2010–2019
Pananampalataya—Kayo ang Pumili
Oktubre 2010


Pananampalataya—Kayo ang Pumili

Piliing sumampalataya sa halip na magduda, piliing sumampalataya sa halip na mangamba, piliing sumampalataya sa halip na matakot sa hindi batid o hindi nakikita, at piliing sumampalataya sa halip na mag-isip nang masama.

Nabubuhay tayo sa isa sa mga pinakadakilang dispensasyon ng lahat ng panahon—isang panahong inasam-asam, ipinropesiya, at, naniniwala akong pinanabikan ng mga propeta noon. Gayunman, sa kabila ng lahat ng pagpapalang ipinagkaloob sa atin ng langit, totoong-totoo na laging kumikilos si Satanas, at patuloy tayong tinitira ng nakalilitong mga mensahe. Binalaan ng anghel na si Moroni ang batang Propetang Joseph Smith na kikilalanin ang kanyang pangalan sa kabutihan at kasamaan sa buong mundo (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:33), at kailanman ay hindi pa natupad ang propesiyang iyon nang ganito kalinaw. Nagbuwis ng buhay ang Propeta para sa kanyang patotoo, at patuloy ngayon ang mga pag-atake sa Simbahan at maging sa Tagapagligtas mismo. Ang katotohanan ng Tagapagligtas, ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, at ng pangkalahatang aplikasyon nito sa ating lahat ay hinahamon at kadalasan ay itinuring na alamat o walang-batayang pag-asa ng mahihina at hindi nakapag-aral. Bukod pa rito, patuloy na hinahamon ang katotohanan ng Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw na ito. Ang patuloy na pagdagsa ng gayong mga mensahe ay maaaring magdulot ng pagkalito, pagdududa, at negatibong pag-iisip, at bawat isa ay umaatake sa mga pangunahing katotohanang pinaniniwalaan natin, sa ating pananampalataya sa Diyos, at sa ating pag-asa sa hinaharap.

Ito siguro ang katotohanan ng ating mundo, ngunit maaari pa rin nating piliin kung paano tutugon dito. Kapag hinahamon ang ating sagradong doktrina at mga paniniwala, ito ang pagkakataon upang makilala natin ang Diyos sa paraang pinakapribado at palagay ang ating kalooban. Ito ang pagkakataon nating pumili.

Dahil sa mga kaguluhan at hamong kinakaharap natin sa mundo ngayon, nais kong magmungkahi ng isang pipiliin—pagpili ng kapayapaan at proteksyon at pagpiling angkop para sa lahat. Ang pagpiling iyan ay ang pananampalataya. Dapat ninyong malaman na ang pananampalataya ay hindi libreng kaloob na ibinibigay nang hindi pinag-iisipan, hinahangad, o pinagsisikapan. Hindi ito dumarating na parang hamog mula sa langit. Sinabi ng Tagapagligtas, “Magsiparito sa akin” (Mateo 11:28) at “Magsituktok kayo, at kayo’y [bibigyan]” (Mateo 7:7). Mga salita ito ng pagkilos—magsiparito, magsituktok. Ang mga ito ay pagpili. Kaya’t sinasabi kong, piliing sumampalataya. Piliing sumampalataya sa halip na magduda, piliing sumampalataya sa halip na mangamba, piliing sumampalataya sa halip na matakot sa hindi batid o hindi nakikita, at piliing sumampalataya sa halip na mag-isip nang masama.

Ang klasikong pagtalakay ni Alma tungkol sa pananampalataya, ayon sa nakatala sa ika-32 kabanata ng Alma sa Aklat ni Mormon, ay isang serye ng mga pagpili upang matiyak ang pag-unlad at pag-iingat ng ating pananampalataya. Inutusan tayo ni Alma na pumili. Ang kanya’y mga salita ng pagkilos na sinimulan ng pagpili. Ginamit niya ang mga salitang gumising, pukawin, subukin, gamitin, naisin, pairalin, at itanim. Pagkatapos ay ipinaliwanag ni Alma na kung pipiliin natin ang mga ito at hindi natin itatapon ang binhi sa kawalang-paniniwala, “ito ay magsisimulang lumaki sa loob ng [ating] mga dibdib” (Alma 32:28).

Oo, ang pananampalataya ay isang pagpili, at dapat itong hangarin at palaguin. Sa gayon, pananagutan natin ang ating sariling pananampalataya. Responsable rin tayo sa ating kawalan ng pananampalataya. Kayo ang pumili.

Marami akong hindi alam. Hindi ko alam ang mga detalye ng organisasyon ng mga bagay sa magandang mundong kinaroroonan natin. Hindi ko maunawaan ang kaliit-liitang mga bagay tungkol sa Pagbabayad-sala, kung paano nalilinis ng sakripisyo ng Tagapagligtas ang lahat ng taong nagsisisi, o kung paano napagdusahan ng Tagapagligtas ang “pasakit ng lahat ng tao” (D at T 18:11). Hindi ko alam kung nasaan ang lungsod ng Zarahemla, na binabanggit sa Aklat ni Mormon. Hindi ko alam kung bakit salungat kung minsan ang mga paniniwala ko sa ipinapalagay na kaalamang siyentipiko o sekular. Ito marahil ang mga bagay na inilarawan ng ating Ama sa Langit na “mga hiwaga ng langit” (D at T 107:19) na ihahayag kalaunan.

Ngunit kahit hindi ko alam ang lahat, alam ko ang mahalaga. Alam ko ang mga simpleng katotohanan ng ebanghelyo na umaakay tungo sa kaligtasan at kadakilaan. Alam ko na pinagdusahan nga ng Tagapagligtas ang pasakit ng lahat ng tao at lahat ng nagsisisi ay malilinis mula sa kasalanan. At ang hindi ko alam o di lubos na nauunawaan, sa mabisang tulong ng aking pananampalataya, ay nalalagpasan ko, at natatamasa ko ang mga pangako at pagpapala ng ebanghelyo. Pagkatapos, gaya ng itinuturo ni Alma, ihahatid tayo ng ating pananampalataya sa ganap na kaalaman (tingnan sa Alma 32:34). Sa pagsulong sa hindi batid o di alam, na ang tanging sandata ay pag-asa at pagnanais, ipinapakit natin ang katbiyan ng ating pananampalataya at katatapatan sa Panginoon.

Kaya nga, sa pagsunod sa pormula ni Alma, pumili tayo. Piliin nating sumampalataya.

  • Kung mabigat sa iyong isipan ang pagkalito at kawalang-pag-asa, piliing “gumising at pukawin ang iyong damdamin” Alma 32:27). Ang mapagpakumbabang paglapit sa Panginoon nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu ang landas tungo sa katotohanan at ang daan ng Panginoon tungo sa liwanag, kaalaman, at kapayapaan.

  • Kung ang inyong patotoo ay hindi pa hinog, subok, at sigurado, piliing “[gumamit] ng kahit bahagyang pananampalataya;” piliing “[subukin] ang Kanyang salita” (Alma 32:27). Ipinaliwanag ng Tagapagligtas, “Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito’y sa Dios, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili” (Juan 7:17).

  • Kapag sumalungat ang katwiran, dahilan, o personal na talino sa sagradong mga turo at doktrina, o inatake ng magkakasalungat na mensahe ang inyong mga paniniwala na tila nagniningas na mga suligi ng masama na inilarawan ni Apostol Pablo (tingnan sa Mga Taga Efeso 6:16), piliing huwag itapon ang binhi ng inyong puso sa kawalang-paniniwala. Tandaan, hindi natin matatanggap ang patunay hangga’t hindi natatapos ang pagsubok sa ating pananampalataya (tingnan sa Eter 12:6).

  • Kung subok at hinog na ang inyong pananampalataya, piliing alagaan iyon “nang mabuti” (Alma 32:37). Kahit malakas ang ating pananampalataya, sa lahat ng sari-saring mensaheng umaatake rito, maaari din itong humina. Kailangan nito ng palagiang pangangalaga sa pamamagitan ng patuloy na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, panalangin, at aplikasyon ng Kanyang salita.

Nang tanungin ng mga disipulo si Jesus kung bakit hindi sila makapagpalayas ng diyablo tulad ng nasaksihan nilang ginawa ng Tagapagligtas, sumagot si Jesus, “Kung magkaroon kayo ng pananampalataya na kasinglaki ng butil ng binhi ng mostasa, ay masasabi ninyo sa bundok na ito, Lumipat ka mula rito hanggang doon; at ito’y lilipat” (Mateo 17:20). Hindi pa ako nakasaksi ng paglipat ng totoong bundok. Ngunit, dahil sa pananampalataya nakita kong napalitan ng pag-asa at pag-iisip ng mabuti ang gabundok na pagdududa at kawalang-pag-asa. Dahil sa pananampalataya personal kong nasaksihang napalitan ng pagsisisi at kapatawaran ang gabundok na kasalanan. At dahil sa pananampalataya personal kong nasaksihang napalitan ng kapayapaan, pag-asa, at pasasalamat ang gabundok na pasakit. Oo, nakita kong naalis ang mga bundok.

  • Dahil sa aking pananampalataya nagamit ko na ang kapangyarihan ng priesthood na taglay ko at nakabahagi sa tamis ng ebanghelyo at natanggap ang nakapagliligtas na mga ordenansa.

  • Dahil sa aking pananampalataya nilalagpasan ko ang mga paghihirap sa buhay nang payapa at may katiyakan.

  • Dahil sa aking pananampalataya napalitan ng katiyakan at pang-unawa ang mga tanong at maging ang mga pag-aalinlangan.

  • Dahil sa aking pananampalataya hinarap ko nang buong katiyakan ang hindi ko alam, hindi nakikita, at hindi maipaliwanag.

  • At dahil sa aking pananampalataya—maging sa tila pinakamalungkot na sandali—nauunawaan ko nang may kapayapaan at pasasalamat na sa katunayan ito ang pinakamasayang sandali.

At kapag pinili nating sumampalataya at inalagaan ang pananampalatayang iyon hanggang sa maging ganap na kaalaman ng mga bagay ng Panginoon, saka natin gamitin ang mga salitang “pinatototohanan ko” o “alam ko.” Personal kong naitanim ang binhi sa aking puso, at sa buong buhay ko nasubukan ko nang pangalagaan ang binhing iyon hanggang sa ito ay maging ganap na kaalaman. At ngayon, habang nakatayo ako sa likod ng pulpitong ito, pinatototohanan ko na si Jesus ang Cristo, ang Manunubos ng daigdig. Pinatototohanan ko rin na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos at buhay na kasangkapang ginamit ng Panginoon upang ibalik sa mundo ang buo at tunay na ebanghelyo ni Jesucristo. Pinatototohanan ko na si Pangulong Thomas S. Monson ang propeta ng Panginoon ngayon. Gayundin, ang pagpiling sumampalataya ay inyo, at sa akin. Piliin nating sumampalataya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.