2010–2019
Maglingkod nang May Espiritu
Oktubre 2010


2:3

Maglingkod nang May Espiritu

Gawin natin ang anumang hinihingi upang maging marapat tayo sa pagsama ng Espiritu Santo.

Nagpapasalamat ako sa pagkakataong ito na makasama kayo, na ikinararangal ng Diyos na magtaglay ng priesthood. Tinawag tayong gamitin ang banal na kapangyarihan sa paglilingkod sa mga anak ng ating Ama sa Langit. Kung gaano natin kahusay na ginawa ang obligasyong iyan ay may walang hanggang mga bunga para sa mga yaong tinawag tayo upang paglingkuran at para sa atin at sa darating na mga henerasyon.

Malaki ang pagpipitagan ko sa pag-alaala sa dalawang maytaglay ng priesthood na naging karapat dapat sa pagsama ng Espiritu ng Diyos sa misyon kung saan sila isinugo ng Panginoon. Natagpuan nila mismo ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa Amerika. Sila ang mga lingkod ng Panginoon na unang bumanggit sa ebanghelyong iyan sa dalawa sa aking mga ninunong Europeo.

Isa sa mga ninunong iyon ang isang kabataang babaeng nakatira sa isang munting sakahan sa Switzerland. Ang isa pa ay isang kabataang lalaki, isang ulila at nandayuhan sa Estados Unidos mula Germany, na nanirahan sa St. Louis, Missouri.

Kapwa nila narinig ang patotoo ng isang maytaglay ng priesthood tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo—ang kabataang babaeng nakaupo sa may fireplace sa kanyang munting tahanan sa Switzerland, at ang kabataang lalaking nakaupo sa balkon ng isang inupahang bahay sa Amerika. Kapwa nila nalaman sa pamamagitan ng Espiritu na totoo ang mensaheng hatid sa kanila ng mga elder na iyon.

Nagpasiyang magpabinyag ang lalaki at babae. Nagkita silang dalawa sa unang pagkakataon sa maalikabok na daan makalipas ang ilang taon, habang naglalakad nang daang-daang milya papunta sa kabundukan ng kanluraning Amerika. Nag-usap sila habang naglalakad. Pinag-usapan nila ang mahimalang pagpapala: na sa laki ng mundo, natagpuan sila ng mga lingkod ng Diyos at ang mas mahimala pa, nalaman nila na totoo ang kanilang mensahe.

Nagkaibigan sila at ikinasal. At dahil sa patotoo ng Espiritu, na nagsimula nang pakinggan nila ang mga salita ng mga maytaglay ng priesthood sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu Santo, sila ay nabuklod para sa kawalang-hanggan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood. Kabilang ako sa libu-libong inapo ng kabataang lalaki at kabataang babaeng iyon na pumupuri sa mga pangalan ng dalawang maytaglay ng priesthood na naghatid ng paglilingkod ng Espiritu ng Diyos nang umakyat sila sa burol sa Switzerland at tumayo upang magsalita sa pulong na iyon sa St. Louis.

Ang masayang kuwentong iyan at milyun-milyon pang katulad nito ay inuulit sa lahat ng dako ng mundo at sa maraming henerasyon. Para sa ilan ito ay kuwento ng isang bata pang home teacher na sumambit ng mga salitang pumukaw sa hangarin ng inyong lolo na bumalik sa Simbahan. Para sa ilan ito ay mga salitang nagbibigay-aliw at pagbabasbas mula sa isang patriarch na nagpalakas sa inyong ina nang halos igupo siya ng trahedya.

Iisa ang magiging tema ng mga kuwentong iyon. Ito ay ang kapangyarihan ng priesthood sa isang maytaglay nito na ang kakayahang maglingkod ay pinalakas ng Espiritu Santo.

Kaya nga ang mensahe ko sa atin ngayong gabi ay ito: gawin natin ang anumang hinihingi upang maging marapat tayo sa pagsama ng Espiritu Santo, at saka tayo humayo nang walang takot upang mabigyan tayo ng mga kapangyarihang isagawa ang anumang ipinagagawa ng Panginoon. Ang paglakas na iyon ng kakayahang maglingkod ay maaaring dumating nang paunti-unti, maaari itong dumating nang dahan-dahan na hindi ninyo gaanong mapapansin, ngunit tiyak itong darating.

Ngayong gabi magbibigay ako ng ilang mungkahi para maging marapat sa pagsama ng Espiritu Santo sa inyong paglilingkod sa priesthood. Pagkatapos ay magbibigay ako ng ilang halimbawa ng paglilingkod sa priesthood kung saan maaasahan ninyong makita na napalakas ang inyong kakayahang maglingkod sa pamamagitan ng impluwensya ng Espiritu.

Ngayon, alam nating lahat na ang kumpirmasyon sa Simbahan ay nagbigay sa atin ng kaloob na Espiritu Santo. Ngunit ang pagsama ng Espiritu Santo, ang impluwensya nito sa ating buhay at paglilingkod, ay nangangailangan ng matwid na pamumuhay upang maging marapat tayo.

Nalilinang natin ang mga espirituwal na kaloob sa pagsunod sa mga kautusan at pagsisikap na mamuhay nang walang bahid ng kasalanan. Nangangailangan iyan ng pananampalataya kay Jesucristo upang makapagsisi at malinis sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Kaya bilang mga maytaglay ng priesthood hindi natin dapat palagpasin ang pagkakataong makibahagi nang buong puso sa pangakong inialay sa bawat sacrament meeting para sa mga miyembro ng ipinanumbalik na Simbahan na “taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ng [Anak ng Diyos], at lagi siyang alalahanin at susundin ang kanyang mga kautusan na ibinigay niya sa kanila; nang sa tuwina ay mapasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila.”1

Tulad ng pagiging malinis natin mula sa kasalanan upang sumaatin ang Espiritu, dapat tayong magpakumbaba nang sapat sa harapan ng Diyos upang maunawaan ang pangangailangan natin dito. Ipinakita ng mga disipulo ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas ang pagpapakumbabang iyan, ayon sa nakatala sa Aklat ni Mormon.

Inihahanda sila noon ng Tagapagligtas para sa kanilang pagmiministeryo. Lumuhod sila sa lupa upang manalangin. Narito ang salaysay: “At sila ay nanalangin para roon sa kanilang higit na ninanais; at ninais nila na ang Espiritu Santo ay ipagkaloob sa kanila.”2 Sila ay nabinyagang katulad ninyo. At nakasaad sa talaan na bilang sagot sa kanilang pagsamo, sila ay napuspos ng Espiritu Santo at ng apoy.

Nanalangin nang malakas ang Tagapagligtas upang pasalamatan ang Kanyang Ama sa pagkakaloob ng Espiritu Santo sa mga yaong Kanyang napili dahil sa kanilang paniniwala sa Kanya. At pagkatapos ay nanalangin ang Tagapagligtas na bigyan ng espirituwal na pagpapala ang mga yaong kanilang pinaglilingkuran. Nagsumamo ang Panginoon sa Kanyang Ama: “Idinadalangin ko sa inyo na ipagkaloob ninyo ang Espiritu Santo sa kanilang lahat na maniniwala sa kanilang mga salita.”3

Bilang mapakumbabang mga lingkod ng Tagapagligtas, dapat nating ipagdasal na mapasaatin ang impluwensya ng Espiritu Santo sa ating paglilingkod at sa ating mga pinaglilingkuran. Ang mapakumbabang panalangin sa ating Ama sa Langit, na may malalim na pananampalataya kay Jesucristo, ay mahalaga upang maging karapat-dapat tayo sa pagsama ng Espiritu Santo.

Ang ating pagpapakumbaba at pananampalataya na nag-aanyaya ng mga espirituwal na kaloob ay nag-iibayo sa pamamagitan ng ating pagbabasa, pag-aaral, at pagbubulay ng mga banal na kasulatan. Narinig na nating lahat ang mga salitang iyon. Subalit maaari tayong magbasa ng ilang talata o pahina ng banal na kasulatan araw-araw at umasang sapat na iyon.

Ngunit ang pagbabasa, pag-aaral, at pagbubulay ay hindi magkakapareho. Nababasa natin ang mga salita at maaari tayong makakuha ng mga ideya. Nag-aaral tayo at maaari nating matuklasan ang mga huwaran at pagkakaugnay-ugnay ng mga ideya sa banal na kasulatan. Ngunit kapag nagbulay-bulay tayo, nag-aanyaya tayo ng paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu. Ang pagbubulay, para sa akin, ay ang pag-iisip at pagdarasal na ginagawa ko matapos basahin at pag-aralang mabuti ang mga banal na kasulatan.

Para sa akin, ipinakita ni Pangulong Joseph F. Smith ang halimbawa kung paano makapag-aanyaya ng kaliwanagan mula sa Diyos ang pagbubulay. Nakatala ito sa ika-138 bahagi ng Doktrina at mga Tipan. Matagal na siyang nagbabasa at nag-aaral ng maraming banal na kasulatan, na sinisikap na maunawaan kung paano makakaabot ang mga epekto ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa mga yaong pumanaw nang hindi naririnig ang Kanyang mensahe. Narito ang kanyang salaysay kung paano dumating ang paghahayag: “Habang aking pinagbubulay-bulay ang mga bagay na ito na nasusulat, ang mga mata ng aking pang-unawa ay nabuksan, at ang Espiritu ng Panginoon ay nanahan sa akin, at aking nakita ang mga hukbo ng mga patay, kapwa maliliit at dakila.”4

Ang pagsisisi, panalangin, at pagbubulay sa mga banal na kasulatan ay mahahalagang bahagi na magpapamarapat sa atin sa mga kaloob ng Espiritu sa ating paglilingkod bilang maytaglay ng priesthood. Ang kakayahan nating maglingkod ay mapapalakas pa kapag tumugon tayo nang may pananampalataya na sumulong sa ating mga tungkulin na kasama ang Espiritu Santo para tumulong sa atin.

Ganito ang pagkasabi ni Pangulong Monson dito para sa atin: “Ano ang ibig sabihin ng gampanang mabuti ang inyong tungkulin? Ang ibig sabihin nito ay gampanan ang tungkulin nang may dignidad …, upang ang liwanag sa kalangitan ay maipakita sa paningin ng ibang tao. At paanong magagawa ng isang tao ang kanyang tungkulin? Sa pamamagitan lamang ng paglilingkod na kaugnay nito.”5

Magmumungkahi ako ng dalawang paglilingkod na ipinagagawa sa ating lahat. Sa pagsasagawa nito sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu, makikita ninyo at ng ibang tao ang inyong kakayahang maglingkod, magpalakas, at gumanap.

Ang una ay bilang Kanyang kinatawan sa pagtuturo at pagpapatotoo sa iba para sa Kanya. Ibinilang ng Panginoon ang pinakabata at halos wala pang karanasang mga maytaglay ng Aaronic priesthood sa tawag na iyon na maglingkod. Matapos ilarawan ang mga tungkulin ng mga maytaglay ng Aaronic priesthood, sinabi Niya:

“Subalit walang mga guro ni mga diyakono ang may karapatang magbinyag, mangasiwa ng sakramento, o magpatong ng mga kamay;

“Sila, gayunman, ay magbababala, magpapaliwanag, manghihikayat, at magtuturo, at mag-aanyaya sa lahat na lumapit kay Cristo.”6

Sa isang lugar sa mundo ngayong linggo may isang deacon na aatasan ng kanyang quorum president na anyayahan ang isang miyembro ng kanilang korum na hindi pa niya nakitang dumalo sa isang pulong kahit kailan. Malamang na hindi gamitin ng 13-taong-gulang na pangulo ang mga salitang “magbababala, manghihikayat, at magtuturo” ngunit iyan ang inaasahan ng Panginoon sa deacon na inatasang tumulong.

Sa deacon na tumatanggap ng tungkuling puntahan ang miyembro ng kanyang korum, may tatlong pangako ako. Una, kapag humiling ka ng tulong sa panalangin, papawiin ng Espiritu ang iyong mga pangamba. Pangalawa, magugulat ka na alam mo kung ano ang sasabihin kapag naroon ka na sa bahay niya at pabalik na kayo sa simbahan. Ang sasabihin mo ay maaaring walang kahulugan sa iyo. Ngunit madarama mo na ang mga salita ay ibinigay sa iyo sa sandaling kailangan mo ang mga ito. At, pangatlo, madarama mo ang pag-ayon ng Panginoon, na siyang tumawag sa iyo sa pamamagitan ng iyong pangulo, anuman ang mangyari.

Hindi ko maipapangako na magtatagumpay ka yamang bawat tao ay malayang pumili kung paano siya tutugon sa isang lingkod ng Diyos. Ngunit ang deacon na kakausapin mo para sa Panginoon ay maaalalang pinuntahan mo siya. May kilala akong isang batang lalaki, na ngayon ay binata na ngunit hindi pa rin aktibo sa Simbahan, na ipinahanap sa isang deacon, at ikinuwento nito sa kanyang lolo ang pagbisitang iyon 20 taon bago iyon. At tila walang epekto ito, subalit binanggit pa niya ang pangalan ng deacon na bumisita. Hiniling sa akin ng lolo na hanapin at pasalamatan ang deacon na inatasang mag-anyaya, manghikayat at magturo. Isang araw lamang iyon sa buhay ng isang batang lalaki, ngunit naaalala ng isang lolo at ng Panginoon ang mga salitang sinambit ng bata na binigyang-inspirasyon at ang pangalan ng bata.

Hinihimok ko tayong lahat, bata at matanda, na tinawag na magsalita sa isang pulong sa pangalan ng Panginoon na alisin ang nadarama ninyong pagdududa sa sarili at kakulangan. Hindi natin kailangang gumamit ng mabulaklak na pananalita o magpahayag ng malalalim na kaisipan. Sapat na ang mga simpleng salita ng patotoo. Ipagkakaloob sa inyo ng Espiritu ang inyong sasabihin at dadalhin ang mga ito sa puso ng mga taong mapagpakumbaba na naghahanap ng katotohanan mula sa Diyos. Kung magsisikap tayong magsalita para sa Panginoon, mamamangha tayong malaman balang-araw na tayo ay nagbabala, nanghikayat, nagturo, at nag-anyaya sa tulong ng Espiritu upang mapagpala ang buhay ng mga tao, nang may kapangyarihang higit pa sa ating sariling kakayahan.

Bukod pa sa tungkuling magturo, lahat tayo ay isusugo ng Panginoon na tulungan ang mga nangangailangan. Isa pa iyang paglilingkod sa priesthood kung saan madarama nating pinalalakas ng impluwensya ng Espiritu ang ating kakayahang maglingkod. Malalaman ninyo na mas nahihiwatigan ninyo ang mga paghihirap at pag-aalala sa mga mukha ng mga tao. Maiisip ninyo ang mga pangalan o mukha ng mga tao sa inyong korum na napapakiramdamang sila ay nangangailangan.

Nadarama iyan ng mga bishop sa gabi at tuwing nakaupo sila sa pulpito at minamasdan ang mga miyembro ng kanilang ward o iniisip ang mga wala roon. Madarama nila ito kapag napalapit sila sa isang ospital o bahay-kalinga. Hindi lang minsan ko narinig ang mga salitang ito kapag pumasok ako sa pintuan ng isang ospital, “Alam kong darating ka.”

Hindi natin dapat ikabahala kung ano ang tamang sabihin o gawin kapag naroon na tayo. Maaaring sapat na ang pagmamahal ng Diyos at ang Banal na Espiritu. Noong binatilyo pa ako nangamba ako na hindi ko malaman ang gagawin o sasabihin sa mga taong lubhang nangangailangan.

Minsan ay naroon ako sa ospital sa tabi ng kama ng aking ama nang siya ay tila naghihingalo na. Nakarinig ako ng ingay ng mga narses sa pasilyo. Biglang pumasok si Pangulong Spencer W. Kimball sa silid at naupo sa silya sa kabilang gilid ng kama katapat ng inuupuan ko. Naisip ko sa sarili, “Ngayon ito na ang pagkakataon kong makita at mapakinggan ang isang taong malaki ang kakayahan sa pagharap sa mga yaong naghihirap at nagdurusa.”

Bumati nang kaunti si Pangulong Kimball, tinanong ang tatay ko kung nabigyan na siya ng basbas ng priesthood, at pagkatapos, nang sabihin ng tatay ko na nabasbasan na siya, tumuwid sa kanyang upuan ang propeta.

Hinintay kong makita ang kakayahan niyang magbigay ng kaaliwan na dama kong wala ako at lubos kong kailangan. Pagkaraan marahil ng limang minutong pagmamasid sa kanila na tahimik na nakangiti sa isa’t isa, nakita kong tumayo si Pangulong Kimball at nagsabing, “Henry, aalis na kaya ako bago ka mapagod sa amin.”

Akala ko wala akong natutuhan, ngunit mayroon pala. Sa pag-uusap namin nang sarilinan ng Tatay ko matapos siyang gumaling at makauwi, nauwi ang usapan namin sa pagbisita ni Pangulong Kimball. Malumanay na sinabi ni Itay, “Sa lahat ng bumisita sa akin, ang pagbisita niya ang lubos na nagpasigla sa akin.”

Walang gaanong sinambit na mga salitang nakapapanatag si Pangulong Kimball, na narinig ko, ngunit nagpunta siya na kasama ang Espiritu ng Panginoon upang magbigay ng kapanatagan. Natanto ko ngayon na ipinapakita niya noon ang itinuro ni Pangulong Monson: “Paanong magagawa ng isang tao ang kanyang tungkulin? Sa pamamagitan lamang ng paglilingkod na kaugnay nito.”

Iyan ay totoo tinawag man tayong magturo ng ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu o pinapunta tayo na kasama ang Espiritu Santo sa mga yaong mahihina ang mga tuhod at ang mga kamay ay nakababa.7 Ang ating paglilingkod sa priesthood ay mapapalakas, ang mga tao ay mapagpapala, at paroroon ang liwanag ng langit.Paroroon ang liwanag ng langit para sa atin gayundin para sa ating mga pinaglilingkuran. Maaaring pagod na tayo. Maaaring balisa tayo sa sarili nating mga problema at mga problema ng ating pamilya. Ngunit may basbas ng panghihikayat para sa mga yaong naglilingkod sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu.

Si Pangulong George Q. Cannon ay nakaranas ng maraming kalungkutan, oposisyon at mga pagsubok sa mga taon ng kanyang paglilingkod sa priesthood. Naranasan din niya ang pagsama ng Espiritu Santo sa mga panahon ng pagsubok at mahirap na paglilingkod. Ito ang pagtiyak sa atin sa ating paglilingkod sa priesthood, sa Simbahan at ating mga pamilya. Para sa akin ang pangako ay totoo kapag nadarama ko ang Espiritu sa aking paglilingkod sa priesthood. “Kailanma’t napupuno ng kadiliman ang ating isipan, malalaman natin na wala sa atin ang Espiritu ng Diyos. … Kapag puspos tayo ng Espiritu ng Diyos puspos tayo ng kagalakan, kapayapaan, at kaligayahan, anuman ang ating sitwasyon; dahil ito ay diwa ng kasiyahan at kaligayahan. Ibinigay sa atin ng Panginoon ang kaloob na Espiritu Santo. Pribilehiyo nating mapasaatin ang Espiritu Santo, upang mula umaga hanggang gabi at mula gabi hanggang umaga ay makamtan natin ang kagalakan, ang liwanag at ang paghahayag mula roon.”8

Makakaasa tayong darating ang pagpapala ng kaligayahan at galak na iyon kapag kailangan natin ito sa mahihirap na sandali sa ating tapat na paglilingkod sa priesthood.

Pinatototohanan ko na tinawag tayo ng Diyos sa pamamagitan ng propesiya. Ito ang totoong Simbahan ni Jesucristo, na ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Ang Diyos ay buhay at naririnig ang bawat panalangin natin. Si Jesus ang nabuhay na mag-uling Cristo at ating Tagapagligtas. Malalaman ninyo na totoo ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, na darating sa inyo habang kayo ay naglilingkod. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.