Tinuturuan Niya Tayong Hubarin ang Likas na Tao
Pinatototohanan ko na totoo at may kapangyarihan ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na maglinis, magpadalisay, at gawin tayong banal at maging ang ating tahanan.
Isang umaga, nagtipon ang isang pamilya upang mag-aral ng mga banal na kasulatan tulad nang dati. Habang nakatipon, hindi maganda ang nadama ng ama: hindi sabik makilahok ang ilang miyembro ng pamilya. Nanalangin sila ng kanyang pamilya, at nang magsimula silang magbasa ng mga banal na kasulatan, napansin ng ama na walang dalang sariling mga banal na kasulatan ang isa sa mga anak. Pinapasok niya ito sa kuwarto at pinakuha ang mga banal na kasulatan nito. Atubili itong sumunod at pagkaraan ng ilang sandali na tila walang katapusan, nagbalik ito, umupo, at nagsabing, “Kailangan po ba nating magbasa ngayon?”
Naisip ng ama sa kanyang sarili na gustong lumikha ng mga problema ang kalaban ng lahat ng kabutihan para hindi sila makapag-aral ng mga banal na kasulatan. Sinikap ng ama na manatiling mahinahon, at sinabing, “Oo, kailangan nating magbasa ngayon dahil ito ang gusto ng Panginoon na gawin natin.”
Sumagot ito, “Ayoko po talagang magbasa ngayon!”
Nawalan na ng pasensya ang ama, nagtaas ng boses, at sinabing, “Bahay ko ito, at lagi tayong magbabasa ng mga banal na kasulatan sa bahay ko!”
Nasaktan ang anak sa tono at lakas ng boses ng ama, at hawak ang mga banal na kasulatan, iniwan nito ang pamilya, tumakbo sa kanyang kuwarto, at isinara nang malakas ang pinto. Doon nagwakas ang pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya— walang pagkakasundo at kaunti ang pagmamahalang nadarama sa tahanan.
Alam ng ama na mali ang ginawa niya, kaya pumasok siya sa kanyang kuwarto at lumuhod para manalangin. Humingi siya ng tulong sa Panginoon, batid na nasaktan niya ang isa sa Kanyang mga anak, isang anak na tunay niyang mahal. Nakiusap siya sa Panginoon na ipanumbalik ang diwa ng pagmamahalan at pagkakasundo sa tahanan at kayanin nilang patuloy na mag-aral ng mga banal na kasulatan bilang pamilya. Habang nagdarasal, may naisip siya: “Puntahan mo at sabihing ‘Sori, anak.’” Patuloy siyang nanalangin nang taimtim, na hinihiling na magbalik sa kanyang tahanan ang Espiritu ng Panginoon. Muli niyang naisip: “Puntahan mo at sabihing, “Sori, anak.’”
Gusto niya talagang maging mabuting ama at gawin ang tama, kaya tumindig siya at nagtungo sa kuwarto ng anak. Marahan siyang kumatok sa pinto nang ilang beses, pero walang nagbukas. Kaya dahan-dahan niyang binuksan ang pintuan at nakitang humihikbi at umiiyak ang bata sa kama nito. Lumuhod siya sa tabi nito at sinabi nang mahina at magiliw, “Sori, anak. Pasensya ka na sa nagawa ko.” Inulit niya, “Sori anak, mahal kita, at ayaw kitang masaktan.” At mula sa bibig ng isang bata niya nalaman na gusto siyang turuan ng Panginoon.
Tumigil ito sa pag-iyak, at makaraan ang ilang sandaling katahimikan, kinuha nito ang kanyang mga banal na kasulatan at sinimulang hanapin ang ilang talata. Nakamasid ang ama habang paisa-isang binubuklat ng munting mga kamay ng inosenteng bata ang mga pahina ng banal na kasulatan. Nakita niya ang mga talatang hinahanap niya at nagsimulang magbasa nang napakabagal at mahina: “Sapagkat ang likas na tao ay kaaway ng Diyos, at naging gayon mula pa sa pagkahulog ni Adan, at magiging gayon, magpakailanman at walang katapusan, maliban kung kanyang bigyang-daan ang panghihikayat ng Banal na Espiritu, at hubarin ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon, at maging tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa kanya, maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama.”1
Habang nakaluhod pa siya sa tabi ng kama ng anak, napuspos siya ng kapakumbabaan at naisip sa sarili na, “Para sa akin ang banal na kasulatang iyan. Tinuruan niya ako ng malaking aral.”
Pagkatapos ay tumingin siya sa akin at nagsabing, “Sori po. “Sori po, Itay.”
Noon mismo ay natanto ng ama na hindi nito binasa ang talatang iyon para iangkop iyon sa kanya ng anak, kundi binasa niya ito para sa kanyang sarili. Iniunat niya ang kanyang mga bisig at niyakap ito. Nanumbalik ang pagmamahalan at pagkakasundo sa tamis ng sandaling ito ng pag-uunawaan dahil sa salita ng Diyos at ng Espiritu Santo. Ang talatang iyon, na naalala ng kanyang anak mula sa pag-aaral niya nang mag-isa ng banal na kasulatan, ay nakaantig sa kanyang puso sa apoy ng Espiritu Santo.
Mga kapatid, ang ating tahanan ay kailangang maging lugar na tatahanan ng Banal na Espiritu. “Tanging ang tahanan ang maikukumpara sa kasagraduhan ng templo.”2 Walang lugar ang likas na tao sa ating tahanan. Ang likas na tao ay malamang na “… pagtakpan ang [kanyang] mga kasalanan, o bigyang-kasiyahan ang [kanyang] kapalaluan, ang [kanyang] walang kabuluhang adhikain, o gumamit ng lakas o kapangyarihan o pamimilit sa mga kaluluwa ng mga anak ng tao, [at kapag kumilos siya] sa alinmang antas ng kasamaan, masdan, ang kalangitan ay lalayo; ang Espiritu ng Panginoon ay magdadalamhati; at kapag ito ay lumayo, Amen sa pagkasaserdote o sa kapangyarihan ng taong iyon.”3
Tayong maytaglay ng Aaronic o Melchizedek priesthood ay dapat alalahaning palagi na “walang kapangyarihan o impluwensiya na maaari o nararapat na panatilihin sa pamamagitan ng kabanalan ng pagkasaserdote, tanging sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig; sa pamamagitan ng kabaitan, at dalisay na kaalaman, na siyang lubos na magpapalaki ng kaluluwa nang walang pagkukunwari, at walang pandaraya.”4
Nililisan ng pagtatalo ang ating tahanan at buhay kapag sinikap nating ipamuhay ang mga katangiang ito ni Cristo. “At inyo ring patatawarin ang mga pagkakasala ng isa’t isa, sapagkat katotohanang sinabi ko sa iyo, siya na hindi magpapatawad sa mga pagkakasala ng kanyang kapwa kapag sinasabing nagsisisi na siya, siya rin ang magdadala sa kanyang sarili sa ilalim ng kahatulan.”5 “Sori po. Sori, Itay.”
Itinuturo sa atin ng Panginoong Jesucristo, na siyang Pangulo ng Kapayapaan, kung paano magpasimula ng kapayapaan sa ating tahanan.
Tinuturuan Niya tayong maging masunurin, o sa madaling salita, magpasakop sa kalooban o kapangyarihan ng Panginoon. “Puntahan mo at sabihing, ‘Sori, anak.’”
Tinuturuan Niya tayong maging maamo, o sa madaling salita, maging “mahinahon; marahan; magiliw; hindi madaling magalit o mayamot; masunurin; mapagtiis kahit masaktan.”6
Tinuturuan Niya tayong maging mapakumbaba, o sa madaling salita “mababang-loob, simple; maamo; masunurin; galit sa mayabang, hambog, mapagmataas, o mapangahas.”7
“Sori, anak. Pasensya ka na sa ginawa ko.”
Tinuturuan Niya tayong maging mapagpasensya, o sa madaling salita, “magkaroon ng katangiang magtiis ng mga kasamaan nang hindi nagrereklamo o nabubugnot” o “mahinahon kahit nasaktan o ginawan ng masama.”8
Tinuturuan Niya tayong mapuspos ng pagmamahal. “Mahal kita, at ayaw kitang masaktan.”
Oo, tinuturuan Niya tayong hubarin ang likas na tao, gaya ng ama sa kuwentong ito na humingi ng tulong sa Panginoon. Oo, tulad ng pagyakap ng ama sa kanyang anak sa mga bisig ng pagmamahal, gayon din iniaabot ng Tagapagligtas ang Kanyang mga bisig para yakapin tayo kapag tayo ay tunay na nagsisi.
Tinuturuan Niya tayong “maging banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristong Panginoon.” At pagkatapos tayo ay makikipagkasundo sa Diyos at magiging mga kaibigan ng Diyos. Pinatototohanan ko na totoo at may kapangyarihan ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na maglinis, magpadalisay, at gawin tayong banal at maging ang ating tahanan, kapag nagsikap tayong hubarin o iwaksi ang likas na tao at sundin Siya.
Siya “ang Cordero ng Dios,”9 Siya “ang Banal at ang Matuwid na Ito,”10 “at ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamangha-mangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, Pangulo ng Kapayapaan.”11 Sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.