Paglilinis ng Panloob na Templo
Kahit gawing legal ang mali o masama hindi nito mapipigilan ang pait at kaparusahang kasunod nito gaya ng pagsapit ng umaga pagkatapos ng gabi.
Ipinatawag ang pangkalahatang kumperensyang ito sa panahon ng matinding pagkalito at panganib na halos hindi alam ng ating mga kabataan kung paano sila mamumuhay. Dahil nabigyang-babala sa pamamagitan ng mga paghahayag na ganito ang magiging kalagayan ngayon ng mundo, noon pa man ay palagi nang ipinapakita sa mga propeta at apostol ang gagawin.
Inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith “na makapangusap ang bawat tao sa pangalan ng Diyos, ang Panginoon, maging ang Tagapagligtas ng sanlibutan.”1 Nang ipanumbalik ang mga susi, ito ang nagbigay-daan upang ang awtoridad ng priesthood ay matagpuan sa bawat tahanan sa pamamagitan ng mga lolo, ama, at mga anak na lalaki.
Labinlimang taon na ang nakalilipas, sa kabila ng kaguluhan sa daigdig, ipinalabas ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” na ikalimang pagpapahayag sa kasaysayan ng Simbahan. Batay sa paliwanag ng banal na kasulatan ito ay maituturing na paghahayag, isang gabay na makabubuting basahin at sundin ng mga miyembro ng Simbahan.
Sinasabi rito: “Kami, ang Unang Panguluhan at ang Kapulungan ng Labindalawang Apostol ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay taimtim na nagpapahayag na ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inorden ng Diyos at ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak.”2
“Bumaba ang mga Diyos upang buuin ang tao sa kanilang sariling anyo, sa anyo ng mga Diyos ay kanila siyang huhubugin, lalaki at babae ay kanila silang huhubugin.
“At sinabi ng mga Diyos: Babasbasan natin sila. At … gagawin natin sila na maging palaanakin at magpakarami, at kalatan ang lupa, at supilin ito.”3
Ang kautusang ito ay hindi kailanman napawalang-bisa.
“At susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos.”4
Nilayon na maging maligaya tayo dahil “ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan.”5
Itinuro ni Lehi na ang mga tao ay malaya at kailangang maging “malaya … kumikilos para sa kanilang sarili at hindi pinakikilos, maliban sa kaparusahan ng batas sa dakila at huling araw.”6
Ang kasabihang, “Ibinoboto ako ng Panginoon, at bumoboto si Lucifer para matalo ako, ngunit ang aking boto ang magpapasiya,” ay naglalarawan sa katiyakan ng doktrina na ang ating kalayaan ay mas makapangyarihan kaysa kagustuhan ng kalaban. Mahalaga ang kalayaan. Maaaring hangal at bulag nating maibigay ito, ngunit hindi ito makukuha sa atin nang sapilitan.
May pangangatwiran din noong una: “Ang diyablo ang nag-utos sa aking gawin ito.” Hindi iyan totoo! Maaari niya kayong linlangin at akayin sa maling landas, ngunit wala siyang kapangyarihang pilitin kayo o ang sinuman na magkasala o panatilihin kayo sa gayong kalagayan.
Ang ipinagkatiwalang kapangyarihang lumikha ng buhay ay may kaakibat na matinding kagalakan at pinakamapanganib na mga tukso. Ang kaloob na buhay sa lupa at ang kakayahang makalikha ng ibang buhay ay banal na pagpapala. Sa matuwid na paggamit ng kapangyarihang ito, at wala nang iba pa, maaari tayong mapalapit sa ating Ama sa Langit at maranasan ang lubos na kagalakan. Ang kapangyarihang ito ay hindi nagkataon lang na bahagi ng plano ng kaligayahan. Ito ang susi—ang mismong susi.
Gamitin man natin ang kapangyarihang ito gaya ng hinihingi ng mga walang hanggang batas o tanggihan ang banal na layunin nito, habampanahong maaapektuhan ang ating kahihinatnan. “Hindi baga ninyo nalalaman na kayo’y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo?”7
May isang bagay na lubhang nakapagpapalaya kapag nagpasiya ang isang tao gamit ang kanyang sariling kalayaan na sundin ang ating Ama at ating Diyos at ipinahihiwatig ang kahandaang iyon sa Kanya sa pamamagitan ng panalangin.
Kapag sumusunod tayo, maaari nating matamasa ang mga kapangyarihang ito sa tipan ng kasal. Mula sa ating mga bukal ng buhay ay lilitaw ang ating mga anak, ang ating pamilya. Ang pagmamahalan sa pagitan ng mag-asawa ay palaging iiral at magdudulot ng damdamin ng kaganapan at kasiyahan habang tayo ay nabubuhay.
Kung ang isang tao ay napagkaitan ng pagpapalang ito sa mortalidad, ang pangako ay bibigyan sila nito sa mundong darating.
Ipinapalagay ng wagas na pag-ibig na tanging matapos ang panunumpa ng walang hanggang katapatan, legal at naaayon sa batas na seremonya, at pagkatapos ng ordenansa ng pagbubuklod sa templo maaaring pakawalan ang mga kapangyarihang iyon na nagbibigay-buhay para sa lubusang pagpapadama ng pagmamahal. Ito ay ibabahagi at pagsasaluhan lamang ng isang lalaki at babae, ng mag-asawa, sa taong makakasama natin sa habampanahon. Nilinaw na mabuti ng ebanghelyo ang tungkol dito.
Malaya tayong balewalain ang mga kautusan, ngunit kapag hayagan nang sinasabi ng mga paghahayag na “huwag kang,” makabubuting bigyan natin ito ng pansin.
Naiinggit ang kalaban sa lahat ng may kapangyarihang lumikha ng buhay. Si Satanas ay hindi makalilikha ng buhay; siya ay baog. “Hinahangad niya na ang lahat ng tao ay maging kaaba-abang katulad ng kanyang sarili.”8 Hangad niyang hamakin ang matuwid na paggamit ng mga kapangyarihang nagbibigay-buhay sa pamamagitan ng pagtukso sa inyo na magkaroon ng imoral na mga pakikipagrelasyon.
Ginamit ng Panginoon ang ekspresyon na “ay katulad ng” upang lumikha ng imaheng mauunawaan ng Kanyang mga alagad o tagasunod, gaya ng:
“Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang taong nangangalakal.”9
“Tulad ang kaharian ng langit sa natatagong kayamanan sa bukid.”10
Sa ating panahon, ang nakakatakot na impluwensya ng pornograpiya ay katulad ng isang salot na mabilis na kumakalat sa iba’t ibang panig ng mundo, at nahahawa ang mga tao sa lahat ng dako, walang-awang sinisikap na pasukin ang bawat tahanan, kadalasan sa pamamagitan ng asawang lalaki at ama. Ang epekto ng salot na ito, madalas sa kasawiang-palad, ay nakamamatay sa espiritu. Gustong sirain ni Lucifer “ang dakilang plano ng pagtubos,”11 “ang dakilang plano ng kaligayahan.”12
Ang pornograpiya ay palaging magtataboy sa Espiritu ni Cristo at hahadlang sa komunikasyon sa pagitan ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang mga anak at sisira sa napakagandang pagsasama ng mag-asawa.
Hawak ng priesthood ang pinakamataas na kapangyarihan. Maaari kayo nitong protektahan mula sa salot ng pornograpiya—at ito ay isang salot—kung magpapailalim kayo sa impluwensya nito. Kung masunurin ang isang tao, maipapakita ng priesthood kung paano itigil ang nakaugalian na at alisin nang tuluyan ang pagkalulong o adiksyon. Taglay ng mga mayhawak ng priesthood ang karapatang iyon at dapat itong gamitin upang itaboy ang masasamang impluwensya.
Kami ay nagbababala at binabalaan namin ang mga miyembro ng Simbahan na gumising at unawain ang nangyayari ngayon. Mga magulang maging alisto kayo, maging mapagmasid sa tuwina dahil baka pinagbabantaan ng kasamaang ito ang mga miyembro ng inyong pamilya.
Itinuturo natin ang pamantayan ng kagandahang-asal na magpoprotekta sa atin sa maraming panghalili o panghuhuwad ni Satanas sa kasal. Kailangan nating maunawaan na anumang panghihikayat na pumasok sa isang relasyon na hindi naaayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo ay mali. Mula sa Aklat ni Mormon nalaman natin na ang “kasamaan kailanman ay hindi kaligayahan.”13
Inaakala ng ilan na likas na sa kanila ang gayon mula pa sa pagsilang at hindi nila mapaglabanan ang damdamin tungo sa bagay na marumi at kakaiba. Hindi iyan totoo! Bakit gagawin ng ating Ama sa Langit ang gayon sa kahit sino? Alalahanin na Siya ang ating Ama.
Ipinangako ni Pablo na “hindi … itutulot [ng Diyos] na kayo’y tuksuhin ng higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman ang paraan ng pagilag, upang ito’y inyong matiis.”14 Magagawa ninyo, kung gugustuhin ninyo, na itigil ang mga nakagawian at daigin ang adiksyon o pagkalulong at layuan ang bagay na hindi karapat-dapat sa sinumang miyembro ng Simbahan. Gaya ng babala ni Alma, kailangan tayong “magbantay at patuloy na manalangin.”15
Nagbabala si Isaias, “Sa aba nila na tumatawag sa masama na mabuti, at sa mabuti na masama, na inaaring liwanag ang kadiliman, at kadiliman ang liwanag, na inaaring mapait ang matamis, at matamis ang mapait!”16
Ilang taon na ang nakalilipas dinalaw ko ang isang paaralan sa Albuquerque. Ikinuwento sa akin ng titser ang tungkol sa isang binatilyo na nagdala ng pusa sa klase. Gaya ng nakikinita ninyo, natigil ang lahat dahil doon. Sinabi ng titser sa binatilyo na hawakan ang pusa sa harap ng mga bata.
Ayos naman ang takbo ng lahat hanggang sa magtanong ang isa sa mga bata, “Lalaki ba o babae ang pusang iyan?”
Dahil ayaw niyang pag-usapan ang tungkol dun, sinabi ng titser, “Hindi mahalaga. Pusa lang naman iyan.”
Ngunit nagpumilit sila. Sa huli, nagtaas ng kamay ang isang batang lalaki at sinabing, “Alam ko kung paano malalaman.”
Dahil nakitang hindi na ito maiiwasan, sinabi ng titser, “Paano mo malalaman?”
At sumagot ang estudyante, “Maaari po nating pagbotohan!”
Maaaring matawa kayo sa kuwentong ito, pero kung hindi tayo alisto, may mga tao ngayon na hindi lamang nangungunsinti kundi ginaganyak pa nila ang ibang tao na magbotohan para baguhin ang mga batas upang magawa nilang legal ang imoralidad o kahalayan, na para bang makakayang baguhin ng boto ang mga disenyo ng batas ng Diyos at kalikasan. Ang isang batas laban sa kalikasan ay imposib-leng maipatupad. Halimbawa, anong kabutihan ang maidudulot ng pagboto laban sa law of gravity?
Kapwa may moral at pisikal na mga batas na “hindi mababagong utos sa langit bago pa ang pagkakatatag ng daigdig na ito” na hindi maaaring baguhin.17 Paulit-ulit na ipinapakita ng kasaysayan na ang mga pamantayan ng kagandahang-asal ay hindi maaaring baguhin sa pamamagitan ng digmaan at ng balota. Kahit gawing legal ang mali o masama hindi nito mapipigilan ang pait at kaparusahang kasunod nito gaya ng pagsapit ng umaga pagkatapos ng gabi.
Anuman ang oposisyon, determinado tayong manatili sa tamang landas. Mananangan tayo sa mga alituntunin at batas at ordenansa ng ebanghelyo. Kung mali man ang pagkaunawa sa mga ito, sinadya man o hindi, gayon nawa ang mangyari. Hindi natin maaaring baguhin; hindi natin babaguhin ang pamantayang moral o kagandahang-asal. Madali tayong naliligaw ng landas kapag sinusuway natin ang mga batas ng Diyos. Kung hindi natin pangangalagaan at itataguyod ang pamilya, ang sibilisasyon at ating mga kalayaan ay tiyak na maglalaho.
“Ako, ang Panginoon, ay nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi; subalit kapag hindi ninyo ginawa ang aking sinabi, kayo ay walang pangako.”18
Bawat kaluluwang nakakulong sa bilangguan ng kasalanan, o kamalian ay may susi sa pasukan. Ang tawag sa susi ay “pagsisisi.” Kung alam ninyo kung paano gamitin ang susing ito, hindi kayo mapipigilan ng kalaban. Ang kambal na alituntunin ng pagsisisi at kapatawaran ay higit na malakas kaysa kapangyarihan ng manunukso. Kung kayo ay alipin ng isang ugali o ng bisyo na walang-saysay, kailangan ninyong itigil ang nakapipinsalang gawi. Tutulungan kayo ng mga anghel,19 at gagabayan kayo ng mga lider ng priesthood para malampasan ang mahihirap na pagkakataon.
Hindi makikita saanman ang pagkabukas-palad at kabaitan at awa ng Diyos kundi sa pagsisisi. Nauunawaan ba ninyo ang nakalilinis na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala na isinagawa ng Anak ng Diyos, na ating Tagapagligtas, at ating Manunubos? Sabi Niya, “Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi.”20 Sa sukdulang pagpapamalas na iyon ng pag-ibig, pinagbayaran ng Tagapagligtas ang mga kaparusahan ng ating kasalanan upang hindi na tayo kailangang magbayad pa.
Para sa mga tunay na naghahangad nito, mayroong landas pabalik. Ang pagsisisi ay katulad ng sabon o panlinis. Kahit ang makapit na mga mantsa ng kasalanan ay maaalis.
Dala ng mga mayhawak ng priesthood ang panglunas upang maalis ang nakakikilabot na mga imahe ng pornograpiya at mahugasan ang kasalanan. Ang priesthood ay may kapangyarihang kalagin ang impluwensya ng mga pag-uugali, maging ng adiksyon gaano man kahigpit ang kapit nito. Kaya nitong pagalingin ang mga pilat ng mga nakaraang pagkakamali.
Wala na akong alam na mas maganda at nakapapanatag na mga salita sa mga paghahayag kaysa rito: “Masdan, siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito.”21
Kung minsan, kahit matapos ang pagtatapat at pagbabayad ng kaparusahan, ang pinakamahirap na bahagi ng pagsisisi ay ang pagpapatawad sa sarili. Kailangan ninyong malaman na ang ibig sabihin ng pagpapatawad ay magpatawad.
“Kasindalas na magsisisi ang aking mga tao ay akin silang patatawarin sa kanilang mga pagkakasala laban sa akin.”22
Ikinuwento sa akin ni Pangulong Joseph Fielding Smith ang tungkol sa isang babaing nagsisi na nahihirapang lumabas o tumalikod sa napakahalay na pamumuhay. Itinanong ng babae kung ano na ang kanyang gagawin.
Bilang sagot, ipinabasa niya sa babae ang kuwento sa Lumang Tipan tungkol kay Lot at sa asawa nito na naging haligi ng asin.23 Pagkatapos ay tinanong niya ang babae, “Ano ang napulot mong aral mula sa mga talatang ito?”
Sagot ng babae, “Lilipulin ng Panginoon ang masasama.”
“Hindi ganyan!” Sinabi ni Pangulong Smith na ang aral para sa babaing ito na nagsisi at sa inyo ay “Huwag nang lumingon muli!”24
Nakapagtataka, ngunit maaaring ang pinakasimple at pinakamabisang pag-iwas at lunas sa pornograpiya, o anumang maruming gawain, ay ang ipagwalang-bahala ito at iwasan ito. Alisin sa isipan ang anumang di marapat na kaisipan na nagtatangkang mamalagi doon. Kapag nagdesisyon na kayong manatiling malinis, iginigiit ninyo ang ibinigay na kalayaan sa inyo ng Diyos. At pagkatapos, gaya ng ipinayo ni Pangulong Smith, “Huwag nang lumingon muli.”
Ipinapangako ko na naghihintay ang kapayapaan at kaligayahan sa inyo at sa inyong pamilya. Ang hangganan ng lahat ng gawain sa Simbahan ay ang pagkakaroon ng isang lalaki at kanyang asawa at kanilang mga anak ng kaligayahan sa tahanan. At sumasamo ako na ang mga pagpapala ng Panginoon ay mapasainyo na nakikibaka sa kakila-kilabot na salot na ito, na matagpuan ninyo ang kagalingan na mapapasaatin sa priesthood ng Panginoon. Pinatototohanan ko ang kapangyarihang iyan sa pangalan ni Jesucristo, amen.