Sa mga Bagay na Pinakamahalaga
Kung ang buhay at ang bilis ng takbo nito at maraming alalahanin ay nagpahirap sa inyo na maging masaya, marahil ito na ang magandang pagkakataon na pagtuunang muli kung ano ang pinakamahalaga.
Kapansin-pansing marami tayong matututuhan tungkol sa buhay sa pag-aaral ng kalikasan. Halimbawa, maaaring suriin ng mga siyentipiko ang mga linyang paikot sa mga puno at malalaman nila ang tungkol sa klima at mga kondisyon habang tumutubo ang mga ito sa nakalipas na daang taon o maging libong taon. Isa sa mga bagay na natutuhan natin mula sa pag-aaral ng paglaki ng puno ay kapag maganda ang kondisyon ng panahon, normal ang pagtubo ng mga puno. Ngunit kapag hindi angkop ang mga kondisyon, bumabagal ang paglaki nito at umaasa na lamang sa mga likas na makikita sa kapaligiran upang mabuhay.
Marahil iniisip ninyo, “Napakaganda niyan pero ano naman ang kinalaman nito sa pagpapalipad ng eroplano?” Sasabihin ko sa inyo.
Nakasakay na ba kayo sa eroplano at nakaranas ng pag-uga nito? Ang karaniwang sanhi ng pag-uga ay ang mabilis na pag-iba ng galaw ng hangin na nagpapayanig, nagpapalihis, at dahilan para magpagiwang-giwang ang eroplano. Kahit na ginawang matibay ang mga eroplano upang makatagal sa mas matitinding pag-uga kaysa sa anumang maranasan ninyo sa isang karaniwang paglipad, nakakakaba pa rin ito para sa mga pasahero.
Ano sa palagay ninyo ang ginagawa ng mga piloto kapag nakararanas sila ng pag-uga? Ang iisipin ng isang nag-aaral pa lamang maging piloto ay na ang pagpapabilis nito ay isang mahusay na paraan dahil madali niyang malalampasan ang nakapagpapaugang hangin. Ngunit maaaring iyon ay di tamang gawin. Alam ng mga sanay nang piloto na may tamang bilis para makalampas sa pag-uga na makababawas sa di magandang epekto nito. At madalas ang ibig sabihin nito ay bagalan ang iyong takbo. Ganito rin ang alituntuning umiiral sa mga speed bump sa daan.
Samakatuwid, maganda ang payo na bumagal nang kaunti, dumiretso ng lipad, at magtuon sa kung alin ang mahahalaga kapag nakararanas ng masasamang kondisyon.
Ang Takbo ng Modernong Buhay
Ito ay isang simple ngunit mahalagang aral na matututuhan. Tila madaling isipin ito kung pag-uusapan ay tungkol sa mga puno o pag-uga ngunit nakapagtatakang madali lang balewalain ang aral na ito pagdating sa pagsasabuhay sa mga alituntuning ito sa ating pang araw-araw na buhay. Kapag tumitindi ang alalahanin, may dumarating na problema, may di inaasahang trahedya, kadalasan tinatangka nating panatilihin ang bilis ng takbo ng buhay o binibilisan pa sa pag-aakalang mas mabuti iyon para sa atin.
Isa sa mga katangian ng modernong buhay ay tila pabilis nang pabilis ang kilos natin, sa kabila ng mga problema o balakid.
Sabihin natin ang totoo, mas madaling maging abala. Lahat tayo ay makakaisip ng mga gagawin na makakapuno ng ating iskedyul. Maaaring iniisip ng iba na nakasalalay ang kanilang halaga sa haba ng listahan ng kanilang mga gagawin. Pinupunuan nila ang mga bakanteng oras ng mga miting at di mahalagang gawain—maging sa oras ng kalituhan o kapaguran. Dahil ginagawa nilang komplikado ang kanilang buhay, kadalasan nabibigo sila, hindi nagiging masaya, at nawawalan ng saysay ang kanilang buhay.
May kasabihan na kahit anong kabutihan, kapag labis, ay nagiging masamang gawi. Walang alinlangang maibibilang dito ang sobrang pagkaabala. Dumarating ang panahon na ang mga tagumpay ay nagiging pasanin at ang mga ambisyon ay nagpapahirap na sa atin.
Ano ang Solusyon?
Nauunawaan at isinasabuhay ng matatalino ang mga aral ng mga linyang paikot sa mga puno at pagyanig sanhi ng hangin. Nilalabanan nila ang tuksong malulong sa nakakatarantang bilis ng araw-araw na pamumuhay. Sinusunod nila ang payo na “May mas magaganda pang mapapala sa buhay kaysa pabilisin ito.”1 Sa madaling salita, hindi dapat mawala ang ating pansin sa mga bagay na pinakamahalaga.
Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks, sa isang pangkalahatang kumperensya kamakailan, “Dapat nating talikuran ang ilang magagandang bagay para mapili ang iba pang mas maganda o pinakamaganda dahil nagpapalakas ito ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at nagpapatatag sa ating mga pamilya.”2
Ang paghahanap sa maiinam na bagay ay hindi maiiwasang humantong sa mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo—ang simple at magagandang katotohanan na hinayag sa atin ng isang mapagmahal, walang hanggan, at alam ang lahat ng bagay na Ama sa Langit. Ang mahahalagang doktrina at alituntuning ito, bagama’t simple at kayang maunawaan ng isang bata, ay nagbibigay ng kasagutan sa pinakamahirap na mga tanong ng buhay.
May kagandahan at kalinawan na nagmumula sa kasimplehan na kung minsan ay hindi natin pinapahalagahan dahil hinahanapan pa natin ng mas komplikadong solusyon.
Halimbawa, di pa katagalan matapos maikot ng mga astronaut at cosmonaut ang mundo natuklasan nila na hindi pala magagamit ang bolpen sa kalawakan. Kaya ilan sa mga matatalinong tao ang naghanap ng solusyon sa problema. Gumugol sila ng libu-libong oras at milyun-milyong dolyar, at kalaunan nakagawa sila ng bolpen na magagamit kahit saan, sa anumang temperatura, at maisusulat sa kahit na anong masusulatan. At ano ang ginamit ng mga astronaut at cosmonaut habang hinahanapan ng solusyon ang problema? Gumamit sila ng lapis.
May nakapagsabing binanggit ni Leonardo da Vinci na “ang kasimplihan ay ang pinakamataas na uri ng karingalan.”3 Kung titingnan natin ang mga batayang alituntunin ng plano ng kaligayahan, ng plano ng kaligtasan, mapapansin at pahahalagahan natin sa kanyang kalinawan at kasimplehan ang karingalan at kagandahan ng karunungan ng Ama sa Langit. Kaya kung namumuhay tayo ayon sa kung paano Niya tayo nais mamuhay, iyon ang simula ng ating karunungan.
Ang Bisa ng mga Pangunahing Alituntunin
May isang kuwento tungkol sa football coach na si Vince Lombardi na may ritwal na ginagawa sa unang araw ng training. Itataas niya ang bola, ipapakita ito sa mga atletang maraming taon nang naglalaro, at sasabihin, “Mga ginoo, … ito ay bola sa football!” Sasabihin niya ang laki at hugis nito, paano ito sinisipa, dinadala, at ipinapasa. Dadalhin niya ang team sa laruan at sasabihin, “Ito ang football field.” Ililibot niya sila habang inilalarawan ang sukat, hugis, ang mga patakaran, at kung paano ito laruin.4
Alam ng coach na magiging mahusay lamang ang mga bihasang manlalaro at ang team kung alam nila nang lubos ang mga pangunahing alituntunin. Maaaring gugulin nila ang oras sa pagsasanay ng iba’t ibang nakakatuwang galaw, subalit hangga’t di nila natututuhan nang maigi ang mga pangunahing alituntunin ng laro, hindi kailanman magiging kampyon ang kanilang team.
Sa palagay ko marami sa atin ang likas na nakauunawa kung gaano kahalaga ang mga pangunahing alituntunin. Kaya nga lang ay nagagambala tayo ng napakaraming bagay na tila mas kaakit-akit.
Ang mga babasahin, iba’t ibang media, mga electronic tool at gadget—na nakatutulong kung ginagamit sa tama—ay makapipinsalang libangan o walang pakundangang maglalayo sa atin sa iba.
Subalit sa gitna ng maraming tinig at pagpipilian, ang mapagpakumbabang Tao ng Galilea ay nakatayong nakaunat ang mga kamay, at naghihintay. Ito ang Kanyang simpleng mensahe: “Magsisunod Kayo sa Akin.”5 At hindi Siya nagsasalita nang napakalakas kundi sa marahan at [banayad] na tinig.6 Madali lamang mawala ang mensahe ng ebanghelyo sa gitna ng bumabahang impormasyon na dumarating sa atin sa lahat ng dako.
Ang mga banal na kasulatan at ang mga salita ng mga buhay na propeta ay nagbibigay-diin sa mga pangunahing alituntunin at doktrina ng ebanghelyo. Ang dahilan kung bakit bumabalik tayo sa mga pangunahing alituntunin, sa mga dalisay na doktrina, ay dahil ang mga ito ang tulay sa mga katotohanang may malalalim na kahulugan. Ang mga ito ang daan sa napakahahalagang karanasan na hindi natin kayang maunawaan. Ang mga pangunahing alituntuning ito ang susi sa pamumuhay na naaayon sa Diyos at sa tao. Ang mga ito ang susi sa pagbukas ng dungawan sa langit. Inaakay tayo nito sa kapayapaan, kagalakan, at pag-unawa na siyang ipinangako ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak na nakikinig at sumusunod sa Kanya.
Mga kapatid, makabubuti sa atin na maghinay-hinay, iakma ang ating bilis sa ating kalagayan, magtuon sa mahahalagang bagay, imulat ang mga mata at tingnan ang mga bagay na pinakamahalaga. Lagi nating alalahanin ang mga tuntunin na ibinigay ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak na magtatatag ng batayan ng masaganang buhay sa lupa na kalakip ang pangako na walang hanggang kaligayahan. Tuturuan nila tayong gawin “ang lahat ng bagay na ito … sa karunungan at kaayusan; sapagkat hindi kinakailangan na [tayo] ay tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa [ating] lakas. [Ngunit] kinakailangang [tayo] ay maging masigasig, [at] sa gayon ay … magkamit ng gantimpala.”7
Mga kapatid, ang masigasig na paggawa ng mga bagay na pinakamahalaga ay aakay sa atin tungo sa Tagapagligtas ng sanlibutan. Kaya nga “nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, … upang [ating] malaman … kung kanino [tayo] aasa para sa kapatawaran ng [ating] mga kasalanan.”8 Sa pagiging komplikado, kaguluhan, at bilis ng modernong pamumuhay, ito ang “isang daang kagalinggalingan.”9
Kung Gayon ano ang mga Pangunahing Alituntunin?
Sa pagbaling natin sa ating Ama sa Langit at paghangad sa Kanyang karunungan tungkol sa mga bagay na pinakamahalaga, natututuhan natin nang paulit-ulit ang kahalagahan ng apat na pangunahing pakikipag-ugnayan: sa ating Diyos, sa ating pamilya, sa ating kapwa, at sa ating sarili. Sa pagsusuri natin sa sariling buhay na handa ang isipan, makikita natin kung saan tayo lumihis mula sa mas magandang daan. Mabubuksan ang pang-unawa natin, at malalaman natin kung ano ang dapat gawin para mapadalisay ang ating puso at baguhin ang ating buhay.
Una, ang pakikipag-ugnayan natin sa Diyos ay napakabanal at mahalaga. Tayo ay Kanyang mga anak sa espiritu. Siya ang ating Ama. Hangad Niya ang ating kaligayahan. Sa pagsamo natin sa Kanya, sa pag-aaral natin tungkol sa Kanyang Anak na si Jesucristo, sa pagbubukas natin ng ating puso sa impluwensya ng Espiritu Santo, nagiging mas matatag at ligtas ang ating buhay. Nakararanas tayo ng ibayong kapayapaan, kagalakan, at tagumpay habang ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya na mamuhay ayon sa walang hanggang plano ng Diyos at sumunod sa Kanyang mga utos.
Bumubuti ang pakikipag-ugnayan natin sa Ama sa Langit sa pag-aaral natin tungkol sa Kanya; sa pakikipag-usap sa Kanya, sa pagsisisi ng ating mga kasalanan, at sa masigasig na pagsunod kay Jesucristo, dahil “sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ni [Cristo].”10 Upang mapatibay ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos, kailangan natin ng mahalagang sandaling makaugnay Siya nang mag-isa. Ang tahimik na pagtutuon sa pagdarasal nang mag-isa at pag-aaral ng mga banal na kasulatan, na laging minimithing maging karapat-dapat na magkaroon ng rekomend sa templo—ang mga ito ay ilan sa magagandang pamuhanan ng ating oras at pagsisikap na mapalapit sa ating Ama sa Langit. Sundin natin ang paanyaya ng mang-aawit “Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Dios.”11
Ang ating pangalawang pangunahing pakikipag-ugnayan ay sa ating pamilya. Yamang “walang tagumpay na makakapuno sa pagkukulang”12 dito, dapat nating unahin ang ating pamilya. Nagtatatag tayo ng malalim at mapagmahal na ugnayan ng pamilya sa pamamagitan ng paggawa ng mga simpleng bagay, tulad ng pagkain nang sabay-sabay, pagdaraos ng family home evening, at sama-samang pagsasaya. Sa ugnayan ng pamilya, ang tunay na baybay ng pagmamahal ay o-r-a-s, oras. Ang pagkakaroon ng oras sa bawat isa ay ang susi sa pagkakasundo sa tahanan. Nakikipag-usap tayo kay, sa halip na tungkol sa. Natututo tayo sa isa’t isa at napahahalagahan natin ang ating pagkakaiba-iba at pagkakatulad. Nakapagpapatibay tayo ng banal na bigkis sa bawat isa sa pagdulog sa Diyos bilang pamilya, sa pag-aaral ng ebanghelyo, at pagsamba tuwing Linggo.
Ang pangatlong pangunahing pakikipag-ugnayan ay sa ating kapwa. Binubuo natin ang pakikipag-ugnayang ito sa isang tao sa isang pagkakataon—sa pamamagitan ng pagiging sensitibo sa pangangailangan ng iba, paglilingkod sa kanila, at pagbibigay ng ating oras at talento. Lubos akong humanga sa isang sister na may edad na at may sakit ngunit nagpasiya na bagama’t wala siyang sapat na maitutulong, ay maaari naman siyang makinig. Kaya bawat linggo humahanap siya ng mga taong nababagabag o pinanghihinaan ng loob, nag-uukol ng oras na pakinggan sila. Naging pagpapala siya sa buhay ng maraming tao.
Ang pang-apat na pangunahing pakikipag-ugnayan ay sa ating sarili. Parang kakatwa kung iisipin na makakaugnay natin ang ating sarili, ngunit magagawa natin iyon. May mga taong hindi kasundo ang kanilang sarili. Walang sawa nilang binabatikos at minamaliit ang kanilang sarili hanggang sa kamuhian ang kanilang sarili. Minumungkahi ko na bawasan ang pagmamadali at bigyan ng kaunting panahon na mas makilala ang iyong sarili. Mamasyal, masdan ang pagsikat ng araw, malugod sa mga likha ng Diyos, pagnilay-nilayin ang mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo, at alamin kung ano ang kahulugan ng mga ito sa iyo. Matutuhang tingnan ang sarili tulad ng pagtingin sa inyo ng Ama sa Langit—bilang Kanyang mahal na anak na babae o lalaki na may dakilang potensyal.
Magalak sa Dalisay na Ebanghelyo
Mga kapatid, maging matalino tayo. Bumaling tayo sa mga dalisay na doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Malugod nating tanggapin ang mga ito sa kanilang kasimplihan at kalinawan. Nabuksang muli ang kalangitan. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay muling narito sa lupa, at ang mga simpleng katotohanan nito ay malaking pagkukunan ng kagalakan!
Mga kapatid, tunay nga na may malaking dahilan tayo para magalak. Kung ang buhay at ang bilis ng takbo nito at maraming alalahanin ay nagpahirap sa inyo na maging masaya marahil ito na ang magandang pagkakataon na pagtuunang muli kung ano ang pinakamahalaga.
Ang kalakasan ay hindi nagmumula sa napakaraming aktibidad kundi sa matatag na pagsalig sa matatag na pundasyon ng katotohanan at liwanag. Dumarating ito sa pagtutuon natin ng pansin at pagsisikap sa mga pangunahing alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Dumarating ito mula sa pagbibigay-pansin sa mga makalangit na bagay na siyang pinakamahalaga.
Simplihan natin nang kaunti ang ating buhay. Gawin natin ang mga pagbabagong kinakailangan upang maituon nating muli ang ating buhay sa dakilang kagandahan ng simple at payak na landas ng pagiging disipulo ni Cristo—ang landas na laging patungo sa isang buhay na may kabuluhan, kagalakan, at kapayapaan. Ito ang aking dalangin, kasabay ng aking pagbabasbas, sa pangalan ni Jesucristo, amen.