“Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian”: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society
Ang pag-aaral ng kasaysayan ng Relief Society ay nagbibigay ng paliwanag at pahayag kung sino tayo bilang mga disipulo at alagad ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.
Ang pulong na ito ay handog sa lahat ng anak na babae ng Ama sa Langit na naghahangad na malaman ang Kanyang isip at kalooban at maunawaan ang kanilang mga responsibilidad sa Kanyang plano. Nadalaw ko na ang marami sa inyo nitong nakaraang taon, at naantig ang puso ko nang matitigan ko ang inyong mga mata, mayakap kayo, tumawang kasama ninyo, umiyak na kasama ninyo, at makinig sa inyong dalamhati, galak, at tagumpay. Bawat isa sa inyo ay walang katumbas ang halaga at kilala ng ating Ama sa Langit. Bilang mga anak ng Diyos, kayo ay naghahanda para sa mga walang hanggang paghirang, at bawat isa sa inyo ay may pagkakakilanlan, likas na katangian, at responsibilidad. Ang tagumpay ng mga pamilya, ng komunidad, ng Simbahang ito, at ng mahalagang plano ng kaligtasan ay nakasalalay sa inyong katapatan. Ah, mga kapatid, mahal na mahal at ipinagdarasal namin kayo!
Lahat tayo ay may kani-kanyang personal na karanasan sa mundo. Dalawang babaeng nakilala ko kamakailan ang nagpapakita kung paano mamuhay nang tapat. Ang isa ay nakatira sa gitnang Brazil. Ang maganda niyang tahanang yari sa pulang laryo, na itinayo sa bakuran ng mapulang lupa, na naliligiran ng pader na gawa sa mapupulang bato, ay isang ligtas na kanlungan mula sa mundo sa labas. Alam ng kanyang mga anak na maningning ang mga mata kung paano kantahin ang mga awitin sa Primary, at sa mga dingding ng kanyang tahanan ay nakasabit ang mga larawan ng Tagapagligtas, mga templo, at mga propeta ng Diyos na ginupit mula sa magasing Liahona. Nagsakripisyo sila ng kanyang asawa upang mabuklod sa templo upang maisilang ang kanilang mga anak sa loob ng tipan. Sinabi niya sa akin na patuloy niyang hinihiling sa Panginoon na bigyan siya ng sapat na lakas at inspirasyon upang mapalaki ang kanyang mga anak sa liwanag, katotohanan, at lakas ng ebanghelyo.
May isa pang miyembrong babae na mag-isang naninirahan sa isang maliit na apartment sa ika-80 palapag ng isang gusali sa Hong Kong. May mga kapansanan siya sa katawan, ngunit masaya siyang nagsasarili. Siya lamang ang miyembro ng Simbahan sa kanyang pamilya. Nasa maliit na istante ang kanyang mga banal na kasulatan, manwal sa Relief Society, at iba pang aklat ng Simbahan. Nakalikha siya ng tahanang puspos ng Espiritu, at isa siyang tanglaw sa lahat ng tao sa kanyang branch.
Mga Babala
Alam natin na maraming kababaihang kaawa-awa o mapanganib ang sitwasyon sa buhay. Ang ilan ay palaging gutom, at ang ilan ay kailangan ng lakas ng loob sa araw-araw na magpatuloy sa pananampalataya sa kabila ng mga kabiguan at panlilinlang ng iba. Dahil nabubuhay tayo sa mga huling araw ng mundong ito, may mga palatandaan ng matinding pakikibaka sa lahat ng dako. Laganap ang mga maling impormasyon at pagkaunawa tungkol sa lakas, layunin, at posisyon ng kababaihang Banal sa mga Huling Araw. Ipinahihiwatig ng mga maling impormasyon ngayon na mas mahalaga ang kalalakihan kaysa sa atin, na tayo ay karaniwang magiliw ngunit marami tayong hindi alam, at anuman ang gawin natin, hindi iyon sapat para tanggapin tayo ng ating Ama sa Langit. Tulad ng sabi ni Apostol Pedro, may mga “bulaang guro, na mangagpapasok sa lihim ng mga makakapahamak na mga hiduwang pananampalataya, na itatatuwa pati ang Panginoon na bumili sa kanila.”1
Inilarawan sa Aklat ni Mormon ang nangyayari:
“Sapagkat masdan, sa araw na yaon ay sasalantahin [ni Satanas] ang puso ng mga anak ng tao, at pupukawin sila na magalit laban sa yaong bagay na mabuti.
“At gagawin niyang payapa ang iba, at dahan-dahan silang aakayin tungo sa mahalay na katiwasayan, na kanilang sasabihin: Mainam ang lahat sa Sion; oo, umuunlad ang Sion, mainam ang lahat—at sa gayon lilinlangin ng diyablo ang kanilang mga kaluluwa, at maingat silang aakayin pababa sa impiyerno.
“At masdan, pupurihin niya nang labis-labis ang iba, at sasabihin sa kanila na walang impiyerno; at sasabihin niya sa kanila: Hindi ako diyablo, sapagkat walang diyablo—at ganito ang ibinubulong niya sa kanilang mga tainga, hanggang sa kanyang mahawakan sila ng kanyang mga kakila-kilabot na tanikala.”2
Sa kapaligirang nag-iibayo sa pag-angkin ng karapatan, pagdadahilan, kawalang-malasakit, at tukso, ang mga anak na babae ng Diyos na hindi maingat, madasalin, at nabigyang-inspirasyon ay patuloy na nanganganib na makatulad sa nakalarawan sa mga banal na kasulatan na mga “babaing haling”3 na sumasamba sa “ibang mga dios.”4 Nakalulungkot na dahil sa mga paghihirap sa buhay at sa mga popular na hidwang pananampalataya, maraming kababaihang mas naniniwala sa mga maling impormasyon kaysa sa katotohanan. Ang hindi nila pag-ayon sa plano ng Diyos ay nakikita sa mga nakalap na impormasyon na marami ang hindi gumagawa ng mahahalagang bagay tulad ng pagdarasal at pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Sinabi mismo ng Panginoon na ito ay “araw ng babala, at hindi araw ng maraming salita.”5
Ang Relief Society ay Inorganisa Upang Maging Tanggulan at Kanlungan
Upang mabantayan, maturuan, at mabigyang-inspirasyon ang Kanyang mga anak na babae sa mapanganib na mga panahong ito, binigyang-karapatan ng Diyos si Propetang Joseph Smith na iorganisa ang kababaihan ng Simbahan. Ang samahang ito na hinirang ng langit at ginagabayan ng priesthood ay tinatawag na Relief Society.
Ang layunin ng Relief Society ay ihanda ang mga anak na babae ng Diyos para sa mga pagpapala ng buhay na walang hanggan habang sila ay lumalago sa pananampalataya at kabutihan, nagpapatatag ng mga pamilya at tahanan, at naghahanap at tumutulong sa mga ibang nangangailangan.
Nililinaw ng Relief Society ang ating gawain at pinagkakaisa tayo bilang mga anak na babae ng Diyos na nagtatanggol sa Kanyang plano. Sa panahong ito ng mga maling pagkakilala sa sarili, pagkalito, at gambala, ang Relief Society ay binuo upang maging kompas at gabay sa pagtuturo ng katotohanan sa matatapat na kababaihan. Hangad ng mabubuting kababaihan ngayon ang pagbuhos ng paghahayag upang mapaglabanan ang mga gambala, malabanan ang kasamaan at espirituwal na kapahamakan, at madaig ang mga kasawiang-palad sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kanilang pananampalataya, pagpapatatag sa kanilang pamilya, at pagtulong sa iba.
Kasaysayan at Gawain ng Relief Society
Ang ating panguluhan ay nanalangin, nag-ayuno, at humingi ng payo sa mga propeta, tagakita, at tagapaghayag upang malaman ang nais ipagawa sa atin ng Diyos para tulungan ang kanyang mga anak sa harap ng “kapahamakang sasapit sa mga naninirahan sa mundo.”6 Isang sagot ang dumating na dapat daw malaman ng kababaihan ng Simbahan ang kasaysayan ng Relief Society at matuto mula rito. Ang pagkaunawa sa kasaysayan ng Relief Society ay nagpapalakas sa pundasyon ng pagkatao at kahalagahan ng matatapat na kababaihan.
Dahil dito, isang kasaysayan ng Relief Society para sa Simbahan ang kinukumpleto at magagamit na natin sa susunod na taon. Sa pag-asam dito, higit na napagtutuunan ng pansin ang kasaysayan ng Relief Society, tulad ng nasa pahina ng visiting teaching sa Liahona. Ang paghahanda ng kasaysayan ay isang karanasang nabigyang-inspirasyon at naghahayag.
Sa pag-aaral natin ng kasaysayan ng Relief Society, nalaman natin na ang pananaw at layunin ng Panginoon para sa Relief Society ay hindi para ito maging nakakaantok na pulong sa araw ng Linggo. Nasa isip Niya ang isang mas lalong malaki kaysa samahan ng kababaihan o grupo ng kababaihang may interes sa isang partikular na libangan.
Nilayon Niyang tumulong ang Relief Society na mapatatag ang Kanyang mga tao at ihanda sila para sa mga pagpapala ng templo. Itinatag Niya ang samahang ito upang iayon ang Kanyang mga anak na babae sa Kanyang gawain at hingin ang kanilang tulong sa pagtatayo ng Kanyang kaharian at pagpapatatag ng mga tahanan sa Sion.
Itinuturo ng Kasaysayan Kung Sino Tayo
Pinag-aaralan natin ang ating kasaysayan upang malaman kung sino tayo. Hangad malaman ng mabubuting kababaihan sa buong mundo ang kanilang identidad at kahalagahan. Ang pag-aaral at pagsasabuhay ng kasaysayan ng Relief Society ay nagbibigay ng paliwanag at pahayag kung sino tayo bilang mga disipulo at alagad ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Ang ating katapatan at paglilingkod ay tanda ng ating paniniwala at tapat na pangakong aalalahanin at susundin Siya. Noong Hulyo ng 1830, sa simula ng Pagpapanumbalik ng Kanyang Simbahan, pinili ng Panginoon ang Kanyang unang babaeng pinuno ng dispensasyong ito, at sa isang paghahayag Niya rito, sinabi Niya, “Ako ay nangungusap sa iyo, Emma Smith, aking anak; sapagkat katotohanang sinasabi ko sa iyo, lahat ng yaong tumatanggap ng aking ebanghelyo ay mga anak na lalaki at babae sa aking kaharian.”7
Itinuturo sa atin ng kasaysayan ng Relief Society na kilala ng ating Ama sa Langit ang Kanyang mga anak na babae. Mahal Niya sila, binigyan Niya sila ng mga partikular na responsibilidad, at nangusap Siya sa kanila at ginabayan sila sa kanilang misyon sa lupa. Dagdag pa rito, iniaangat at pinagtitibay ng kasaysayan ng Relief Society ang katayuan ng kababaihan at ipinapakita kung paano sila kikilos na katuwang ang matatapat na lider ng priesthood.
Itinuturo ng Kasaysayan ang Ating Gagawin
Pinag-aaralan natin ang ating kasaysayan upang malaman ang ating gagawin. Sa pamamagitan ng ating kasaysayan nalalaman natin kung paano maghanda para sa mga pagpapala ng buhay na walang hanggan. Ang Relief Society bilang isang samahan ay may responsibilidad noon pa man na isaayos ang mga puwersa ng kababaihan sa mga ward at branch ng Sion. Sa pamamagitan ng mga pulong ng Relief Society, sa paglilingkod ng mga visiting teacher, at sa sama-sama nilang paglilingkod, ang mga anak ng Diyos ay tinuturuan, pinangangalagaan, at binibigyang-inspirasyon sa kanilang responsibilidad sa gawain at kaharian ng Panginoon. Ang mga Relief Society ng ward at branch ay itinalaga upang pangasiwaan ang gawaing iyon.
Noong isang taon sa pulong na ito, ipinahayag ang mga patakaran tungkol sa mga pulong ng Relief Society. Natutuwa kaming iulat na sa karamihan ng mga ward at branch sa buong mundo, sinuportahan ng mga panguluhan ng Relief Society at kababaihan ang mga patakarang iyon at ang diwa sa likod ng mga ito. Nakakagalak makita ang muling pagpapasigla ng layunin ng kasaysayan at gawain ng Relief Society. Nakita rin natin ang dagdag na dangal, identidad, at kabuluhan ng Relief Society ngayong lahat ng pulong ng kababaihan ay tinatawag at ipinaaalam kung ano talaga ang mga ito—mga pulong ng Relief Society. Nakikita natin ang dagdag na pananampalataya at personal na kabutihan, pagpapatatag ng mga pamilya at tahanan, at mas maraming tulong na handog ng kababaihan ng Relief Society sa pamamagitan ng wastong paggamit ng mga pulong ng Relief Society. Lahat ng mga patakaran tungkol sa mga pulong ng Relief Society, visiting teaching, at iba pang gawain ng Relief Society ay nakasalig sa kasaysayan ng Relief Society at inaaprubahan ng Unang Panguluhan.
Noon pa man ay responsibilidad na ng Relief Society na makibahagi sa gawain ng pagliligtas. Sa pagsisimula ng ipinanumbalik na Simbahan, ang kababaihan ang una, huli, at laging tumutugon sa mga pangyayari sa buhay araw-araw. Mula sa Relief Society, sumusulong ang kababaihan upang maglingkod sa Primary, Young Women, Sunday School, at iba pang mga gawain, at sila ay mga tanglaw ng liwanag at kabutihan sa bagong henerasyon. Ang personal na paglilingkod ay humuhubog sa bawat babae, at ang nagkakaisang paglilingkod ng milyun-milyong matatapat na kababaihan ay lumilikha ng kahanga-hangang puwersa ng pananampalataya sa gawain ng Panginoon. Ipinapakita ng kasaysayan na sa simula pa lang ng Pagpapanumbalik, kababaihan ang nangunguna sa pagbabahagi ng ebanghelyo, at patuloy nila itong ginagawa habang naglilingkod sa misyon, inihahanda ang mga kabataang lalaki at babae na maglingkod sa misyon, at inaanyayahan ang kanilang mga kaibigan, kapitbahay, at kapamilya na makibahagi sa mga pagpapala ng ebanghelyo. Nalaman din natin sa kasaysayan na ginamit ni Propetang Joseph Smith ang mga pulong ng Relief Society upang turuan ang kababaihan sa paghahanda nila para sa templo. Ngayon, kabilang pa rin ang family history at gawain sa templo sa mga pangunahing obligasyon ng Relief Society.
Ang pagkaunawa natin sa kasaysayan ng ating layunin ay tumutulong sa kababaihan na matutong mag-prayoridad nang wasto para hindi nila “gugulin ang salapi sa mga yaong walang kabuluhan, o ang [kanilang] paggawa sa mga yaong hindi nakasisiya.”8 Ang Relief Society noon pa man ay may responsibilidad na gagawin tulad ng turo ni Apostol Pablo—turuan ang mga kabataang babae na maging mahinahon, magalang, at malinis ang puri at turuan yaong mga may-asawa na mahalin ang kanilang asawa at mga anak, at patatagin ang kanilang tahanan.9 Tinuturuan tayo ng kasaysayan ng Relief Society na pangalagaan ang mahahalagang bagay na magliligtas at magpapabanal sa atin at ang mga bagay na kailangan para makaasa tayo sa sarili nating kakayahan at maging kapaki-pakinabang sa kaharian ng Panginoon.
Ang palagiang tema sa ating buong kasaysayan ay na ang kababaihang gumagamit sa kapangyarihan ng Espiritu Santo ay kumikilos nang may inspirasyon ng Panginoon sa kanilang buhay at tumatanggap ng paghahayag sa kanilang mga responsibilidad.
Pinagkakaisa ng Kasaysayan ang Matatapat na Kababaihan
Pinag-aaralan natin ang ating kasaysayan dahil pinagkakaisa nito ang matatapat na kababaihan. Ang kasaysayan ng Relief Society ay isang kuwentong puspos ng Espiritu tungkol sa kababaihang matatag, matapat, at may layunin. Bilang bahagi ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon, matatagpuan na ngayon ang Relief Society sa halos 170 bansa. Sa lahat ng dako ng mundo ang kababaihang nasa hustong gulang sa Simbahan ng Panginoon ay maaaring bigyan ng mabibigat at mahahalagang responsibilidad.
Ang mga batang babae at dalagita sa Simbahan ay natututong magtakda ng mga mithiin sa pamamagitan ng mga programang Pananampalataya sa Diyos at Pansariling Pag-unlad na nagtutuon sa kanila sa templo at sa kanilang mga tungkulin sa hinaharap. Sa Relief Society patuloy silang sumusulong tungo sa mga pagpapala ng templo at buhay na walang hanggan sa pagpapaibayo ng kanilang pananampalataya at personal na kabutihan, pagpapatatag sa kanilang pamilya at tahanan, at paghahanap at pagtulong sa mga nangangailangan. Natututuhan itong gawin ng matatapat na kababaihan nang di-gaanong napaparangalan o napupuri sa ginagawa nila. Iyan ay dahil ang Relief Society ay nagtatagumpay sa pagtuturo tungkol sa Panginoong Jesucristo, na nagsabing kapag nagbigay tayo ng limos (o mga handog) nang lihim, ang ating Ama sa Langit, na nakakakita sa lihim, ay hayagan tayong gagantimpalaan.10
Sa pamamagitan ng kasaysayan at gawain ng Relief Society, tayo ay konektado sa pandaigdigang kapatiran ng mga bata at matanda, mayaman at maralita, edukado at mangmang, may-asawa at wala, matatag at di-natitinag na mga anak na babae ng Diyos.
Ang Kaalaman tungkol sa Kasaysayan ay Makakatulong sa Atin na Magbago
Pinag-aaralan natin ang ating kasaysayan dahil tinutulungan tayo nitong magbago. Sa huli, ang kahalagahan ng kasaysayan ay hindi batay sa petsa, panahon, at lugar nito. Mahalaga ito dahil itinuturo nito sa atin ang mga alituntunin, layunin, at huwarang dapat nating sundin, at ipinaaalam sa atin kung sino tayo at ano ang ating gagawin, at pinagkakaisa tayo sa pagpapatatag ng mga tahanan ng Sion at pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa lupa. Ang Relief Society, kapag kumikilos sa inspiradong paraan, ay hahalinhan ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa ang takot, pangamba, at kasakiman. Habang isinusulong natin ang gawain ng Panginoon, patuloy na isusulat ng matatapat na kababaihan sa buong mundo ang kasaysayan ng Relief Society. Pinatatatag ng Panginoon ang Relief Society sa mga nabubuhay ngayon at inihahanda ang isang maluwalhating kinabukasan para sa Kanyang mga anak na babae.
Pinatototohanan ko sa inyo ang katotohanan ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ang ebanghelyo, ang mabuting balita tungkol sa ating pagkatao at layunin, ay ipinanumbalik sa mundo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.