2010–2019
Kapalaluan at ang Priesthood
Oktubre 2010


2:3

Kapalaluan at ang Priesthood

Ang kapalaluan ay isang switch na pumapatay sa kapangyarihan ng priesthood. Ang pagpapakumbaba ay isang switch na nagbibigay-buhay rito.

Mahal kong mga kapatid, salamat sa pagtitipun-tipon ninyo sa lahat ng dako ng mundo para dito sa sesyon ng priesthood sa pangkalahatang kumperensya. Ang inyong pagdalo ay nagpapakita ng inyong pangakong makibahagi, saanman kayo naroon, kasama ang inyong mga kapatid na maytaglay ng banal na priesthood at paglingkuran at igalang ang inyong Panginoon at Manunubos na si Jesucristo.

Kadalasan sinusukat natin ang ating buhay ayon sa mga kaganapang nakintal sa ating puso’t isipan. Maraming ganyang kaganapan sa buhay ko, na ang isa ay noong 1989 nang marinig ko ang walang-kamatayang sermon ni Pangulong Ezra Taft Benson na, “Mag-ingat sa Kapalaluan.” Sa pambungad nakasaad na ang paksang ito ay matagal-tagal nang ikinababahala noon ni Pangulong Benson.1

Ganito rin ang nadama ko nitong mga nakaraang buwan. Ang mga paramdam ng Espiritu Santo ay naghimok sa akin na idagdag ang aking tinig bilang isa pang saksi sa mensahe ni Pangulong Benson 21 taon na ang nakararaan.

Bawat mortal ay nakaranas nang minsan ng kahit bahagya kung hindi man ng labis na kapalaluan. Wala pang nakaiwas dito; ang ilan ay napaglalabanan ito. Nang sabihin ko sa aking asawa na ito ang magiging paksa ng aking mensahe, ngumiti siya at nagsabing, “Mabuti nama’t magsasalita ka tungkol sa mga bagay na marami kang alam.”

Iba pang mga Kahulugan ng Kapalaluan

Naaalala ko rin ang isang nakakaaliw na epekto ng mabisang mensahe ni Pangulong Benson. Sumandaling muntik nang ipagbawal sa mga miyembro ng Simbahan ang pagsasabi ng “ipinagmamalaki” nila ang kanilang mga anak o kanilang bansa o “ipinagmamalaki” nila ang kanilang gawain. Ang mismong salitang kapalaluan ay tila hindi kasama sa ating bokabularyo.

Sa mga banal na kasulatan nakikita natin ang maraming halimbawa ng mabuti at matwid na mga tao na nagagalak sa kabutihan at kasabay nito ay pinupuri ang kabutihan ng Diyos. Ang ating Ama sa Langit Mismo ang nagpakilala sa Kanyang Pinakamamahal na Anak sa mga salitang “na siya kong labis na kinalulugdan.”2

Ipinagmapuri ni Alma ang ideya na baka sakaling siya ay “maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos.”3 Ipinagmapuri ni Apostol Pablo ang katapatan ng mga miyembro ng Simbahan.4 Ipinagmapuri ng magaling na misyonerong si Ammon ang tagumpay nilang magkakapatid bilang mga misyonero.5

Naniniwala ako na may pagkakaiba ang maging mapagmalaki tungkol sa ilang bagay at ang maging palalo. Marami akong ipinagmamalaki. Ipinagmamalaki ko ang aking asawa. Ipinagmamalaki ko ang aming mga anak at apo.

Ipinagmamalaki ko ang mga kabataan ng Simbahan, at nagagalak ako sa kanilang kabutihan. Ipinagmamalaki ko kayo, mahal at tapat kong mga kapatid. Ipinagmamalaki kong makasama kayo bilang maytaglay ng banal na priesthood ng Diyos.

Ang Kapalaluan ay Kasalanang Pag-aangat ng Sarili

Kaya ano nga ba ang pagkakaiba ng ganitong uri ng pakiramdam at ng kapalaluang tinawag ni Pangulong Benson na “kasalanan ng buong sansinukob”?6 Ang kapalaluan ay kasalanan, ayon sa di-malilimutang turo ni Pangulong Benson, dahil ito ay nag-uudyok ng pagkapoot o galit at ginagawa tayong kalaban ng Diyos at ng ating kapwa. Sa kaibuturan nito, kapalaluan ang kasalanang paghahambing, dahil bagama’t karaniwan ay nagsisimula ito sa “Tingnan mo kung gaano ako kagaling at gaano kaganda ang nagawa ko,” tila lagi itong nagtatapos sa “Kaya mas magaling ako sa iyo.”

Kapag puno ng kapalaluan ang ating puso, nagkakasala tayo nang mabigat, dahil nilalabag natin ang dalawang dakilang utos.7 Sa halip na sambahin ang Diyos at mahalin ang ating kapwa, inilalantad natin ang tunay nating sinasamba at minamahal—ang larawang nakikita natin sa salamin.

Ang kapalaluan ay ang malaking kasalanang pag-aangat ng sarili. Ito para sa napakarami ay isang personal na Ramiumptum, isang banal na tindigan na nagbibigay-katwiran sa inggit, kasakiman, at kayabangan.8 Sa isang banda, kapalaluan ang siyang kauna-unahang pagkakasala, dahil bago pa nilikha ang mundong ito, kapalaluan na ang nagpabagsak kay Lucifer, ang anak ng umaga “na may kapangyarihan sa harapan ng Diyos.”9 Kung mawawasak ng kapalaluan ang isang tao nang ganito kahusay, hindi ba dapat din nating suriin ang ating sariling kaluluwa?

Maraming Anyo ang Kapalaluan

Ang kapalaluan ay isang nakamamatay na kanser. Ito ay isang kasalanang humahantong sa napakarami pang ibang kahinaan ng tao. Katunayan, masasabi na bawat kasalanan, sa totoo lang, ay nagpapakita ng kapalaluan.

Maraming anyo ang kasalanang ito. Inaakay nito ang ilan na ikatuwa ang sarili nilang pagpapahalaga sa sarili, mga nagawa, talento, yaman, o posisyon. Itinuturing nilang katibayan ang mga biyayang ito na sila ay “pinili,” “pinakamahusay,” o “mas mabuti” kaysa iba. Ito ang kasalanang pag-iisip na “Salamat sa Diyos at mas espesyal ako kaysa sa iyo.” Nasa kaibuturan nito ang hangaring hangaan o kainggitan. Ito ang kasalanang pagpuri sa sarili.

Para sa iba, ang kapalaluan ay humahantong sa inggit: naiinggit sila sa mga nasa mas mataas na posisyon, mas maraming talento, o mas mayaman kaysa kanila. Hangad nilang saktan, ipahamak, at pabagsakin ang iba sa walang-habas na pagtatangkang maiangat ang sarili. Kapag yaong mga kinaiinggitan nila ay nagkamali o nahirapan, lihim silang nagbubunyi.

Ang Larangan ng Isports

Marahil wala nang mas mainam na lugar para makakita ng kasalanang kapalaluan kaysa sa daigdig ng isports. Noon pa man ay mahilig na akong makilahok at dumalo sa mga kaganapang pang-isports. Ngunit inaamin kong may mga pagkakataon na nakakahiya ang kawalan ng kagandahang-asal sa isports. Paano naging walang pakundangan at puno ng pagkapoot ang isang likas na mabait at mahabaging tao sa kalabang koponan at sa mga tagahanga nito?

Nakita ko nang alipustahin at pasamain ng mga tagahanga ng isports ang kanilang mga kalaban. Humahanap sila ng anumang kapintasan at pinalalaki ito. Pinangangatwiranan nila ang kanilang pagkamuhi na idinadamay ang lahat at ibinubunton ito sa lahat ng may kaugnayan sa kabilang koponan. Kapag may nangyaring masama sa kanilang kalaban, nagsasaya sila.

Mga kapatid, nakalulungkot na napakadalas nating makita ngayon ang ganitong uri ng pag-uugali at asal na laganap sa usap-usapan tungkol sa pulitika, kultura, at relihiyon.

Mahal kong mga kapatid sa priesthood, minamahal kong kapwa mga disipulo ng magiliw na si Cristo, hindi ba dapat tayong sumunod sa mas mataas na pamantayan? Bilang mga maytaglay ng priesthood, dapat nating matanto na lahat ng anak ng Diyos ay kabilang sa iisang koponan. Ang ating koponan ay isang kapatiran ng tao. Ang buhay na ito ang ating larangan. Ang ating mithiin ay matutuhang mahalin ang Diyos at ipadama ang gayunding pagmamahal sa ating kapwa. Narito tayo upang mamuhay ayon sa Kanyang batas at itayo ang kaharian ng Diyos. Narito tayo upang patatagin, pasiglahin, pakitunguhan nang maayos, at hikayatin ang lahat ng anak ng Ama sa Langit.

Hindi Tayo Dapat Paapekto

Noong matawag ako bilang General Authority, mapalad akong maturuan ng marami sa naunang Mga Kapatid sa Simbahan. Isang araw, nagkaroon ako ng pagkakataong ihatid si Pangulong James E. Faust sa isang stake conference. Sa mga oras na magkasama kami sa kotse, nag-ukol ng oras si Pangulong Faust na ituro sa akin ang ilang mahahalagang alituntunin tungkol sa aking atas. Ipinaliwanag din niya kung gaano kabait ang mga miyembro ng Simbahan, lalo na sa mga General Authority. Sabi niya, “Pakikitunguhan ka nila nang mabuti. Magsasabi sila ng magagandang bagay tungkol sa iyo.” Bahagya siyang tumawa at saka sinabing, “Dieter, magpasalamat ka para dito. Pero huwag na huwag kang paaapekto rito.”

Magandang aral iyan para sa ating lahat, mga kapatid, sa anumang tungkulin o sitwasyon sa buhay. Maaari tayong magpasalamat para sa ating kalusugan, kayamanan, mga ari-arian, o posisyon, ngunit kapag nagsimula tayong paapekto rito—kapag wala na tayong inisip kundi ang ating katayuan; kapag nagtuon tayo sa sarili nating kahalagahan, kapangyarihan, o reputasyon; kapag inisip natin ang iniisip ng iba tungkol sa atin at pinaniwalaan ang sinasabi ng iba tungkol sa atin—diyan nagsisimula ang problema; diyan nagsisimulang mangwasak ang kapalaluan.

Napakaraming babala sa mga banal na kasulatan tungkol sa kapalaluan: “Sa kapalaluan, ang dumarating ay pagtatalo lamang: nguni’t ang karunungan ay nangasa nangaturuang mabuti.”10

Nagbabala si Apostol Pedro na “Ang Dios ay sumasalangsang sa mga palalo, datapuwa’t nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba.”11 Ipinaliwanag ni Mormon, “Walang isa mang katanggap-tanggap sa Diyos, maliban sa mababang-loob at may mapagpakumbabang puso.”12 At sadyang pinipili ng Panginoon “ang mga bagay na mahihina ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga bagay na malalakas.”13 Ginagawa ito ng Panginoon upang ipakita na nasa Kanyang gawain ang Kanyang kamay, at baka tayo ay “magtiwala sa bisig ng laman.”14

Tayo ay mga lingkod ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Hindi tayo binigyan ng priesthood upang makilala at mapuri sa ating nagawa. Narito tayo upang masigasig na gumawa. Tayo ay bahagi ng di-pangkaraniwang gawain. Tinawag tayo upang ihanda ang sanlibutan sa pagparito ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Hindi natin hangad ang ating sariling karangalan kundi purihin at luwalhatiin ang Diyos. Alam natin na maliit lamang ang tulong na maibibigay natin nang nag-iisa; magkagayunman, kapag ginamit natin ang kapangyarihan ng priesthood sa kabutihan, papangyayarihin ng Diyos ang isang dakila at kagila-gilalas na gawain mula sa ating mga pagsisikap. Dapat nating malaman, tulad ni Moises, na “ang tao ay walang kabuluhan”15 sa kanyang sarili ngunit “sa Dios ang lahat ng mga bagay ay mangyayari.”16

Si Jesucristo ang Perpektong Halimbawa ng Pagpapakumbaba

Dito, tulad sa lahat ng bagay, si Jesucristo ang ating perpektong halimbawa. Samantalang tinatangka ni Lucifer na baguhin ang plano ng kaligtasan ng Ama at kamtin ang karangalan sa kanyang sarili, sinabi ng Tagapagligtas, “Ama, masusunod ang inyong kalooban, at ang kaluwalhatian ay mapasainyo magpasawalang hanggan.”17 Sa kabila ng Kanyang kahanga-hangang mga kakayahan at nagawa, ang Tagapagligtas ay laging maamo at mapagpakumbaba.

Mga kapatid, taglay natin “ang Banal na Pagkasaserdote, alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos.”18 Ito ang kapangyarihang ipinagkaloob ng Diyos sa kalalakihan sa mundo upang kumilos para sa Kanya. Para magamit ang Kanyang kapangyarihan, kailangan nating sikaping tularan ang Tagapagligtas. Ibig sabihin, sa lahat ng bagay ay hangad nating sundin ang kalooban ng Ama, na tulad ng Tagapagligtas.19 Ibig sabihin ay ibinibigay natin ang buong kaluwalhatian sa Ama, na tulad ng Tagapagligtas.20 Ibig sabihin ay kalilimutan natin ang ating sarili sa paglilingkod sa iba, na tulad ng Tagapagligtas.

Ang kapalaluan ay isang switch na pumapatay sa kapangyarihan ng priesthood.21 Ang pagpapakumbaba ay isang switch na nagbibigay-buhay rito.

Maging Mapagpakumbaba at Puno ng Pagmamahal

Kaya paano natin madaraig ang kapalaluang ito na napakalaganap na at labis na nakapipinsala? Paano tayo magiging mas mapagpakumbaba?

Halos imposibleng umangat tayo sa kapalaluan kapag ang ating puso ay puno ng pag-ibig sa kapwa. “Walang sinuman ang makatutulong sa gawaing ito maliban kung siya ay magiging mapagpakumbaba at puno ng pagmamahal.”22 Kapag tiningnan natin ang mundo sa ating paligid nang may dalisay na pag-ibig ni Cristo, nagsisimula na tayong maunawaan ang pagpapakumbaba.

Inaakala ng ilan na ang pagpapakumbaba ay tungkol sa pamimintas sa ating sarili. Ang pagpapakumbaba ay hindi nangangahulugan na kumbinsihin natin ang ating sarili na tayo ay walang halaga, walang kuwenta, o kakatiting ang halaga. Hindi rin ito nangangahulugan na itatwa o huwag gamitin ang mga talentong bigay ng Diyos sa atin. Hindi tayo nagiging mapagpakumbaba sa paghamak sa ating sarili; nagiging mapagpakumbaba tayo sa hindi gaanong pag-iisip tungkol sa ating sarili. Dumarating ito habang ginagawa natin ang ating gawain na may saloobing maglingkod sa Diyos at sa ating kapwa.

Ang pagpapakumbaba ay itinutuwid ang ating pansin at pagmamahal sa iba at sa mga layunin ng Ama sa Langit. Kabaligtaran ang ginagawa ng kapalaluan. Kinukuha ng kapalaluan ang lakas at puwersa nito mula sa malalalim na balon ng kasakiman. Sa sandaling tumigil tayo sa pag-iisip sa ating sarili at nagtuon tayo sa paglilingkod, unti-unting napapawi at nagsisimulang maglaho ang ating kapalaluan.

Mahal kong mga kapatid, napakaraming taong nangangailangan na maaari nating alalahanin kaysa ating sarili. At huwag sana ninyong kalilimutan kailanman ang inyong pamilya, ang inyong asawa. Napakaraming paraan na makapaglilingkod tayo. Wala tayong panahon para ibuhos ang ating isipan sa ating sarili.

Minsan may bolpen ako na gustung-gusto kong gamitin noong kapitan pa ako sa isang airline. Pihitin lang ang tatangnan nito, makakapili na ako ng isa sa apat na kulay. Hindi nagreklamo ang bolpen kapag gusto kong gamitin ang pulang tinta sa halip na asul. Hindi nito sinabi sa akin na, “Ayaw ko nang sumulat paglampas ng alas-10:00 n.g., maulap, o nasa itaas tayo ng papawirin.” Hindi sinabi ng bolpen na, “Gamitin mo lang ako sa mahahalagang dokumento, hindi sa pang-araw-araw na mga karaniwang gawain.” Buong husay itong gumanap sa bawat gawaing kailangan ko, gaano man iyon kahalaga o kawalang-halaga. Palagi itong handang maglingkod.

Sa ganito ring paraan, tayo ay mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos. Kapag ang ating puso ay nasa tama, hindi tayo nagrereklamo na ang ibinigay sa ating gawain ay hindi nararapat sa ating mga kakayahan. Natutuwa tayong maglingkod saanman tayo papuntahin. Kapag ginawa natin ito, magagamit tayo ng Panginoon sa kaparaanang lampas pa sa ating pang-unawa upang maisakatuparan ang Kanyang gawain.

Hayaan ninyong magtapos ako sa mga salita ni Pangulong Ezra Taft Benson sa kanyang mensaheng nagbigay-inspirasyon 21 taon na ang nakararaan:

“Ang kapalaluanay malaking hadlang sa Sion.

“Dapat tayong magsimula sa ating sarili sa pagdaig sa kapalaluan. …23

“Kailangan nating sundin ang mga ‘panghihikayat ng Banal na Espiritu,’ hubarin ang palalong ‘likas na tao,’ maging ‘banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon,’ at maging ‘tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba.’’ …24

“Ang Diyos ay magkakaroon ng mapagpakumbabang mga tao. … ‘Pinagpala sila na nagpapakumbaba ng kanilang sarili na hindi kailangang piliting magpakumbaba.’ …25

“Piliin nating magpakumbaba. Kaya nating gawin ito. Alam kong kaya natin.”26

Mahal kong mga kapatid, sumunod tayo sa halimbawa ng ating Tagapagligtas at kumilos upang makapaglingkod sa halip na maghangad ng papuri at parangal ng mga tao. Dalangin ko na sana’y malaman at alisin natin ang di-matwid na kapalaluan sa ating puso at palitan natin ito ng “katuwiran, kabanalan, pananampalataya, pagibig, pagtitiis, [at] kaamuan.”27 Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.