2010–2019
Pag-iwas sa Bitag ng Kasalanan
Oktubre 2010


Pag-iwas sa Bitag ng Kasalanan

Mahal kong mga kapatid, manatiling matatag at gumawa ng mabubuting pasiya na magtutulot sa inyo na makain ang bunga ng puno ng buhay.

Isang maganda at maaliwalas na umaga, inanyayahan ko ang halos walong-taong-gulang kong apong babae na si Vicki na maglakad-lakad kami sa may lawa, na imbakan ng tubig para sa magandang lungsod namin.

Masaya kaming naglakad habang nakikinig sa mahinang agos ng malinaw na batis sa tabi ng nilalakaran namin. Ang daan ay nagaganyakan ng magagandang berdeng puno at mababangong bulaklak. Naririnig namin ang huni ng mga ibon.

Tinanong ko ang apo kong asul ang mga mata, masayahin, at inosente kung paano siya naghahanda para mabinyagan.

Sumagot siya sa tanong na: “Lolo, ano ang kasalanan?”

Tahimik akong nanalangin para sa inspirasyon at sinikap kong tumugon nang simple hangga’t maaari: “Ang kasalanan ay sadyang pagsuway sa mga utos ng Diyos. Pinalulungkot nito ang Ama sa Langit, at humahantong sa pagdurusa at kalungkutan.”

Malinaw na nag-aalala, tinanong niya ako, “At paano tayo pinapasok nito?”

Ang tanong ay naghahayag ng kadalisayan sa una, ngunit naghahayag din ito ng pag-aalala kung paano umiwas na magkasala.

Para maunawaan niya nang mas malinaw, ginamit ko ang mga likas na elemento sa paligid namin sa paglalarawan. Habang naglalakad, nakakita kami ng medyo malaking haliging bato sa tabi ng isang bakod na barbed-wire; mabigat ito at may mga bulaklak, palumpong, at maliliit na punong tumutubo sa paligid. Sa paglipas ng mga panahon lalaki ang mga halamang ito kaysa sa haligi mismo.

Naalala ko na sa banda pa roon, makakakita kami ng isa pang haliging unti-unting natakpan ng halamang tumubo sa paligid nito, nang halos hindi napapansin. Sa wari ko’y hindi malalaman ng poste na, sa kabila ng tibay nito, mapapaligiran ito at masisira ng mahihinang halaman. Maiisip siguro ng haligi na, “Walang problema. Malakas ako at malaki, at hindi ako masasaktan sa maliit na halamang ito.”

Kaya habang lumalaki ang katabing puno, hindi ito napapansin ng haligi noong una; pagkaraan ay nalilimliman na ng puno ang haligi. Ngunit habang patuloy na lumalaki ang puno, at naliligiran ang haligi ng dalawang sanga nito na noong una ay tila mahihina ngunit pagdating ng panahon ay nagsala-salabat ito at naligiran ang haligi.

Gayunman hindi pa rin alam ng haligi ang nangyayari.

Hindi nagtagal, sa aming paglalakad, nakita namin ang haliging pinag-uusapan namin.Nabunot na ito sa lupa.Namangha ang musmos kong apo at tinanong ako, “Lolo, ito ba ang puno ng kasalanan?”

Noon ko ipinaliwanag sa kanya na simbolo lang ito, o halimbawa, kung paano tayo pinapasok ng kasalanan.

Hindi ko alam ang magiging epekto sa kanya ng pag-uusap namin, ngunit nag-isip ako ng maraming anyo ng kasalanan at kung paano ito nakakasingit sa ating buhay kung tutulutan natin.

Dapat tayong maging handa dahil ang maliliit na pasiya ay magkakaroon ng malalaking resulta, tulad ng ang pagtulog nang maaga at paggising nang maaga ay may malalaking resulta. Itinuturo sa atin ng Doktrina at mga Tipan 88:124, “Gumising nang maaga, upang ang inyong katawan at inyong mga isip ay mabigyang-lakas.” Yaong mga maagang natulog ay nagigising na nakapahinga, ang katawan at isipan ay nabigyang-lakas at napagpala ng Panginoon dahil sa pagsunod.

Anumang mukhang maliit ang halaga, tulad ng pagtulog nang hatinggabi, hindi pagdarasal sa maghapon, hindi pag-aalmusal, o paglabag sa araw ng Sabbath—tulad ng maliliit na pagkakamali—ay unti-unting magpapamanhid sa ating pakiramdam, at tutulutan tayong gumawa ng mas masasamang bagay.

Noong tinedyer pa ako, ang curfew ko ay alas-10:00 n.g. Ngayon, sa oras na iyon lumalabas ang ilan para magsaya. Subalit alam natin na sa gabi nangyayari ang pinakamasasamang bagay. Sa mga oras ng dilim nagpupunta ang ilang kabataan sa di-angkop na mga kapaligiran, kung saan sa musika at mga titik nito ay hindi nila nakakapiling ang Espiritu Santo. Kung gayon, sa gayong mga sitwasyon, madali silang magkasala.

Kadalasan, ang pagkakasala ay nagsisimula sa isang taong namimili ng mga kaibigan na ang mga pamantayan ay hindi nakaayon sa ebanghelyo, at para maging popular o tanggap ng mga kabarkada, isinasapalaran ng taong iyon ang mga tuntunin at batas ng ebanghelyo, tumatahak sa landas na tanging pasakit at kalungkutan ang hatid sa taong ito at sa kanyang mga mahal sa buhay.

Ingatan nating huwag lumago ang kasalanan sa ating paligid. Ang mga anyo ng kasalanan ay nasa lahat ng dako—kahit, halimbawa, sa computer o cell phone. Ang mga teknolohiyang ito ay nakakatulong at maghahatid ng malalaking pakinabang sa atin. Ngunit ang di-angkop na paggamit nito—tulad ng pagsasayang ng oras sa paglalaro, mga programang mag-uudyok na bigyang-kasiyahan ang makamundong pagnanasa, o mas malala pang mga bagay tulad ng pornograpiya—ay mapanira. Ang pornograpiya ay sumisira sa pagkatao at inilulubog ang gumagamit nito sa kumunoy ng karumihan, na matatakasan lamang ng tao sa tulong ng iba.

Ang kahindik-hindik na halimaw ay nagdudulot ng pasakit at pagdurusa, kapwa sa gumagamit at sa kanyang inosenteng mga anak, asawa, ama, at ina. Ang bunga ng makamundong kasiyahan ay kapaitan at kalungkutan. Ang bunga ng pagsunod at sakripisyo ay matamis at walang-katapusang kagalakan.

Dapat pagpasiyahan nang maaga ang mga pamantayang susundin, hindi kapag nariyan na ang tukso. Ang mga basehan natin dapat ay:

  • Gagawin ko ito dahil ito ay tama, nagmumula sa Panginoon, at magpapaligaya sa akin.

  • Hindi ko ito gagawin dahil ilalayo ako nito sa katotohanan, sa Panginoon, at sa walang hanggang kaligayahang ipinangako Niya sa matatapat at masunurin.

Yamang alam ng Ama na gagawa tayo ng mga maling pasiya, naglaan Siya, sa Kanyang magandang plano ng pag-ibig, ng isang Tagapagligtas ng mundo na magbabayad-sala para sa mga kasalanan niyaong mga magsisisi; na lumalapit sa Kanya upang humingi ng tulong, pag-alo, at kapatawaran; at handang taglayin sa kanila ang Kanyang pangalang Jesucristo.

Kung nagkasala tayo, dapat tayong maghanap kaagad ng tulong dahil hindi natin matatakasang mag-isa ang bitag ng kasalanan, tulad ng hindi makakatakas mag-isa ang pinag-uusapan nating haligi ng bakod. Dapat tayong patulong sa ibang tao na alisin ang nakamamatay na yapos nito.

Makakatulong ang mga magulang, at tumawag ng bishop ang Diyos para tulungan tayo. Sa kanya natin dapat ipagtapat ang ating mga lihim.

Ipinaliwanag sa Doktrina at mga Tipan 58:42–43:

“Siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito.

“Sa pamamagitan nito inyong malalaman kung ang isang tao ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan—masdan, kanyang aaminin ang mga yaon at tatalikdan ang mga yaon.”

Ilang buwan matapos kaming maglakad-lakad sa may lawa, ininterbyu ng kanyang bishop ang apo ko—na kanyang ama—para mabinyagan. Matapos ang interbyu kinumusta ko ang nangyari. Sagot niya, na halos pagalitan ako, “Lolo, lihim ang interbyu. Alam ninyo iyan.”

Mga bishop, sana ay seryosohin ninyo ang sagot na iyan. Sa tingin ko ay lumago ang pang-unawa ng apo ko sa napakaikling panahon.

Tulad ng paghahatid ng kalungkutan, pasakit, pagdurusa, at pagkabitag ng punong inilarawan ko, isa pang puno ang maghahatid ng kabaligtaran nito. Binanggit ito sa 1 Nephi 8:10–12:

“At ito ay nangyari na, na nakamalas ako ng isang punungkahoy, na ang bunga ay kanais-nais upang makapagpaligaya sa tao.

“At ito ay nangyari na, na lumapit ako at kumain ng bunga nito; at napagtanto ko na napakatamis nito, higit pa sa lahat ng natikman ko na. Oo, at namasdan ko na ang bunga niyon ay puti, higit pa sa lahat ng kaputiang nakita ko na.

“At nang kinain ko ang bunga niyon ay pinuspos nito ang aking kaluluwa ng labis na kagalakan.

Mahal kong mga kapatid, manatiling matatag at gumawa ng mabubuting pasiya na magtutulot sa inyo na makain ang bunga ng puno ng buhay. Kung, sa anumang dahilan, magkamali kayo o lumihis ng landas, nakaabot ang aming kamay at sinasabi namin sa inyo, “Halikayo. May pag-asa. Mahal namin kayo, at nais namin kayong tulungang lumigaya.”

Mahal na mahal tayo ng Ama sa Langit kaya Niya ibinigay ang Kanyang bugtong na Anak na si Jesucristo.

Mahal na mahal tayo ni Jesucristo kaya Niya ibinuwis ang Kanyang buhay sa pagbabayad-sala sa ating mga kasalanan!

Ano ang kusa nating ibibigay upang maging malinis at tumanggap ng kagalakang iyon?

Ang mga katotohanang ito ay pinatototohanan ko sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.