2010–2019
Manatili sa Landas
Oktubre 2010


Manatili sa Landas

Sa pagkapit natin sa ating mga anak at pagsunod sa Tagapagligtas, lahat tayo ay makakabalik sa ating makalangit na tahanan at magiging ligtas sa mga bisig ng ating Ama sa Langit.

Nasaksihan ko kamakailan ang pagsilang ng munting si Kate Elizabeth. Matapos siyang iluwal sa mundo at makarga ng kanyang ina, inabot at hinawakan ni Kate ang daliri ng kanyang ina. Parang sinasabi ng munting si Kate na, “Kung kakapit ako, mapapanatili ba ninyo ako sa landas pabalik sa aking Ama sa Langit?”

Sa edad na pito, nagkasakit ng tipus si Joseph Smith, at naimpeksyon ang kanyang binti. Pinangunahan noon ni Dr. Nathan Smith ang isang pamamaraan para maisalba ang naimpeksyong binti. Walang iniksyong pampatulog, kakailanganing putulin ni Dr. Smith ang binti ni Joseph at talagang alisin ang mga bahagi ng buto na naimpeksyon. Tumanggi si Joseph na uminom ng alak para matiis ang sakit at hindi siya pumayag na itali kundi sinabing, “Pauupuin ko ang tatay ko sa kama at yayakapin niya ako at pagkatapos ay gagawin ko kung anuman ang kailangan.”1

Sa lahat ng bata sa buong mundo, sinasabi namin: “Humawak ka nang mahigpit sa kamay ko. Magkasama tayong mananatili sa landas pabalik sa ating Ama.”

Mga magulang, lolo’t lola, kapitbahay, kaibigan, Primary leader—bawat isa sa atin ay makakatulong sa paghawak sa mga bata. Huminto tayo, lumuhod, at tumitig sa kanilang mga mata at damhin natin ang likas na hangarin nilang sundan ang Tagapagligtas. Hawakan ang kanilang mga kamay. Samahan silang lumakad. Ito ang pagkakataon nating mapanatili sila sa landas ng pananampalataya.

Walang batang kailangang lakaring mag-isa ang landas basta’t malaya nating itinuturo sa ating mga anak ang plano ng kaligtasan. Ang pag-unawa sa plano ay makakatulong sa kanila na manangan sa mga katotohanan na sila ay mga anak ng Diyos at may plano Siya para sa kanila, na sila ay nabuhay sa piling Niya bago sila isinilang, na sila ay naghiyawan sa galak na pumarito sa mundo, at na sa tulong ng Tagapagligtas, lahat tayo ay makakabalik sa presensya ng ating Ama sa Langit. Kung nauunawaan nila ang plano at kung sino sila, hindi sila matatakot.

Sa Alma 24 mababasa natin, “Minamahal niya ang ating mga kaluluwa [at] minamahal niya ang ating mga anak; anupa’t, … ang plano ng kaligtasan ay maipaalam sa atin maging sa mga susunod na salinlahi.”2

Sinisimulan nating ipaalam ang plano sa ating mga anak kapag tayo mismo ay kumakapit sa gabay na bakal.

Kung mahigpit tayong nakakapit sa gabay na bakal, nasa lugar tayo para hawakan ang kanilang mga kamay at lumakad sa makipot at makitid na landas nang magkasama. Nakikita nila ang ating halimbawa. Susundan nila ang ating halimbawa kapag napanatag sila sa ating mga ginagawa. Hindi natin kailangang maging perpekto—maging tapat at totoo lamang tayo. Gusto ng mga bata na makaisa natin sila. Kapag sinabi ng isang magulang, “Magagawa natin ito! Mababasa natin ang mga banal na kasulatan araw-araw bilang pamilya,” susunod ang mga bata!

Sumulat ang isang pamilyang may apat na maliliit na anak, “Nagpasiya kaming magsimula sa maliit dahil madaling mainip ang aming mga anak. Ang panganay namin ay hindi pa marunong magbasa, ngunit nagagaya na niya ang aming sinasabi, kaya sinimulan naming basahin ang Aklat ni Mormon, tatlong talata lamang bawat gabi. Magbabasa kaming mag-asawa ng tig-isang talata, at uulitin naman ni Sydney ang isang talata. Naging apat na talata ito hanggang sa maging limang talata habang natututo ang mga bata na ulitin ang sarili nilang mga talata. Totoo, napakahirap nga, pero nagpatuloy kami. Sinikap naming magtuon sa palagian sa halip na sa mabilisang pagbabasa. Inabot ng tatlo’t kalahating taon bago namin natapos ang Aklat ni Mormon. Napakasarap ng pakiramdam nang matapos kami!”

Patuloy pa ng nanay, “Ugali na ng aming pamilya ngayon na magbasa ng mga banal na kasulatan araw-araw. Sanay na ang aming mga anak sa pananalita ng banal na kasulatan, at sinasamantala naming mag-asawa ang pagkakataong magpatotoo sa mga katotohanan. Ang pinakamahalaga, nag-ibayo ang presensya ng Espiritu sa aming tahanan.”

Natutuhan ba ninyo ang natutuhan ko sa karanasan ng pamilyang ito? Kapag layon nating kumapit nang mahigpit sa salita ng Diyos, ang pagbabasa natin ng mga banal na kasulatan ay maaaring isang talata lamang sa bawat pagkakataon. Hinding-hindi pa huli ang lahat para magsimula. Makapagsisimula kayo ngayon.

Tuturuan ng mundo ang ating mga anak kung hindi natin sila tuturuan, at kayang matutunan ng mga bata ang lahat ng ituturo sa kanila ng mundo sa murang edad. Anuman ang nais nating malaman nila limang taon mula ngayon ay kailangang maging bahagi ng pakikipag-usap natin sa kanila ngayon. Turuan sila sa lahat ng sitwasyon; hayaang maglaan ng pagkakataon ang bawat problema, bawat resulta, bawat pagsubok na makaharap nila na maturuan silang kumapit sa mga katotohanan ng ebanghelyo.

Hindi inasahan ni Shannon, isang bata pang ina, na ituturo niya sa kanyang mga anak ang kapangyarihan ng panalangin nang sumakay na sila sa van pauwi sa bahay nila na 40 minuto lang ang layo. Wala pang bagyo nang lisanin nila ang bahay ng lola nila, ngunit nang naglalakbay na sila sa tabi ng bangin, naging bagyo ang mahinang pag-ulan ng niyebe. Nagsimulang dumulas ang van sa daan. Halos wala na silang makita sa paligid kundi niyebe. Naramdaman ng dalawang pinakabatang mga anak ang hirap ng sitwasyon at nagsimula silang umiyak. Sabi ni Shannon sa dalawang nakatatandang mga anak na sina Heidi at Thomas, edad 8 at 6, “Kailangan ninyong magdasal. Kailangan natin ang tulong ng Ama sa Langit para ligtas tayong makauwi. Ipagdasal ninyo na hindi tayo magtagal dito at hindi tayo madulas sa daan.” Nanginig ang kanyang mga kamay habang minamaniobra ang sasakyan, ngunit naririnig niya ang paulit-ulit na bulong ng maiikling panalangin mula sa likuran. “Ama sa Langit, tulungan po Ninyo kaming makauwi nang ligtas; tulungan po Ninyo kami para hindi kami madulas sa daan.”

Maya-maya’y napakalma ng mga panalangin ang dalawang batang musmos, at tumigil sila sa pag-iyak nang malaman na may harang sa daan kaya hindi sila makakalusot. Maingat silang umikot pabalik at nagpalipas ng gabi sa isang motel. Pagpasok sa motel, lumuhod sila at nagpasalamat sa Ama sa Langit na sila ay ligtas. Nang gabing iyon itinuro ng isang ina sa kanyang mga anak ang kapangyarihan ng taimtim na pagdarasal.

Anong mga pagsubok ang kakaharapin ng ating mga anak? Tulad ni Joseph Smith, magkakaroon ng lakas ng loob ang ating mga anak na “gawin kung anuman ang kailangan.” Kapag sadya natin silang yayakapin at tuturuan ng plano ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagdarasal at ng mga banal na kasulatan, malalaman nila kung saan sila nagmula, bakit sila narito, at saan sila tutungo.

Noong nakaraang tagsibol, dumalo kaming mag-asawa sa larong soccer ng apat-na-taong-gulang naming apo. Mararamdaman mo ang sigla sa laruan habang nagtatakbuhan ang mga manlalaro sa lahat ng direksyon sa paghabol sa bola. Nang tumunog ang huling pito, hindi alam ng mga manlalaro kung sino ang nanalo o natalo. Basta naglaro lang sila. Sinabihan ng mga coach ang mga manlalaro na magkamayan sila ng kalabang team. Pagkatapos ay nasaksihan ko ang isang kakaibang pangyayari. Tumawag ang coach ng isang victory tunnel. Lahat ng magulang, lolo’t lola, at sinumang nanood ng laro ay tumayo at gumawa ng dalawang magkaharap na pila, at sa pamamagitan ng pagtaas ng kanilang mga kamay, gumawa sila ng arko. Nagtilian ang mga bata habang tumatakbo sa gitna ng nagbubunying mga tao papunta sa arkong binuo ng mga manonood. Hindi nagtagal at sumali na rin sa kasayahan ang mga bata ng kalabang team at lahat ng manlalaro—ang mga panalo at ang mga talo—ay patuloy na ipinagbunyi ng mga tao habang pumapasok sila sa victory tunnel.

Sa aking isipan, may nakita akong isa pang tagpo. Sa wari ko ay nakakita ako ng mga batang ipinamumuhay ang plano, ang planong nilikha ng Ama sa Langit para sa bawat bata. Tumatakbo sila sa makipot at makitid na landas sa ilalim ng mga bisig ng mga manonood na nagmamahal sa kanila, na bawat isa ay nagagalak na makatahak sa landas.

Sabi ni Jacob, “O kaydakila ng plano ng ating Diyos!”3 “Namuno [ang Tagapagligtas] at landas ay ‘tinuro.”4 Pinatototohanan ko na sa pagkapit natin sa ating mga anak at pagsunod sa Tagapagligtas, lahat tayo ay makakabalik sa ating makalangit na tahanan at magiging ligtas sa mga bisig ng ating Ama sa Langit. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

  1. Tingnan sa Lucy Mack Smith, History of Joseph Smith by His Mother, inedit ni Preston Nibley (1958), 56–57.

  2. Alma 24:14.

  3. 2 Nephi 9:13.

  4. “Dakilang Karunungan at Pagibig,” Mga Himno, blg. 116.