Maging Uliran ng mga Nagsisisampalataya
Mga full-time missionary man o mga miyembro, tayong lahat ay dapat maging mabuting halimbawa ng mga nagsisisampalataya kay Jesucristo.
Mahal kong mga kapatid, sa gabing ito ay natitipon tayo sa maraming lugar sa iba’t ibang panig ng mundo. Kasama natin ang mababait na full-time missionary. Inaanyayahan kong magsitayo ang lahat ng full-time missionary. Saanman kayo naroon, mga elder at mission presidency, tumayo po lamang. Nagpapasalamat kami sa bawat isa sa inyo! Salamat po! Mahal namin kayo! Magsiupo na po kayo.
Paminsan-minsan kailangan nating ipaalala sa ating sarili kung bakit tayo may mga misyonero. Iyon ay dahil sa utos ng Panginoon, na nagsabi:
“Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo:
“Ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at, narito, ako’y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan.”1
Ang utos na ito ay isa sa maraming napanibago dahil naipanumbalik na ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Naglilingkod ngayon ang mga misyonero tulad ng ginawa nila noong panahon ng Bagong Tipan. Inilarawan sa aklat ng Mga Gawa ang mga pagsisikap sa misyon ng mga Apostol at iba pang mga disipulo noon kasunod ng mortal na ministeryo ng Panginoon. Doon ay mababasa natin ang pambihirang pagbabago at binyag ni Saulo ng Tarso,2 na dati-rati’y “sumisilakbo pa ng mga pagbabanta at pagpatay laban sa mga alagad ng Panginoon”3 at inuusig ang mga miyembro ng bagong tatag na simbahan. Mula sa gayong pagsisimula, si Saulo ay naging ang nagbalik-loob na si Pablo, isa sa pinakamagagaling na misyonero ng Panginoon. Nakaulat sa huling 15 kabanata ng aklat ng Mga Gawa ang pagmimisyon ni Pablo at ng kanyang mga kasama.
Sa liham sa isa sa lubos niyang pinagkakatiwalaang mga kasama, sumulat si Pablo sa binatang si Timoteo, “Huwag hamakin ng sinoman ang iyong kabataan; kundi ikaw ay maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.”4 Ang payong iyan ay may bisa sa atin ngayon katulad noon. Angkop ito sa ating mga full-time missionary; angkop din ito sa bawat miyembro ng Simbahan. Mga full-time missionary man o mga miyembro, tayong lahat ay dapat maging mabuting halimbawa ng mga nagsisisampalataya kay Jesucristo.
Mga Full-Time Missionary
Ang mga full-time missionary, mga 52,000 at mahigit pa, ay naglilingkod sa 340 misyon sa buong mundo. Sila ay mga nagsisisampalataya at matatapat na lingkod ng Panginoon. Ang layunin nila ay “imbitahan ang iba na lumapit kay Cristo sa pagtulong sa kanila na matanggap ang ibinalik na ebanghelyo sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagsisisi, binyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas.”5
Gaya ni Timoteo, karamihan sa mga full-time missionary ay binata. May ilang kadalagahan; ang ilan ay mga senior missionary. Mahal namin ang bawat isa! Naglilingkod ang mga misyonero upang pagandahin pa ang buhay ng mga anak ng Diyos. Mahal ng Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang anak. Tutal naman, Siya ang kanilang Ama. Nais Niya silang biyayaan ng Kanyang pinakadakilang kaloob, yaong buhay na walang hanggan.6 Iyon ang itinuturo ng mga misyonero saanman sila maglingkod. Tinutulungan nila ang mga tao na magkaroon ng pananampalataya sa Panginoon, magsisi, mabinyagan, tumanggap ng Espiritu Santo, tumanggap ng mga ordenansa sa templo, at matapat na magtiis hanggang wakas. Ang gawain at kaluwalhatian ng Diyos—na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao,”7— ay sagrado ring gawain at kaluwalhatian ng bawat misyonero.
Kailangan natin ng mas marami pang misyonero—mas karapat-dapat na mga misyonero. Noong Kanyang ministeryo sa lupa, sinabi ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo, “Sa katotohana’y marami ang aanihin, datapuwa’t kakaunti ang mga manggagawa: kaya’t idalangin ninyo sa Panginoon ng aanihin, na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin.”8
Sa sesyon sa umagang ito ng pangkalahatang kumperensya, ang ating minamahal na si Pangulong Thomas S. Monson ay nagsumamo sa bawat binata ng Simbahang ito na maghandang maglingkod bilang misyonero. Sana’y dinggin ang buong mensahe niya sa bawat tahanan sa Simbahan.
Sa matalinong payo ni Pangulong Monson, idinaragdag ko ang aking patotoo. Sa aking pamilya, napuna ko ang mga pagpapalang dumarating sa bawat misyonero. Hanggang sa ngayon, ang bilang ng aming mga anak, apo, at kanilang mga asawa na naglingkod bilang full-time missionary ay 49, at nadaragdagan pa ang bilang na iyan. Sa bawat pagkakataon, nakita ko ang pag-unlad sa karunungan, kahustuhan ng isipan sa paghatol, at pamumukadkad ng pananampalataya ng bawat misyonero. Sila, tulad ng maraming henerasyong nauna sa kanila, ay nasa paglilingkod sa Diyos, “pinaglilingkuran [nila] siya nang buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas.”9 Ang paglilingkod ng misyonero ay nakatulong para hubugin ang kanilang banal na tadhana.
Mga Miyembrong Misyonero
Ang payo ni Pablo na, “Maging uliran ng mga nagsisisampalataya,” ay angkop din sa mga miyembro. Karamihan ay hindi pa naging at maaaring hindi na maging full-time missionary. Ngunit lahat ay miyembrong misyonero. Ang pahayag na iyan ay nagpapaalala sa akin sa ulat tungkol sa isang nakakatawang pangyayari. Sa isang malaking palaruan sa missionary training center, may nakapaskil na isang karatula. Sabi roon, “Mga misyonero lamang!” Nagpaskil ng sarili nilang karatula ang mga taong gusto ring maglaro sa palaruang iyon. Sabi sa karatula nila, “Bawat Miyembro ay Misyonero!”
Bawat miyembro ay maaaring maging uliran ng mga nagsisisampalataya. Mga kapatid, bilang mga alagad ni Jesucristo, bawat isa sa inyo ay maaaring mamuhay ayon sa Kanyang mga turo. Maaari kayong magkaroon ng “dalisay na puso at malinis na mga kamay”; maaaring “ang larawan ng Diyos ay [maukit] sa inyong … mukha.”10 Makikita ng iba ang inyong mabubuting gawa.11 Maaaring magningning ang liwanag ng Panginoon sa inyong mga mata.12 Sa ningning na iyan, makabubuting maghanda kayong matanong. Ipinayo ni Apostol Pedro, “Lagi kayong handa ng pagsagot sa bawa’t tao na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pagasang nasa inyo.”13
Sumagot nang magiliw at masaya. At iangkop ang inyong sagot sa sitwasyon ng taong iyon. Tandaan, siya ay anak din ng Diyos, ang Diyos na iyon na gustung-gustong maging karapat-dapat ang taong iyon para sa buhay na walang hanggan at makabalik sa Kanya balang-araw. Baka kayo mismo ang magbukas ng daan para maligtas siya at maunawaan niya ang doktrina ni Cristo.14
Pagkaraan ng una mong sagot, paghandaan ang susunod na hakbang. Maaari mong yayaing magsimba ang kaibigan mo. Marami sa ating mga kaibigan ang hindi alam na malugod silang tatanggapin sa ating mga simbahan. “Magsiparito kayo, at inyong makikita” ang paanyaya ng Tagapagligtas sa mga nais pang matuto tungkol sa Kanya.15 Ang pag-anyayang sumama siya sa inyo sa isang pulong sa araw ng Linggo, o makibahagi sa isang aktibidad o paglilingkod sa Simbahan ay maaaring pumawi sa mga maling akala at mapanatag ang mga bisita sa piling natin.
Bilang miyembro ng Simbahan, tulungan ang mga hindi ninyo kilala at magiliw silang batiin. Bawat Linggo kamayan ang kahit isang tao lang na hindi ninyo dating kakilala. Bawat araw sa buhay ninyo, sikaping dagdagan ang inyong mga kaibigan.
Maaari ninyong anyayahan ang isang kaibigan na basahin ang Aklat ni Mormon. Ipaliwanag na hindi ito isang nobela o aklat ng kasaysayan. Ito ay isa pang tipan ni Jesucristo. Ang pinakalayunin nito ay “sa ikahihikayat ng mga Judio at Gentil na si Jesus ang Cristo, ang Diyos na Walang Hanggan, nagpapatunay ng kanyang sarili sa lahat ng bansa.”16 May kapangyarihan sa aklat na ito na makaaantig sa mga puso at magpapasigla sa buhay ng mga tapat na naghahanap ng katotohanan. Anyayahan ang inyong kaibigan na mapanalanging basahin ang aklat.
Sinabi ni Propetang Joseph Smith “na ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon, at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat.”17 Ang Aklat ni Mormon ay nagtuturo tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ito ang kasangkapan ng Diyos para tuparin ang pangako Niya noong unang panahon na titipunin ang naikalat na Israel sa mga huling araw na ito.18
Maraming taon na ang nakararaan dalawang kasamahan ko—isang nars at ang asawa niyang doktor—ang nagtanong kung bakit iba ang pamumuhay ko. Sumagot ako, “Kasi alam kong totoo ang Aklat ni Mormon.” Ipinahiram ko sa kanila ang kopya ko ng aklat, at inanyayahan silang basahin ito. Makaraan ang isang linggo ibinalik nila ang aklat ko at magalang na sinabing “maraming salamat.”
Sagot ko, “Ano’ng ibig mong sabihing, maraming salamat? Hindi angkop ang gayong sagot para sa isang taong nakabasa na ng aklat na ito. Hindi mo ito binasa, hindi ba! Kunin mo ulit ito at basahin mo; at saka mo ibalik sa akin ang aklat ko.”
Matapos aminin na binuklat lang nila ang mga pahina nito, tinanggap nila ang imbitasyon ko. Pagbalik nila, lumuluha nilang sinabi, “Nabasa na namin ang Aklat ni Mormon. Alam naming totoo ito! Gusto naming malaman pa ang iba.” Marami pa silang natutuhan, at naging pribilehiyo kong binyagan silang dalawa.
Ang isa pang paraan na maibabahagi ninyo ang ebanghelyo ay anyayahan ang mga kaibigan na makipag-usap sa mga full-time missionary sa inyong tahanan. Ang mga misyonerong iyon ay tinawag at handang magturo ng ebanghelyo. Ang inyong mga kaibigan, sa kapanatagan ng inyong tahanan at sa palagiang pagtiyak ninyo, ay magsisimulang tumahak sa landas tungo sa kaligtasan at kadakilaan. Sabi ng Panginoon, “Kayo ay tinawag upang isakatuparan ang pagtitipon ng aking mga hinirang; sapagkat ang aking mga hinirang ay naririnig ang aking tinig at hindi pinatitigas ang kanilang mga puso.”19
Sinabi sa atin sa banal na kasulatan na “marami pa sa mundo … na napagkakaitan lamang ng katotohanan sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan.”20 Hindi ba pagkakataon na ninyo iyon? Maaari kayong maging kanilang disipulo ng pagtuklas!
Ngayon sa panahong ito ng Internet, may mga bago at nakatutuwang paraan para makagawa kayo ng gawaing misyonero. Maaari ninyong anyayahan ang mga kaibigan at kapitbahay na bisitahin ang bagong Web site na mormon.org. Kung may mga blog at online social network kayo, maili-link ninyo ang inyong mga site sa mormon.org. At makalilikha kayo roon ng sarili ninyong profile. Bawat profile ay may kasamang pagpapahayag ng paniniwala, isang karanasan, at isang patotoo. Dahil bagong tampok lang ito, karamihan sa mga profile na ito ay nasa Ingles. Susunod na ang mga profile sa iba pang mga wika.
Ang mga profile na ito ay maaaring maging malaking impluwensya sa kabutihan. Dalawang buwan na ang nakararaan nakita ng binatang si Zach—isang freshman sa kolehiyo—ang isang anunsyo para sa mormon.org sa telebisyon sa Baton Rouge, Louisiana. Kumonekta siya sa Web site at naakit sa mga profile ng mga miyembro ng Simbahan. Sa Web site natin nakita niya ang link na nagpaalam sa kanya kung saan siya makakasimba. Nang sumunod na Linggo, nakasuot ng puting polo at kurbata, nagsimba siya, ipinakilala sa mga miyembro ng ward, at natuwa sa buong tatlong oras ng mga pulong. Inanyayahan siyang maghapunan sa tahanan ng isang miyembro, na sinundan ng unang pagtuturo sa kanya ng mga misyonero. Wala pang dalawang linggo, nabinyagan na siya at nakumpirmang miyembro ng Simbahan.21 Maligayang bati, Zac! (Nakikinig siya.)
Bawat ulirang alagad ni Jesucristo ay maaaring maging epektibong miyembrong misyonero. Maaaring magtulungan ang mga miyembro at full-time missionary sa paghahatid ng mga pagpapala ng ebanghelyo sa mga mahal na kaibigan at kapitbahay. Marami sa kanila ang kabilang sa Israel, na tinitipon na ngayon tulad ng pangako. Lahat ng ito ay bahagi ng paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.22 Nais Niyang maging tunay na uliran ng mga nagsisisampalataya ang bawat isa sa atin.
Alam ko na ang Diyos ay buhay. Si Jesus ang Cristo. Ito ang Kanyang Simbahan. Ang Aklat ni Mormon ay totoo. Si Joseph Smith ang tagapagsalin nito at ang propeta ng huling dispensasyong ito. Si Pangulong Thomas S. Monson ang propeta ng Diyos ngayon. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.