Kailanma’y Huwag Siyang Iwan
Kapag pinili ninyong huwag maghinanakit o mahiya, madarama ninyo ang Kanyang pagmamahal at pagsang-ayon. Malalaman ninyo na kayo ay nagiging higit na katulad Niya.
Mahal kong mga kapatid na nasa iba’t ibang dako ng mundo, ipinahahayag ko ang aking matinding paghanga sa pananampalataya at lakas ng loob na nakita ko sa inyong buhay. Nabubuhay tayo sa pinakakamangha-manghang panahon—ngunit panahong puno ng pagsubok.
Tayo ay Binibigyang-babala ng Panginoon sa Nagbabantang mga Panganib
Hindi tayo iniiwang mag-isa ng Panginoon sa ating hangaring makabalik sa Kanya. Pakinggan ang Kanyang mga salita ng pagbababala sa atin ukol sa nagbabantang mga panganib: “Kayo’y mangaingat, mangagpuyat at magsipanalangin.”1 “Mag-ingat … baka kayo ay malinlang.”2 “Maging maalaga at maingat.”3 “Magsipagingat kayo … [baka] mangahulog kayo sa inyong sariling katiyagaan.”4
Wala ni isa sa ating makaliligtas sa mga impluwensya ng mundo. Ang payo ng Panginoon ang nagpapahanda sa atin.
Maaalala ninyo ang karanasan ni Jesus sa Capernaum nang hindi matanggap ng mga disipulong sumusunod sa Tagapagligtas na Siya ang Anak ng Diyos. Mababasa sa mga banal na kasulatan, “Dahil dito’y marami sa kaniyang mga alagad ay … hindi na nagsisama sa kaniya.”5
At bumaling si Jesus sa Labindalawa at nagtanong, “Ibig baga ninyong magsialis din naman?”6
Ibig Baga Ninyong Magsialis Din Naman?
Sa aking isipan, nasagot ko na ang tanong na iyan nang maraming beses: “Hinding-hindi! Hindi ako! Hinding-hindi ko Siya iiwan! Narito ako magpakailanman!” Alam kong ganito rin ang sagot ninyo.
Subalit sa tanong na “Ibig baga ninyong magsialis din naman?” ay maiisip natin ang sarili nating kahinaan. Hindi madali ang espirituwal na buhay. Ang mga salita ng mga apostol mula sa isa pang tagpo ay unti-unting pumapasok sa ating isipan: “Ako baga, Panginoon?”7
Lumulusong tayo sa tubig ng binyag nang may galak at pag-asam. Sinabi ng Tagapagligtas, “[Lumapit] kayo sa akin,”8 at sumunod tayo, na tinataglay ang Kanyang pangalan. Wala ni isa man sa atin ang gustong panandalian lamang na maging tapat sa ebanghelyo o kaya’y mawala matapos maging aktibo sa Simbahan. Ang daan sa pagiging disipulo ay hindi para sa mga pusong mahina sa espirituwal. Sinabi ni Jesus: “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo.”9 “Kung ang sinomang tao ay ibig sumunod sa akin, ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin.”10
Sa pagsunod natin sa Tagapagligtas, walang pag-aalinlangang mahaharap tayo sa mga pagsubok. Kapag hinarap natin ang nagpapadalisay na mga karanasang ito nang may pananampalataya, ang mga ito ay magdadala ng mas malalim na paniniwala na totoong may Tagapagligtas. Kapag hinarap naman natin ang mga karanasang ito sa paraan ng mundo, malilito tayo at hihina ang ating paninidigan. Ang ilan sa mga mahal natin at hinahangaan ay lumilihis mula sa makipot at makitid na landas, at “hindi na nagsisama sa kaniya.”
Paano Tayo Mananatiling Tapat?
Paano tayo mananatiling tapat sa Tagapagligtas, sa Kanyang ebanghelyo, at sa mga ordenansa ng Kanyang priesthood? Paano tayo magkakaroon ng pananampalataya at lakas na kailanma’y huwag Siyang iwan?
Sinabi ni Jesus, “Malibang kayo’y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit.”11 Kailangan natin ang mapaniwalaing puso ng isang bata.
Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala, tayo ay nagiging “tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa [atin], maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama.”12 Ito ang malaking pagbabago ng puso.13
Makikita natin kalaunan kung bakit mahalaga ang pagbabago ng puso. Dalawang salita ang nagbibigay-babala sa nagbabantang panganib: ang mga salita ay naghinanakit at nahiya.
Piliing Huwag Maghinanakit
Sa mga taong nababagabag ng kabanalan ng Tagapagligtas, itinanong ni Jesus, “Ito baga’y nakapagpapatisod sa inyo?”14 Sa talinghaga ng maghahasik, nagbabala si Jesus, “Siya … [ay] sangdaling tumatagal: [subalit] pagdating ng kapighatian o pag-uusig dahil sa salita, ay pagdaka’y natitisod siya.”15
Maraming uri ng paghihinanakit at patuloy tayong nalalantad sa mga ito. Binibigo tayo ng mga taong pinaniniwalaan natin. May mga problemang bigla na lamang dumarating. Ang ating buhay ay hindi nagiging tulad ng inaasahan natin. Nagkakamali tayo, nakadaramang hindi karapat-dapat, at nag-aalala kung tayo ay mapapatawad. Pinag-iisipan natin ang isang bagay tungkol sa doktrina. Nalaman natin ang isang bagay na sinabi sa pulpito ng Simbahan 150 taon na ang nakararaan na nagpapagulo sa ating isipan. Hindi makatarungan ang pakikitungo sa ating mga anak. Binabale-wala tayo at hindi pinahahalagahan. Maaaring isandaang mga bagay ito, na ang bawat isa ay tunay na nangyari sa atin.16
Sa ating kahinaan, hangad ng kaaway na nakawin ang mga espirituwal na pangako sa atin. Kung hindi tayo mag-iingat, ang ating nasaktang espiritu na katulad sa isang bata ay babalik sa dati nating malamig at madilim na pag-uugali, iniiwan ang mainit at nagpapagaling na liwanag ng Tagapagligtas.
Nang si Parley P. Pratt ay di makatarungang hinusgahan noong 1835, nagdulot ito ng kahihiyan sa kanya at sa kanyang pamilya, kaya’t ipinayo ni Propetang Joseph Smith, “[Parley], … huwag mong pansinin ang mga bagay na iyan … [at] ang Makapangyarihang Diyos ay sasaiyo.”17
Isa pang halimbawa: Noong 1830, nabinyagan si Frederick G. Williams, na isang kilalang doktor. Kaagad niyang ibinahagi ang kanyang mga talento at kasaganaan sa Simbahan. Naging lider siya sa Simbahan. Ibinigay niya ang kanyang ari-arian para sa Kirtland Temple. Noong 1837, dahil sa kahirapan noong panahong iyon, si Frederick G. Williams ay nakagawa ng mabigat na kasalanan. Sinabi ng Panginoon sa isang paghahayag na “dahil sa [kanyang] mga kasalanan ang [kanyang] dating katayuan [sa pamumuno sa Simbahan ay] inalis sa [kanya].”18
Ang magandang aral na natutuhan natin mula kay Frederick G. Williams ay na “anuman ang mga kahinaan niya, buong katatagan siyang [muling] nagpakita ng katapatan sa Panginoon, sa Propeta at … sa Simbahan, samantalang napakadali sanang magkimkim na lamang ng sama-ng-loob.”19 Noong tagsibol ng 1840, humarap siya sa pangkalahatang kumperensya at mapagpakumbabang humingi ng tawad sa kanyang nagawa noon at nagpahayag ng kanyang determinasyong gawin ang kalooban ng Diyos sa hinaharap. Ang kanyang kaso ay iniharap ni Hyrum Smith at siya ay lubusang pinatawad. Pumanaw siyang isang tapat na miyembro ng Simbahan.
Kamakailan ay nakilala ko ang pangulo ng Recife Brazil Temple na ang pangalan ay Fredrick G. Williams. Isinalaysay niya kung paanong ang katatagan ng pagkatao ng kanyang lolo-sa-tuhod ay nagpala sa kanyang pamilya at sa daan-daan nitong inapo.
Piliing Huwag Mahiya
Ang paghihinanakit ay may kasamahan na nakasisira na tinatawag na pagkahiya.
Sa Aklat ni Mormon, nalaman natin ang tungkol sa pangitain ni Lehi tungkol sa punungkahoy ng buhay. Ang pangitain ay nagsasalaysay tungkol sa mabubuting kaluluwa na “[naglalakad] sa abu-abo ng kadiliman, mahigpit na nakakapit sa gabay na bakal,” nakarating at “[kumain] ng bunga ng punungkahoy.”20
Inilarawan ni Nephi ang punungkahoy bilang “pag-ibig ng Diyos,”21 na may mga bunga na “pinuspos [ang] kaluluwa ng labis na kagalakan.”22
Matapos matikman ang bunga, nakakita si Lehi “isang malaki at maluwang na gusali … at puno ito ng tao … matanda at bata, … lalaki at babae; at [ang] kanilang pananamit ay labis na mainam; at sila ay nasa ayos ng panlalait at pagtuturo ng kanilang daliri roon sa … kumakain ng bunga.”23 Ipinaliwanag ng anghel na ang panlalait, panghahamak, ang nakaturong mga daliri na nangungutya ay sagisag ng kapalaluan at karunungan ng sanlibutan.24
Malinaw na ipinahayag ni Nephi, “Hindi namin sila pinansin.”25
Nakakalungkot na may mga pinanghinaan ng loob. Mababasa sa banal na kasulatan, “Matapos na matikman nila ang bunga sila ay nahiya, dahil sa mga yaong humahamak sa kanila; at nangagsilayo sila patungo sa mga ipinagbabawal na landas at nangawala.”26
Bilang mga disipulo ni Cristo, nakahiwalay tayo sa sanlibutan. May mga pagkakataong nababalisa tayo kapag kinukutya tayo at hindi pinahahalagahan ang bagay na sagrado sa atin.27 Nagbabala si Pangulong Monson, “Maliban na malalim ang ugat ng inyong patotoo, mahihirapan kayong labanan ang pambabatikos ng mga taong humahamon sa inyong pananampalataya.”28 Sabi ni Nephi, “[Huwag ninyo] sila[ng] [pansinin].”29 Nanghikayat si Pablo, “Hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng katakutan; … Huwag mo ngang ikahiya ang pagpapatotoo sa ating Panginoon.”30 Kailanma’y hindi natin Siya iniiwan.
Habang sinasamahan ko si Pangulong Dieter F. Uchtdorf sa Eastern Europe noong isang taon, namangha ako sa pananampalataya at tapang ng mga Banal. Isang lider ng priesthood sa Ukraine ang nagkuwento sa amin tungkol sa pagtawag sa kanya sa branch presidency noong tagsibol ng 1994, anim na buwan lamang matapos ang kanyang binyag. Sa katungkulang ito ay mahahayag sa publiko ang kanyang relihiyon at tumulong sa pagrerehistro ng Simbahan sa lungsod ng Dnipropetrovs’k. Walang-katiyakan noon sa Ukraine, at ang hayagang pagpapakita ng pananampalataya kay Cristo at sa ipinanumbalik na ebanghelyo ay maaaring mangahulugan ng paghihirap, kabilang ang posibilidad na matanggal sa kanyang trabaho bilang piloto.
Sinabi sa amin ng lider ng priesthood, “Nagdasal ako nang nagdasal. May patotoo ako, at nakipagtipan ako. Alam ko kung ano ang gustong ipagawa sa akin ng Panginoon.”31 Buong tapang silang kumilos na mag-asawa nang may pananampalataya, at hindi ikinahiya ang ebanghelyo ni Jesucristo.
Siyang Binigyan ng Marami ay Marami ang Hihingin
Tanong ng ilan, “Kailangan ko bang maging kakaiba sa ibang tao?” “Hindi ba ako maaaring maging disipulo ni Cristo kapag hindi ko pinagbubutihan ang aking pag-uugali?” “Hindi ko ba maaaring mahalin si Cristo kapag hindi ko sinusunod ang batas ng kalinisang-puri?” “Hindi ko ba Siya maaaring mahalin at gawin ang anumang nais ko sa araw ng Linggo?” Si Jesus ay nagbigay ng simpleng sagot: “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.”32
May ilang nagtanong, “Hindi ba’t marami pang ibang relihiyon na nagmamahal kay Cristo?” Oo mayroon! Gayunpaman, bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na may patotoo sa Kanyang realidad, hindi lamang mula sa Biblia kundi mula rin sa Aklat ni Mormon; nalalamang naipanumbalik na ang Kanyang priesthood sa mundo; nakagawa ng mga sagradong tipan na susundin Siya at natanggap ang kaloob na Espiritu Santo; natanggap ang endowment sa Kanyang banal na templo, at naging bahagi ng paghahanda para sa Kanyang maluwalhating pagbabalik sa mundo, hindi natin maihahalintulad ang kahihinatnan natin sa mga taong hindi pa nakatanggap sa mga katotohanang ito. “Sa kanya na siyang binigyan ng marami ay marami ang hihingin.”33
Sinabi ng Panginoon, “Ikaw ay maaaring mamili para sa iyong sarili.”34
Ipinapangako ko sa inyo, kapag pinili ninyong huwag maghinanakit o mahiya, madarama ninyo ang Kanyang pagmamahal at pagsang-ayon. Malalaman ninyo na kayo ay nagiging higit na katulad Niya.35
Mauunawaan ba natin ang lahat? Hindi. Isasantabi natin ang ilang mga isyu o tanong na hindi masagot upang maunawaan kalaunan.
Magiging makatarungan ba ang lahat? Hindi. Tatanggapin natin ang ilang bagay na hindi natin maaayos, at patatawarin ang iba kapag nasaktan tayo.
May pagkakataon bang mahihiwalay tayo sa mga yaong nakapaligid sa atin? Oo.
Magugulat ba tayo paminsan-minsan kapag nakita nating galit ang ilan sa Simbahan ng Panginoon, at sinisikap nilang wasakin ang nanlalamig na pananampalataya ng mahihina?36 Oo. Ngunit hindi ito makahahadlang sa pag-unlad o tadhana ng Simbahan, ni mapipigilan nito ang espirituwal na pag-unlad ng bawat isa sa atin bilang mga disipulo ng Panginoong Jesucristo.
Kailanma’y Huwag Siyang Iwan
Gusto ko ang mga salitang ito mula sa isang paboritong himno:
Ang kaluluwang kay Jesus nagtiwala
Kahit kailanman ay ‘di ko itatatwa;
Pilitin mang s’ya’y yanigin ng kadiliman,
Hinding-hindi magagawa, hinding hindi magagawa,
‘Di magagawang talikuran kailanman!37
Ang pagiging ganap ay hindi nangyayari sa buhay na ito, ngunit nananampalataya tayo sa Panginoong Jesucristo at tinutupad ang ating mga tipan. Ipinangako ni Pangulong Monson na, “Ang inyong patotoo, kapag inilagaan palagi, ang magliligtas sa inyo.”38 Pinalalalim natin ang ating espirituwalidad, nagpapakabusog araw-araw sa mga salita ni Cristo na nasa mga banal na kasulatan. Nagtitiwala tayo sa mga salita ng mga buhay na propeta, na inilagay sa ating unahan upang ipakita sa ating ang daan. Nananalangin tayo palagi, at nakikinig sa banayad na tinig ng Espiritu Santo na pumapatnubay sa atin at nangungusap ng kapayapaan sa ating kaluluwa. Anumang hamon ang dumating, kailanma’y huwag natin Siyang iwan.
Itinanong ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol, “Ibig baga ninyong magsialis din naman?”39
Sumagot si Pedro:
“Panginoon, kanino kami magsisiparoon? Ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan.
“… Kami’y nagsisisamplataya at nakikilala namin na ikaw ang [Cristo], ang [Anak ng buhay na Dios].”40
Iyan rin ang aking patotoo. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.