2010–2019
Katatagan ng Kalooban ng Magulang
Oktubre 2010


2:3

Katatagan ng Kalooban ng Magulang

Ang talagang kailangan ng daigdig ay katatagan ng kalooban ng magulang mula sa mga ama at ina na hindi takot magsalita at manindigan.

Gusto kong magsalita ngayon sa mga magulang ng mga tinedyer. Ang matatalino at masisigasig na kabataan ang kinabukasan ng Simbahan, at dahil diyan, sila ang pangunahing target ng kalaban. Marami sa inyong matatapat na mga ama’t ina ay nakikinig sa kumperensya ngayon, nagdarasal at humihingi ng mga kasagutan upang tulungan kayo sa paggabay sa inyong mga anak sa mahahalagang taon na ito ng kanilang buhay. Ang pinakamatatanda kong mga apo ay naging mga tinedyer kamakailan lang, kaya’t malapit sa puso ko ang paksang ito. Walang perpektong mga magulang at hindi madali ang mga sagot, ngunit may mga alituntunin ng katotohanan tayong maaasahan.

Ang tema ng Young Men at Young Women sa Mutual para sa 2010 ay hango sa Aklat ni Josue. Sinasabi rito, “Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang na mabuti; huwag kang matakot” (Josue 1:9). Ang taludtod na ito na mula sa mga banal na kasulatan ay magandang tema rin para sa mga magulang. Sa mga huling araw na ito, ang talagang kailangan ng daigdig ay katatagan ng kalooban ng magulang mula sa mga ama at ina na hindi takot magsalita at manindigan.

Isipin sandali na nakaupo ang inyong anak na babae sa riles ng tren, at narinig ninyo ang pagbusina ng tren. Sasabihan ba ninyo siyang umalis sa riles? O mag-aatubili kayo, mag-aalala na baka isipin niyang masyado ninyo siyang pinoprotektahan? Kung babalewalain niya ang inyong babala, kaagad ba ninyo siyang ililipat sa mas ligtas na lugar? Tiyak na gagawin ninyo iyan! Ang pagmamahal ninyo sa inyong anak ay mangingibabaw sa lahat ng bagay. Mas pahahalagahan ninyo ang kanyang buhay kaysa sa kanyang pansamantalang kapakanan.

Ang mga hamon at tukso ay dumarating sa ating mga tinedyer na kasingbilis at kasinglakas ng isang tren. Gaya ng ipinaaalala sa atin sa Pagpapahayag tungkol sa Mag-anak, responsibilidad ng mga magulang na pangalagaan ang kanilang mga anak.1 Ang ibig sabihin nito ay kapwa sa espirituwal at pisikal.

Sa Aklat ni Mormon, mababasa natin ang tungkol sa pagpapayo ng Nakababatang Alma sa kanyang suwail na anak. Si Corianton ay nakagawa ng ilang mabibigat na pagkakamali habang nasa misyon sa mga Zoramita. Mahal na mahal siya ni Alma kaya’t tuwiran siyang nagsalita tungkol sa problema. Ipinahiwatig niya ang matinding kalungkutan na naging imoral ang kanyang anak, at ipinaliwanag sa anak ang mabigat na ibubunga ng kasalanan.

Nabibigyang-inspirasyon ako sa tuwing binabasa ko ang mga salitang ito mula kay Alma: “At ngayon ang Espiritu ng Panginoon ay nagsalita sa akin: Utusan ang iyong mga anak na gumawa ng mabuti … ; kaya nga, iniuutos ko sa iyo, anak ko, nang may takot sa Diyos, na ikaw ay tumigil sa iyong mga kasamaan” (Alma 39:12). Ang maagap na pagsansala na ito ng kanyang ama ay nagpabago kay Corianton. Siya ay nagsisi at naglingkod nang tapat mula noon (tingnan sa Alma 42:31; 43:1–2).

Ikumpara ang halimbawa ni Alma sa ginawa ng isa pang ama sa mga banal na kasulatan, si Eli sa Lumang Tipan. Si Eli ay naglingkod bilang high priest sa Israel noong panahon ng propetang si Samuel. Ipinaliwanag ng mga banal na kasulatan na kinagalitan siya nang matindi ng Panginoon “sapagka’t ang kaniyang mga anak ay nagdala ng sumpa sa kanilang sarili, at hindi niya sinangsala sila” (1 Samuel 3:13). Hindi nagsisi ang mga anak ni Eli, at ang buong Israel ay nagdusa dahil sa kanilang kahangalan. Itinuturo sa atin ng kuwento tungkol kay Eli na ang mga magulang na nagmamahal sa kanilang mga anak ay hindi dapat matakot sa mga anak nila.

Ilang taon na ang nakalilipas sa pangkalahatang kumperensya, si Elder Joe J. Christensen ay nagpaalala na “ang pagiging magulang ay hindi paligsahan ng katanyagan.”2 Sa gayunding diwa, si Elder Robert D. Hales ay nagpahayag, “Kung minsan ay natatakot tayo sa ating mga anak—natatakot tayong payuhan sila sa takot na masaktan sila.”3

Ilang taon na ang nakalilipas, gusto ng aming 17-taong-gulang na anak na lalaki na maglibot kasama ng kanyang mga kaibigan, na mabubuting bata lahat. Humingi siya ng pahintulot para makasama. Gusto ko sanang pumayag, ngunit sa kung anong dahilan, hindi panatag ang kalooban ko sa pagbiyahe nila. Sinabi ko sa asawa ko ang nadarama ko, na sumuporta naman sa sinabi ko. “Kailangan nating pakinggan ang tinig ng babala,” sabi niya.

Mangyari pa, nalungkot ang aming anak at nagtanong kung bakit ayaw namin siyang payagang sumama. Tapat akong sumagot na hindi ko alam kung bakit. “Basta hindi maganda ang pakiramdam ko tungkol diyan,” paliwanag ko, “at dahil mahal na mahal kita ayokong balewalain ang nadarama ko.” Nagulat ako nang sabihin niya, “Sige po, okey lang, Itay. Nauunawaan ko.”

Mas nakauunawa ang mga kabataan kaysa inaakala natin; dahil sila rin ay may kaloob na Espiritu Santo. Sinisikap nilang kilalanin ang Espiritu kapag nagsasalita Ito, at tinitingnan nila ang ating halimbawa. Mula sa atin, natututo silang magtuon ng pansin sa mga paramdamsa kanila—na kung “hindi maganda ang pakiramdam nila tungkol sa isang bagay,” hindi iyon ang pinakamainam na gawin.

Napakahalaga sa mga mag-asawa na magkaisa sa paggawa ng mga desisyon bilang mga magulang. Kung hindi maganda ang pakiramdam ng isa sa kanila tungkol sa isang bagay, hindi sila dapat pumayag. Kung ang isa sa kanila ay hindi komportable tungkol sa isang pelikula, palabas sa telebisyon, videogame, party, kasuotan, damit na panligo, o gawain sa Internet, magkaroon ng lakas ng loob na suportahan ang isa’t isa at sabihing hindi.

Nais kong ibahagi sa inyo ang isang liham mula sa isang napakalungkot na ina. Unti-unting naligaw ng landas ang kanyang tinedyer na anak na lalaki at lumayo na at hindi na naging aktibo sa Simbahan. Ipinaliwanag niya kung paano ito nangyari: “Sa buong buhay ng anak ko bilang tinedyer, nag-alala ako, at sinikap ko siyang patigilin sa paglalaro ng mararahas na video game. Kinausap ko ang asawa ko, at ipinakita ko sa kanya ang mga artikulo sa Ensign at sa diyaryo na nagbababala tungkol sa mga larong ito. Ngunit inakala ng asawa ko na ayos lang iyon. Sinabi niya na hindi naman gumagamit ng droga ang anak namin, at dapat itigil ko na ang pag-aalala. May mga pagkakataong itinatago ko ang mga controller, at ibibigay naman itong muli ng asawa ko. Naging madali para sa akin ang sumang-ayon na lamang … sa halip na labanan ito. Pakiramdam ko talaga na ang paglalaro ng mga video game ay nakalululong na gaya ng droga. Gagawin ko ang lahat upang hindi na ito danasin ng iba pang mga magulang.”

Mga kapatid, kung hindi maganda ang pakiramdam ng inyong kabiyak tungkol sa isang bagay, igalang ninyo ang damdaming iyon. Kapag ginawa ninyo ang madaling paraan sa hindi pagkibo o paggawa ng hakbang, maaaring umusbong ang nakapipinsalang pag-uugali.

Maiiwasan ng mga magulang ang maraming sakit ng kalooban sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanilang mga anak na ipagpaliban ang seryosong relasyon hanggang sa dumating ang panahon na handa na silang mag-asawa. Ang pagkakaroon ng kasintahan sa murang gulang ay mapanganib. Ang pagiging “magkapareha” ay lumilikha ng pagkakalapit ng kalooban ng isa’t isa, na madalas ay humahantong sa pisikal na intimasiya. Alam ni Satanas na ito ang susunod na mangyayari, at ginagamit niya ito sa kanyang kapakinabangan. Gagawin niya ang lahat upang mahadlangan ang mga kabataang lalaki sa paglilingkod sa misyon, at hadlangan ang mga pagpapakasal sa templo.

Napakahalaga na magkaroon ng lakas ng loob ang mga magulang na magsalita at mamagitan bago pa magtagumpay si Satanas. Itinuro sa atin ni Pangulong Boyd K. Packer na: “kapag sangkot na ang moralidad, mayroon tayong karapatan at obligasyong magbabala.”4

Noon pa man ay naniniwala na akong walang mabuting mangyayari sa kalaliman ng gabi, at kailangang malaman ng mga kabataan kung anong oras sila dapat umuwi sa tahanan.

Napakainam na makitang nananatiling gising ang mga magulang at naghihintay sa pag-uwi ng kanilang mga anak sa tahanan. Ang mga kabataang lalaki at babae ay mas nakagagawa ng mabubuting desisyon o pagpili kapag alam nilang gising ang kanilang mga magulang at naghihintay na marinig ang nangyari sa kanila sa gabing iyon at hahalik sa kanila bago matulog.

Hayaang ipaabot ko ang sarili kong pagbababala tungkol sa nakagawian na sa maraming kultura. Ang tinutukoy ko ay ang mga pakikitulog, o pagpapalipas ng gabi sa bahay ng isang kaibigan. Bilang bishop natuklasan ko na maraming kabataan ang lumabag sa Word of Wisdom o sa batas ng kalinisang-puri sa unang pagkakataon at bahagi ng dahilan nito ay dahil nakitulog sila. Kadalasan, ang unang pagkalantad nila sa pornograpiya, at maging ang unang pagharap nila sa pulis ay nangyari nang magpalipas sila ng gabi sa ibang tahanan.

Mas lumalakas ang hatak ng barkada kapag malayo ang ating mga anak at hindi natin nasusubaybayan, at kapag nanghina ang kanilang mga depensa sa kalaliman ng gabi. Kapag hindi panatag ang loob ninyo tungkol sa magdamag na aktibidad, huwag matakot na tumalima sa tinig ng babala sa inyong kalooban. Maging madasalin sa tuwina kapag tungkol na sa pagpoprotekta sa inyong minamahal na mga anak.

Ang kalakasan ng loob ng magulang ay hindi palaging sa pagsasabi ng hindi. Kailangang may lakas din ng loob ang mga magulang sa pagsasabi ng oo sa payo ng mga propeta sa makabagong panahon. Pinayuhan tayo ng ating mga lider sa Simbahan na magtakda ng mabubuting huwaran sa ating mga tahanan. Isaisip ang limang mahahalagang gawain na may kapangyarihang patatagin ang ating mga kabataan: panalangin ng pamilya, pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya, family home evening, sama-samang pagkain ng pamilya, at regular na sarilinang mga interbyu sa bawat anak.

Kailangan ng lakas ng loob upang matipon ang mga anak kahit ano pa ang kanilang ginagawa at sama-samang lumuhod bilang isang pamilya. Kailangan ng lakas ng loob upang patayin ang telebisyon at kompyuter, at gabayan ang inyong pamilya sa mga pahina ng mga banal na kasulatan sa bawat araw. Kailangan ng lakas ng loob upang tanggihan ang iba pang mga imbitasyon sa gabi ng Lunes, upang mailaan ninyo ang gabing iyon para sa inyong pamilya. Kailangan ng lakas ng loob at katatagan upang maiwasan ang napakaraming gawain, upang magkasama-sama ang inyong pamilya sa hapunan.

Isa sa mga pinakamabisang paraan na maiimpluwensyahan natin ang isang anak ay sa pagbibigay sa kanila ng payo sa sarilinang interbyu. Sa pakikinig na mabuti, matutuklasan natin ang hangarin ng kanilang puso, matutulungan silang magtakda ng mabubuting mithiin, at maibabahagi rin sa kanila ang mga espirituwal na pahiwatig na natanggap natin tungkol sa kanila. Ang pagpapayo ay nangangailangan ng lakas ng loob.

Isipin na lang ninyo ang kahihinatnan ng bagong henerasyon kung palaging nagagawa ang limang matuwid na huwarang ito sa bawat tahanan. Ang ating mga kabataan ay maitutulad sa hukbo ni Helaman: hindi magagapi (tingnan sa Alma 57:25–26).

Ang maging magulang ng mga tinedyer sa mga huling araw ay napakabigat na tungkulin. Sinisikap ni Satanas at ng kanyang mga kampon na ibagsak ang henerasyong ito; inaasahan ng Panginoon ang magigiting na magulang na mangalaga sa mga kabataang ito. Mga magulang, “Magpakalakas at magpakatapang na mabuti; huwag [kayong] matakot” (Josue 1:9). Alam kong naririnig at sasagutin ng Diyos ang inyong mga panalangin. Pinatototohanan ko na sinusuportahan at pinagpapala ng Panginoon ang mga magulang na may tatag ng kalooban. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

  1. Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Okt. 2004, 49.

  2. Joe J. Christensen, “Rearing Children in a Polluted Environment,” Ensign, Nob. 1993, 11.

  3. Robert D. Hales, “Lakip ang Lahat ng Damdamin ng Nagmamahal na Magulang: Isang Mensahe ng Pag-asa para sa mga Pamilya,” Liahona, Mayo 2004, 90.

  4. Boyd K. Packer, “Our Moral Environment,” Ensign, Mayo 1992, 67.