India nang halos buong buhay niya, ang malalim na katotohanang ito: “Kung hahatulan mo ang mga tao, wala kang panahong mahalin sila.”5 Ipinayo ng Tagapagligtas, “Ito ang aking utos, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa, na gaya ng pagibig ko sa inyo.”6 Ang tanong ko: kaya ba nating mahalin ang isa’t isa, tulad ng utos ng Tagapagligtas, kung hahatulan natin ang isa’t isa? At ang sagot ko—pati na ni Mother Teresa: hindi, hindi natin kaya.
Itinuro ni Apostol Santiago, Itinuro ni Apostol Santiago, “Kung ang sinoman ay nagiisip na siya’y relihioso samantalang hindi pinipigil ang kaniyang dila, kundi dinadaya ang kaniyang puso, ang relihion ng taong ito [o babaeng ito] ay walang kabuluhan.”7
Noon pa man ay gustung-gusto ko na ang inyong sawikain sa Relief Society: “Ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang.”8 Ano ang pag-ibig sa kapwa? Itinuro ng propetang si Mormon na “ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo.”9 Sa kanyang pamamaalam sa mga Lamanita, ipinahayag ni Moroni, “Maliban kung mayroon kayong pag-ibig sa kapwa-tao, kayo ay hindi maaaring maligtas sa kaharian ng Diyos.”10
Itinuturing ko ang pag-ibig sa kapwa—o ang “dalisay na pag-ibig ni Cristo”—na kabaligtaran ng pamimintas at panghuhusga. Patungkol sa pag-ibig sa kapwa-tao, hindi ko naiisip sa sandaling ito ang kaginhawahan ng mga nagdurusa sa pamamagitan ng pagbibigay ng ating kabuhayan. Iyan, mangyari pa, ay kailangan at nararapat. Gayunman, ngayong gabi naiisip ko ang pag-ibig sa kapwa na namamalas kapag nagparaya tayo sa iba at hindi tayo mahigpit sa kanilang mga pagkilos, ang uri ng pag-ibig sa kapwa na nagpapatawad, ang uri ng pag-ibig sa kapwa na mapagpasensya.
Naiisip ko ang pag-ibig sa kapwa na nagtutulak sa atin na makisimpatiya, mahabag, at maawa, hindi lamang sa oras ng pagkakasakit at pagdurusa at pagkaligalig kundi maging sa oras ng kahinaan o pagkakamali ng iba.
Lubhang kailangan ang pag-ibig sa kapwa na nag-uukol ng pansin sa mga hindi napupuna, pag-asa sa mga pinanghihinaan ng loob, tulong sa mga nagdurusa. Ang tunay na pag-ibig sa kapwa ay pag-ibig na ipinapakita sa gawa. Kailangan ang pag-ibig sa kapwa sa lahat ng dako.
Kailangan ang pag-ibig sa kapwa na hindi natutuwang makarinig o magpaulit-ulit ng mga ulat ng kasawiang-palad ng iba, maliban kung sa paggawa nito ay makikinabang ang sawimpalad na tao. Minsan ay sinabi ng Amerikanong guro at pulitikong si Horace Mann, “Ang mahabag sa naliligalig ay makatao; ang magbigay ng ginhawa ay maka-Diyos.”11
Ang pag-ibig sa kapwa ay pagpapasensya sa isang taong bumigo sa atin. Ito ay paglaban sa bugso ng damdamin na madaling masaktan. Ito ay pagtanggap sa mga kahinaan at pagkukulang. Ito ay pagtanggap sa mga tao kung sino sila talaga. Ito ay pagtingin nang higit pa sa mga panlabas na anyo sa mga katangiang hindi kumukupas sa paglipas ng panahon. Ito ay pagtanggi sa bugsong uriin ang iba.
Ang pag-ibig sa kapwa, ang dalisay na pag-ibig na iyon ni Cristo, ay nakikita kapag naglakbay nang daan-daang milya ang isang grupo ng mga kabataang babae mula sa isang singles ward upang dumalo sa serbisyo sa lamay para sa ina ng isa sa mga miyembro nila sa Relief Society. Ang pag-ibig sa kapwa ay naipapamalas kapag ang matatapat na visiting teacher ay bumabalik buwan-buwan, taun-taon sa isang hindi interesado, at tila mapamintas na miyembro. Kitang-kita kapag ang isang matandang babaeng balo ay naaalala at dinadala sa mga aktibidad ng ward at Relief Society. Nadarama ito kapag ang miyembro na mag-isang nakaupo sa Relief Society ay tumanggap ng paanyayang, “Halika—tabi-tabi tayo.”
Sa mga mumunting paraan, lahat kayo ay nagpapakita ng pag-ibig sa kapwa. Hindi perpekto ang buhay ng sinuman sa atin. Sa halip na husgahan at pintasan ang isa’t isa, nawa’y mapasaatin ang dalisay na pag-ibig ni Cristo sa ating kapwa mga manlalakbay sa buhay na ito. Nawa’y matanto natin na ginagawa ng bawat isa ang lahat ng kanyang makakaya upang harapin ang mga hamong dumarating sa kanyang buhay, at nawa’y gawin natin ang lahat upang makatulong.
Ang pag-ibig sa kapwa-tao “ang pinakadakila, pinakamarangal, pinakamasidhing uri ng pag-ibig,”12 ang “dalisay na pag-ibig ni Cristo … ; at sinumang matagpuang mayroon nito sa huling araw, ay makabubuti sa kanya.”13
“Ang pagibig ay hindi nagkukulang kailan man.” Nawa’y gabayan kayo ng matagal nang sawikaing ito ng Relief Society, ang walang hanggang katotohanang ito, sa lahat ng inyong gawain. Nawa’y tumimo ito sa inyong kaluluwa at makita sa lahat ng inyong iniisip at ikinikilos.
Ipinahahayag ko ang aking pagmamahal sa inyo, mga kapatid, at dalangin kong mapasainyo ang mga pagpapala ng langit magpakailanman. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.