Ano ang Nagawa Mo sa Aking Pangalan?
Balang-araw bawat isa sa atin ay isusulit sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo kung ano ang nagawa natin sa Kanyang pangalan.
Noong bata pa si Pangulong George Albert Smith, nagpakita sa kanya ang kanyang yumaong lolo na si George A. Smith sa panaginip at nagtanong, “Gusto kong malaman kung ano ang nagawa mo sa aking pangalan.” Sumagot si Pangulong Smith, “Wala po akong nagawang anuman sa inyong pangalan na kailangan ninyong ikahiya.”1
Bawat linggo sa pakikibahagi natin ng sacrament, nakikipagtipan at nangangako tayo na pumapayag tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Cristo, lagi Siyang alalahanin, at susundin ang Kanyang mga kautusan. Kung handa tayong gawin ito, pinangakuan tayo ng napakagandang pagpapalang iyon—na ang Kanyang Espiritu ay mapapasaatin tuwina.2
Tulad ng kinailangang isulit ni Pangulong George Albert Smith sa kanyang lolo kung ano ang nagawa niya sa pangalan nito, balang-araw bawat isa sa atin ay isusulit sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo kung ano ang nagawa natin sa Kanyang pangalan.
Ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mabuting pangalan ay binanggit sa Mga Kawikaan, kung saan mababasa natin, “Ang mabuting pangalan ay maiging piliin, kay sa malaking kayamanan, at ang magandang kalooban, kay sa pilak at ginto”3 at “Ang [pangalan ng matwid] ay pinagpapala!”4
Habang pinagbubulayan ko ang mga banal na kasulatang ito at ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mabuting pangalan, maraming alaalang pumasok sa isipan ko tungkol sa mabuting pangalan at pamanang iniwan ng aking mga magulang sa apat kong kapatid na lalaki, dalawang kapatid na babae at sa akin. Hindi mayaman ang mga magulang ko, ni wala silang pilak o ginto. Nakatira kaming siyam sa isang bahay na may dalawang kuwarto at isang banyo at may balkon sa likod, kung saan natutulog ang mga kapatid kong babae. Nang pumanaw ang mga magulang ko, nagtipun-tipon kaming magkakapatid para paghatian ang kanilang mga ari-arian, na kakaunti lamang. Naiwan ng nanay ko ang ilang maayos na bestida, ilang lumang kasangkapan, at ilan pang personal na gamit. Naiwan ng tatay ko ang ilang kagamitang pang-karpintero, ilang lumang ripleng pangaso, at kaunting iba pa. Ang tanging mga bagay na may katumbas na pera ay ang isang simpleng bahay at kaunting ipon sa bangko.
Sama-sama kaming nag-iyakan, nagpasalamat, batid na may iniwan sila sa amin na mas mahalaga kaysa pilak o ginto. Ibinigay nila sa amin ang kanilang pagmamahal at panahon. Madalas silang magpatotoo tungkol sa katotohanan ng ebanghelyo, na nababasa namin ngayon sa kanilang mahahalagang journal. Hindi gaano sa salita kundi higit sa kanilang halimbawa, tinuruan nila kaming magsipag, maging tapat, at magbayad ng buong ikapu. Dahil sa kanila higit naming hinangad na makapag-aral, makapagmisyon, at ang pinakamahalaga, makatagpo ng walang hanggang kabiyak, makasal sa templo, at magtiis hanggang sa wakas. Tunay ngang ipinamana nila sa amin ang mabuting pangalan, na pasasalamatan namin magpakailanman.
Nang ang pinakamamahal na propetang si Helaman at ang kanyang asawa ay mabiyayaan ng dalawang anak na lalaki, pinangalanan nila ang mga ito ng Lehi at Nephi. Sinabi ni Helaman sa kanyang mga anak kung bakit isinunod ang pangalan nila sa dalawa nilang ninunong nabuhay sa mundo halos 600 taon na ang nakalipas bago sila isinilang. Wika niya:
“Masdan, mga anak [kong] lalaki, … ibinigay ko sa inyo ang mga pangalan ng ating mga naunang magulang [sina Lehi at Nephi] … ; at ginawa ko ito nang sa gayon kapag naalaala ninyo ang inyong mga pangalan … ay maalaala ninyo ang kanilang mga gawa; at kapag naalaala ninyo ang kanilang mga gawa ay malaman ninyo kung paanong nasabi, at nasulat din, na sila’y mabubuti.
“Samakatwid, mga anak ko, nais kong gawin ninyo ang yaong mabuti, upang masabi sa inyo, at masulat din, maging tulad ng nasabi at nasulat tungkol sa kanila.”
“… Upang makamit ninyo ang yaong mahalagang kaloob na buhay na walang hanggan.”5
Mga kapatid, sa loob ng 600 taon, paano maaalaala ang ating mga pangalan?
Patungkol sa kung paano natin tataglayin sa ating sarili ang pangalan ni Cristo, at pangangalagaan ang ating mabuting pangalan, itinuro ni Moroni:
“At muli, pinapayuhan ko kayo na kayo ay lumapit kay Cristo, at manangan sa bawat mabuting kaloob, at huwag humipo ng masamang kaloob ni ng maruming bagay. …
“Oo, lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, at pagkaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan.”6
Sa inspiradong polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan, mababasa natin na ang kalayaang pumili ay isang kaloob ng Diyos na walang hanggang alituntunin na may kaakibat na mga responsibilidad para sa mga pinili natin. “Habang malaya [tayong] pumili para sa [ating] sarili, wala [tayong] layang piliin ang mga resulta ng [ating] mga kilos. Kapag pumipili [tayo], tatanggapin [natin] ang mga resulta ng pagpiling iyon.”7
Matapos kaming ikasal ng mahal kong si Devonna, ibinahagi niya sa akin ang isang kuwento kung paano niya natutuhan sa kanyang kabataan ang mahalagang doktrinang ito na malaya tayong pumili ngunit wala tayong layang piliin ang mga resulta ng ating mga kilos. Sa tulong ng anak kong si Shelly, gusto kong ikuwento ang karanasan ni Sister Arnold:
“Noong ako’y 15 taong gulang, madalas kong madama na napakarami namang patakaran at utos. Hindi ko tiyak na masisiyahan sa buhay ang isang normal at masayahing tinedyer dahil napakaraming bawal. Bukod pa riyan, ang maraming oras na pagtatrabaho sa rantso ng tatay ko ay lubhang naglilimita sa oras ko sa mga kaibigan ko.
“Lalo na sa tag-init na ito, isa sa mga trabaho ko ang tiyakin na ang mga bakang nanginginain sa pastulan sa bundok ay hindi makalabas ng bakod at makapunta sa taniman ng trigo. Maaaring lumobo ang tiyan ng bakang nanginginain sa taniman ng trigo, at mahihirapan itong huminga at mamamatay. May isang bakang palaging pilit na isinisiksik ang kanyang ulo sa bakod. Isang umaga, habang nakakabayo sa palibot ng bakod at sinusuri ang mga baka, natuklasan ko na nakalabas ng bakod ang baka at nagpunta sa taniman ng trigo. Sa aking panlulumo, nalaman ko na matagal-tagal na siyang nanginginain ng trigo dahil lumaki na ang tiyan nito na parang lobo. Naisip ko, ‘Hangal itong baka ito! Naroon ang bakod para protektahan ka, pero sinira mo ito at lumabas ka at kumain ng maraming trigo kaya nanganganib ngayon ang buhay mo.’
“Nagtatakbo ako pabalik sa bahay sa bukid para tawagin ang tatay ko. Gayunman, pagbalik namin, nakita kong at nakahandusay at patay na ang baka. Nalungkot ako sa pagkamatay ng bakang iyon. Inilagay namin siya sa magandang pastulan sa bundok at binakuran ito upang mailayo siya sa mapanganib na pagkain ng trigo, subalit buong kahangalan siyang lumabas ng bakod na nagsanhi ng kanyang pagkamatay.
“Habang pinag-iisipan ko ang papel na ginagampanan ng bakod, natanto ko na ito ay proteksyon, tulad ng mga kautusan at patakaran ng aking mga magulang. Ang mga kautusan at patakaran ay para sa sarili kong kabutihan. Natanto ko na ang pagsunod sa mga utos ay magliligtas sa akin sa pisikal at espirituwal na kamatayan. Ang pagkaunawang iyon ay napakahalagang sandali sa aking buhay.”
Natutuhan ni Sister Arnold na ang ating mabait, matalino, at mapagmahal na Ama sa Langit ay nagbigay sa atin ng mga kautusan hindi para higpitan tayo, tulad ng nais ng kaaway na paniwalaan natin kundi para pagpalain ang ating buhay at pangalagaan ang mabuti nating pangalan at pamana para sa ating darating na mga henerasyon—tulad ng ginawa nito kina Lehi at Nephi. Tulad ng bakang tumanggap ng mga resulta ng kanyang pagpili, dapat matutuhan ng bawat isa sa atin na ang pagsuway sa mga kautusan ay hindi kailanman matalinong pagpili—hindi kailanman—sapagkat ang “kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan.”8 Tatanggapin ng bawat isa sa atin ang mga bunga ng ating pagpili pagkamatay natin. Malinaw ang mga utos, ang mga ito ay pangangalaga—hindi paghihigpit—at hindi mabilang ang magagandang pagpapalang dulot ng pagsunod!
Alam ng ating Ama sa Langit na lahat tayo ay magkakamali. Lubos akong nagpapasalamat sa Pagbabayad-sala, na nagtutulot sa bawat isa sa atin na magsisi, gawin ang nararapat na pag-aakma upang makaisa nating muli ang ating Tagapagligtas, at madama ang tamis na kapayapaan na mapatawad.
Inaanyayahan tayo araw-araw ng ating Tagapagligtas na linisin ang ating pangalan at bumalik sa Kanyang kinaroroonan. Ang Kanyang panghihikayat ay puno ng pagmamahal at kabaitan. Ilarawan natin sa ating isipan ang yakap ng Tagapagligtas habang binabasa ko ang Kanyang mga salita: “Hindi pa ba kayo ngayon magbabalik sa akin, at magsisisi sa inyong mga kasalanan, at magbalik-loob, upang mapagaling ko kayo?”9
Ngayon gusto ko ring gawing hamon sa bawat isa sa inyo ang hamon sa akin ng aking mga magulang, na maaalaala magpakailanman dahil sa kanilang mabuting pangalan. Bago kayo kumilos, isiping nakatayo ang Tagapagligtas sa tabi ninyo at itanong ninyo sa sarili, “Iisipin ko ba ito, sasabihin ko ba ito, o gagawin ko ba ito, batid na nariyan Siya?” Sapagkat tiyak na nariyan Siya. Madalas banggitin ng ating pinakamamahal na Pangulong Thomas S. Monson, na pinatototohanan ko na isang propeta, ang sumusunod na talata ng banal na kasulatan patungkol sa ating Panginoon at Tagapagligtas: “Sapagkat ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso.”10
Sa maluwalhating araw na iyon kapag humarap tayo sa ating pinakamamahal na Tagapagligtas upang mag-ulat kung ano ang nagawa natin sa Kanyang pangalan, nawa’y masabi natin na: “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya.”11 “Iginalang ko ang Inyong pangalan.” Pinatototohanan ko na si Jesus ang Cristo. Tunay na Siya ay namatay upang tayo ay mabuhay. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.