Ang Ating Kaligtasan
Nawa’y magkaroon tayo ng talinong magtiwala at sundin ang payo ng mga buhay na propeta at apostol.
Mahirap at puno ng hamon ang taglamig noong 1848 para sa mga pioneer na nasa Salt Lake Valley. Noong tag-init ng taong1847 sinabi ni Brigham Young na sa wakas ay narating na ng mga Banal ang kanilang patutunguhan. “Ito ang tamang lugar,”1 sabi ni Brigham Young, na nagkaroon ng pangitain kung saang lugar dapat manatili ang mga Banal. Napagtiisan ng mga naunang miyembro ng Simbahan ang matitinding paghihirap habang isinasagawa ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo. Sila ay itinaboy mula sa kanilang mga tahanan, walang humpay na pinagmalupitan, at tinugis. Dumanas sila ng mga paghihirap na hindi nailahad habang tinatawid nila ang kapatagan. At ngayon sa wakas sila ay nasa “tamang lugar” na.
Gayon pa man, ang taglamig ng 1848 ay sadyang napakalupit. Matindi ang taglamig kaya’t ang mga paa ng ilang tao ay nanigas at nagyelo. Nagsimulang mabalisa ang mga Banal. Sinabi ng ilang miyembro ng Simbahan na hindi nila itatayo ang kanilang mga tahanan sa lambak. Ninais nilang manatili sa kanilang mga bagon, dahil nakatitiyak sila na aakayin sila ng mga namumuno sa Simbahan sa mas mainam na lugar. May dala silang mga binhi at pananim na prutas, subalit ayaw nilang masayang ito sa pamamagitan ng pagtatanim sa tigang na disyerto. Sinabi ni Jim Bridger, isang kilalang manlalakbay noong panahong iyon, kay Brigham Young na magbibigay siya ng isang libong dolyar para sa unang kaing ng mais na maaani sa Salt Lake Valley, dahil alam niya na hindi ito mangyayari.2
Ang lalo pa itong lumala, natuklasang may mamiminang ginto sa California. Nakinita ng ilang miyembro ng Simbahan na mas magiging madali at masagana ang buhay kung lilipat sila sa California para maghanap ng kayamanan at mas mainam na klima.
Sa panahong ito ng kawalang kasiyahan, nagsalita si Brigham Young sa mga miyembro ng Simbahan. Sabi niya:
“[Ang lambak na ito] ang lugar na itinakda ng Diyos para sa Kanyang mga tao.
“Tayo ay hinango mula sa kahirapan tungo sa kamatayan, hinango sa kamatayan tungo sa kawalan, at tayo’y naririto at mamamalagi rito. Ipinakita sa akin ng Diyos na dito sa lugar na ito matatagpuan ang Kanyang mga tao, at dito sila mananagana; Kanyang titimplahin ang mga elemento para sa ikabubuti ng Kanyang mga Banal; Kanyang sasawayin ang nagyeyelong hamog at katigangan ng lupa, at ang lupain ay magiging kapaki-pakinabang. Mga kapatid, humayo ngayon na, at itanim … ang inyong … mga binhi.”
Bilang karagdagan sa pangangako ng mga pagpapalang ito, sinabi ni Pangulong Young na ang Salt Lake Valley ay kikilalanin bilang isang lansangan para sa mga bansa. Mga hari at emperador ang dadalaw sa lupain. At higit sa lahat, isang templo ng Panginoon ang itatayo rito.3
Ang mga ito ay natatanging mga pangako. Maraming miyembro ng Simbahan ang naniwala sa mga propesiya ni Brigham Young, habang ang iba ay nanatiling nag-aalinlangan at umalis upang humanap ng mas magandang buhay. Subalit ipinakita ng kasaysayan na nangyari ang bawat propesiyang binigkas ni Brigham Young. Ang lambak ay yumabong at umani. Naging masagana ang mga Banal. Ang taglamig ng taong1848 ay nagsilbing mitsa para maturuan ng Panginoon ang Kanyang mga tao ng isang napakahalagang aral. Natutuhan nila—gaya ng dapat matutuhan nating lahat—na ang tanging tiyak at ligtas na landas tungo sa kaligtasan sa buhay na ito ay sa pamamagitan ng pagtitiwala at pagsunod sa mga payo ng mga propeta ng Diyos.
Tiyak ko na isa sa mga pinakadakilang pagpapala ng pagiging miyembro ng Simbahan ay ang pagpapalang pinamumunuan tayo ng mga buhay na propeta ng Diyos. Sabi ng Panginoon, “Wala kailanman maliban sa isa sa mundo sa [bawat] panahon kung kanino ang kapangyarihang ito at ang mga susi ng pagkasaserdoteng ito ay iginawad.”4 Ang propeta at pangulo ng Simbahan ngayon, si Thomas S. Monson, ay tumatanggap ng mga salita ng Diyos para sa lahat ng miyembro ng Simbahan at para sa mundo. Bilang karagdagan, sinasang-ayunan natin bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ang mga tagapayo sa Unang Panguluhan at mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol.
Nagyeyelo ang mga paa at tigang ang lupa, tunay na pananampalataya ang kinailangan ng mga Banal upang magtiwala sa kanilang propeta. Kaligtasan at buhay nila ang nakataya. Gayunman, ginantimpalaan ng Panginoon ang kanilang pagsunod at biniyayaan at ginawang masagana ang mga sumunod sa Kanyang tagapagsalita.
At ginagawa pa rin ito sa atin ng Panginoon ngayon. Ang mundong ito ay puno ng napakaraming aklat na maaaring pag-aralan sa bahay, napakaraming nagsasabing eksperto daw sila, napakaraming naniniwala sa mga haka-haka, guro, at pilosopo na nagpapayo tungkol sa kahit ano at lahat ng paksa. Sa pamamagitan ng teknolohiya ngayon, ang impormasyon sa kahit anong larangan ay makikita sa isang pindot lamang. Napakadaling mahulog sa patibong na umasa sa payo ng “bisig ng laman”5 para mapayuhan sa lahat ng bagay, mula sa kung paano magpalaki ng mga anak hanggang sa kung paano matatagpuan ang kaligayahan. Bagama’t may kabuluhan ang ilang impormasyon, bilang mga miyembro ng Simbahan may access tayo sa pinagmumulan ng dalisay na katotohanan, ang Diyos mismo. Makabubuting saliksikin natin ang mga sagot sa ating mga problema at mga katanungan sa pamamagitan ng pagsiyasat kung ano ang inihinayag ng Panginoon sa Kanyang mga propeta. Gamit ang gayon ding teknolohiya, abot-kamay natin ang mga salita ng mga propeta sa halos kahit anong paksa. Ano ang itinuro ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta tungkol sa kasal at pamilya? Ano ang itinuro Niya sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta tungkol sa edukasyon at masinop na pamumuhay? Ano ang itinuro Niya sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta tungkol sa personal na kaligayahan at tagumpay?
Ang mga turo ng propeta ay maaaring ituring ng ilang tao na wala na sa uso, hindi sikat, o tila imposible. Ngunit ang Diyos ay Diyos ng kaayusan at nagtatag ng isang sistema kung paano natin malalaman ang Kanyang kagustuhan. “Tunay na ang Panginoong Dios ay walang gagawin, kundi kaniyang ihahayag ang kaniyang lihim sa kaniyang mga lingkod na mga propeta.”6 Sa pagbubukas nito, ang dispensasyon ng kaganapan ng panahon, muling pinagtibay ng Panginoon na makikipagugnayan Siya sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Sinabi Niya, “Ang aking salita … ay matutupad na lahat, maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa.”7
Ang pagtitiwala at pagsunod sa mga propeta ay higit pa sa pagpapala at pribilehiyo. Sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson na “ang ating tiyak na ikaliligtas ay nakasalalay sa” pagsunod sa propeta. Inilarawan niya ang tinatawag niyang “Fourteen Fundamentals in Following the Prophet.” Sa sesyon kaninang umaga, malinaw na itinuro sa atin ni Elder Claudio Costa ng Panguluhan ng Pitumpu ang tungkol sa 14 na mahahalagang bagay na ito. Dahil lubhang napakahalaga ng mga ito sa ating kaligtasan mismo, uulitin ko ang mga ito.
“Una: Ang propeta ang kaisa-isang taong tagapagsalita ng Diyos sa lahat ng bagay.
“Pangalawa: Ang buhay na propeta ay mas mahalaga sa atin kaysa sa mga pamantayang aklat o mga banal na kasulatan.
“Pangatlo: Ang buhay na propeta ay mas mahalaga sa atin kaysa patay na propeta.
“Pang-apat: Hindi kailanman ililigaw ng propeta ang Simbahan.
“Panlima: Ang propeta ay hindi kinakailangang magkaroon ng anumang training o pagsasanay o mga kredensiyal upang makapagsalita tungkol sa anumang paksa o kumilos sa anumang bagay sa anumang oras.
“Pang-anim: Hindi kailangang sabihin ng propeta na ‘Samakatuwid sinabi ng Panginoon’ para ito maging banal na kasulatan.
“Pampito: Sinasabi sa atin ng propeta ang kailangan nating malaman, hindi palagi ang gusto nating malaman.
“Pangwalo: Ang propeta ay hindi nalilimitahan ng pag-iisip ng mga tao.
“Pangsiyam: Maaaring makatanggap ang propeta ng paghahayag tungol sa anumang bagay, temporal man o espirituwal.
“Pangsampu: Ang propeta ay maaaring makilahok sa mga bagay na nauukol sa bansa.
“Panlabing-isa: Ang dalawang grupo na labis na nahihirapan sa pagsunod sa propeta ay ang mga mapagmataas na nakapag-aral at ang mga palalong mayayaman.
“Panlabindalawa: Ang propeta ay hindi kailangang maging popular sa mundo o sa makamundo.
“Panlabingtatlo: Ang propeta at kanyang mga tagapayo ang bumubuo sa Unang Panguluhan—na pinakamataas na korum sa Simbahan.
“Panglabing-apat: Sundin ang buhay na propeta at ang Unang Panguluhan at pagpapalain ka; tanggihan sila at magdurusa ka.”8
Mga kapatid, tulad ng mga Banal noong 1848, maaari nating piliing sundin ang propeta, o maaari tayong umasa sa bisig na laman. Nawa’y magkaroon tayo ng talinong magtiwala at sundin ang payo ng mga buhay na propeta at apostol. Saksi ako sa kanilang kabutihan. Pinatototohanan ko na sila ay tinawag ng Diyos. Pinatototohanan ko na walang ibang mas ligtas na paraan sa buhay, sa paghanap ng kasagutan sa ating mga problema, pagkaroon ng kapayapaan at kaligayahan dito sa mundo, at pangalagaan ang mismong kaligtasan natin maliban sa pagsunod sa kanilang mga salita. Ibinabahagi ko ang patotoong ito sa banal na pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, amen.