2010–2019
Kalayaan: Mahalaga sa Plano ng Buhay
Oktubre 2010


2:3

Kalayaan: Mahalaga sa Plano ng Buhay

Sa tuwing pipiliin nating lumapit kay Cristo, tinataglay sa ating sarili ang Kanyang pangalan, at sumusunod sa Kanyang mga tagapaglingkod, umuunlad tayo sa landas tungo sa buhay na walang hanggan.

Kamakailan ay nakatanggap ako ng liham mula sa isang tao na mahigit 50 taon ko nang kaibigan at hindi miyembro ng ating simbahan. Pinadalhan ko siya ng ilang babasahin ukol sa ebanghelyo, kung saan siya ay tumugon: “Noong una ay nahirapan akong unawain ang mga karaniwang salita ng mga Mormon, gaya ng agency o kalayaan. Marahil malaki ang maitutulong ng isang maikling pahina ng bokabularyo.”

Nagulat ako na hindi niya naunawaan ang ibig sabihin ng salitang kalayaan. Hinanap ko ito sa isang on-line na diksyunaryo. Sa 10 pakahulugan at gamit ng salitang agency, wala ni isang nagpahiwatig sa ideya ng mga pagpili upang kumilos. Itinuturo natin na ang kalayaan ay ang kakayahan at pribilehiyong ibinigay sa atin ng Diyos upang pumili at “[pagkilos] para sa [ating] sarili at hindi pinakikilos.”1 Ang kalayaan ay pagkilos nang may pananagutan at responsibilidad sa ating mga gawa. Ang ating kalayaan ay mahalaga sa plano ng kaligtasan. Sa pamamagitan nito tayo ay “malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng dakilang Tagapamagitan ng lahat ng tao, o piliin ang pagkabihag at kamatayan, alinsunod sa pagkabihag at kapangyarihan ng diyablo.”2

Malinaw na itinuturo sa atin ng mga salita ng isang pamilyar na himno ang alituntuning ito:

Malaya ang bawat isa

Na pumili at magpasya;

Ito ang katotohanan:

Sa Diyos walang sapilitan.”3

Upang sagutin ang tanong ng aking kaibigan, at ang mga tanong ng mabubuting lalaki at babae sa lahat ng dako, hayaang ibahagi ko ang dagdag na kaalaman natin tungkol sa kalayaan [sa pagpili].

Bago tayo naparito sa mundo, inilahad ng Ama sa Langit ang Kanyang plano ng kaligtasan—isang plano ng pagparito sa mundo at pagtanggap ng katawan, pagpiling kumilos sa pagitan ng mabuti at masama, at pag-unlad upang maging katulad Niya at mamuhay na kapiling Niya magpakailanman.

Ang ating kalayaan—ang kakayahan nating pumili para sa ating sarili—ay mahalagang sangkap ng planong ito. Kung wala ang kalayaan, hindi tayo makapipili ng tama at uunlad. Gayunman, sa pamamagitan ng kalayaan ay makagagawa tayo ng mga maling pasiya, magkakasala, at mawawalan ng pagkakataong makapiling muli ang Ama sa Langit. Dahil dito, isang Tagapagligtas ang ilalaan upang magdusa para sa ating mga kasalanan at tutubusin tayo, kung tayo ay magsisisi. Sa pamamagitan ng Kanyang walang katapusang Pagbabayad-sala, isinakatuparan Niya “ang plano ng awa, upang tugunin ang hinihingi ng katarungan.”4

Matapos ilahad ng Ama sa Langit ang Kanyang plano, lumapit si Lucifer na nagsasabing, “Isugo ninyo ako, … at aking tutubusin ang buong sangkatauhan, upang wala [ni isa mang] katao ang mawala … ; kaya nga, ibigay ninyo sa akin ang inyong karangalan.”5 Ang planong ito ay tinanggihan ng ating Ama, sapagkat ipagkakait nito ang ating kalayaan [sa pagpili]. Tunay na plano ito ng paghihimagsik.

Pagkatapos si Jesucristo, ang “Minamahal at Pinili[ng Anak ng Ama sa Langit] mula pa sa simula,” ay ginamit ang Kanyang kalayaan sa pagsasabing, “Ama, masusunod ang iyong kalooban, at ang kaluwalhatian ay mapasainyo magpasawalang hanggan.”6 Siya ang ating magiging Tagapagligtas—ang Tagapagligtas ng daigdig.

Dahil sa paghihimagsik ni Lucifer, nagkaroon ng malaking espirituwal na pagtatalo. Bawat anak ng Ama sa Langit ay nagkaroon ng pagkakataong gamitin ang kalayaan na ibinigay sa kanya ng Ama sa Langit. Pinili nating manampalataya sa Tagapagligtas na si Jesucristo—na lumapit sa Kanya, sundin Siya, at tanggapin ang planong inilahad ng Ama sa Langit para sa ating kapakanan. Ngunit isangkatlo ng mga anak ng Ama sa Langit ang hindi nagkaroon ng pananampalatayang sundin ang Tagapagligtas at sa halip ay piniling sundin si Lucifer, o Satanas.7

At sinabi ng Diyos, “Dahil dito, sapagkat yaong si Satanas ay naghimagsik laban sa akin, at naghangad na wasakin ang kalayaan ng tao, na ako, ang Panginoong Diyos, ang nagbigay sa kanya, … aking pinapangyaring siya ay mapalayas.”8 Ang mga sumunod kay Satanas ay nawalan ng pagkakataong tumanggap ng mortal na katawan, mamuhay sa lupa, at umunlad. Dahil sa paraan ng paggamit nila ng kanilang kalayaan, nawalan sila ng kalayaan.

Ngayon ang tanging kapangyarihan ni Satanas at ng kanyang mga tagasunod ay ang kapangyarihang tuksuhin at subukan tayo. Ang tanging kagalakan nila ay gawin tayong “kaaba-abang katulad [nila].”9 Ang tanging kaligayahan nila ay kapag sumusuway tayo sa mga kautusan ng Panginoon.

Ngunit isipin ninyo: sa unang kalagayan natin noon ay pinili nating sundin ang Tagapagligtas na si Jesucristo! At dahil ginawa natin ito, pinayagan tayong pumarito sa mundo. Pinatototohanan ko na sa paggawa ng gayunding pasiya na sundin ang Tagapagligtas ngayon, dito sa lupa, ay magkakamit tayo ng mas malalaking pagpapala sa kawalang-hanggan. Ngunit dapat malaman ng lahat: kailangang patuloy nating piliing sundin ang Tagapagligtas. Nakataya ang kawalang-hanggan, at ang matalinong paggamit natin ng kalayaan at ang ating mga kilos o gawa ay mahalaga sa pagkakaroon natin ng buhay na walang hanggan.

Sa buong buhay Niya ipinakita sa atin ng ating Tagapagligtas kung paano gamitin ang ating kalayaan. Bilang isang bata sa Jerusalem, kusa Niyang piniling “maglumagak sa bahay ng [Kanyang] Ama.”10 Sa Kanyang ministeryo, buong pagsunod Niyang piniling “gawin ang kalooban ng [Kanyang] Ama.”11 Sa Getsemani, pinili Niyang pagdusahan ang lahat ng bagay, nagsasabing, “Huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo. At nagpakita sa kaniya ang isang anghel na mula sa langit, na nagpalakas sa kaniya.”12 Sa krus, pinili Niyang mahalin ang Kanyang mga kaaway, at nagdasal, “Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”13 At pagkatapos, upang lubusan Siyang makapili para sa Kanyang sarili, Siya ay naiwang mag-isa. “[Ama ko,] bakit mo ako pinabayaan?” ang tanong Niya.14 Sa huli, ginamit Niya ang Kanyang kalayaan na kumilos, na nagtitiis hanggang wakas, hanggang sa masabi Niyang, “Naganap na.”15

Bagamat Siya ay “tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin,”16 sa bawat pagpili at sa bawat pagkilos ay ginamit Niya ang kalayaan na maging ating Tagapagligtas—upang kalagin ang mga tanikala ng kasalanan at kamatayan para sa atin. At sa pamamagitan ng Kanyang perpektong buhay, itinuro Niya sa atin na kapag pinili nating gawin ang kalooban ng ating Ama sa Langit, ang ating kalayaan ay napangangalagaan, nadaragdagan ang ating mga oportunidad, at tayo ay sumusulong.

Ang katibayan ng katotohanang ito ay matatagpuan sa buong banal na kasulatan. Nawala kay Job ang lahat ng pag-aari niya ngunit pinili pa rin niyang manatiling tapat, at nakamtan niya ang mga walang hanggang pagpapala ng Diyos. Pinili nina Maria at Jose na sundin ang babala ng isang anghel na tumakas papunta sa Egipto, at naligtas ang buhay ng Tagapagligtas. Pinili ni Joseph Smith na sundin ang mga tagubilin ni Moroni, at naihayag ang Pagpapanumbalik gaya ng ipinropesiya. Sa tuwing pipiliin nating lumapit kay Cristo, tinataglay sa ating sarili ang Kanyang pangalan, at sumusunod sa Kanyang mga tagapaglingkod, umuunlad tayo sa landas tungo sa buhay na walang hanggan.

Sa ating buhay sa mundo, malaking tulong na tandaan na totoo rin ang kabaligtaran: kapag hindi natin sinusunod ang mga kautusan at mga paramdam ng Espiritu Santo, nababawasan ang ating mga oportunidad; ang kakayahan nating kumilos at umunlad ay nangangaunti. Nang patayin ni Cain ang kanyang kapatid dahil mas minahal niya si Satanas kaysa sa Diyos, ang kanyang espirituwal na pag-unlad ay tumigil.

Noong kabataan ko ay may natutuhan akong mahalagang aral kung paano nililimitahan ng ating mga pagkilos ang ating kalayaan. Isang araw inatasan ako ng tatay ko na pinturahan ng barnis ang sahig na yari sa kahoy. Pinili kong simulan sa may pinto at dahan-dahang nagpintura papasok sa silid. Nang halos matatapos na ako, natanto kong wala na pala akong daraanan palabas. Walang bintana o pinto sa kabilang panig. Talagang napunta ako sa sulok sa pagpipintura ko. Wala akong mapuntahan. Nakulong ako.

Kapag sumusuway tayo, espirituwal nating pinipinturahan ang ating sarili sa isang sulok at bihag tayo ng ating mga pagpili o desisyon. Kahit tayo ay espirituwal na nakakulong, palaging may daan pabalik. Gaya ng pagsisisi, ang pagpihit at paglakad patawid sa bagong barnis na sahig ay nangangahulugan ng dagdag na paggawa—muling pagkiskis ng papel de lihiya at pagpipintura! Ang pagbabalik sa Panginoon ay hindi madali, ngunit sulit ito.

Kapag naunawaan natin ang hamon ng pagsisisi, pahahalagahan natin ang mga pagpapala ng Espiritu Santo na gabayan ang ating kalayaan at ang Ama sa Langit, na nagbibigay sa atin ng mga kautusan at nagpapalakas at nagtataguyod sa atin sa pagsunod sa mga ito. Nauunawaan din natin kung paano napoprotektahan kalaunan ng pagsunod sa mga kautusan ang ating kalayaan.

Halimbawa, kapag sinusunod natin ang Word of Wisdom, naiiwasan natin ang pang-aalipin ng mahinang pangangatawan at pagkalulong sa mga bagay na literal na nagkakait sa atin ng kakayahang kumilos para sa ating sarili.

Sa pagsunod natin sa payo na iwasan at huwag nang mangutang ngayon, ginagamit natin ang ating kalayaan at nagiging malaya tayong gamitin ang sobra sa ating kinikita sa pagtulong at pagpapala sa iba.

Kapag sinusunod natin ang payo ng mga propeta na magdaos ng family home evening, panalangin ng pamilya, at pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya, ang ating mga tahanan ay nagiging lugar para sa espirituwal na pag-unlad ng ating mga anak. Doon itinuturo natin sa kanila ang ebanghelyo, ibinabahagi ang ating mga patotoo, ipinakikita ang ating pagmamahal, at nakikinig habang ibinabahagi nila ang kanilang mga nadarama at karanasan. Sa ating mga matuwid na pagpili at pagkilos, pinalalaya natin sila mula sa kadiliman sa pamamagitan ng pagdaragdag sa kanilang kakayahan na lumakad sa liwanag.

Maraming maling itinuturo ang mundo tungkol sa kalayaan. Marami ang nag-iisip na dapat tayong “magsikain, magsiinom, at magsipagsaya; … at kung tayo man ay may kasalanan, hahagupitin tayo ng Diyos ng ilang palo, at sa wakas tayo ay maliligtas.”17 Niyayakap ng iba ang kamunduhan at itinatatwa ang Diyos. Kinukumbinsi nila ang kanilang sarili na walang “pagsalungat sa lahat ng bagay”18 at dahil dito “ang ano mang [ginagawa] ng tao ay hindi pagkakasala.”19 Ito ang “[sumi]sira sa karunungan ng Diyos at sa kanyang mga walang hanggang layunin.”20

Salungat sa itinuturo ng mundo, itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na mayroon tayong kalayaan, at ang matuwid nating paggamit ng kalayaan ay palaging gumagawa ng kaibhan sa mga pagkakataong nasa atin at sa kakayahan nating kumilos sa mga ito at umunlad sa kawalang-hanggan.

Halimbawa, sa pamamagitan ni propetang Samuel ay malinaw na nagbigay ng kautusan ang Panginoon kay Haring Saul:

“Sinugo ako ng Panginoon upang pahiran kita ng langis na maging hari … : ngayon nga’y dinggin mo ang tinig … ng Panginoon. …

“… Ngayon nga’y yumao ka at saktan mo ang Amalec, at iyong lubos na lipulin ang buo nilang tinatangkilik.”21

Ngunit hindi sinunod ni Saul ang utos ng Panginoon. Ginawa niya ang tinatawag kong “piling pagsunod.” Sa pag-asa sa kanyang sariling karunungan, hindi niya pinatay si Haring Agag at pagbalik ay nagdala ng pinakamainam na mga tupa, baka, at iba pang mga hayop.

Inihayag ito ng Panginoon kay Propetang Samuel at isinugo siya upang alisin si Saul sa pagiging hari. Nang dumating ang Propeta, sinabi ni Saul, “Aking tinupad ang utos ng Panginoon.”22 Ngunit kabaligtaran ang alam ng Propeta, na nagsasabing, “Anong kahulugan nga nitong iyak ng tupa sa aking pakinig, at ng ungal ng mga baka na aking naririnig?”23

Nangatwiran si Saul sa pamamagitan ng pagbunton ng sisi sa iba, sinasabing kinuha ng mga tao ang mga hayop upang makapag-alay sa Panginoon. Malinaw ang sagot ng Propeta: “Nagtataglay kaya ang Panginoon ng napakadakilang pagkatuwa sa mga handog na susunugin at sa mga hain, na gaya sa pagsunod sa tinig ng Panginoon? Narito, ang pagsunod ay maigi kay sa hain, at ang pagdinig [sa mga kautusan ng Panginoon] kay sa taba ng mga tupang lalake.”24

Sa huli ay nagtapat si Saul, na nagsasabing “Ako’y nagkasala: sapagka’t ako’y sumalangsang sa utos ng Panginoon, at sa iyong mga salita; sapagka’t ako’y natakot sa bayan, at sumunod sa kanilang tinig.”25 Dahil hindi lubos ang pagsunod ni Saul—dahil nagpasiya siyang piliin ang susundin—nawala sa kanya ang pagkakataon at ang kalayaan na maging hari.

Mga kapatid, lubusan ba tayong nakikinig sa tinig ng Panginoon at ng Kanyang mga propeta? O, tulad ni Saul, ginagawa natin ang piling pagsunod at takot sa sasabihin ng mga tao?

Inaamin ko na lahat tayo ay nagkakamali. Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan, “Lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios.”26 Sa mga taong bihag pa rin ng kahapon, ng mga maling desisyon, nakakulong sa isang sulok, na nawalan ng lahat ng pagpapalang dulot ng tamang paggamit ng kanilang kalayaan, mahal namin kayo. Bumalik kayo! Lumabas kayo mula sa madilim na sulok at magpunta sa liwanag. Kahit na kailangan kayong lumakad patawid sa bagong barnis na sahig, sulit ito. Magtiwala na “sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang buong sangkatauhan [kabilang na kayo at ako] ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo.”27

Sa mismong oras ng Kanyang Pagbabayad-sala, inialay ng Tagapagligtas ang Kanyang dakilang Panalangin ng Pamamagitan at nagsalita sa bawat isa sa atin, na nagsasabing: “Ama, yaong mga ibinigay mo sa akin ay ibig kong kung saan ako naroroon, sila naman ay dumoong kasama ko, upang makita nila ang kaluwalhatian ko, na ibinigay mo sa akin.”28 “At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo.”29

Ibinibigay ko ang aking natatanging patotoo na Sila ay buhay. Kapag ginamit natin ang ating kalayaan sa kabutihan, makikilala natin Sila, magiging higit na katulad Nila, at maihahanda ang ating sarili para sa araw na kung saan ang “bawat tuhod ay luluhod, at ang bawat dila ay magtatapat” na si Jesus ang ating Tagapagligtas.30 Nawa’y patuloy tayong sumunod sa Kanya at sa ating Amang Walang Hanggan, gaya ng ginawa natin sa simula, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.